webnovel

Mahal Kita, Severino

Magkaibang pamumuhay Magkaibang pamilyang pinanggalingan. Langit, lupa kung ihahalintulad Pag-iibigang susubukin at pagtitibayin Pag-iibigang iikot sa dalawang panahon. Sa mapait at mapaglarong mundo, ganito ang mararanasan ni Emilia at Severino, dalawang taong magmamahalan ngunit maituturing na sa maling panahon ipinagtagpo. Mapipigilan ba ng panahon ang kanilang pag-iibigan o mas lalo lang nito pagtitibayin ang sinisigaw ng kanilang mga puso? "Naniniwala akong isinusulat ng tadhana ang ating pag-iibigan tulad ng aking paniniwala na tayo'y magkikita at magsasamang muli sa kabilang buhay." -Emilia "Sa panahon na iyon, pareho na nating makakamtan ang inaasam nating walang hanggan na kaligayahan. Ikaw at ako sa panibagong panahon. Ikaw at ako hanggang sa kabilang mundo." -Severino I love you Series 1~ Date started: June 13, 2020

hazel_partosa · 歴史
レビュー数が足りません
41 Chs

Kabanata 1 ✓

-------------------Marso 25, 1895-----------------

"Emilia, nagawa mo na ba aking ipinag-uutos?" Huminto sa aking harapan ang mayordoma at punong tagapangalaga ng pamilyang aking pinagsisilbihan - ang pamilya y Fontelo. Maayos ang tindig ngunit may kaliitan, seryoso ang mukha, ang kanyang pumuputing buhok ay nakaayos at nakikita na rin ang pagkakulubot ng balat.

"Hindi ko pa po nagagawa, Ginang Josefa sapagkat ako po'y inutusan ni Binibining Lydia. Ipinalinis niya po ang kanyang sapatos." Yumuko ako matapos kong sambitin iyon habang hawak ang pares ng pulang sapatos ng binibini na kumikintab na sa kalinisan.

"O siya, pagkatapos mo riyan ay linisin mo na ang silid ni Ginoong Severino sapagkat may iba akong ipinag-utos kay Georgina. Siguraduhin mong walang matitirang dumi sapagkat ako'y papanik doon upang suriin ang iyong trabaho. Entendido? (Got it?)" Siya'y lumakad na palayo at nilisan itong salas.

Niligpit ko na aking pinaggamitan at umakyat papunta sa silid ni Binibining Lydia, ang pangalawang anak ng pamilya.

Sa dalawang taon ko ritong paninilbihan, ang binibini na ito ang siyang kakaiba sa lahat. Hindi ko mawari kung kanino siya nagmana maging ang iba pang naninilbihan dito ay iyon ang ipinagtataka.

"Emilia, nasaan na ang aking sapatos? Ang tagal mong tapusin ang ipinapagawa ko." Bumungad sa akin ang matatalim na tingin, nakataas na kilay at magkakrus na braso sa dibdib ng binibini na nakatayo sa pintuan ng kanyang silid. Nakasuot ng kulay pulang baro't saya na nagpalitaw sa kanyang makinis at maputing balat.

"Paumanhin po, Binibining Lydia, ako po'y sandaling kinausap ng mayordoma tungkol sa silid ng iyong nakatatandang kapatid."

Pinaikot niya ang kanyang mga mata at tiningnan ako ng kabuuan na tila nandidiri sa aking itsura. "Bilisan mo. Ang pinakaayaw ko sa lahat ay iyong mabagal kumilos. Ilagay mo na iyan sa loob at iyong ingatan. Hindi sapat ang perang ipinapambayad sayo rito upang mabayaran iyan."

Pasok sa kanang tainga at labas naman sa kaliwa, ganyan na lamang ang aking ginawa sa kanyang mga tinuran. Tahimik lamang akong pumasok sa kanyang silid at maingat na inilagay ang kanyang sapatos sa aparador. "Aalis na po ako, Binibini. May ipag-uutos pa po ba kayo?"

"Wala. Makakaalis ka na" kasabay ng malakas na pagsara niya sa pinto.

