webnovel

Mahal Kita, Severino

Magkaibang pamumuhay Magkaibang pamilyang pinanggalingan. Langit, lupa kung ihahalintulad Pag-iibigang susubukin at pagtitibayin Pag-iibigang iikot sa dalawang panahon. Sa mapait at mapaglarong mundo, ganito ang mararanasan ni Emilia at Severino, dalawang taong magmamahalan ngunit maituturing na sa maling panahon ipinagtagpo. Mapipigilan ba ng panahon ang kanilang pag-iibigan o mas lalo lang nito pagtitibayin ang sinisigaw ng kanilang mga puso? "Naniniwala akong isinusulat ng tadhana ang ating pag-iibigan tulad ng aking paniniwala na tayo'y magkikita at magsasamang muli sa kabilang buhay." -Emilia "Sa panahon na iyon, pareho na nating makakamtan ang inaasam nating walang hanggan na kaligayahan. Ikaw at ako sa panibagong panahon. Ikaw at ako hanggang sa kabilang mundo." -Severino I love you Series 1~ Date started: June 13, 2020

hazel_partosa · 歴史
レビュー数が足りません
41 Chs

Epilogo

Severino

Setyembre 1, 1898

"Ano ba ang nais ng aking anak, ha?" magiliw kong tanong sa aking umiiyak na anak. Kanina pa siya lumuluha. Ni hindi ko nga malaman kung ano ba ang kanyang nais. Naibigay ko na rin sa kanya ang kanyang gatas, laruan at siya'y binuhat ko na para matuwa ngunit wala pa rin.

"Ako na muna riyan, anak. Marahil siya'y dinadapuan na ng antok," wika ni Ina at kinuha sa akin si Seviano. Sinimulan niya itong patulugin sa pamamagitan ng marahang pagkanta at pagsayaw.

Unti-unting humina ang kanyang pag-iyak. Laging ganito ang tagpo sa aming bahay. Kung hindi ko kayang patulugin ang aking anak, si Ina ang gagawa niyon para sa akin. Siya ang aking katuwang para maalagaan ko siya nang mabuti.

Limang buwan na.

Limang buwan na ang nakalilipas mula nang mawala sa amin si Floriana.

Iba pa rin pala talaga kapag alaga ng isang ina. Iyon ang aking napagtanto. Mayroong kakayahan ang mga ina na mapatahan ang kanilang mga anak---bagay na hindi nagagawa ng mga ama. Parang mahika. Mayroong kakaibang koneksyon ang ina at anak na sila lamang ang nakakaalam.

Ang hirap kapag wala ka, Floriana.

Minsan, pagsapit ng gabi, magigising na lamang ako dahil sa iyak ni Seviano. Minsa'y aabutin pa ng ilang oras bago ko siya muling mapatulog. Minsan, kapag ako'y pagod pa sa pag-aaral, hindi ko rin magawang maintindihan ang aking anak kong walang humpay sa pag-iyak. Hindi ko maintindihan ang kanyang nais.

Ang hirap. Ang hirap kapag wala kang katuwang sa buhay. Ngayon ko lamang din napagtanto kung gaano kahirap maging isang ina at ama. Ang hirap kapag wala ang ilaw ng tahanan.

"Kakain lamang po ako, Ina," paalam ko bago bumaba. Pasado alas-dos na ng hapon ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin akong kain. Naramdaman ko na rin ang paggalaw at pagtunog ng aking tiyan dahil sa labis na gutom.

"Anak, bakit hindi ka maghanap ng mag-aalaga sa aking apo nang sa gayon ay hindi ka mahirapan?" rinig kong tanong niya nang ako'y nasa labas na ng silid.

Lumingon ako at ngumiti sa kanya. "Mas nais po ni Floriana na kaming dalawa ang mag-alaga." Naisip ko na rin iyan ngunit aking naalala ang sinabi sa akin ni Floriana noong siya'y nagdadalang-tao pa lamang.

"Mahal, kapag naisilang ko na ang ating anak, nais kong tayong dalawa ang mag-alaga, a? Ayaw ko siyang ipaalaga sa iba dahil naroon ang aking takot na baka maaaring saktan siya bagay na hinding-hindi ko papayagan."

Kaya kahit na mahirap, aking tinupad ang kanyang gusto. Habang ako'y pababa ng hagdan, napatingin ako sa labas ng bintana at sa kalangitan. Kahit na mahirap maging magulang na walang katuwang sa buhay, batid kong hindi niya naman kami pinababayaan. Batid kong lagi lamang siyang nakatanaw at nagsisilbing anghel namin kahit saan man kami magpunta.

Lagi mo sanang bantayan ang ating anak, ha? Ilayo mo siya lagi sa kapahamakan, Floriana.

Hanggang ngayon sariwa pa rin sa aking isipan ang kanyang pagkawala. Ang problema sa kanyang inunan (placenta) ang dahilan kung bakit nawalan siya ng maraming dugo. Kasabay din nito ang biglaang pagtaas ng kanyang presyon dulot ng kanyang unang pagbubuntis.

Kahit hindi naman siya nagkulang ng atensyong medikal, nangyari pa rin iyon sa kanya. Nang ako'y maupo sa harap ng hapag, napatingala ako sa itaas para pigilan ang nagbabadya kong luha.

"Marahil ito ang kabayaran sa lahat ng aking nagawa sa inyo ni Emilia, Mahal. Kung ito nga iyon, malugod kong tatanggapin ang aking parusa. Patawarin mo ako kung ako'y naging makasarili at hindi naging patas sa iyo. Patawarin mo ako kung kayo'y nahirapan nang husto dahil sa akin. Ipangako mo sa akin na ipagpapatuloy niyo ang inyong naudlot na pag-iibigan, Severino."

Iyan ang huling lumabas sa kanyang labi bago siya tuluyang mawalan ng hininga. Hanggang sa huli, sinisisi niya ang kanyang sarili sa lahat ng nangyari. Sa lahat ng aming pinagdaanan, napagtanto kong hindi perpekto ang aking relasyon na akala ko noon ay oo. Napagtanto kong marami kaming nagawang mali sa isa't isa. Nasaktan namin ang bawat isa. At nakamit lamang namin ang kapatawaran kung kailan siya'y mawawala na.

Bakit laging ganoon? Bakit kung kailan mayroon ng mawawala saka lamang maibibigay ang kapatawaran? Bakit sa oras lamang na iyon hihingi ng patawad? Kung matagal sanang ibinigay at tinanggap iyon, marahil ay nakagawa pa kaming dalawa ng mas magandang alaala.

Ako'y naiiyak dahil pakiramdam ko puros lungkot, sakit at pighati lamang ang kanyang naibaon patungo kabilang mundo. Ang dami kong pagkukulang. Ang daming pagkakataon akong nasayang. Ang daming bagay kong napakawalan para lamang makamit ang aking pansariling kaligayahan.

Sa lahat ng aking nagawa, mas ninais niya pa ring ituloy ang kasal kahit hindi totoo. Kahit na punong-puno na siya ng pasakit at problema, sa huli mas pinili niya pa ring ibigay sa akin ang aking kasiyahan. Ako ang naging makasarili, Floriana, hindi ikaw.

At sa panibagong pagkakataon na ibinigay mo sa akin, hinding-hindi ko na ito sasayangin pa. Sasabihin ko sa ating anak at mga apo kung anong klase kang kaibigan, nobya, maybahay at ina.

Patawarin mo ako, Floriana, nawa'y sa ating muling pagkikita riyan sa itaas, tanggapin mo akong muli at mapatawad.

Abril 13, 1899

"Hali na, anak! Naghihintay na sa atin ang iyong ina!" magiliw kong wika sabay buhat sa aking anak. Sa aking kanang balikat, isinukbit ko ang bayong kung saan nakalagay roon ang mga pagkain.

"Handa na ba ang lahat?" tanong ni Doña Lucia habang nakangiti at inaasikaso ang mga dadalhin.

"Handa na! Hali na! Mas magandang magtungo roon nang wala pang bukang-liwayway," saad naman ni Ama sabay akbay kay Don Luisito.

"Nakatitiyak akong matutuwa si Floriana sa ating sorpresa," wika ko habang nakatingin sa kanilang lahat.

