Sa paglalim pa ng gabi ay paisa-isa na silang nagpahinga, naiwan naman sa labas si Milo habang si Maya naman ay nasa itaas ng bubong nila. Pareho silang nakamasid sa paligid habang panaka-nakang kinakausap ni Milo ang iilan sa mga kasangga niyang engkanto upang mabawasan ang bilang ng mga nagmamasid sa kanila. Ilang sandali pa ay nakarinig sila ng mga huni ng mga ibong tila nasasaktan at pag-atungal ng ibang nilalang kasabay ng mga alulong ng mga aso sa mga bahay-bahay.
Mabilis naman bumaba mula sa bubong si Maya at napaangat ang kilay kay Milo.
"Pambihira ka, talagang pinagalaw mo pa ang mga kaibigan mong engkanto." Napapailing lang na wika ni Maya. Bahagyang natawa si Milo at napakamot sa pisngi.
"Naalibadbaran kasi ang tainga ko sa ingay nila. O' 'di ba tumahimik na. Puwede na tayong magpahinga." saad ni Milo bago pumasok sa bahay ni Mang Isko. Natatawang sumundo naman si Maya at dumiretso na ito sa silid nila ni Liway.
Kinabukasan ay naabutan naman nila ang pagkakagulo ng mga tao sa labas, natuklasan kasi nila ang mga katawan ng uwak na unti-unting nalulusaw dahil sa pagtama ng sinag ng araw. Maging ang mga katawan ng aswang na hindi na nabalikan ng kanilang mga kasamahan ay dahan-dahan na ring naaagnas ang katawan hanggang sa tuluyan na itong maging tumpok ng itim na abo.
"Anong ginawa niyo kagabi?" tanong ni Simon na may halong gulat sa kaniyang reaksiyon. Napatawa naman si Maya at marahang itinuro si Milo na noo'y tahimik na humihigop ng kape sa tasa nito.
"Si Milo, naririndi daw siya sa ingay kaya ayon, inutusan ang mga kaibigan niyang engkanto para patahimikin sila. Pabor naman sa atin 'yan dahil mababawasan ang salot sa ating paligid." wika ni Maya.
"Hindi rin kasi ako makakatulog kung hahayaan ko lang sila sa labas." Wika ni Milo habang natatawa pa.
Wala na silang nagawa kun'di ang matawa na rin. Matapos ang kanilang almusal ay nagsimula na silang maghanda. Hinahasa na ni Milo ang kanyang tabak habang sa bawat hagod niya sa hasaan ay sinasabayan niya ito ng dasal.
Ilang beses din niya itong inihipan ng mga usal bago niya ito itinarak sa katawan ng saging at hinayaan doon ng ilang minuto bago tuluyang hugutin at ibalik sa taguban nito.
Maging sina Simon, Maya at Liway ay abala na din sa kani-kanilang paghahanda. Habang si Gustavo naman ay mas minabuting ikulong ang sarili sa kaniyang silid upang maisagawa ang ritwal na kinakailangan niya upang mas lalaong mapalakas ang kaniyang katawan para sa nalalapit na labanan.
Walang paglagyan ang kabang nararamdaman noon ni Milo, hindi dahil natatakot siya kun'di dahil sa kasabikn niyang makaharap ng isang haring aswang.
Pansamanatalang nagnilay si Milo sa ilalim ng isang mayabong na puno di kalayuan sa bahay ni Mang Isko. Napapalibutan siya ng mga nilalang na naging gabay at kasangga niya sa kaniyang paglalakbay. Nariyan ang tikbalang na si Karim, ang diwata ng hangin, ang lupon ng mga lambana, maging ang mga lamang-lupang naging kasangga niya sa tuwing nangangailangan siya ng mga halamang gamot. Habang nag-uusal siya ay tila sumasabay rin sa kaniya ang mga nilalang.
Sa bawat pagbigkas ng mga kataga ay siya naman paglakas ng hanging nakapalibot kay Milo. Bahagyang natatangay at isinasayaw ng hangin ang may kahabaan na niyang buhok. Mariing nakapikit ang kaniyang mga mata at isang pangitain angnagpamulat sa kaniya.
"Bakit Milo, bakit may pangamba sa iyong mukha?" tanong ni Karim na napahinto rin nang maramdaman ang pagbabago sa emosyon ng binata.