Napailing na lamang ako habang ako'y naglalakad papunta sa silid ni Ginoong Severino, ang panganay na anak ng pamilya. Noong una ay naiinis pa ako sa tuwing hindi niya ako tinatrato nang maayos ngunit habang tumatagal ay nakasanayan ko na rin ito. Ganoon ang kanyang trato sa lahat ng naninilbihan rito ngunit makikitaan din naman siya ng kaunting kabaitan. Kaunti nga lamang talaga.

Maingat kong binuksan ang pinto ng silid ni Ginoong Severino at tiningnan ang paligid. Malinis naman ito at maayos na nakahanay at nakasalansan ang kanyang mga kagamitan. Mukhang malapit na ang kanyang pag-uwi rito dahil maging ang mga kagamitan sa buong buhay ay pinapalitan na.

Labin-isang buwan din pala siyang hindi nakauwi rito kaya ganoon na lamang ang paghahanda ng kanyang pamilya sa kanyang pagbabalik.

Pinunasan ko nang marahan ang mga lumang libro na nakalagay sa kanyang silid-aklatan.

Medisina?

Medisina pala ang kanyang pinag-aaralan? Kung mayroon mang palaging naglilinis ng kanyang silid ay si Georgina iyon kung kaya't ngayon ko lamang nakita nang malapitan ang kanyang kagamitan. Hindi rin naman ako ganoon kainteresadong malaman kung ano ang kanyang pinag-aaralan.

Dumako naman ako sa kanyang malaking aparador. Bumungad sa akin ang mga magagara at mamahaling barong tagalog, ilang mga sapatos at alahas. Iginuhit ko ang aking kanang daliri sa kanyang mga kasuotan at inamoy ito.

Amoy Severino.

Lalaking-lalaki ang kanyang amoy. Hindi matapang at hindi rin kulang. Hindi rin kami madalas magkausap sa tuwing pumupunta siya rito. Ilang linggo lamang siyang mananatili rito at babalik na agad sa Maynila upang ipagpatuloy ang pag-aaral. Marahil si Georgina ay malapit sa kanya dahil siya ang tagapaglinis nitong silid ng ginoo at anim na taon ng naninilbihan dito at ang ibang mga kasambahay na matagal na ring naninilbihan sa kanila.

Sunod kong inayos ang kanyang higaan na sa tansya ko ay kasya ang tatlong tao. Pinalitan ko ito ng sapin at pinagpagan. Sadyang malaki ang silid niya na gawa sa matibay na kahoy na makintab at mga iilang antiko pang pigurin na nakahilera sa loob ng babasaging aparador. Maingat ko itong inayos nang hindi nagbabago ang dating itsura. Saglit na sumagi sa aking isipan ang bilin ng mayordoma kanina.

"Huwag mong baguhin ang pagkakahanay ng kanyang mga kagamitan dahil ayaw na ayaw ni Ginoong Severino na ginagalaw ang mga ito. Linisin mo lamang ngunit ibalik mo rin sa dating posisyon."

Panigurado akong papalinisan na naman muli ito hangga't hindi pa siya dumadating. Tumingin muli ako sa paligid bago ko lisanin ang kanyang silid. Malinis na at hindi nagbago ang pagkakaayos ng mga gamit.

"Emilia, saan ka nagtungo? Hinanap kita. May ibabalita sana ako sa iyo!" masiglang bungad sa akin ni Georgina na matanda sa akin ng isang taon.

Tiningnan ko siya mula ulo hanggang paa. Kung hindi lamang siya naninilbihan dito ay mapagkakamalan ko siya na mula sa isang mayamang pamilya. Maamo at bilugan ang mukha, maliit na babae, tamang tangos ng ilong, maputi, makinis, mahilig mag-ayos at hapit na hapit ang kulay asul na baro't saya na suot sa kanyang balingkinitan na katawan. Nananalaytay talaga sa kanyang katawan ang katangian ng isang mayaman ngunit mapapansin na hindi rin gaanong pantay ang kanyang ngipin sa ibaba.

"Bakit ka nakatitig sa akin? May dumi ba sa aking mukha, Emilia?"

Umiling ako. "Wala. Galing ako sa silid ni Ginoong Severino." Kinuha ko ang malinis na basahan at tubig sa palayok upang punasan ang sahig.