"Sinabi mo pa, anak, diyos ko, tila nasa harapan ko lamang si Floriana dahil kawangis niya ang inyong anak!" natatawang tugon naman ni Ina na sinang-ayunan ng lahat.

Habang lumalaki si Seviano, mas lumalabas ang mga katangian na namana niya sa kanyang ina. Siya ang lalaking bersyon ni Floriana.

Nang marinig iyon ni Seviano, siya'y ngumiti nang malapad. Kamukhang-kamukha nga niya ang kanyang ina kahit sa pagngiti.

Nang maayos na ang lahat, mabilis kaming sumakay sa karwahe dala-dala ang aming mga gamit. Maging ang aming mga kapatid ay kasama rin. Lahat kami ay kumpleto.

"Narito na tayo," wika ni Doña Lucia at inalalayan ang aking ina sa pagbaba.

Pagbaba ko sa karwahe, tumambad sa akin ang malamig at sariwang hangin. Habang kami ay papalapit ay siyang pagkukwentuhan ng aming mga magulang.

Ibinaba ko si Seviano at inalalayan siyang mag-ensayo sa paglalakad habang papalapit kami nang papalapit sa puntod ni Floriana.

"Nana...Nana..Nana," wika ni Seviano na aking ikinangiti. Nitong mga nakalipas na linggo, tinuturuan ko na siyang bigkasin ang salitang 'ina' para kapag sila'y magkita ni Floriana, marinig nito ang boses ng aming munting anghel.

"Magandang araw, Floriana anak,"

"Magandang umaga, anak."

"Kumusta ka na riyan, ha? Nakikita mo ba itong iyong anak, Diyos ko, manang-mana sa iyong kakulitan noong bata ka pa lamang!"

"Kawangis mo ang iyong anak, Floriana."

"Ate, kumusta ka na riyan? Maganda ba riyan sa langit?"

"Tiyak akong siya'y nanonood ngayon."

Napangiti na lamang ako sa kanilang sinasabi. Tiningnan ko ang aking anak na gumapang papunta sa puntod ng kanyang anak.

"Nana...Nana..Nananana~."

Narinig mo ba iyon, Floriana? Palihim kong pinunasan ang aking luha. Hindi ko alam kung bakit ako naluluha. Ang sarap lang makita na ang aming anak ay lumalaking malusog at matalino kasama ng aming buong pamilya.

"Nanananana. Nana...Nana~." Dahil siya'y gumagapang, idinikit niya ang kanyang ulo sa marble kung saan nakaukit ang pangalan ni Floriana habang patuloy pa rin sa pagbanggit ng 'ina'. Paminsan-minsa'y hinahaplos niya ito at hinahalikan. "Nana...Nana."

"Anak," bulong ko sabay haplos sa kanyang likod. Ngumiti siya sa akin kaya ngumiti rin ako. "Maligayang unang kaarawan, anak."

Oo, ngayon ang kanyang unang kaarawan. Ngayon din ang unang anibersayo ng pagkamatay ng kanyang ina. Mas pinili namin na dito sa sementeryo magkaroon ng maliit na salo-salo para kami ay kumpleto lahat. Nais ko kahit sa ganitong paraan man lang makita at maramdaman ko ang presensya ng aking asawa.

Parang kailan lamang, ano? Parang noon, isinisilang niya pa lamang ang aming supling at nagkaroon pa kami ng huling pag-uusap ngunit ngayon, isang taon na pala ang nakalilipas.

Ang bilis ng panahon. Lumalaki na rin ang aming anak.

Nag-alay muna kami ng panalangin para kay Floriana bago kumanta para kay Seviano. Tiningnan ko silang lahat habang nakaupo sa aking hita ang aking anak na patuloy na tumatawa.

Ang sarap pagmasdan ng ganito. Lahat kami ay nakaupo habang nasa harap namin ang puntod ni Floriana--- nagtatawanan at nagkukwentuhan. Simpleng buhay kasama ang buong pamilya. Nasaksihan ko ang relasyon ng aming mga pamilya---kung paano mabuo, lumakas, masira dahil sa malaking hidwaan noon at ngayon ay mas lalong pinatatag ng panahon at problema ang aming pagsasama.

"Hipan mo, apo, tulad nito, o, gayahin mo ako," wika ni Doña Lucia. Hindi ko rin akalain na tuluyan siyang magbabago mula nang isilang ni Floriana ang aming anak. Siya ang naging katuwang ni Ina sa pag-aalaga kay Seviano.

Napatingin siya sa akin at ngumiti. Ang daming nagawang kabutihan sa akin ni Doña Lucia. Siya halos ang aking kasama sa bahay dahil sa kagustuhan na palaging nakikita ang kanyang apo. Siya na nga lagi ang kumakarga, nagpapaligo, nagpapakain at nagpapatahan kahit sa kalagitnaan pa ng madaling araw.

Tumayo siyang ina sa amin ni Seviano. Hindi lang sa aming dalawa kundi na rin sa aking mga kapatid. Malapit na rin ang loob tatlo kong kapatid sa kanya. Sino ang mag-aakala na ang dating masungit, matapobre at kinaayawan ng halos lahat ng tao ay ngayon mabait at maalaga?

Kung paano niya alagaan at protektahan si Floriana ganoon rin siya sa amin lalo na sa kanyang apo.

Nabanggit niya rin sa akin kung bakit mainit ang dugo niya kay Emilia noon--- iyon ay dahil nakikita niya sa aking mga mata ang kakaibang pag-aalala para sa kanya.

Ayaw lamang niya masaktan ang kanyang anak kaya mas pinili niyang saktan si Emilia.

"Ang daya mo naman, Luciana, akin iyan, e!"

"Anong sa iyo? Akin ito, e! Ako ang gumawa nito!"

Napadako naman ang aking tingin kay Lydia at Luciana na nag-aagawan ng nilutong saging na minatamis.

"Ikaw ba ang nagluto niyan?" tanong ni Lucia habang magkasalubong ang kilay.

"Oo bakit? Wala ka ngang nagawa kahapon, e tapos ngayon ikaw ang malakas kumain?" segunda naman ni Lydia nang hindi nagpapatalo sa pagtaas ng kilay.

Natawa ako sa kanilang asaran. Sa paglipas din ng panahon, sila ay unti-unting nagkasundo at naging matalik na magkaibigan. Ganoon pa man, hindi pa rin nawawala ang bangayan ng dalawa.

"Anong gusto mo, Angelito anak?" tanong naman ni Ama kay Angelito na tahimik lamang habang nagbabasa ng librong pangmedisina.

Nabanggit niya sa amin na nais niyang sumunod sa aking yapak kaya ngayon pa lamang ay nagbabasa na siya kahit mayroon siyang hindi maintindihan.

"Kahit ano po," sagot naman niya.

Napailing na lamang ako sa kanyang kasungitan at katahimikan. Iyan ang dahilan kung bakit hindi niya nasabi kay Delilah ang kanyang paghanga. Nalaman ko noong nakaraang taon na siya pala'y humahanga kay Delilah dahil nabasa ko sa likod ng aking libro ang pangalan nito. Siya lang naman ang nanghihiram ng libro sa akin kaya batid kong siya ang nagsulat niyon.

Noong una, tumatanggi pa siya ngunit sa huli ay umamin din. Wala naman daw siyang balak na umamin dahil batid niyang paghanga lamang ang kanyang nararamdaman. Saka na lamang daw siya aamin kung pag-ibig na ito tulad ng aking naramdaman kay Emilia.

Ang sagot ko sa kanya ay hangga't mayroon siyang pagkakataon na umamin, gawin niya. Kase baka ngayon mayroon pa siyang pagkakataon baka bukas o makalawa ay wala na.

"Don Luisito, maaari niyo po bang iabot sa akin ang kamote?"

Napadako naman ang aking tingin kay Juliana at Don Luisito.

"Oo naman, anak."

Wala namang nagbago kay Don Luisito at Juliana. Kung ano sila noon, ganoon pa rin sila ngayon. Mas lalo lamang lumawak ang kanilang pag-iisip dahil sa mga nakalipas na hidwaan. Marami silang napagtanto.

