webnovel

Mahal Kita, Severino

Magkaibang pamumuhay Magkaibang pamilyang pinanggalingan. Langit, lupa kung ihahalintulad Pag-iibigang susubukin at pagtitibayin Pag-iibigang iikot sa dalawang panahon. Sa mapait at mapaglarong mundo, ganito ang mararanasan ni Emilia at Severino, dalawang taong magmamahalan ngunit maituturing na sa maling panahon ipinagtagpo. Mapipigilan ba ng panahon ang kanilang pag-iibigan o mas lalo lang nito pagtitibayin ang sinisigaw ng kanilang mga puso? "Naniniwala akong isinusulat ng tadhana ang ating pag-iibigan tulad ng aking paniniwala na tayo'y magkikita at magsasamang muli sa kabilang buhay." -Emilia "Sa panahon na iyon, pareho na nating makakamtan ang inaasam nating walang hanggan na kaligayahan. Ikaw at ako sa panibagong panahon. Ikaw at ako hanggang sa kabilang mundo." -Severino I love you Series 1~ Date started: June 13, 2020

hazel_partosa · 歴史
レビュー数が足りません
41 Chs

Kabanata 23 ✓

"Ikaw ba'y naging masaya sa ating pamamasyal?" tanong ni Agapito nang kami ay huminto sa tapat ng aming bahay.

Ako'y ngumiti at marahang tumango. "Oo naman. Hindi ko akalain na muli kong makikita ang iyong mga magulang. Hindi pa rin sila nagbabago hanggang ngayon." Kung paano ko sila nakilala noon na mabait at hindi mapagmataas, ganoon pa rin sila ngayon. Ako'y nagagalak na itinuturing pa rin nila akong pamilya kahit naputol ang aming ugnayan at nawalan ng balita sa isa't isa.

"Mabuti naman kung ganoon. Sumagi sa aking isip na maaari kang mahiya sa kanila o lumayo man ang iyong kalooban. Mabuti na lamang ay hindi. Bukas na lamang muli, Binibining Emilia, magandang gabi." Sinenyas niya sa akin na ako'y pumasok na sa loob habang nakapamulsa. Itinaas niya ang kanyang kanang kamay bilang paalam hanggang sa tuluyan na itong umalis.

Hindi ko man lang namalayan ang oras, kami pala ay inabot na ng gabi dahil masyado akong nasiyahan sa aming pamamasyal.

Nang ako ay nasa kanilang hacienda, kumain kami at kinamusta ang isa't isa. Nagsalaysay rin ng pangyayari sa aming mga buhay subalit hindi ko nabanggit ang nangyari sa akin nang ako ay nasa bahay-aliwan.

Mabuti na lamang nakaramdam si Agapito at ngumiti sa akin na tila ba sinasabi na huwag akong mag-alala at mahiya. Maaari kong itagong lihim ang pangyayaring iyon sa kanyang mga magulang.

Matapos niyon, kami ay nagtungo sa iba't ibang pasyalan tulad sa malaking dagat ng Maynila na nagsisilbing daungan ng mga barko mula sa mga karatig na bayan at lugar. Kami ay nagpahangin at nanood ng papalubog na araw habang nagkukwentuhan ng mga bagay-bagay tulad na lamang ng aming mga pangarap at plano sa buhay.

Sinubukan din namin na kumain ng mga kakanin na mabibili sa daan na tunay na nakakatakam at masusutansya. Nagtungo pa kami sa isang simbahan at ibang pasyalan hanggang sa tuluyan ng lumitaw ang buwan.

Sa dami ng aming ginawa ngayong araw, nagawa kong kalimutan sandali ang mga masasamang nangyari sa akin nitong mga nagdaang buwan at nagkaroon ng ilang oras para magsaya tulad ng nararanasan ng ibang mga kababaihan. Hindi rin sumagi sa aking isipan si Ginoong Severino kahit isang beses lamang na aking ikinabago. Araw-araw kase siyang nasa aking isipan kaya ako'y labis na nagtataka kung bakit hindi ko siya naisip ngayon. Isa lamang ang ibig sabihin nito, ako ay tuluyan nang makakalimot.

Maraming salamat, Agapito. Tunay mo akong napaligaya ngayong araw.

Pagpasok ko ng silid, bumungad sa akin ang nakangiting mukha ni Delilah na aking ikinahinto at ikinagulat. Napahawak pa ako sa aking dibdib at mariing napapikit sandali.

"Ikaw ba'y may balak na patayin ako sa gulat?" tanong ko, patuloy na pumasok sa loob at umupo sa tapat ng mesa't nakaharap sa maliit na salamin upang tanggalin ang kolorete sa aking mukha. Naramdaman ko na lamang na narito na pala siya sa aking tabi at inilapit pa ang mukha niya sa akin.

"Kayo na ba, Ate Emilia?" Pagdating sa ganitong bagay, mas mabilis pa siya kaysa sa kidlat. Mahilig makiususyo at mas sabik na sabik pa kaysa sa akin.