"Ilang beses mong lilinisan ang sahig sa loob ng isang araw, Emilia? Sa aking pagkakatanda, nilisan mo na ito kanina ng dalawang beses. Hindi ka pa ba napapagod maglinis nitong sahig? Paniguradong maitataas ang posisyon mo niyan dahil sa iyong kasipagan." Siya ay tumawa nang mahinhin, umupo sa papag at hinuhuli ang aking tingin ngunit hindi ko siya pinansin at tahimik lamang akong naglilinis.

"Wala kang balak na makipag-usap sa akin? Dalawang taon na tayong magkasama rito ngunit hindi ka pa rin nahahawaan ng aking pagiging madaldal. Hindi ba ako masarap kakuwentuhan? " Nahihimigan ko ang lungkot sa kanyang boses kaya't tumingin ako sa kanya.

"Tayo ay nasa oras ng trabaho, Georgina, dapat lamang na magtrabaho tayo rito. Tayo'y malalagot kung makikita ng mayordoma na nag-uusap tayo." Maraming beses na akong napagalitan dahil sa kanyang kadaldalan kaya't ayaw ko ng maulit pa iyon. Importante sa akin ang trabaho para sa amin ng aking nakakabatang kapatid. Ito na lamang ang tanging bumubuhay sa amin.

"Hindi naman tayo makikita ni Ina. Naroon siya sa hardin at iniinspeksyon ang mga tanim na bulaklak. Saglit lamang tayo mag-uusap, Emilia. May ibabalita ako sa iyo bago ko pa ito makalimutan." Kitang-kita ang kanyang mapuputing ngipin na siyang mas lalong nagpapadagdag sa kanyang taglay na kagandahan. Isa pa, ina niya ang mayordoma ngunit wala rin siyang kawala sa pangangaral nito.

"At ano ang iyong ibabalita sa kanya, Georgina?"

Kapwa kaming napalingon kay Binibining Lydia na may dalang masamang enerhiya kasama ang isa pang anak ng pamilya, si Binibining Juliana na nakangiti at taliwas sa kanya. Si Binibining Juliana ay mabait, palakaibigan at malapit sa lahat ng taong nandito sa kanilang hacienda kung kaya't siya'y paborito ng lahat.

"Inuulit ko, ano ang ibabalita mo sa kanya Georgina?" Nakataas ang kanyang kilay habang naghihintay ng sagot.

"W-Wala po, B-Binibining Lydia," magalang na sagot ni Georgina at yumuko. Ramdam sa kanyang tinig ang panginginig at sinabayan pa ng pagkagat sa ibabang labi.

"Wala? Nais mo bang isumbong kita sa mayordoma upang ikaw ay patalsikin dito? Kalagitnaan ng trabaho, ikaw ay nakikipag-usap?"

"Paumanhin po. Hindi na po mauulit."

"Hindi mo dapat siya pagalitan, Ate Lydia. Nais lang naman nilang mag-usap upang makapaglibang habang naglilinis. Wala namang masama roon," nakangiting tugon ni Binibini Juliana sa kanyang nakakatandang kapatid at muling tumingin sa akin. Lumitaw ang kanyang malalalim na biloy (dimple) sa magkabilang pisngi na siyang mas nakakaagaw-pansin.

"Masyado ka pang bata, Juliana. Hindi dapat nag-uusap ang katulad nilang naninilbihan sa oras ng trabaho. Wala silang magagawang gawaing-bahay kung panay kwentuhan. Entiendes lo que digo, Juliana? (Do you understand what I said?)"

"Sí, lo entiendo, pero que se diviertan mientras hacen su trabajo. (Yes, I get it, but let them have fun while doing their job.)"

Napaikot na lamang ni Binibining Lydia ang kanyang mga mata matapos sabihin iyon ng kanyang kapatid. Hindi ko man maintindihan ang kanilang sinabi ngunit batid kong ipinagtanggol kami Binibining Juliana.

"Maaari po kayong mag-usap mga binibini ngunit huwag po kayong magpapahuli kay Ginang Josefa. Tiyak na kayo'y kagagalitan. Magandang hapon po pala sa inyo." Inabutan niya kami ng isang pagkaing hindi kami pamilyar nang hindi pa rin nabubura ang kanyang magandang ngiti.

"Napakabuti po ninyo, Binibini," nakangiti at nahihiyang tugon ni Georgina na ngayo'y hindi na kababakasan ng panginginig.