Si Ina at Ama? Heto, mas lalong tumitibay ang samahan at pag-iibigan kahit na minsan ay nagkakaroon sila ng maliit na hindi pagkakaunawaan.

Bumitiw na si rin si Ama sa pagiging gobernadorcillo tatlong taon na ang nakararaan. Marami na raw siyang nagawa kaya nais na niyang magpahinga at sulitin ang bawat oras na kami ay kasama.

Nahagip naman ng aking mata na pinunasan ni Don Lucia ang gilid ng labi ni Don Luisito na ikinangiti nang makalapad ng don.

Totoo ngang tunay na magagawa mong mahalin ang tao kahit mayroon ng nauna sa iyong puso. Hindi ko man batid ang buong kwento ng mag-asawang De Montregorio ngunit napapansin namin matagal na sila'y malapit sa isa't isa.

Iyon bang kakaibang titig at ngiti sa isa't isa. Bagay na hindi namin nakikita sa kanila noon dahil si Doña Lucia ay medyo mailap sa kanyang asawa.

"Marahil ay natamaan na siya nang husto sa kanyang asawa," bulong sa akin ni Ina kaya mabilis akong napatingin sa kanya.

Siya'y ngumiti at itinuro ang gawi nina Don Luisito at Doña Lucia nang nagsusubuan habang nagtatawanan.

"Akala ko noon ay hindi niya magagawang mahalin ang kanyang asawa dahil lamang unang pag-ibig niya ang iyong ama. Nagkamali ako, anak. Nagawa niya. Nagawa ni Lucia," dagdag pa ni Ina.

Tuluyan na akong napangiti nang makitang niyakap ni Don Luisito si Doña Lucia. Kapwa na sila matanda ngunit tila ngayon lamang sila nagkaroon ng mahabang panahon upang iparamdam nila ang pagmamahal sa isa't isa.

Bakas na bakas sa mukha ng don ang sobrang saya na tuluyan ng mapalapit sa kanyang asawa. Hindi niya kase iyon magawa noon dahil batid niyang malayo ang loob nito sa kanya. Ngunit ngayon, walang araw na hindi sila ganiyan. Kulang na lamang ay magkaroon ng langgam sa asin.

Kitang-kita rin sa mga mata ni Doña Lucia ang labis niyang pagmamahal sa kanyang asawa. Kung noon, ang aking ama ang lagi niyang tinitignan nang palihim na aking napapansin, ngayon ay napapangiti na lamang siya habang tumititig sa kanyang asawa. Iyon din ang aking napansin sa tuwing kami ay magkakasamang buo. Kahit hindi nila sabihin na mayroong nagbago, ramdam at nakikita naman namin iyon.

Alam ko rin naman na alam na rin ni Ama ang pagbabago sa relasyon ng kanyang dalawang kaibigan kaya labis siyang nagagalak.

Sumali sa aming usapan si Ama at bumulong. Bago niyon, sumulyap pa siya sa magkaibigan na patuloy na nagtatawanan. "Sulit ang maraming taong paghihirap at paghihintay ni Luisito kay Lucia. Nagbunga na iyon lahat ngayon. Ako'y nagagalak dahil hindi siya tuluyang sumuko kahit siya'y pagod na pagod na."

Hangga't may buhay, mayroon pang pagkakataong magbago. Hangga't may buhay, maaari pang umibig. Mayroon mang maling tao sa maling panahon, mayroon namang tamang tao sa tamang panahon. Tiyaga lamang talaga sa paghihintay. Para saan pa ang matagal na paghihintay kung batid ng Diyos na hindi para sa iyo? Sa likod ng masayang pagsasama kaakibat niyon ay ang matagal na paghihintay.

"Nana...Tata..Nana...Tata."

Naagaw ng aking atensyon ang sinabi ng aking anak. Siya'y aking hinarap sa akin nang nakangiti. "Ano iyon, Seviano? Pakiulit?"

"Nana...Nananana...Na...Tata...Tata....Tatatata~."

Ako'y tumawa at hinalikan ang aking anak. "Kay sarap pakinggan naman niyon, anak!" Ito ang unang pagkakataon na banggitin niya ang salitang 'Itay' nang hindi ko itinuturo sa kanya. "Isa pa nga anak!"

Inagaw ni Seviano ang kinakain na saging ni Lucia kaya nadumihan ang kamay nito at nanlagkit.

"Seviano!" sigaw ni Luciana nang nanlalaki ang mga mata.

"Ayan kase, panay kain ka raw, e, wala ka namang naitulong!" pang-aasar naman ni Lydia.

Pinagsabihan ko si Seviano at pinunasan ang kanyang kamay. Napuno na naman kami ng tawanan dahil sa mga ginagawa ni Seviano tulad ng pagsayaw at pagkanta kahit hindi maintindihan ang kanyang sinasabi.

Napatingin ako sa kalangitan nang aking makita ang papalitaw na araw. Tumama ito sa aking mukha at napangiti ako sa katamtamang init na hatid nito sa aking balat.

"Nawa'y nakita mo kung gaano kasaya ang ating mga pamilya ngayon, Floriana. Nawa'y pinagmamasdan mo kaming lahat lalo na ang ating anak," bulong ko. Saktong nahagip ng aking mata ang pulang rosas sa harap ng kanyang puntod. Pumitas ako ng isa at pinalipad.

Sinundan ko ng tingin ang rosas na malayang lumilipad sa kawalan hanggang sa tuluyan na siyang matangay ng hangin.

Hanggang sa muli, Floriana.

Hunyo 5, 1899

"Señor, mayroong liham para sa iyo," wika ng aming kasambahay.

Kumunot ang aking noo nang wala naman akong maaalala na mayroong magpapadala sa akin ng liham.

Nang aking tignan, awtomatikong gumuhit ang ngiti sa aming labi nang makita ang liham ni Agapito. Kumusta na kaya ito sa Maynila? Kumusta na kaya silang dalawa ni Emilia? Matagal na akong walang balita sa kanila.

Mahal kong kaibigan,

Kumusta naman ang aking matalik na kaibigan? Kumusta ang buhay ama? Patawad kung ngayon na lamang ako nakasulat ng liham sa iyo. Batid mo namang tayo'y naghahanda na bilang ganap na doktor. Siya nga pala, nais ko ring sabihin na mayroon akong nobya. Nakilala ko siya rito sa Maynila. Ang kanyang ngalan ay Teresa Agoncillo. Hindi ko alam ngunit pakiramdam ko ako ay humahanga sa kanya. Marahil ngayon ay nakakunot na ang iyong noo sa aking ikinukwento.

Matagal na kaming hiwalay ni Binibining Emilia, dalawang taon na ang nakararaan. Siya'y nakipaghiwalay sa akin at tinanggap ko naman ang kanyang desisyon. Kung sakali man na kayo'y magkitang muli, batid kong maikukwento niya iyon sa iyo.

Magkita tayo kapag nagpunta ka rito sa Maynila, a? Nangungulila na ako sa aking matalik na kaibigan. Nais ko ring makita ang aking inaanak.

Hanggang sa muli, Severino. Mag-iingat kayong lahat diyan.

Agapito

Ano?! Hiwalay na sila ni Emilia? Kailan pa? Bakit anong nangyari? Bakit ngayon niya lamang sinabi sa akin?

Mayo 7, 1944

"Ayos na ba lahat?" tanong ko sa kanila. Napakagat ako sa aking kamay nang aking maramdaman na hindi pa rin nawawala ang panginginig nito. Mahigit isang linggo na akong hindi mapalagay. Hindi ko batid kung magiging matagumpay ba ang plano. Nawa'y oo. Hindi ko hahayaang masira ito. Pinag-isipan at pinaghirapan ko ito, no!

"Medyo masikip sa akin ang tela, Agapito. Wala bang iba?" tanong naman ni Agapito nang nakakunot ang noo habang palipat-lipat ang tingin sa tela at sa akin.

Siya'y aking binatukan. "Ayan lang ang meron tayo. Huwag ka nang maarte. Gamitin mo na iyan."

"Bakit kase sa ganito pang paraan nais mong ayain magpakasal si Emilia?" dagdag pa niya.