"Hindi." Sinuklay ko na ang aking buhok at nagpalit ng kasuotan pangtulog. Kahit ano ang aking galaw, ay kanyang sinusundan ng tingin at galaw. "Magsisilpiyo lamang ako."

Hindi niya ako titigilan hangga't hindi niya naririnig ang kanyang inaasahang sagot mula sa akin. Ganoon siya sa tuwing may nais siyang malaman.

"Ate, ano na? Isalaysay mo na sa akin ang buong pangyayari sa inyong pamamasyal? Saan kayo nagtungo? Ano ang inyong ginawa? Saan ka niya dinala? Maganda ba roon? Binigay mo na ba sa kanya ang iyong matamis na o---"

"Hindi ka ba titigil sa pagtatanong?" Iyan ang binungad niya sa akin pagbalik ko sa silid. Sa kanyang palagay, lahat ng iyon ay aking masasagot ng sabay?

"Isalaysay mo sa akin ng buong detalye, Ate, ako'y makikinig. Tiniis ko ang antok para lamang makinig sa iyong kwento kaya huwag mo akong biguin." Hinila niya ako pahiga sa aming higaan habang naghihintay sa akin. Napahinga na lamang ako nang malalim. Ano ba ang aking laban sa kapatid kong ito? Pagdating sa kakulitan, hindi ko siya madaig.

Isinalaysay ko sa kanya ang buong pangyayari, walang labis at walang kulang tulad ng kanyang nais. Habang ako'y nagkukwento, siya ay impit na sumisigaw at ngumingiti dahil sa kilig. Paputol-putol ang aking pagkukwento dahil siya'y magsasalita para lamang manukso kasabay ng pagyugyog sa aking balikat at pagtusok sa aking tagiliran.

Ito ang ayaw ko sa tuwing nagkukwento, siya'y sumisingit at bigla na lamang sumisigaw nang malakas kapag hindi niya napigilan ang kanyang sarili. Ilang taon na ba itong batang ito? Labing-tatlo? Subalit nagmumukha pa siyang mas matanda sa akin kung kiligin.

"Masaya ako para sa iyo, Ate, nakikita ko na siya na ang lalaki para sa iyo!" Malakas siyang napapalakpak habang nakangiti nang sobrang lapad.

"Huwag ka ngang maingay. Nariyan lamang sa katabing silid si Inay Sitang." Pinaikutan ko na lamang siya ng aking mga mata at pumikit. Ngayon ko lang naramdaman ang pagod nang ako'y maging komportable sa aking pagkakahiga.

"Sabihin mo sa akin kung kayo na, ha? Maaari nating ipagdiwang iyan, Ate. Ako'y nasasabik na." Mahinhin siyang humagikhik at umayos ng pagkakahiga.

Mabilis bumigat ang talukap ng aking mga mata. Bago pa ako tuluyang makatulog, narinig kong nagsalitang muli si Delilah.

"Maraming salamat, Ate, binigyan mo ng pagkakataon si Kuya Agapito na patunayan ang kanyang pagmamahal para sa iyo. Nawa'y tuluyan mo ng makalimutan si Ginoong Severino kahit noong una, gusto ko siya para sa iyo."

Sumilay ang ngiti sa aking labi. Nais niya talaga si Agapito para sa akin. Wala rin naman akong nakikitang masama roon. Ako ay kanyang napasaya at napatawa. Malaking bagay na iyon para sa akin at ipinagpapasalamat ko na ng lubusan.

--------------Nobyembre 28, 1895--------------

Araw ng Linggo, kami ay kasalukuyang nagbabalat ng mais ni Imay Sitang rito sa kusina upang ilaga mayamaya lamang nang marinig ko na mayroong tumutugtog mula sa labas. Umagang-umaga mayroong kumakanta?

Pumasok sa kusina si Delilah nang malapad ang ngiti, sumisigaw at hinawakan ang aking kamay. "Ate, hali ka sa labas. Mayroon kang dapat makita!" Hinila niya ako mabilis patungo sa bintana.

Kumunot ang aking noo. "Akala ko ba sa labas?" Hindi na niya ako sinagot pa nang makita ko si Agapito na sa labas ng aming bahay at may dalang gitara habang nakangiti nang matamis at nakatingin sa akin.

"Mas maganda ang tanawin dito kaya narito tayo ngayon sa bintana," rinig kong sambit ni Delilah.

Hindi na ako nag-abala pang tumingin o sagutin siya sa gulat na aking nararamdaman ngayon. Ramdam ko ang malakas na tibok ng aking dibdib habang nakatitig sa kanya.

Mahigit dalawang linggo na pala. Mahigit dalawang linggo na mula nang siya'y sumugal muli sa akin.

Binibini, iyong pakinggan

Bawat salitang binibigkas ng labi

Iyo sanang maramdaman ang pag-ibig

Pintig nito ay tanging sa iyo lamang 🎶

Kay ganda ng kanyang tinig. Hindi ito ang unang beses na narinig ko siyang umawit ngunit ito ang unang beses na siya'y nangharana sa akin.