Maging ako ay nagpasalamat at gumawad ng isang sinserong ngiti upang maipabatid sa kanya ang aming taos-pusong pasasalamat. Ngayon ko lang din napansin ang dilaw na baro't saya niyang suot na siyang bumagay sa kanyang malabot at mahalimuyak na balat. Nakaayos din ang kanyang buhok at suot ang kanyang paboritong puting sapatos.

"Magsitrabaho kayong dalawa! Panay kayo kwentuhan! Hindi kayo binabayaran upang magkuwentuhan lamang! Hala sige! Galaw!" Bahagya pa kaming tinulak ni Binibining Lydia na naging dahilan upang masubsob ang aming mukha sa basang sahig.

Nakaramdam ako ng kaba nang ilapat niya ang aking kamay sa akin. Hindi ito ang unang beses na ginawa niya sa amin ito ni Georgina. Sumusobra na siya. "Hindi ho tama na tratuhin niyo kami nang ganito, Binibining Lydia. Kami ay tao rin at may nararamdaman." Mabuti na lamang at nagawa ko pang ikalma ang aking sarili kahit na ako'y naiinis na.

"Tama na iyan, Ate. Umalis na tayo. Hinihintay na tayo ni Angelito."

"Huwag kayong tumigil sa pagtatrabaho. Ayusin ninyo ang inyong mga tungkulin dahil kung hindi isusumbong ko kayo sa aking ama upang mapatalsik kayo! Wala akong pakialam sa inyong nararamdaman! Mga kasambahay lamang kayo! Ang lakas ng loob mong sumagot sa akin, Emilia, palamunin ka lamang!"

Nakita ko na lamang ang kanilang mga paa na paalis na saka ako nakahinga nang maluwag.

"Salbahe talaga ang batang iyon! Walang galang sa atin! Kahit naman na siya'y kabilang sa makapangyarihan na pamilya hindi sapat na dahilan iyon upang api-apihin na lamang tayo! Ilang taon ang tanda natin sa kanya ngunit kung tratuhin niya tayo ay nagmumukha siyang mas matanda pa sa atin! Mabuti na lamang at pinagsalitaan mo siya ng ganoon ngunit tunay ngang masama ang budhi ng batang iyon!" Napapikit siya ng kanyang mata dahil sa inis, kinuha mula sa akin ang basahan at ibinato ito. "Napupuno ng galit ang aking dibdib, Emilia! Naiinis ako sa kanya!"

Hindi na ako kumibo at muling nagpatuloy sa aking ginagawa. Hindi ko masisisi si Binibining Lydia kung ganoon na lamang ang kanyang galit. Tama naman ang lahat ng kanyang tinuran ngunit hindi tama ang kanyang ginawang pagsubsob sa amin.

"Hindi ka ba kikibo? Nagagalit ako, Emilia. Wala siyang galang sa nakakatanda."

"Sa tingin mo ay may magagawa ang iyong galit laban sa binibini?" tanong ko, tumingin sa kanya at muling nagbuhos ng tubig sa sahig. Maging ang mga salitang binitiwan ko kanina ay walang laban sa kanya.

"Batid kong walang magagawa ang aking galit pero hindi tama ang kanyang ginawa sa atin. Ilang beses na niyang ginawa iyon. Masamang bata. Tiyak akong hindi makakapag-asawa iyon dahil masama ang ugali. Walang makakatiis sa kanya!"

Tumalikod ako upang diligan ang tanim na naririto sa kusina.

"Nakalimutan ko tuloy ang aking sasabihin. Ano nga iyon? A, naalala ko na! Emilia, may tagapagtanggol na tayo sa nalalapit na araw!"

Kumunot ang aking noo habang siya'y pinapakinggan.

"Marahil ay batid mo ng darating dito ang ginoo, hindi ba? Lagi niyang pinapagalitan ang kanyang  kapatid sa tuwing hindi maganda ang kanyang pakikitungo sa atin. Hahahaha, kawawang Lydia."

Kinilabutan ako sa paraan ng kanyang pagtawa. Mukha siyang nasapian ng masamang espiritu. Lumingon ako sa kanya at tiningnan siya saglit. "Magtrabaho ka na."