"E, para naman kakaiba, hindi ba?"

Ngumisi siya at tinapik sina Cinco, Bernardo, Angelito at Delilah. "O, batid niya na ang gagawin, a? Ating bubugbugin ang lalaking ito para maging pangit siya sa kanyang kasal" sabay turo niya sa akin nang natatawa.

Siya'y aking siniko nang malakas at sinamaan ng tingin. "Siraulo ka. Huwag naman" sabay tingin ko sa aking mga kasama kanila. "Huwag niyong lakasan ang pagkakabugbog sa akin. Nais kong magkaroon ng gwapong mukha sa araw ng aking kasal." Baka mamaya kanilang lakasan. Kawawa naman ako.

"Paano maniniwala si Emilia sa nangyayari kung mahihinang suntok lamang ang aming ibibigay?" segunda naman ni Cinco sabay ngisi at paikot ng tela sa kanyang kanang hintuturo.

"Isa ka pa, Cinco. Ikaw bugbugin ko, e. A, basta iyong sapat na lakas lamang. Huwag niyo namang lakasan. Baka hindi ako makalakad nang maayos mamaya."

"Kapag ito nalaman ni Ate Emilia, Ginoong Severino, nakatitiyak akong hahampasin ka noon," natatawa namang turan ni Delilah at inayos ang kanyang itsura. Siya'y magpapanggap na lalaki. "Ngayon pa lamang, natatawa na ako kung siya'y aking pagbubuhatan ng kamay."

"Marahan lamang, a? Huwag iyong malakas. Ayaw ko siyang masaktan," wika ko. Malaki kase ang posibilidad na maaari siyang masaktan ng tatlong lalaki na ito kaya naisip ko na isama si Delilah upang siya ang mananakit kay Emilia.

Kahit ayaw ko mang mapagbuhatan ng kamay si Emilia ng mga taong ito, naisip ko hindi magiging kapani-paniwala at katotohanan ang eksena kung hindi namin siya masasaktan.

Napagpasyahan kong dadakpin ako nina Agapito sa aming tahanan habang mahimbing na natutulog si Emilia sa kanyang silid. Bago niyon, guguluhin muna nila ang mga kagamitan sa salas upang magmukhang kapani-paniwala na ako'y nanlaban.

Nakausap ko na rin si Marites---isa sa aming kasambahay na kapag narinig na niya ang tinig ni Emilia na natataranta, siya'y sumigaw at humingi ng tulong mula sa labas kung saan ako bubugbugin ng mga ito.

Kilala ko si Emilia. Siya'y palaban kaya batid kong ipagtatanggol niya ako. Kahit na anong mangyari, ako'y kukunin nila, dadalhin at iiwan sa daan malapit sa simbahan kung saan magaganap ang kasal.

Maging ang iilang tao rito ay aking kinausap kahapon na magpapanggap na tutulong kay Emilia kapag siya'y hihingi ng tulong.

Lahat din ng mga mahahalagang tao ay panauhin. Maging sina Cinco at ang kanyang pamilya na nasa Bataan ay aking pinauwi para makadalo. Sinabi ko na sa kanya ang plano noong huling gabi namin sa Bataan bago magtungo sa Las Fuentas upang magbakasyon.

Maging ang aking pamilya sa Bataan ay aking pinapunta rito sa Maynila. Nabanggit ko na sa kanila ang plano noong ako'y nagtungo agad dito. Hindi pa man nakikilala ng ilan sa aking pamilya si Emilia, sila rin ay pumayag na. Batid din kase nila ang kwento naming dalawa.

Naalala ko tuloy ang naging usapan namin noon ni Seviano noong siya'y katorse anyos (14 yrs. old) pa lamang.

"Itay, nais ko pong makarinig ng kwento. Maaari niyo po ba akong kwentuhan?"

"Anong kwento ang iyong nais, anak?"

"Paano po kayo nagkakilala ni Inay? Mayroon po ba kayong minahal na ibang babae bukod kay Inay, Itay?"

"Meron anak. Nais mo bang marinig ang buong kwento?"

"Opo!"

"Baka ikaw ay magalit sa akin matapos mong marinig ang lahat?"

"Ha? Bakit naman po? Kahit ano pa po iyan, akin pong tatanggapin. Wala naman pong perpektong relasyon, hindi po ba?"

Simula noon, lagi na siyang nagpapakuwento sa akin kahit gabi-gabi na niya itong marinig. Dumating nga sa punto na memoryado na niya ito, e. Hanggang sa ako'y tumanda at si Seviano ay nagkaroon ng asawa, naging salin-bibig ang kwento naming tatlo nina Floriana at Emilia sa aming pamilya kaya batid ng lahat kung anong nangyari. Idagdag pa na ako'y madaldal.

Nais ko rin kaseng malaman nila ang katotohanan dahil bilang ama, may karapatan silang malaman ang totoo. At sa ganoong paraan din, mananatiling buhay si Floriana sa aming mga puso.

"Hali na po, magbubukang-liwayway na."

Napatango na lamang ako sa tinuran ni Bernardo nang siya'y mapatingin sa amin. Maging siya ay aking isinali sa plano. Kasalukuyan kaming papunta ngayon sa aming tahanan, nakasuot kami ng sumbrero para hindi makita ang aming mga mukha.

Muli naming pinag-usapan ang pagkakasunod ng mga plano upang walang makaligtaan. Ang ibang mga panauhin naman ngayon ay abala na sa pag-aayos dahil ngayong alas-sais magsisimula ang eksena at kasabay niyon ay ang kasal na.

"Sandali, ako'y kinakabahan," wika ko sabay hinga nang malalim. Hindi naman ganito ang aking naramdaman noon kami ay ikinasal ni Floriana kahit sabihin na nating hindi totoo iyon.

"Ganiyan talaga, ganiyan rin po kami nang kami ay mag-isang dibdib ni Delilah, hindi ba, Mahal?" wika ni Bernardo sabay ngiti sa amin at sa kanyang asawa.

Namula naman ang mukha ni Delilah habang nangingiti samantalang nakatingin lamang sa kanila si Angelito na kanina pa walang imik.

Siya'y aking siniko kaya napatingin siya sa akin. "Ayos ka lang?" bulong ko sa kanya at tanging tango lamang ang kanyang iginawad sa akin sabay tingin sa ibang paligid.

Napangisi ako. Hindi kaya bumalik ang kanyang nararamdaman para kay Delilah? Bakit ganito ang kanyang inaasal?

"Ayan na si Marites," bulong ni Agapito.

Muli akong huminga nang malalim habang tinitignan si Marites na papalapit sa amin.

"Handa na po ako, Señor Severino," ani niya.

"Suotin niyo na ang tela," utos ko. Muli akong tumingin sa aking mga kasama, tinapik sa balikat si Agapito at tinanguan ko naman ang iba saka ako tumayo papasok ng bahay.

Simula na.

"Bugbugin niyo na ako," wika ko nang mahina.

Walang pasabi akong binigyan ng malakas na suntok ni Cinco na nagpaatras sa akin.

Nanlalaki ang aking mga mata nang ako'y mapatingin sa kanya. "Mayroon ka bang galit sa akin? Sabi kong mahina lamang ---"

"Ang dami mong sinasabi," wika naman naman ni Agapito sabay suntok sa akin din ng malakas. "Para iyan sa nagawa mo noon. Sinaktan mo si Emilia."

Naguguluhan akong tumingin sa kanila. "A-Anong sinaktan? Ha? Ano ba ang iyong sibasabi?"

"Patawad po Ginoong Severino," saad ni Bernardo sabay suntok sa akin ng dalawang beses sa tiyan kaya ako ay tuluyan nang mapaupo sa sakit.

"Sabi kong mahina lang!" sigaw ko. Sunod-sunod nila akong sinuntok nang malakas. May galit ba sila sa akin? Bakit ang lalakas ng kanilang mga suntok? Dahil sa aking pagkainis, sila rin ay aking sinuntok.

Tatlo laban sa isa.

"Nuestro golpe es bueno, Severino?  (Is our punch good, Severino?)" rinig kong tanong ni Cinco.