Ganito pala ang pakiramdam. Halo-halong emosyon ang aking nararamdaman. Apat na linya pa lamang ang kanyang inawit subalit ramdam ko na ang kanyang pag-ibig para sa akin.

Araw-araw ipapadama sa iyo

Hindi mapapagod, hindi susuko

Ikaw lamang ang saya sa bawat araw

Ikaw ang nais laging makita sa tuwina

Araw-araw niya ngang ipinaparamdam sa akin ang kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng paraan na kanyang nalalaman. Ako ay kanyang inaalalayan ng bulaklak, liham at dinadala sa lugar kung saan niya payapa at tunay na maganda.

Ramdam ko ang malinis at mabuting intensyon sa akin. Sa bawat araw na ako'y kanyang pinoprotektahan at inaalalagaan, nasasaksihan ko ang puro niyang pagmamahal.

Ngalan mo lamang ang tanging nais

Handang ipagmalaki sa lahat

Pag-ibig mo ang tanging hinihiling

Binibini, aking binibini

Ikaw nga, binibini

Aking napansin na namumula ang kanyang mga mata kahit patuloy pa rin siyang ngumingiti.

Hindi sasayangin ang pagkakataon

Gagawin ang lahat

Hanggang sa huli, ipaparamdam sa iyo

Pag-ibig kong tunay, aking binibini 🎶

Ginagawa niya ang lahat ng kanyang makakaya upang iparamdam sa akin ang lahat. Kulang na nga lamang maging ang buwan ay kanyang ialay sa dami ng kanyang ginagawa para sa akin mula noon hanggang ngayon.

Ngalan mo lamang ang tanging nais

Handang ipagmalaki sa lahat

Pag-ibig mo ang tanging hinihiling

Binibini, aking binibini

Ikaw nga, binibini 🎶

Ikaw nga, binibini

Tangi kong minamahal

Mula noon hanggang ngayon

Ikaw lamang ang mahal 🎶

Mula noon hanggang ngayon

Ikaw lamang ang mahal 🎶

Sumagi sa aking isipan ang araw na pormal siyang nagtanong sa akin kung maaari ba siyang manligaw.

Kalagitnaan ng hapon habang kami ay nakaupo sa malaking bato sa tabi ng dagat, aking napansin na tila hindi mapakali si Agapito. Siya'y paulit-ulit na humihinga nang malalim, minsa'y napapahawak sa batok at napapatingin sa akin. Hindi rin nakaligtas sa aking paningin ang pamumula ng kanyang mukha.

"Ayos ka lang ba? Maaari naman tayong umuwi kung masama ang iyong pakiramdam," wika ko. Ayos lang naman sa akin kung kami ay lilisan na upang siya'y makapagpahinga ngunit tanging pang-iling lamang ang kanyang itinugon sa akin.

"B-Binibi... a, wala. Pa-Paumanhin."

Ano ba ang nangyayari sa kanya? Mayroon ba siyang nais sabihin sa akin?

"Nakasisiguro ka ba? Handa naman akong makinig kung ano man ang iyong nais sabihin."

"Tama ka. Mayroon nga akong nais sabihin sa iyo." Inayos niya ang kanyang sarili at sa huling pagkakataon, muli siyang huminga nang malalim at nang iangat niya ang kanyang ulo, nakita ko na lamang sa aking harapan ang isang piraso ng pulang bulaklak.

Kumukunot ang aking noo subalit mas pinili ko pa ring manahimik upang marinig ang kanyang paliwanag. Para saan ang bulaklak na ito? Anong mayroon ngayon? Hindi pa naman ngayon ang aking kaarawan ngunit hindi ko maikakailang bumibigat ang aking dibdib. Ako'y kinakabahan. Tulad niya, bumibigat din ang aking bawat paghinga.

"Batid kong hindi ka pa handang muli dahil sa nangyari sa iyo nitong mga nagdaang buwan subalit nais ko sanang magtanong sa iyo kung maaari mo ba akong pahintulutan na manligaw sa iyo?" Siya'y humakbang palapit sa akin ng isang beses. "Nais kong hawakan ang iyong mga kamay ngunit tayo ay nasa mataong lugar. Hindi magandang gawin iyon. Mamaya na lamang kapag tayong dalawa na." Sumilay ang kanyang mapanuksong ngiti.

Ngayon ko lamang nakita ang pagkakaiba nila ni Ginoong Severino sa kabila ng kanilang pagkakatulad. Noong mga panahong sinabi niya sa akin ang kanyang saloobin, wala siyang pagdadalawang-isip at hindi makikitaan ng hiya samantalang siya, kulang na lamang ay maging kamatis ang kanyang mukha at hindi mapalagay.

"Paumanhin kung ikaw man ay aking nabigla. Nais ko lamang malaman mo ang aking nararamdaman subalit huwag kang mag-alala, aking hihintayin ang iyong sagot. Hindi mo kailangang madaliin ang iyong sarili." Ngayon naman siya ay nakangiti nang matamis. Sila'y magkawangis ng kanyang ina sa hugis ng mukha at ang kanyang mga mata ay namana niya sa kanyang ama.