Naudlot ang kanyang pagtawa at napalitan ng pagkasimangot. "Kailan kaya kita makikitaan ng emosyon, Emilia? Lagi ka na lamang seryoso at minsan lamang magsalita kung nais mo. Hindi ba napapanis ang iyong laway?"

Wala ba itong ibang gagawin? Bakit pa siya nandito? "Wala akong panahon sa pagsasalita."

"Ngunit nagsasalita ka na."

Hindi na lang ako sumagot pa at iniwan na siya sa kusina.

"Emilia, sandali! Mayroon pa akong ibabalita sa iyo! Hindi ka naman mabiro!" rinig kong sigaw niya ngunit hindi na niya ako hinabol pa.

Nagtungo ako sa Pusong Marikit - ang hardin na pagmamay-ari ng pamilya y Fontelo sa likod ng hacienda. Agad na sumilay sa aking labi ang matamis na ngiti nang makita kong sumasayaw ang mga samu't saring kulay ng mga bulaklak dala ng malakas na hangin. Para sa akin ito ang pinakamagandang tanawin na aking nakita sa loob ng hacienda. Ito ang unang napansin ko nang ipakita sa akin ang haciendang pagsisilbihan ko.

Araw-araw ko ito binibisita tuwing magdadapit-hapon na. Matatanaw kase mula rito ang lumulubog na araw kung kaya't itong senaryo na ito ang hinding-hindi ko kinakaligtaan.

"Kumusta na kayo kaygagandang bulaklak?" masayang bati ko sa kanila nang isa-isa ko silang tingnan. "Nakikita niyo ba ang papalubog na araw? Sabay muli natin itong panoorin, ha?" Umupo ako sa isang duyan na gawa sa puting tela at tahimik itong pinanood.

Itong hardin na ito ang saksi sa lahat ng aking nararamdaman. Dito ako nagtutungo tuwing hindi payapa ang aking puso at may bumabagabag sa aking isipan. Pinagmasdan kong muli ang mga bulaklak, mas lalong tumitingkad ang kanilang mga kulay kapag ganitong oras na. Ito'y tunay na nakakagaan sa aking pakiramdam idagdag pa ang malakas na hangin na nagpapalipad sa aking tuwid at mahaba kong buhok.

"Batid kong dito lang talaga kita makikita, Ate Emilia."

Ako'y napalingon sa kanya at ginawaran siya ng isang ngiti. "Delilah. Tapos ka na ba sa iyong gawain?" Siya si Delilah ang aking nakababatang kapatid na sampung taong gulang. Bilugan at maliit na mukha, payat, maliit na labi at may kaputian na bumagay sa kanyang maalon na buhok. Makikita rin ang kanyang maliit na nunal sa kanyang kaliwang mata.

Tumango ito at umupo sa aking tabi. "Kakatapos ko lamang po, Ate. Nagpunta ako rito upang saksihan muli ang magandang tanawin na ito."

****

"Bumalik ka na roon. Tiyak akong hahanapin ka ng mayordoma." Pinagmasdan ko siya mula ulo hanggang paa. Hanggang ngayon ay buhay na buhay pa rin ang berdeng baro't saya na iniregalo ko sa kanya noong ika-pitong kaarawan niya ngunit butas-butas na ito at kumupas na rin ang kulay. Hindi ko pa rin siya muling nabibilhan pa. Magulo rin ang buhok at medyo marumi ang itsura dahil sa paglilinis niya buong araw. "Sa iyong susunod na kaarawan ay ibibili kita ng bagong baro't saya upang may bago kang maisuot."

Pinagmasdan at hinawakan niya ang kanyang baro't saya at muling tumingin sa akin. "Maayos pa naman ang aking baro't saya, Ate. Magagamit pa naman ito kahit kumupas na ang kulay. Mas mainam pa siguro kung ang perang ipapambili mo ay ipunin mo na lamang. Kailangan po natin ng pera, Ate, dahil hindi natin alam kung kailan tayo tatagal dito."

"May naipon naman na ako kahit papaano. Mas mainam din kung may bago kang kasuotan. Mas presentable at malinis tingnan."

Kumunot ang kanyang noo na aking ikinataka. "Paano naman po ikaw, Ate? Lagi mo na lang ako iniisip. Paano naman ang iyong sarili? Hindi mo ba nakikita ang iyong itsura?"

