webnovel

Chapter 72

Naging masaya ang pamamaalam nilang iyon, Sa wakas ay nakilala na ni Milo ang mga magulang nina Simon at Maya. Nakausap rin niya ang babaylang si Mina at napakarami nitong itinuro sa kanya sa maikling oras na iyon. May isang maliit na libreta din itong iniwan sa kaniya na napapaloob ang mga usal na noon lamang niya nabasa. May mga blankong pahina rin doon na ayon sa babaylan ay maaari niyang sulatan ng mga usal na kaniyang matututunan sa pagdaan pa ng panahon.

Nag-iwan rin ito ng isang babala sa binata, na sa pagdaan ng panahon ay dahan-dahan nang makakalimutan ng mga tao ang mga nilalang na nakakasalamuha nila ngayon. Hindi sa lahat ng panahon ay mananatili ang mga kaalaman mayro'n sila. Simula pa lamang sa pagpasok ng mga banyaga sa kanilang bansa at paglaganap ng isang paniniwalang kinabibilangan naman ni Padre Simon. Ayon pa sa babaylan, hindi masama ang yumakap ng ibang paniniwala kung ito naman ay nakakabuti, ang masama ay ang kalimutan ang mga paniniwalang nakagisnan at kaakibat nito ang pagsira sa mundong ating kinagagalawan. Isa ito sa mga paalala ni Mina na ipinagkibit-balikat lamang niya dahil ang totoo ay hindi niya ito maunawaan.

Lumipas pa ang isang linggo at muli nang bumalik sa dating sigla ang buong bayan ng Talusan. Naging maayos na din ang nasirang bahay ni Aling Rita kaya nakalipat na ito. Dumating na din ang araw ng paglisan nila sa Talusan. Si Gustavo at Agnes ay nagpaalam na sa kaniyang ina. Nais man nilang isama ito ay hindi ito pumayag dahil sa kadahilanang ang lugar ng Talusan ang siyang naging tahanan na ng kanilang mga ninuno at nais niyang doon mamahinga kapag dumating na ang oras niya. Dahil sa sinabi nito ay wala nang nagawa sina Gustavo at Agnes kun'di ang hayaan si Aling Rita.

Walang pagdadalawang-isip na binuksan ni Liway ang lagusan patungo sa Bayan ng Talisay. Sa kanilang pagpasok sa maliwanag na lagusan kasabay nito ang dahan-dahan pagbabalik-tanaw ng kanilang isipan sa mga nagdaang laban at pakikipagsapalaran nila sa lahat ng bayan patungo sa Ilawud hanggang sa naging huling laban nila kay Asu-an.

Sa muling pagmulat ng kaniyang mata, nasilayan ni Milo ang pamilyar na tanawin na matagal na niyang kinasasabikan. Sumikdo sa kaba at pagkasabik ang kaniyang puso. Nakatayo sila sa gitna ng malawak na palayan, banayad ang hangin na tila isinasayaw ang mga palay na malulusog na nakatayo roon.

"O' bakit parang natigilan ka pa diyan, tayo na, siguradong matutuwa si Lolo Ador kapag nakita ka." untag ni Maya at napapitlag pa si Milo sa tinuran nito. Npangiti siya at tumango bago tinahak ang daan patungo sa kanilang kubo. Nakasunod naman sa kaniya sina Simon, Maya, Liway, at ang mag-anak ni Gustavo. Lalong lumapad ang ngiti ni Milo nanag masilayan ang pamilyar na kubo at ang malaking puno ng balete na tila ba mas lalo pang yumabong nang mga panahong iyon. 

"Lo, nakabalik na ho kami!!" Tawag ni Milo habang papasok sa kanilang bakuran. Wala pa rin pinagbago ang lugar na iyon kahit pa mahabang panahon din siyang nawal roon. Malulusog pa rin ang mga tanim na gulay ng matanda at maging ang mga namumulaklak nilang halaman ay mayabong pa rin magpasa-hanggang ngayon.

Sa halip na si Lolo Ador ang mabungaran nila pagbukas ng pinto ay isang binata ang nagbukas nito.

"Milo?" Gulat na bungad ni Nardo nang makita ang pamilyar na mukha ng kaibigan. Isang mahigpit na yakap ang iginawad ni Nardo sa kaniya. Magkahalong emosyon ang naramdaman ng dalawa dahil sa muling pagkikita nila.

"Ang tagal mong nawala, bakit ngayon ka lang?" Tanong ni Nardo.

"Mahabang istorya Nardo, nasaan nga pala si Lolo Ador?" Tanong ni Milo at napakamot naman sa ulo si Nardo.

"Araw ng pamamalengke ngayon kaya nasa bayan sila ni Ben, ako nag naiwan dito para maghanda ng pang-almusal namin. Pasok muna kayo." Alok ni Nardo nang makita ang mga kasama ni Milo lalo na nang masilayan nito si Agnes na may bitbit pang sanggol.

"Sino sila? Bukod kay Maya at Simon, 'yong iba hindi ako pamilyar." Pabulong na wika ni Nardo.

"Hintayin muna natin sina Lolo Ador para isahan pagpapakilala na lang." Wika pa ni Milo, hindi pa man din sila nakakaupo ay narinig na agad niya ang boses ng matanda na papalapit sa kanilang bakuran.

"Ben, iayos niyo agad ni nardo ang mga dadalhin natin sa bukid. Mukhang marami-raming palay pa ang kailangan nating anihin doon sa kabila--" hindi na naituloy ng matanda ang kaniyang sasabihin nang makita niya si Milo na nakangiti sa bungad ng kanilang pintuan.