Tanging ngiti na lamang ang aking naitugon. Hindi ko batid ang aking sasabihin. Hindi ko rin alam ang aking isasagot sa kanyang tanong ngayon.

"Hali na, tayo'y umuwi na." Inalalayan niya ako hanggang kami ay makauwi sa bahay.

"Pinapahintulutan na kita, Agapito." Pinag-isipan ko itong mabuti habang kami ay naglalakad pauwi. Sa dinami-dami na kanyang nagawa para sa akin, ang desisyon kong ito ay malaking bagay na para sa kanya. Tulad na rin ng sinasabi ni Delilah at ang nais ko ring mangyari, siya'y aking bigyan ng puwang at pagkakataon sa aking puso.

Siya'y napatigil, napatulala sa akin nang namimilog ang mga mata at nakaawang din ang bibig. "P-Paumanhin?"

Napangiti na lamang ako habang napapailing. Natutuwa ako sa kanyang reaksyon. "Pinapahintulutan na kita, Ginoong Agapito."

"Nakasisiguro ka ba riyan?" Siya'y kumukurap-kurap naman ngayon. "Nais kong pag-isipan mo itong mabuti. Ayaw kong pagsisihan mo ito sa huli, Binibining Emilia."

Ako naman ngayon ang nagtaka sa kanyang tinuran. Hindi ito ang aking inaasahang reaksyon mula sa kanya. Aking naiisip na siya'y ngingiti nang sobrang lapad tulad ng kanyang ginagawa sa akin o hindi kaya'y tatalon siya sa sobrang tuwa.

Bakit ganito? Akala ko ba nais niyag manligaw sa akin? "Ayaw ko lamang magsisi ka sa huli sa iyong magiging desisyon. Hindi mo naman maaaring madaliin ang iyong sar---."

"Sino ba ang may sabi sa iyo na minadali ko ang aking sarili sa nagawa kong desisyon? Pinag-isipan ko ito habang tayo'y naglalakad." Matagal na rin niyang ipinagtapat sa akin ang kanyang pag-ibig. Ano ang kanyang batayan upang kanyang masabi na ako minadali ko ang aking sarili? Hindi ko batid subalit ako ay naiinis sa kanyang inasal. Hindi ito ang aking inaasahan. "Kung hindi mo nais, madali lamang akong kau---."

Naramdaman ko na lamang ang kanyang mga bisig na nakayapos sa aking maliit na katawan na ikinalaki ng aking mga mata. "Binibini, hindi mo batid kung gaano mo ako napapasaya araw-araw." Tumagal ng ilang segundo ang aming posisyon bago siya humiwalay. "Batid kong mali ang aking inasal. Hindi ko lang maitago ang saya na aking nararamdaman." Abot hanggang tainga ang kanyang ngiti.

Ngayon ko lamang naramdaman ang hiya dahil sa aking sinabi. Palihim akong nag-iba ng tingin para hindi makita ang kanyang malapad na ngiti.

Ito ang kauna-unahang beses na mayroong nagtanong sa akin tungkol sa ganitong bagay. Ganito pala ang pakiramdam. Halo-halong emosyon - masaya, pakiramdam ko, ako ay dalagang-dalaga na subalit mas nangingibabaw ang pagkahiya't pagkailang. Ngayon ko naramdaman na ako'y biglang nailang sa kanyang presensya. Tila nais ko na lamang maghukay ng malalim na lupa at ibaon ang aking sarili. Ano ba iyan, Emilia?

"Maghihintay lamang ako rito hanggang sa ikaw ay tuluyan nang makapasok at makapagpahinga. Bukas muli, aking binibini." Kinuha niya ang kanyang sumbrero at initapat sa kanyang dibdib kasabay ng pagyuko sandali. "Maaari naman tayong magkita mamaya sa panaginip ng isa't isa." Ayan na naman siya, muli na namang nanunukso.

Hindi na ako kumibo at tanging ngiti na lamang ang iginawad. Ako'y tatalikod na sana nang aking marinig ang isa pang tinig.

"Hindi ka ba muna kakain ng meryenda rito, Agapito anak?"

Ako'y napatigil at napalunok nang mariin. Nang magtama ang mata naming dalawa ni Agapito, maging siya ay nagulat at kumukurap na naman.

"Huwag na kayong mahiya. Hindi ko naman nasaksihan ang pagyayakapan niyong dalawa." Kasabay niyon ay ang pagtawa ni Inay Sitang hanggang sa humina ang kanyang tinig.

Nang ako'y mapalingon sa bahay, naaninag ko siya na nasa kusina habang mayroong inaasikaso.

"Paumanhin, Binibining Emilia, " mahina ngunit sapat na para sa akin na marinig ko ang kanyang sinambit.

"P-Pasok ka, Magpahinga ka na muna rito at nang ikaw rin ay makapag meryenda." Hindi ko na siya hinintay pang sumagot, agad din akong naglakad patungo sa loob. Akala ko ay walang nakakita sa amin dahil wala ring tao sa aming paligid. Mayroon pala at si Inay Sitang pa. Tunay na nakakahiya!