"Hindi siya maniniwala kung hindi ka masusugatan, kaibigan. Mamaya ikaw ay magpapasalamat dahil sa aming ginawa," natatawang tugon ni Agapito sabay suntok na naman sa akin.

Mabuti na lamang kahit hindi ko nakikita ang kanilang mga mukha, kilala ko pa rin sila dahil sa kanilang mga tinig. Pagkatapos nito ako'y gaganti sa inyo. Lintik lang ang walang ganti.

"Severino! Severino!"

"Ayan na," bulong ko. Pinunasan ko ang aking labi na may dugo na.

"Kailangan pa ba niya ng ketsap (ketchup)?" rinig kong tanong ni Delilah. "E, mukhang hindi na kailangan. May dugo na, e."

"Ano ang iyong ginawa sa kanya?!" dagdag pa ni Emilia. Siya'y lumapit sa akina, pilit akong pinoprotektahan at nilalayo sa kanila.

Napapangiti na lamang ako sa kanyang inaasal ngunit nangingibabaw sa akin ang takot na baka anong mangyari sa kanya.

"Ginang si Se...ñor Severino po," umiiyak naman na tugon ni Marites.

"Mayroon siyang kasalanan sa amin! Tumabi ka!" sigaw sa kanya ni Cinco sabay tulak sa kanya nang marahas kaya si Emilia ay napahiga sa sahig at nauntog pa sa kahoy.

Cincoooo!

Naiyukom ko ang aking kamao at siya'y sinuntok. Dahil sa aking panghihina dala ng kanilang pangbubugbog, hindi na gaanong malakas ang suntok na aking napakawalan.

Maging ang iba ay nagulat. Lalapitan na sana ni Delilah si Emilia para tulungan ngunit napigilan siya ni Agapito.

"Heneral, ano ang iyong ginawa? Pagpapanggap lamang ito!" nanggigil na turan ni Delilah.

"Paumanhin, hindi ko sinadya. Napalakas pala."

Napalakas, siraulo, a. Mamaya ka sa akin.

"Mierda. Mierda (Fuck. Shit)."

"Aray."

"Aray ko aray."

"Ang sakit aray."

Nakita ko ang malikiit na batid na nahuhulog sa sahig. Sila pala ay binabato ni Emilia kaya panay ang daing nila.

"Umalis na kayo! Ano pa ba ang inyong kailangan?! Nakuha na ninyo ang nais niyo, hindi ba? Nakapagnakaw na kayo, hindi ba?"

Mahal, hinay-hinay lamang sa pagsigaw. Baka mamaya sa ating kasal mawalan ka ng tinig. Hindi ko man siya makita dahil ako'y nakahiga na sa sahig at nanghihina, pumapasok naman sa aking isipan ang kanyang ispan ang kanyang galit na munama Ito na nga ba ang aking ikinakatakot. Siya'y galit na galit na.

Rinig ko na rin ang kanyang paghikbi. Bakit niyo pinaiyak si Emilia?! Nakita kong lumapit sina Bernardo at Agapito sa kanya.

"Sa tingin mo kami ay nandito para magnakaw? Sa iyo rin bang palagay nakuha na namin ang aming nais? Nagkakamali ka," tanong ni Bernardo na mas pinalalim ang tinig. Tinabig niya nang may kalakasan si Emilia upang makalapit sa akin, puwersahan akong itinayo at kinaladkad palayo. "Paumanhin po, Ginoong Severino, kung siya'y aking tinabig."

"A-Ayos lang," bulong ko para hindi mapansin ni Emilia. Nanatili pa rin akong nakapikit para magpanggap na nawalan ng ulirat at pasulyap-sulyap sa kanilang lahat minsan.

"Severino! Sandali saan niyo siya dadalhin? Severino! Sandali tumigil kayo...Severino!" Marahas niyang itinulak sina Bernardo at Agapito upang ako'y pilit makuha.

"Señor Severino! Tulong po! Tulong!" sigaw naman ni Marites. Akala ko siya'y umalis na.

"TUMAHIMIK KA! HUWAG KANG SUMALI SA GULO NAMIN, TANDA!" biglang sigaw ni Agapito kaya mabilis kong minulat ang aking mga mata at nakitang sinuntok niya ito nang malakas sa tiyan.

Awtomatikong napalaki ang aking mga mata at napatigil sa paglalakad. Maging sila ay napatigil din.

Agapitoooo! Isa ka pa!

Ano ang inyong ginawa?! Sinabi ko ng huwag na huwag niyong pagbubuhatan ng kamay si Emilia!

"Ginang Emilia!" sigaw ng kasambahay at lumapit sa amin. "Walanghiya ka!" Akmang sasaktan na niya ito ngunit siya'y inunahan ni Bernardo at hinablot ng malakas ang kanyang buhok.

"Isa ka pa! Saktan mo nga iyan! Ang daming nakikisali, si Severino lang naman ang ating kailangan!" saad ni Delilah nang may bahid na pagkainis sa kanyang tinig. "Kung ayaw mong masaktan muli at nais niyo pang mabuhay, tumigil kayo. Huwag kayong makisali," wika nitong muli sa malalim na tinig at tuluyan ng umalis.

"Tulong! Tulong po! Ginang Emilia, Señor Severino! Tulong po!"

"Na-Nasaan ang iba, hija? Bakit wala sila? Hanapin mo sila at humingi ka ng tulong sa kanila," rinig kong wika ni Emilia.

Sinimulan na akong kaladkaring muli ni Bernardo at Agapito kaya hindi ko na nakita pa ang kanyang mukha.

Nang kami ay makalayo-layo na, lumingon muna ako sa daan upang makita kung nakasunod na ba si Emilia. Nang aking masigurong hindi pa, sila ay aking hinila patungo sa tagong lugar nitong mga puno at pinagsusuntok sila nang mahina sa tiyan. "Ano ang inyong ginawa? Kaya nga narito si Delilah para siya ang gumawa niyon, bakit niyo siya pinagbuhatan ng kamay?" Nakakainis! Naging matagumpay nga ang unang parte ng plano ngunit hindi naman nila sinunod ang aking paalala.

"Paumanhin, nadala lamang kami," wika ni Agapito nang may malungkot na mukha at napailing. "Hindi ko talaga sinadya. Ang nasa isip ko lanang ay mapaniwala siya. Baka kass siya'y manghinala."

Humingi rin ng paumanhin ang dalawang lalaki habang si Delilah ay palipat-lipat ang tingin sa aming apat.

"Magpaliwanag na lamang kayo mamaya at humingi ng tawad," wika niya habang napapailing.

Nagturuan naman ang tatlong lalaki at sinasabi kung sino ang unang nanakit.

"Si Cinco talaga iyon! Siya ang numero uno!" segunda ni Agapito at hinampas nang marahan sa tiyan ito.

"Huwag na tayong magtagal dito. Baka siya'y nakasunod na sa atin," paalala ni Delilah kaya nagsibalik na kami sa aming mga posisyon.

Tumango naman ako sa iilang mga tao upang sila'y paalalahan. Sila rin ay tumango. Mayroong isa sa kanila na palihim na itinuro ang likuran at sinesenyas na siya'y palihim na nakasunod.

Bigla akong kinabahan nang mapagtantong narito na siya. Kilala nila si Emilia sa mukha dahil ipinakita ko sa kanila ang kanyang larawan at iilang guhit (drawing) na aking ginawa.

****

"Ayos lamang ako, Mahal. Mayroon lamang akong itatanong sa iyo, maaari ba?" tanong ko sa kanya. Kanina pa ako nakaluhod dito habang nanginginig ang aking katawan dahil sa labis na kaba samantalang siya nama'y naupo upang mapantayan ako.

Narito na kami ngayon sa harap ng simbahan kung saan nakatingin sa amin ang maraming pares ng mata.

Sina Agapito at ang iba pa ay nagmadaling nagpalit ng kasuotan at pumunta sa kanilang kauupuan. Hanggang ngayon ay hindi pa rin batid ni Emilia na naririto ang kanyang pamilya.

"Sandali, saan kayo tutungo?" tanong niya nang matapos kong senyasan ang mga taong tumulong sa kanya na pumunta na sa loob.