Ako naman ngayon ang napatingin sa aking sarili. "Bakit? Ano bang itsura ko?" Hindi ko gawain ang pagmasdan ang sarili ko sa salamin kung kaya't hindi ko alam ang aking itsura.

"Hindi ka mukhang tao. Hindi ka mukhang dalaga." Tinitigan niya ako mula ulo hanggang paa. "Gusot-gusot ang kulay puti na baro't sayang suot mo. Butas-butas na rin ito at nakayapak ka pa. Sira na ba ang iyong bakya, Ate Emilia?"

Marahil ito ang dahilan kung bakit tila nandidiri sa akin kanina si Binibining Lydia. Napatingin naman ako sa aking mga paa na ngayo'y madumi at may iilang sugat pa. "Nasira ito noong nakaraang araw pa. Pinahiram ako ni Georgina ngunit hindi ito kasya sa akin kaya't hindi ko na lamang ito sinuot. Baka makasira pa ako. Wala akong maipapambayad sa kanya." Maliit ang paa ni Georgina kung kaya't masikip sa akin ang kanyang bakya. Wala namang problema sa akin kung nakayapak lamang ako. Hindi naman ito makikita ng iba dahil natatakpan naman ito ng aking baro't saya.

"Bakit hindi ka magpaturo kay Ate Georgina kung paano mag-ayos? Para naman ikaw ay mukhang dalaga at magkanobyo na." Humalakhak pa siya at inayos ang aking buhok. "Sasabihin ko na ba kay Ate Georgina?"

"Wala akong panahon sa nobyo na iyan. Si Georgina lamang ang mahilig sa ganyang bagay." Tumayo na ako at inakay siya papasok. "Hali na. Tayo'y pagagalitan kung makikita nila tayong nagpapahinga."

Nagpaalam muna ako sa mga bulaklak bago kami bumalik sa loob. Hindi pa rin tumitigil ang aking kapatid sa kanyang gusto. Nais niyang makita ang aking pagbabagong-anyo. Naisip ko, hindi ba talaga ako mukhang dalaga sa edad kong dalawampu't dalawa? Maayos naman ako, a? Wala naman akong pinapagandahan dito kung kaya't ayos lamang sa akin ang ganito. Hindi rin ako interesado sa kahit na sinong ginoo. Mas importante sa akin ang magtrabaho.

-------------------Marso 31, 1895-----------------

"Sabik na akong makitang muli ang ginoo!"

"Tiyak akong mas lalo siyang naging magandang lalaki."

"Ako'y matagal na talagang humahanga sa ginoo. Bukod sa may angking kagwapuhan, siya rin ay ubod ng bait kaya't hindi na ako magtataka kung bakit maraming nagkakagusto sa kanya."

"May nobya na kaya ang ginoo? Nawa'y wala pa upang may pag-asa pa ako. Siya lamang talaga ang tinitibok ng aking puso."

"Aking susuotin ang itinatago kong baro't saya na nabili ko pa noon sa bayan."

Iyan lamang ang aking naririnig ngayong umaga mula sa aking mga kasamahan habang abala sila sa paglilinis. Pito kaming kasambahay rito sa hacienda y Fontelo hindi pa kasama rito ang kutsero, hardinero at iba pa.

"Bukas na darating si Ginoong Severino, ano ang iyong susuotin, Emilia?" bulong sa akin ni Georgina habang nililinis ang pares ng sapatos ni Ginoong Severino.

"Wala." Bakit ba nila pinaghahandaan ang kanyang pagbabalik? Pinag-uusapan din nila ang kanilang baro't saya na susuotin upang mapansin sila ng ginoo.

Bigla niya akong iniharap sa kanya habang hawak sa magkabilang balikat. Nanlalaki rin ang kanyang mga mata at napapatulala pa. "W-Wala kang susuotin bukas? Tunay na walang saplot?"

"Ano? Ano ba ang iyong sinasabi?" Maging ako ay napatigil sa pagpupunas ng sahig sa kanyang tinuran.

"Ikaw ay aking tinanong kung ano ang iyong susuotin ngunit ang isinagot mo ay wala. Paano mo iyon maipapaliwanag?"