"Pagpasensyahan mo na ang aking kapatid, Kuya Agapito, siya'y namangha lamang sa galing ng iyong pag-awit."

Naramdaman ko na lamang ang mahinang kirot sa aking tagiliran kaya ako'y napatingin sa aking gilid. Si Delilah ay nakakunot ang noo habang pinapanlakihan ako ng mga mata.

"H-Ha?"

"Kanina pa binabanggit ni Kuya Agapito ang iyong pangalan. Nakatulala ka lamang po." Nang siya'y humarap kay Agapito, bigla siyang ngumiti at ako'y hinila patungo sa pintuan.

Tunay bang nakatulala ako sa kanya? Hindi ko narinig na paulit-ulit niyang binabanggit ang aking pangalan.

"Magandang umaga, Binibining Emilia," nakangiti niyang bati at hinubad muli ang kanyang sumbrero at yumuko tulad ng kanyang ginawa noon.

Napansin ko ang aking repleksyon sa kanyang mga mata. Ako'y humarap sa kanya ng magulo ang buhok? Agad kong hinaplos ang buhok sa gawing taas at sinuklay ang ibaba.

Hindi pa rin ako nasasanay mag-ayos. Naalala ko na naman ang sinambit sa akin ni Delilah noong nakaraang araw. Kailangan ko na raw matutong mag-ayos ngayon lalo na't ngayon ay mayroon na raw akong manliligaw.

Kung narito lamang daw si Georgina,

marahil ngayon ay marunong na ako mag-ayos tulad niya.

"Tuloy ka, anak. Ikaw ba'y kumain na?" tanong ni Inay Sitang habang inaalalayan siyang pumasok.

"Aayusin ko lamang po ang hapag-kainan." Mabilis kong niligpit at nilinis ang mga balat ng mais na nagkalat dito sa kusina at naghain ng kubyertos para sa kanya.

"Paborito mong putahe ang adobo, ano? Tiyak akong ako'y mabubusog nito. Ang sarap mo kayang magluto." Siya na nag-ayos ng kanyang upuan at kumuha ng kanyang pagkain.

Ako nama'y napaupo sa isang upuan na nasa kanyang tapat. Mababakas sa kanyang mukha na siya'y masaya habang kumakain.

Sunod na ring pumasok sina Inay Sitang at Delilah na umupo at kumuha ng kakanin at masayang nagkuwentuhan.

****

"Natutuwa ako sa batang iyon," wika ni Inay Sitang habang nagbuburda ng halaman at ako'y naupo sa salas matapos kong ihatid sa labas ng Intramuros si Agapito. "Ikaw ba ay masaya, Emilia?"

Hindi ko batid kung bakit iyan naitanong ni Inay subalit ngumiti pa rin ako. "Opo. Ako po'y masaya."

"Ako ang nasasabik sa magiging kuwento niyong dalawa. Hanga ako sa iyo. Sa kabila ng sakit na iyong napagdaanan sa pag-ibig, mas pinili mo pa ring magmahal at maging masaya."

"Iyon naman po ang importante, hindi po ba?"

"Oo naman. Sa mundong ito, importante ang kasiyahan ng isang tao. Hanga rin ako sa batang iyon dahil tinutupad niya ang ipinangako niya sa akin."

Kumunot ang aking noo. "Pangako?"

Tumigil sandali sa pagbuburda si Inay Sitang at ngumiti sa akin nang malapad. "Ako ay kanyang kinausap at humingi ng pahintulot kung maaari ka ba niyang ligawan."

"P-Po?" Ano? Umayos ako ng aking pagkakaupo. Tama ba ang aking narinig? Hindi ba iyon guni-guni lamang?

"Tayo ay nasa loob ng Intramuros noon nang siya'y humingi ng pahintulot sa akin. Tahimik lamang akong naglilinis sa labas ng kanilang dormitoryo nang siya'y lumapit sa akin at sinabi sa akin ang kanyang balak. Sino ba naman ako para tumanggi, hindi ba?"

Nanatili akong tahimik at napatingin sa ibaba. Hindi ko batid ang tungkol dito. Wala siyang sinabi sa akin na siya'y nagpaalam.

"Batid kong wala kang nalalaman patungkol doon. Hindi ko rin naman pumasok sa aking isipan na hihingin niya ang aking pahintulot gayong hindi naman ako ang iyong tunay na ina subalit para sa kanya, ako na ang tumayong ina sa inyo ni Delilah mula nang kayo'y mapunta sa aking pangangalaga."

Nanatili lamang akong tahimik at napatingin sa ibaba. Hindi ko batid ang aking sasabihin.

"Siya'y nangako sa akin na araw-araw niyang ipaparamdam sa iyo ang kanyang pag-ibig na hindi ko naman tinutulan. Para sa isang ginoo na tulad niya, malaking bagay na para sa kanila na iparanas iyon sa atin hangga't hindi pa huli ang lahat."