Kinusot-kusot pa ng matanda ang kaniyang mata sa pag-aakalang pinaglalaruan siya ng kaniyang paningin. Nang hindi mawala si Milo sa paningin niya kahit ilang ulit pa niyang kusutin ang mataay doon lamang ng landas ang masasagana nitong luha. Nabitawan pa nito ang bitbit na mga supot na kanilamng pinamili sa bayan at dali-daling niyakap si Milo.

Sa pagkakataong iyon ay nag-iyakan ang maglolo. Hindi sila makapaniwalang muli pa silang magkikita. Napakaraming nais sabihin at ikuwento si Milo sa matanda ngunit ipinagsawalang-bahala na muna niya ito. Walang paglagyan ang kanilang kasiyahan sa kanilang muling pagkikita. Ilang minuto rin silang nag-iiyakan bago humupa ang kani-kanilang mga emosyon. Agad na niyakap ni Lolo ador ang magkapatid at nagpasalamat sa mga ito.

Nang ibinaling naman ng matanda ang tingin sa mga bagong kasama ni Milo ay doon niya ito pormal na pinakilala sa lolo at mga kaibigan.

"Gano'n ba, aba'y maligayang pagdating dito sa bayan ng Talisay Gustavo, Agnes, Liway. Nakakatuwa naman dahil dito niyo naisipang magsimula ulit." Magiliw na wika ni Lolo Ador.

"Marami pang lupa na malapit dito na maaari niyong pagtayuan ng kubo. Bukas na bukas ay magtatawag ako ng mga tao para mabilis na maipatayo ang bahay niyo." Dagdag pa ng matanda at agad namang nagpasalamat ang mag-asawa.

Naging masaya ang tagpo nilang iyon. Sabay-sabay silang nag-almusal at matapos ay nagkuwento na sina Milo sa kanilang mga naranasan noong naglalakbay pa lamang sila. Manghang-mangha naman si Nardo at Ben sa kanilang naririnig. Ayon pa sa mga ito ay para silang nakarating na rin sa ligar na iyon dahil sa pagsasalaysay ni Milo. Tawanan dito, tawanan doon ang tanging tagpo nila hanggang sa mapunta sila sa nangyari sa Talusan.

Dito na muling naging seryoso si Milo sa pagkukuwento. Matamam silang nakikinig hanggang sa puntong maitanong na ni Milo ang tungkol sa isa pa niyang pagkatao. Dito na natahimik si Lolo Ador at saglit na nahulog sa malalim na pag-iisip.

"Lo, ang sabi sa akin ni Tiya Mina, kayo lang ang maaaring magsabi sa akin nito. Malaki na ako Lo, oras na siguro na sabihin niyo sa akin ang lahat nang dapat kung malaman." Malumanay na wika ni Milo. Napabuntong-hininga naman si Lolo Ador at biglang lumungkot ang mga mata nito.

"Noong ipanganak ka ng nanay mo ay may kakambal ka, ngunit kakaiba ang kakambal mong iyon. Marahil dahil sa dugong tagubaybay ni Riyana kaya nangyari iyon." Umpisang wika ni Lolo Ador.

"Paanong kakaiba lo?" Nagtatakang tanong naman ng binata.

"Kakaiba, dahil wala siyang pisikal na anyo. Noong lumabas siya kasabay mo ay para siyang isang bola ng liwanag na laging nasa tabi mo. Hindi rin iyon maipaliwanag ng iyong ina dahil iyon daw ang unang beses na mangyari iyon sa angkan nila. Nanatili sa tabi mo ang kakambal mong iyon hanggang sa sumapit ang ikalawang kaarawan mo. Sa loob ng dalawamg taong iyon ay lagi lamang siyang nakalutang sa tabi mo o di kaya naman ay nasa tabi ito ng inyong ina." Salaysay ng matanda.

"Lo, wala ba siyang pangalan?" Tanong ulit ni Milo at napangiti si Lolo Ador.

"Binigyan siya ng pangalan ng inyong ina, Miko."

"Pero Lo, ano po ang nangyari bakit siya nasa loob ng aking katawan?"muli ay naitanomg ni Milo sa lolo niya.

"Nang sumapit ang ikalawang kaarawan niyong dalawa, isang trahedya ang kamuntikan nang kumuha ng buhay mo. Isang aswang ang umatake sa bahay at kinuha ka, napakabilis ng mga pangyayari na para bang iniadya ang lahat. Nasugatan ka nang malubha at kamuntikan ka nang mamat*y noon apo pero biglang apumasok sa loob ng katawan mo ang kakambal mo. Labis naming ikinabigla iyon, ngunit wala na kng nagawa kun'di ang tanggapin ito." Tugon ni Lolo Ador at nasapo ni Milo ang dibdib.

"Sa katunayan, naramdaman ko nang muling magising sa katauhan mo si Miko. At inaasahan ko na ang tanong mong ito. Huwag mo sanang masamain kung itinago namin ito sa'yo." Dagdag pa ng matanda bago ito humingi ng paumanhin sa kaniyang apo.

"Ayos lang po Lo, maraming salamat po at sinagot niyo ang aking mga katanungan. " Nakangiting wika pa ni Milo bago bumuga ng malalim na hininga. Hindi siya makapaniwalang may kakambal siya at ang kakambal niyang iyon ay matagal na palang nasa loob ng katawan niya. Hindi man niya makita ang wangis nito ay natutuwa pa rin siyang malaman na hindi siya nag-iisa at mayro'n siyang kapatid.