"Wala akong balak na maghanda katulad ng binabalak niyo para lamang sa kanya. Naiintindihan mo na ba?" Ipinagpatuloy ko na lamang muli ang aking ginagawa. Hindi ko mawari kung anong iniisip nitong babaeng ito upang makapag-isip nang ganoon.

"Susuotin ko ang aking kulay gintong baro't saya bukas, Emilia. Maglalagay rin ako ng kolorete sa mukha upang mas lumitaw ang aking kagandahan. Ano kaya ang magiging tugon ng ginoo?" Napahagikhik pa siya sa kanyang naisip at marahan akong hinampas.

Hindi na ako kumibo at hinayaan na lamang siya na magsalita nang magsalita hanggang siya'y makaramdam ng pagod. Ang taas palagi ng kanyang enerhiya. Hindi ko kayang sabayan.

"Ate Emilia," pagtawag sa akin ni Delilah at naglakad patungo sa aking kinaroroonan. "Bukas na darating ang ginoo. Ano ang iyong gagawin?"

Sandali akong napatulala sa kanya. "Ikaw rin?" Gaano ba kaimportante ang kanyang pagdating? Wala naman itong ipinagbago sa nagdaang taon na umuwi siya rito.

"Nakita mo na, Emilia? Maging ang iyong nakababatang kapatid ay pinaghahandaan ang pagbabalik ng ginoo. Pakiwari ko'y ikaw lamang ang hindi nagagalak sa kanyang pagbabalik. Mayroon ka bang sama  ng loob sa kanya?" tanong naman ni Georgina dahilan upang mapatingin ako sa kanya. Sumilay sa kanya ang isang nakakalokong ngiti na hindi ko batid kung bakit.

"Magtatrabaho lamang ako bukas," tanging sagot ko at hindi na sila muling kinausap pa.

Dumating ang mayordoma kaya't tumahimik ang aking mga kasamahan na kanina pa nag-uusap. "Makinig kayo sa aking sasabihin." Lahat kami ay napatigil sa aming ginagawa, nagbigay-galang at atensyon. "Batid ninyong bukas na darating ang señor kaya't mahigpit kong ipinag-uutos na walang maiiwan kahit na maliit na dumi sa paligid. Nais kong bumalik si Ginoong Severino na malinis at maaliwalas ang paligid. Naiintindihan niyo ba ako?" Isa-isa niya kaming tiningnan habang hawak ang isang malaki at itim na abaniko.

"Opo," sabay naming tugon lahat.

"Georgina, tapos mo na bang linisin ang silid ni Ginoong Severino?"

"Opo, Ina."

"Pagbutihin niyo ang inyong mga trabaho. Magsibalik na kayo sa inyong gawain." Siya'y umalis rin at nagtungo muli sa labas ng bahay upang suriin ang trabaho ng aking ibang kasama.

"A, nasasabik na ako. Nawa'y matapos na ang araw na ito para masilayan ko na ang kanyang gwapong mukha." Namumula at napapahagikhik na naman muli si Georgina. Marahil ay may gusto siya sa ginoo.

Halata naman, Emilia.

"Ano nga pala ang pinag-aaralan niya, Ate Georgina? Abogado po ba?" tanong ni Delilah habang pinupunasan ang pares ng sapatos na kulay abo ni Binibining Juliana.

"Hindi. Medisina ang kanyang pinag-aaralan. Bukod sa mabait at gwapo, siya rin ay matalino. Batid din ng iyong ate ang kanyang kurso."

"Ate, alam mo?" tanong niya.

"Ha? Hindi mo batid? Sinabi ko na ang tungkol dito matagal na, a? Hindi mo matandaan?" takang tanong naman ni Georgina.

Sinabi niya ba sa akin dati? Wala akong maalala. Hindi rin naman ako mahilig makinig sa kanya noon. Bakit ba si Ginoong Severino ang aming pinag-uusapan?

"Marahil ay hindi ka nakikinig sa aking kwento noon, Emilia. Ngayon ko lamang nalaman. Masakit sa puso iyon, a?" Sinilip ko siya at nakita kong siya'y humawak pa sa kanyang dibdib na tila ba totoong nasaktan.

"Sa palagay mo may nobya na ang ginoo, Ate Georgina?"