Narinig kong mahina siyang tumawa kaya ako ay napatingin sa kanya. Hindi pa rin ako makapaniwala na iyon ay kanyang magagawa. Bago niya hingin ang aking pahintulot, mayroon na pala siyang pahintulot mula kay Inay Sitang.

"Hiningi niya rin ang aking pahintulot, Ate Emilia!"

Napatingin ako kay Delilah na mabilis naglakad patungo sa aking tabi at naupo.

"Noong una nga ako'y nagtataka kung bakit niya ako nais makausap, iyon pala ay nais niyang malaman ang aking sagot kung ako ba'y sasang-ayon." Siya'y tumawa at napailing. "Sino rin ako para tumanggi, e, batid mo naman pong gusto ko siya para sa iyo, Ate."

"Hindi ko alam iyan, Delilah anak. Akalain mo nga naman, tinanong niya muna kami bago ka niya tanungin. Tunay na maginoo at marespetong lalaki. Karapat-dapat para sa iyo ang ganoong uri ng ginoo, Emilia anak."

Akala ko kay Inay Sitang lang, maging ang aking kapatid pala. Araw-araw mo na lamang ba ako sosorpresahin, Agapito? Araw-araw mo akong ginugulat sa iyong mga ginagawa.

"Si Ate Emilia ay nakangiti! Ibig bang sabihin niyan, Ate, mayroon siyang pag-asa sa iyo?" malakas at nakangiting tanong ni Delilah.

"Hindi naman ako nakangiti." Inikot ko ang aking mga mata. Tunay bang ako'y nakangiti?

"Nakita ko iyon. Nakangiti ka pa nga na tila mayroon kang iniisip, e! Hindi ba, Inay Sitang?" Tumingin siya sa gawi ni Inay at ito'y tumango. "Hindi mo na kailangang ipagkaila pa, Ate!" Tuluyan na siyang tumawa nang malakas habang tinutukso. Maging si Inay Sitang rin ay nakisali.

Napahawak ako sa aking dibdib. Hindi ko inaasahan na muling mabubuhay ito para sa ibang lalaki. Tuluyan ko na ngang nalimutan ang aking pag-ibig kay Ginoong Severino. Akala ko, matatagalan pa ito. Hindi ko naman inaasahan na nang dahil sa lalaking ito, ako ay magiging masaya muli.

-----------------Disyembre 19, 1895---------------

Kay bilis ng araw. Ang mga tao ngayon ay abalang-abala sa kanilang mga tanim na prutas at gulay habang hindi pa lumulubog ang araw.

"Emilia, maaaring mo bang pakitignan ang ating tanim na mais kung maaari nang pitasin?" rinig kong tanong ni Inay Sitang nang malakas. Naroon siya sa kusin a habang ako ay narito sa labas ng bahay.

"Opo, Inay!" Marahan akong nagtungo sa aming maliit na taniman at tiningnan ng kabuuan ang aming mga tanim. Mula nang kami ay mapunta rito ni Delilah, napagpasyahan naming magtanim ng mga gulay at prutas upang pangdagdag ng pagkain at makabawas ng bilihin. Mas mainam kung kami ay may sariling taniman lalo na't kami ay nasa syudad.

Parang kailan lamang. Ang mga tanim dito ay maliliit pa ngunit ngayon, sila'y malalaki at matataba na.

Ako'y lumapit sa kalabasa na may kalakihan na. Sa mga susunod na buwan, maaari na itong pitasin.

Sunod kong nilapitan ang mais na kulay dilaw na. Inamoy ko ito ay hinawakan nang mariin. Konting araw na lamang maaari na itong pitasin.

Ilang araw na lamang din, pasko na. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na kami'y magdiriwang ng pasko sa Maynila kaya naman pareho kaming nasasabik ni Delilah.

Nitong mga nakaraang araw din, binibilang na niya ang kanyang naipon mula sa aming sahod. Tinanong ko siya kung bakit, tugon lamang niya sa akin na mayroon siyang bibilhin.

Hindi na ako nagtanong pa dahil batid ko namang siya'y bibili ng regalo. Sa loob ng apat na buwan naming paninirahan dito, ang daming nangyari. Tulad na lamang ng panliligaw sa akin ni Agapito.

Kahit na siya'y abala ngayon dahil malapit na ang pasko, hindi niya pa ring nalilimutan na ako'y bisitahin kahit sandali lamang upang kamustahin.

Napatingin ako sa kalangitan. Apat na buwan na akong walang balita sa kanya. Kumusta na kaya siya? Napangiti na lamang ako. Parang kailan lang, tayo'y magkasama, walang araw na hindi mo ako tinutukso. Kahit maraming ng nangyari sa akin dito, hindi ko pa rin maitatanggi na lagi pa rin kitang naiisip.

Nais kong malaman ang iyong kalagayan. Marahil ngayon, itinuloy niyo na ang inyong pag-iibigan, ano? Marahil ngayon, nalimutan mo na ako. Marahil ngayon, nalimutan mo na ang iyong pag-ibig sa akin.