"Emilia?" muling pagtawag ko sa kanya. Pakinggan mo naman ako, Mahal.

Kanina pa nakakunot ang kanyang noo mula nang sila'y mapadpad dito. Kung wala nga lamang ibang tao baka napalo na niya ako sa aking braso dahil hindi ko sinasagot ang kanyang mga tanong. "Hindi ba makapaghihintay iyang tanong na iyan? Ang iyong kalagayan ang mas mahalaga ngayon, Severino. Hali na." Maganda pa rin siya kahit siya'y naiinis na. Muli na naman niya akong pinigilan nang siya'y aking hilahin. "Severino, ano ba? Nakakahiya sa kanila mayroong ikakasal."

Siya'y tumingin sa ibang direksyon at bahagyang nanlaki ang kanyang mga mata habang mayroong itinuturo.

"Sandali...bakit ka nariyan?" Papalit-palit na ang kanyang tingin sa amin. "Ano bang nangyayari, Severino?"

"Paumanhin kung sa ganitong paraan ko ginawa at plinano ang lahat ngunit nais sana kitang tanungin sa harap nilang lahat at sa harap ng Diyos," wika ko sabay pisil sa kanyang kamay at siya'y inalalayang tumayo kahit nananatili akong nakaluhod. Masyado ng mahaba ang pagpapanggap na ito. Nasasabik na akong pakasalan ang babaeng ito, Panginoon.

"Emilia Madrigal," pagbanggit ko sa kanyang buong pangalan. "Sumasang-ayon ka ba na palitan ko ang iyong huling pangalan?"

"H-Ha?" Napaawang ang kanyang labi at ilang beses kumurap ang kanyang mga mata.

Natawa ako sabay napailing. "Sumasang-ayon ka ba na palitan ko ang iyong huling pangalan?"

"Hindi ba't ikaw ay kasal na?"

"Hindi ko pa pala nasasabi sa iyo ang katotohanan ngunit hindi kami totoong kasal ni Floriana?"

"A...no?"

"Mamaya ko sa iyo ipapaliwanag. Sagutin mo muna ang aking tanong."

Siya'y huminga nang malalim at napatango. "Aayain mo na nga lamang akong magpakasal bakit kailangan mo pang mabugbog? Sino ang mga iyon? Humanda ka sa akin mamaya sa bahay ngunit sa ngayon 'oo' ang aking sagot." Napalitan ng malapad at matamis na ngiti ang kanyang mukha at itinapat sa akin ang kanyang kaliwang palad.

"Bakit?" takang tanong ko.

Bigla na namang nagbago ang kanyang mukha. Siya'y nagtataka na. "Ha? Hindi ba't iyong ipapasok ang singsing sa aking kaliwang palasingsingan?"

"Ngayon naman tayo ikakasal, Emilia, mamaya ko na ito isusuot sa iyo kapag tayo'y may basbas na ng pari."

"A, ganoon ba?"

"Sarap mong asarin, Mahal." Siya'y aking kinindat ng dalawang beses na ikinaiwas niya ng tingin. Muli na lamang akong natawa sa nangyayari ngayon.

Tumingin ako muli sa gawi ni Delilah sa bandang unahan at ngumiti sa kanya---hudyat iyon na maaari na niyang ayusan at bihisan si Emilia.

****

Kasabay ng aking malalim na paghinga ay siyang pagbukas ng pinto ng simbahan. Nagsimulang patugtugin ang awitin na aking ginawa noon. Isa-isa ring naglakad ang mga mahahalagang panauhin tulad nina Agapito at kanyang asawa, si Delilah at Bernardo, si Angelito at Cinco at iba pa naming pamilya. Isa isa silang ngumiti sa akin sa akin at ang iilan ay tinapik ako sa balikat.

Sumunod ay ang mga munting ginoo't binibini na naglalagay ng mga talulot (petals) sa pulang karpet (carpet).

Ikaw ang aking ligaya

Pagmasdan mo ako, sinta 🎶

Napakaganda. Napakaganda ng aking mapapangasawa. Maganda pa rin siya kahit siya'y matanda na. Sandali siyang tumingin sa ilang mga panauhin bago tuluyang mapako sa akin ang kanyang mga mata.

Ngayon at kailan pa man

Ang aking pag ibig, 'Di maglalaho 🎶

Kahit kailan hindi nga naglaho ang pag-ibig ko para sa iyo, Emilia. Kay rami na nating pinagdaanan. Inilayo na rin tayo ng tadhana sa isa't isa ngunit heto, ikaw ay naglalakad ngayon sa harap ng altar patungo sa akin.

Iyong isipin sa tuwina

Sa ating pag-iibigan

Ay di magtataksil

Sa kabilang dako man ng mundo

Ikaw pa rin ang tibok 🎶

Lahat ng hanap ko Sa buhay

Sa'yo ay aking natagpuan

Kaya iyong panaligan

Araw-araw akong magpapasalamat sa Diyos na hindi ka niya tuluyang inilayo sa akin. Parang noon, pinapangarap ko lamang ito subalit ngayon nasasaksihan na mismo ng aking mga mata.

Siya'y ngumiti at ako nama'y nagpunas ng aking luha. Maraming salamat, hindi ka sumuko sa ating dalawa, Mahal.

Labis kitang minamahal 🎶

At sa habang may buhay

Ang puso ko ay tanging sa 'yo

Damhin at iyong paniwalaan

Ang iyong pagmamahal ang aking ligaya 🎶

Pinagkait man sa atin ng tadhana noon ang maganda at masayang pagsasama, ngayon nama'y pinagkakaloob na sa atin. Kahit kapwa na tayong matanda, hindi pa rin huli ang lahat para punan ang maraming taon na nawala sa ating dalawa.

Lahat ng hanap ko Sa buhay

Sa'yo ay aking natagpuan

Kaya iyong panaligan

Labis kitang minamahal

Ikaw ang aking ligaya

Bisig mong sa aki'y lakas

Parang nasa langit

Ang aking pakiramdam

Payapa sa tuwina

Kapag ikaw ay kasama

Ikaw noon hanggang ngayon.

At sa habang may buhay

Ang puso ko ay tanging sa 'yo

Damhin at iyong paniwalaan

Ang iyong pagmamahal ang aking ligaya 🎶

"Emilia, iyo bang tinatanggap ang lalaking ito upang iyong maging kabiyak sa hirap at ginhawa, sa saya at lungkot, sa yaman at hirap hanggang sa dulo ng walang hanggan?"

Ngumiti siya sabay tulo ng kanyang luha. "Alam ng Diyos kung gaano kita iniibig, Severino. Opo, Amang pari."

"Severino, iyo bang tinatanggap ang babaeng ito upang iyong maging kabiyak sa hirap at ginhawa, sa saya at lungkot, sa yaman at hirap hanggang sa dulo ng walang hanggan?"

"Matagal ko na pong hinintay ang pagkakataon na ito, Amang pari. Opo, siya'y aking lubos na tinatanggap."

"Maaari mo na siyang halikan."

Pinunasan ko muna ang kanyang luha. Siya'y aking hinalikan sa noo, sa tungki ng kanyang ilong hanggang sa lumapat nang marahan ang aking labi sa kanya.

Kasabay ng aking pagpikit ay siyang pagsariwa ko sa aming nakaraan. Bumalik sa aking isipan ang mga nangyari noon. Dito rin pala hahantong ang lahat.

Matapos ang kasal, kaming lahat ay dumiretso sa isang pribadong establisiyemento na aking binayaran malapit lamang dito sa simbahan upang dito ganapin ang malaking handaan.

Nagbigay muna ng kani-kanina lang mensahe ang mga panauhin para sa amin. May mga nagsi-iyakan dahil sa madamdaming mensahe, may mga nagbiro tulad nito.

"Ingatan mo iyan, Severino, una ko iyang minahal kaysa sa iyo," biro ni Agapito kaya nagtawanan ang mga tao.

"Ako naman ang huling minahal," segunda ko kaya mas lalong lumakas ang kanilang tawanan kasabay ng malakas nilang hiyawan.

"Maligayang bati," panimula ni Angelito habang nakapamulsa at nakangiti nang tipid. "Kayo na. Kayo na ang masuwerte sa pag-ibig."