"Iakyat mo na lamang ang sapatos ni Binibining Juliana sa kanyang silid. Tama na ang pag-uusap," suway ko at bahagya pa siyang itinulak upang makaalis na. Sa tuwing si Georgina ang kanyang kausap ay tiyak na hindi matatapos ang kwento.

"May napupusuan na nga ba ang ginoo, Emilia?"

Pinagmasdan ko lamang siya na ngayo'y malalim na nag-iisip habang nakahawak pa sa kanyang baba. Tanging kibit-balikat na lamang ang aking isinagot.

--------------------Abril 1, 1895--------------------

"Maligayang pagbabalik, anak!" pagbati ni Doña Criselda sa kanyang panganay nang makababa ito mula sa karwahe. Hinagkan niya ito at binigyan ng isang mahigpit at mainit na yakap. Kahit na matanda na ang doña, hindi pa rin nawawala ang kanyang kagandahan. Bilugan at maamong mukha, maliit na labi, katamtamang laki ng mga mata, maliit na ilong, makinis, maputi kahit kulubot na ang kanyang balat at may katabaan. Mas lalong lumitaw ang kanyang kagandahan sa suot niyang kulay pilak na baro't saya na binili pa sa Europa.

"Ang aking panganay. Kumusta ka?" Bakas naman sa mukha ni Don Faustino ang saya na makitang muli ang anak. Malapad na ngiti at mahigpit na yakap ang kanyang ibinungad. Malapad ngunit matabang pangangatawan, makapal na buhok sa ulo at balbas, hindi gaanong maputi at maitim ang balat at nakasuot ng puting barong tagalog. Siya ang pinakanirerespeto rito sa bayan. Siya ang gobernadorcillo ng bayan ng Las Fuentas.

"Heto, magandang lalaki pa rin, Ama, tulad niyo." Sumilay sa kanya ang isang ngiti na nagpakilig sa aking mga kasamahan at malakas na tawa.

"Kay gandang lalaki talaga ni Ginoong Severino. Mas lalo siyang kumisig."

"Oo nga, e. Wala pa ring pagbabago."

"Nawa'y mapansin niya ako!"

Nakahilera kaming mga kasambahay rito sa labas ng hacienda habang ang iba ay bitbit ang kagamitan ng ginoo. Tanghali na nang siya'y makauwi rito.

Pinagmasdan ko nang mabuti si Ginoong Severino. Mas lalong lumapad ang kanyang pangangatawan kung ikukumpara noong nakaraang taon, mas naging makisig, may pagkayumanggi ang balat na mana sa kanyang ama, matangos na ilong, katamtamang laki ng labi at bakas sa mukha ang pagiging masiyahin at makikita rin ang saktong laki at kayumangging balat (birthmark) sa leeg. Tulad ni Binibining Juliana, lumilitaw rin ang kanyang biloy sa magkabilang pisngi na siyang mas nagpapadagdag sa kanyang angking kagwapuhan. Hindi na kataka-taka kung halos lahat ng kababaihan dito sa bayan ay humahanga sa kanya. Tunay na magandang lalaki nga.

"Hali na't pumasok na tayo sa loob at nang tayo'y makakakain na," paanyaya ng doña habang akay-akay ang anak papasok.

Bago sila tuluyang nakapasok sa loob ay lumingon muna sa aming direksyon si Ginoong Severino at binigyan kami ng isang magandang ngiti.

Nagtama ang aming mga mata ng ilang segundo hanggang sa mawala siya sa aking paningin.

"Hala! Tiningnan ako ni Ginoong Severino! Ano bang itsura ko? Maayos ba? Maganda ba ako?"

"Nagkakamali ka. Ako ang tiningnan."

"Magsitahimik kayo! Ako ang tiningnan." Narinig ko na lamang ang tinig ni Georgina na sumasali sa kanilang usapan. Suot ang kanyang kulay gintong baro't saya na bagong-bago pa at namumula ang mukha dahil sa koloreteng kanyang inilagay.

"Georgina, hindi dahil maganda ka ay ikaw na lang ang titignan. Ako ang tiningnan. Hindi ikaw."

"Ikaw ba, Emilia, sa iyo ba nakatingin ang ginoo?"

"Hindi ko alam," tanging sagot ko at iniwan na sila roon.

------------------

Emilia Madrigal 👩‍💼

<3 ~