"Inaway ka ba ng mais na iyan, Emilia?"

Napatigil ako sa pag-iisip at napalingon sa aking gilid. Nakatayo si Inay Sitang at nakatitig sa akin.

"Ikaw ba'y inaway ng mais na iyan?" Hindi ko batid kung bakit niya iyon tinatanong. Magsasalita na sana ako nang siya'y magsalitang muli. "Ikaw ay lumuluha. Mayroon bang masakit sa iyo?"

Ano? Kahit na ako'y naguguluhan, marahan kong hinawakan ang aking pisngi. Basa nga ito. Bakit? Bakit ako lumuluha?

-----------------Disyembre 24, 1895--------------

"Maligayang pasko sa inyong lahat!"

"Maligayang pasko!"

"Maligayang kaarawan din sa iyo, Ate Emilia!"

Ako'y ngumiti at tumawa. "Maraming salamat." Isa-isa nila akong binigyan ng regalo.

"Maligayang kaarawan, Emilia, " nakangiting wika ni Doña Amalia at iniabot sa akin ang isang malaking kahon. Ang laki nito.

Ramdam ko ang aking pagtanda. Dalawampu't dalawa na ako ngayon. Ang bilis ng araw. Ako'y tumatanda na.

Narito kami ngayon sa Hacienda Nuncio, kami ay inanyayahan ng mag-asawa na magdiwang ng pasko rito. Hindi na rin naman kami tumutol pa dahil sabik na rin kaming makasama muli sila.

"Ito ang panglimang pasko na tayo'y magkakasama, a!" malakas na tugon ni Don Aguilar at tumawa nang malakas. Oo, ito nga ang panglimang pasko. Ang naunang apat ay nangyari sa Las Fuentas. "Buong-buo pala ang iyong araw ngayon, anak, narito si Emilia, e." Muli na naman itong tumawa kaya kami ay nakatanggap ng panunukso mula sa kanya.

Sandali kaming nagkatinginan ni Agapito at parehong napatawa sa isa't isa. Nagsimula na kaming kumain at masayang nagkuwentuhan hanggang sa lumalim ang gabi.

"Maligayang kaarawan sa iyo, aking binibini," wika ni Agapito at inabot sa akin ang kumpol ng bulaklak na gawa sa makukulay na papel. "Nawa'y iyong naibigan. Marahil ay iyong iniisip na maaari naman akong bumili ng tunay na bulaklak subalit mas pinili kong gumawa na lamang. Nais kong paghirapan ang aking ireregalo sa iyo."

Ngumiti ako at tumango. "Ayos lamang. Ang ganda nga, e. Mayroon ka pa lang talento sa paggawa ng ganito. Heto, maibigan mo rin nawa." Iniabot ko sa kanya ang isang kahon. Sa yaman na mayroon ang kanyang pamilya dahil kapwa itong manggagamot, hindi ko batid kung anong magandang iregalo sa kanya.

Nakangiti niya itong binuksan at dahan-dahang nanlaki ang kanyang mga mata. "B-Binibini."

"Paumahin kung iyan lamang ang aking regalo sa iyo."

"Ngunit ito ay nagkakalahaga ng tatlumpong piso." Binuklat niya ito at binasa ang iilang pahina.

Isang librong pang medisina ang aking iniregalo. Noong ako'y nagtungo sa isang malaking aklatan dito sa Maynila, nakita ko ito subalit hindi ipinagbibili. Nakuha ito ng aking atensyon dahil naalala ko si Agapito na araw-araw nagbabasa.

Nang kami ay lumabas at nagtungong pamilihan, mayroong isang matandang lalaki na ipinagbibili ang kanyang libro sa halagang sampung piso upang pambili ng kanyang pagkain. Katulad ang librong ito sa aklatan na aking nakita kaya agad ko itong binili.

"Baka naubos ang iyong ipon dahil dito." Siya rin ay ngumiti nang matamis. "Maraming salamat sa iyong regalo. Labis ko itong naibigan lalo na't mula ito sa aking mahal."

Naramdaman ko ang pag-init ng aking mukha sa kanyang huling tinuran. Madalas niyang sabihin na ako'y kanyang mahal subalit mayroon pa ring epekto sa akin.

Nagpatuloy kami sa kwentuhan habang tinitignan ang aming mga kasama na masayang nagsasayawan sa lakas ng indak ng musika.

Masaya ang pasko kung kasama mo ang mga taong itinuturing mong pangalawang pamilya.

Kumusta na kaya ang pamilyang iyon? Maligayang pasko sa buong pamilyang y Fontelo.

Maligayang pasko, Ginoong Severino.

-------------------Pebrero 14, 1896---------------

Isang malakas na hiyaw ang ginawa ni Agapito kasabay ng pagsuntok niya sa hangin.

"M-Maraming tao. Huwag kang sumigaw." Ngumiti ako ng kaunti sa mga taong narito sa aming paligid na kasalukuyang nakatingin sa amin ngayon. Narito pa naman kami sa tabing-dagat, sobrang lakas ng hangin na nagpapalipad sa aming buhok. Maging ang alon ng dagat ay may kalakasan.