"Hindi ko alam kung ikaw ba'y nagbibiro o hindi, e," natatawa kong tugon sa aking kapatid.

Ngumiti lamang siya at pinagpatuloy ang kanyang mensahe. Siya'y sinundan nina Delilah at Bernardo na sabay nagsalita.

"At sa wakas ikaw ay ikinasal na, Ate Emilia! Akala ko mapupunta lamang sa wala ang iyong matagal na paghihintay, e!" wika ni Delilah sabay tawa kaya muli na namang nagtawanan ang iba.

"Maligayang bati po, Ginang at Ginoong y Fontelo. Hangad ko po sa inyo ang walang hanggang kasiyahan," ani ni Bernardo.

At ang panghuling nagbigay ng mensahe ay si Cinco na seryosong nagtungonsa harap. "Congratulations to the newly-wed couple. Umaasa akong magkakaroon ako ng bagong inaanak, Severino."

Lumaki ang aking mga mata at tumawa. "Siraulo ka. Hindi na kaya ng aking asawa!" Bilang lalaki ay kaya pa naman ngunit si Emilia, syempre siya'y matanda na, hindi na niya kakayanin pa.

"Hacer un milagro (Make a miracle)," sagot niya sabay paalam. Hindi naman maintindihan ng iba ang kanyang sinabi dahil nga ay wikang Espanyol pero nanatili pa rin silang nakangiti at sunasabay sa tawanan ng iba. Siraulo talaga itong heneral na ito.

Matapos iyon, kami ay nagkainan na. Hindi pa rin nawawala ang malalakas na tawanan at kwentuhan kahit patuloy sa pagkain.

Nagkaroon ng sandaling pagtatanghal, bigayan ng regalo hangganhg sumapit ang tanghali, tapos na ang kaganapan.

"Nakikita mo ba ito, Mahal?" tanong sa akin ni Emilia at ipinakita sa akin ang isang kuwaderno na lumang-luma na. Nagdikit-dikit na rin ang mga pahina nito ay kulay kayumanggi na.

Ako'y nasasabik. Ito ang unang gabi ng pagiging mag-asawa. "Bakit anong mayroon?" ngiting tanong ko. Siya'y aking niyakap sa tagiliran at ipinatong ko ang aking baba sa kanyang kanang balikat.

Binuklat niya ang kuwaderno hanggang sa napunta sa isang pahina kung saan naroon ang isang bulaklak na lantang-lanta na ngunit buo pa rin.

"Naalala mo pa ba ito?" ngiting tanong niya nang hindi tumitingin sa akin. Hinawakan niya ang bulaklak nang marahan at itinapat sa amin. "Kase ako tandang-tanda ko pa kung paano mo siya ibinigay sa akin noon."

"Noon?" kunot-noong tanong ko. Ibinigay ko sa kanya noon. Siya'y aking tinitigan at inalala muli ang nakaraan. Nanlaki ang aking mga mata ng akin ng maalala.

"Sa hardin sa bayan ng San Diego!" Tumatango-tango naman siya at natawa. Oo, naalala ko iyon. Iyon ang araw kung kailan kami nagpanggap na mag-asawa para lamang makapasok sa bayan ng San Diego upang maghanap ng hardin para sa aming anibersaryo. "Maaari ko bang hawakan?" tanong ko na kanyang ikinatango.

"Iningatan ko iyan nang husto, Mahal."

"Akala ko nawala na ito o naitapon mo na." Hindi ko akalain na sa paglipas ng ilang dekada buhay na buhay pa rin ang bulaklak na ito. Ang ibig kong sabihin ay buhay pa rin siya dahil buo pa rin.

"Bakit ko naman iyon gagawin? E, iyan ang kauna-unahang bagay na ibinigay mo sa akin."

Ngumiti ako at itinaas-baba nang sabay ang aking magkabilang kilay. "Ikaw a, matagal mo na pala akong mahal. Hindi ka lamang umaamin sa akin."

"Hindi, a," depensa niya. "Akin na nga iyan baka masira mo pa" sabay kuha niya sa bulaklak at ibinalik na sa kuwaderno sabay tago.

"E, bakit mo itinago? Hindi mo naman iyan itatago kung wala kang nararamdaman para sa akin."

"Itinago ko iyan dahil pinahahalagahan ko iyan. Kung ano-ano ang iyong iniisip."

"Sus," pang-aasar ko sabay kurot nang marahan sa kanyang tagiliran. "Hindi inaamin."

"Tigilan mo ako, Severino, tayo'y matulog na." Pinaikot niya ang kanyang mga mata matapos niyang sabihin iyon sabay ayos ng kanyang higaan. Siya'y nakatalikod sa akin nang nakahiga.

"Unang gabi ng ating kasal, ako'y iyong tutulugan lamang?" Hindi ito ang aking naiisip! Bakit naman ganito?

"Bahala ka," natatawa niyang tugon. Dahil doon siya'y aking kiniliti hanggang kami ay maghampasan ng mga unan nang kapwa tumatawa.

Sa huli, ako pa rin ang nagwagi. Inilapat ko nang dahan-dahan ang aking labi sa kanya hanggang sa lumalim ito.

Ito ang unang gabi ng aming kasal. Ito rin ang unang gabi na kami ay naging isa.

Mayo 9, 1944

Dalawang araw matapos ang aming kasal, narito na kami ngayon sa Las Fuentas. Kahapon kami nauwi rito at bukas na bukas ddin ay babalik na muli kami sa Bataan.

"Handa ka na ba, Mahal?" tanong ko sa kanya sabay hawak sa kanyang kamay.

Huminga muna siya nang malalim bago tumango. Sumasabay ang malakas na hangin ay paglipad ng mga dahon habang kami ay dahan-dahang naglalakad palapit sa kanya.

Ito ang unang pagkakataon na siya'y aming mapupuntahan na magkasama kami ni Emilia. Naupo kaming dalawa at sabay naming hinaplos ang kanyang lapida.

Floriana De Montregorio

Nobyembre 13, 1873- Abril 13, 1896

"Kumusta ka na, Floriana?" pagbasag ni Emilia sa sandaling katahimikan. "Patawad kung ngayon lamang kita nadalaw, a?"

Nagkatinginan kami at ngumiti sa isa't isa. Hinawakan ko siya sa kanyang kaliwang balikat at marahang hinaplos iyon. Nagsisimula nang mamula ang kanyang mga mata.

"Patawad, Floriana," bulong niya.

Hinayaan ko muna siyang lumuha sandali saka ko ikinuwento sa kanya ang buong pangyayari noong siya'y babawian na ng buhay.

"Hanggang sa huli, tayo pa rin ang kanyang inisip," wika niya at wala ng humpay sa pagluha. Habang ako'y nagkukwento, paputol-putol ako sapagkat siya'y bigla-biglang lumuluha.

"Tahan na, nahihirapan ka ng huminga, Emilia" sabay haplos ko sa kanyang likod. Pinunasan ko naman ang kanyang luha gamit ang aking kaliwang kamay.

"Pa-Patawad, Floriana, pa...tawad."

Hinayaan ko muna siyang lumuha nang lumiha hanggang siya na mismo ang kusang tumahan. Naiintindihan ko naman kung bakit ganiyan na lamang siya lumuha ngayon dahil ngayon na lamang niya muling nakita si Floriana ngunit sa lapida pa.

Naalala ko tuloy ang araw na ako'y nagpaalam kay Floriana na may balak na akong pakasalan si Emilia.

"Floriana, naalala mo ba ang sinabi mo sa akin noon na kung sakali man na kami'y magkikitang muli, huwag ko na siyang pakawalan pa? Nagkita na kami muli ngayon, Floriana. Nais ko sanang ipaalam sa iyo na siya'y aking pakakasalan. Nawa'y masaya ka para sa amin, Floriana. Gabayan mo ako sa aking plano, a? Gabayan mo pa rin kami ng iyong anak at mga apo."

"Patawad kung ako'y nagalit sa iyo. Patawad talaga ngunit nais ko ring malaman mo na matagal na kitang napatawad. Maraming salamat sa iyong pagmamahal. Hinding-hindi ka namin makakalimutan Floriana. Patawad kung ano man ang naging alitan natin noon. Kalimutan na natin iyon, ha? Magsimula tayong muli hangga't hindi pa huli ang lahat," wika ni Emilia. Unti-unti na rin siyang tumigil sa pag-iyak at kasalukuyang pinupunasan ang kanyang ilong.

"Nakatitiyak akong siya'y masaya ngayon dahil muli na kayong nagkita," ngiting turan ko.

Siya naman ay ngumiti rin at napatingin sa kalangitan. Mataas ang sikat ng araw ngayon dahil alas-dos na ng hapon ngunit hindi naman ganoon kainit ang raw dahil mahangin.

Kumuha ng pulang rosas si Emilia at pinalipad. Kapwa namin sinundan ito ng tingin hanggang sa tuluyang nang mawala sa aming paningin.

"Batid kong nakatingin ka sa amin ngayon," wika niya sabay kaway niya na tila siya'y mayroon talagang nakikita.

Natupad na iyong nais para sa amin, Floriana.

Muli kaming napatingin sa kanyang lapida at nangingibabaw muli ang katahimikan. Pasulyap-sulyap ako sa kanya habang hinihintay na muli siyang magsalita.

"Ipinapangako ko sa iyo na aking iingatan at aalagaan ang lalaking tangi mong inibig. Hindi ko man mahigitan ang iyong pagmamahal ngunit aking gagawin ang lahat ng aking makakaya upang magawa ko ang aking tungkulin bilang mabuting maybahay."

Kasabay ng aking pagngiti ang siyang pagtulo ng aking luha. Kahit na punong-puno ako ng kasalanan at pagkukulang, masasabi kong ako'y napakasuwerte dahil naranasan kong ibigin ng dalawang babae nang tapat.

Naranasan ko ang pag-ibig na ito na hindi ipinagkakaloob minsan sa ibang tao. Mayroon man akong pagkukulang sa kanilang dalawa ngunit hindi pa naman huli ang lahat para iyon ay punan at itama, hindi ba?

"Maaari bang dito na lamang tayo sa Las Fuentas tuluyang manirahan, Severino?"

"Ha?" Bakit niya iyon naitanong?

Siya'y tumingin sa akim at ngumiti. "Nais kong samahan si Floriana rito hanggang sa aking huling hininga. Bumalik tayo bukas sa Bataan upang kunin ang ating kagamitan at magpaalam na rito na tayo mamalagi."

"O sige kung iyan ang iyong nais. Sasabihin natin sa kanila ang iyong plano."

"Kasama sina Cinco at ang kanyang pamilya kung maaari?"

"Oo sige. Naiintindihan ko."

"Maraming salamat, Mahal."

"Walang anuman."

"Marami man tayong pinagdaanan pero heto tayo ngayon magkasama, Mahal. Nawa'y masaya sa atin si Floriana."

Inilagay ko ang kanyang ulo sa aking kaliwang balikat at inilagay ang aking palad sa kanyang braso. Kapwa naming pinagmasdan ang lapida at ang magandang tanawin.

Kay sarap ng ganito. Ngayon lamang kami nagkasamang tatlo ngunit sa ganitong pagkakataon nga lang. Pakiramdam ko nawala ang malaking tinik sa aking dibdib. Ako'y tuluyan nang nakahinga nang maluwag.

Sa dami ng nangyari, aking inaamin na minsan mabigat ang aking dibdib dahil hanggang ngayon ako pa rin ay nagsisisi at pakiramdam ko'y marami pa akong dapat ayusin.

Hindi man maituturing na perpekto ang aming mga buhay ngunit sa aming mapait na karanasan, kami ay naging mas malakas at tumibay upang harapin ang hindi inaasahang bukas.

Hindi man naging perpekto ang istorya namin ni Floriana ngunit masasabi kong iyon ang nagbigay-daan sa akin upang mas maging mabuting tao. Iyon ang naging dahilan upang mas lalo kong pahalagahan ang mga tao sa aking paligid dahil hindi natin masasabi kung ano ang maaaring mangyari bukas.

Iyon din ang nagbigay sa akin ng dahilan upang mas lumaban lalo na't siya'y nag-iwan ng isang anghel na magpapaalala sa akin lagi sa kanya.

Nawala man siya ngunit sa aking puso, sa puso ng aming anak at aming pamilya, siya'y nananatiling buhay.

Hindi rin man perpekto ang pag-iibigan namin ni Emilia ngunit ito rin ang nagturo sa akin na walang imposible sa taong matiyagang naghihintay kahit ilang taon man ang lumipas.

Dito ko rin napatunayan na marami pa akong magagawa kasama siya. Hindi ko batid kung gaano pa kahaba ang aking buhay ngunit hindi iyon hadlang upang muling magkaroon ng pag-asa, masaya at payapang buhay kasama ang aking iniibig.

Sa buhay ko na ito, maraming klaseng pag-ibig akong nakita't natutunan--- pagibig sa pamilya, kaibigan, kaaway at sa minamahal. Ang pag-ibig na ito ang pinakadahilan kung bakit masayang mabuhay. Kaakibat ng sakit ay siyang pang-matagalang saya. Kaakibat ng sakit ay ang pagpapatawad.

Hindi man kami maayos at masaya ang nangyari noon ngunit ang lahat ng ito ay magsisilbing aral at gabay na maaaring maging inspirasyon ng iilang mga tao.

Inilabas ko ang aking talaarawan at iniabot sa kanya. "Maaari mong basahin iyan ngayon para mas lalo mong maintindihan ang lahat. Gawa iyan sa baybayin." Narito sa talaarawan na ito ang lahat ng kaganapan sa aking buhay. Kung babasahin niya ito mas malalaman at mauunawaan niya lahat.

"Akin na. Kukwentuhan ko si Floriana gamit iyan." Sinimulan niya itong basahin. Medyo mabagal ang kanyang pagbasa dahil nga ito ay baybayin.

Tahimik ko lamang siyang pinagmamasdan kahit na minsan pa'y pasulyap-sulyap siya sa akin at nangungunot ang noo at natatawa dahil sa kanyang nalalaman.

"Mahal kita, Emilia," biglang sambit ko.

Napatigil siya sa pagbabasa at napalingon sa akin. "Ano?"

"Mahal kita kako."

"Ano?"

"Mahal kita." Napangiti ako nang aking mapansin na ako ay kanyang binibiro.

"Ano?"

"Mahal kita, Emilia" sabay yakap ko sa kanya nang mahigpit. Naramdaman ko naman na siya'y yumakap din pabalik sa akin. Ramdam ko ang init ng kanyang hininga sa aking tainga.

"Hindi pa rin nagbabago," bulong niya.

"Ang ano?" tanong ko. Mas lalo kong hinigpitan ang aking pagkakayakap at hinaplos ang kanyang buhok at inamoy ito.

"Sa iyong mga bisig, ako'y kumakalma."

Saglit akong napatigil at napahiwalay sa kanya. Hindi nagbabago? Ibig sabihin mula noon hanggang ngayon? Hindi ko batid na sa simpleng yakap ko sa kanya, iyon na ang epekto.

Ngumiti siya at hinawakan ang aking pisngi. "Hindi ko man madalas sabihin sa iyo ang mga katagang iyan ngunit alam mo kung gaano kita iniibig. Alam rin ng Diyos iyon."

"Ano?" Natural lamang ba na makaramdam ng kilig kahit matanda na? Hindi ko inaasahan na makikita ko ang aming mga sarili sa ganitong pagkakataon. Ako'y naluluha.

"Pero ngayon aking babanggitin."

"A-Ang alin?" natatawa kong tanong at mabilis na pinunasan ang aking luha na kanyang nakita.

Hinding-hindi ko malilimutan, mali man na naituring ang ibigin at piliin ka noon ngunit hindi mangyayari ang lahat ng ito kung hindi dahil sa pagkakamali na iyon.

"Mahal kita, Severino."

"Ikaw ang pagkakamali na kahit kailan hinding-hindi ko pinagsisisihan."

Nagmamahal,

Severino

Mayo 9, 1944

Wakas

---------

<3~

Date and time finished: March 17 2021 at 9:13 pm.