"Maraming salamat!" Sa sobrang tuwa niya, ako ay kanyang niyakap na nagpagulat sa iba.

Napangiti na lamang ako, mabilis na bumitiw at palihim na itinuro ang mga taong gulat na gulat at mayroon namang nakangiti.

"Hindi ako makapaniwala na ikaw ay nobya ko na. Maaari mo ba akong sampalin? Hindi naman ako nananaginip, hindi ba?"

"Hindi ka nananaginip." Ako ay tumawa at marahan kong hinawakan ang kanyang pisngi. "Totoo, hindi ba?"

"Totoo nga!" Siya'y humakbang palayo at itinataas ang kanyang mga kamay sa ere. "Nobya ko na si Emilia!"

"G-Ginoong Agapito." Inulit na naman niya ang pagsigaw. Batid naman niyang bawal ito rito. Ang tigas ng ulo.

Siya'y muling lumapit sa akin at hinawakan ang aking magkabilang pisngi. "Mahal na mahal kita, aking binibini."

Ngumiti ako at tumitig ako sa kanyang mga mata. Ito ang unang pagkakataon na sasambitin ko sa kanya ang mga katagang iyon. "Mahal din kita." Sandali akong pumikit habang pinapakiramdaman ang malakas na hangin. Ako'y bumulong. "Mahal na mahal din kita, Se---." Ako'y napatigil nang mapagtanto ko ang pangalan na iyon. Bigla na lamang pumasok sa aking isipan ang kanyang nakangiting mukha. Bakit ko siya naalala?

Mariin akong napalunok nang tignan ko si Agapito. Siya'y nakangiti at tumutulo ang luha.

"Mahal na mahal kita, Binibining Emilia. Batid ko namang wala kang iniisip na ibang lalaki, hindi ba?"

"O-Oo. Oo naman." Ang sikip ng aking dibdib. Bakit ganito? Bakit biglang bumilis ang tibok ng aking puso?

"Mahal na mahal kita. Hali ka. Tayo'y mamasyal upang ipagdiwang ang ating unang araw." Hindi na ako tumutol pa ng hilahin niya ang aking kanang kamay.

Nakatitiyak naman ako sa aking desisyon, hindi ba? Alam ko sa aking sarili na wala na akong nararamdaman pa kay Ginoong Severino kaya nga ibinigay ko sa kanya ang aking 'oo' matapos ng tatlong buwan niyang panliligaw sa akin.

Marahil, nagulat lamang ako dahil si Ginoong Severino ang unang lalaki na sinabihan ko ng mga katagang iyon. Oo, tama. Nagulat at nanibago lamang ako. Alam ko sa aking sarili na mahal ko na rin si Agapito.

--------------------Pebrero 22, 1896--------------

Kami ay narito ngayon sa labas ng kumbento, nagwawalis sa ilalim ng mataas na sikat ng araw. Tanghaling-tapat kaya't maraming mga kalalakihan at kababaihan na dumadaan kasama na roon ang aking nobyo.

Ilang araw na ang nakalipas mula nang siya'y aking sagutin. Hindi pa rin ako makapaniwala na mayroon na akong nobyo. Ako'y ngumiti at inayos ang aking sarili nang malapit na siya sa akin. "Magandang tanghali, Mahal."

"Magandang tanghali rin sa iyo, aking mahal. Ikaw ba'y kumain na. Kain na muna tayo sa loob ng aking dormitoryo. Isama mo na rin si Delilah."

Tumango ako at nagtungo sa loob ng kumbento dahil narito nagpupunas si Delilah ng sahig kasama ang iba pang naninilbihan.

Sinambit ko sa kanya na kami ay inanyayahan ni Agapito. Agad naman siyang tumalima at iniwan saglit kay Rosana - ang kanyang kaibigan, ang basahan na kanyang ginamit.

Nang kami ay magtungo sa dormitoryo ni Agapito, naroon si Inay Sitang sa tapat ng pinto at napangiti nang kami ay kanyang nakita.

"Kayo ba'y kumain na?"

"Kakain pa lang po, Inay," sagot ni Delilah.

"Siya nga pala, mayroong dumating na liham para sa iyo, Agapito anak."

Kumunot naman ang kanyang noo at tinanggap ang sulat. Sandali niya itong binasa habang lumalaki ang kanyang mga mata. Mayroon bang problema?

"Si Severino ay ikakasal na?" tanong niya.

Nang marinig ko ang pangalan na iyon ay biglang bumugso nang malakas ang aking puso. Hindi ko alam ngunit ako ay biglang kinakabahan. Kanino siya ikakasal?

"Sino raw ang kanyang mapapangasawa?" Maging si Inay Sitang ay napatanong at si Delilah ay napatingin sa akin.

Bumalik ang aking mga tingin kay Agapito. "Sa unang araw ng Abril, mag-iisang dibdib sina Severino at Binibining Floriana."

------------

<3~