"May nararamdaman akong kakaiba, Karim. Sa tingin ko ay mahihirapan tayo mamaya sa laban. Oo tama, mamaya na magsisimula ang pag-atake ng mga bangkilan kasamaang kanilang hari. Nangangamba akong hindi lang ito basta-basta pag-atake ng mga bangkilan dahil may nararamdaman akong nilalang na makikisalo sa labanan. At ang nilalang na ito ay minsan ko na ding nasugpungan sa aking mga pangitain noon."
"Ang tinutukoy mo ba ay ang pangitain mo noong nasa Ilawud pa tayo?" gulat na tanong ni Karim at maging siya ay nakaramdam ng pagkabahala.
"Tama, ang pangitain ko noong nasa Ilawud tayo. Pamilyar sa akin ang presensya niya at nangangamba akong magiging madugo ang laban mamaya. Kailangang mas makapaghanda pa tayo dahil hindi natin alam kung anong klase siyang nilalang. Pero isa lamg ang sigurado ko, malakas siya." Saad pa ni Milo at muli nang ipinikit ang mata. Hinayaan niyang muling maglakbay ang kaniyang isip sa mga pangitain niya upang kahit papaano ay magkaroon siya ng ideya sa mga puwedeng mangyari sa kanila.
Isang malalim na hininga ang kaniyang napakawalan nang malaman niyang wala ni isa sa mga kasamahan niya ang masasawi. Iyon lang naman ang higit na mahalaga sa kaniya. Ang sabay-sabay silang makabalik sa lupang kanilang sinilangan.
Tanghaling-tapat nang matapos si Milo sa kaniyang pagninilay. Tinipon niya ang kaniyang mga kasamahan upang pag-usapan ang mga pangitaing kaniyang nasilip.
"Ibig sabihin, ang kalaban na dapat ay nakalaban natin sa Ilawud ay nandirito sa mundo ng mga tao, at may posibilidad na makasagupa natin siya?" Bulalas ni Liway habang ikinakampay ang hawak nitong pamaypay na gawa sa anahaw.
"Oo, mukhang nakipagkasundo ang haring aswang sa nilalang na iyon upang lalong mapalakas ang kaniyang hukbo. Desperado na silang makuha ang sanggol na anak ni Manong Gustavo kaya lahat-lahat ay gagawin na niya." Tugon ni Milo at napatingin siya kay Gustavo na noo'y nakakunot ang noo.
"Manong, may alam ka bang kalapit na nilalang ng iyong ama?" Tanong ni Simon. Napailing naman si Gustavo dahil wala siyang natatandaang nilalang na dumalaw o nakausap man lang ng kaniyang ama.
"Wala Simon, kahit noong bihag nila ako sa aming pugad ay wala akong nakikitang nilalang na lumalapit sa kaniya. Pakiwari ko'y nagsimula ito noong matapos ang ating misyon sa Ilawid. Marahil ay nalaman nito ang sigalot sa aming pamilya kaya naman kay ama ito lumapit. Kilala ko si ama, tuso siya at hindi siya papayag na malamangan ng nilalang na kausap niya." Sagot naman ni Gustavo ngunit hindi pa rin mawala sa kaniyang isipan ang pagtataka.
"Ano pa ang nakita mo sa pangitain Milo, may masasawi ba sa atin?" Tanong ni Maya, mabilis na napailing si Milo bilang tugon.
"Walang masasawi dahil may dadating na tulong. Hindi ko alam kung saan manggagaling ang tulong na iyon ngunit isa ang sigurado, kakampi ng kabutihan ang tulong na tinutukoy ko. " Dagdag pa ni Milo at nahulog silang lahat sa malalim na pag-iisip. Kaniya-kaniya silang espekulasyon sa mga magaganap.
"Huwag tayong pakampante, may dumating man o wala, panatilihin natin ang ang ating mga buhay at kaligtasan. Hindi maitutuuring na tagumpay ang isang tagumpay kung tayo ay malalagasan." Wika ni Simon.
"Tama si Simon, ang misyon natin ay maipanalo ang labang ito nang wala ni isa sa atin ang malalagasan ng buhay. Sabay-sabay pa tayong uuwi sa bahay namin. Ayokong kulang tayong uuwi kay Lolo Ador." Emosyonal na wika ni Milo. Natahimik naman sila ngunit maging sila ay sang-ayon sa binata. Wala ni isa sa kanila ang may nais na malagas sa grupo. Nagsisimula pa lamang ang mga buhay nila kaya hindi sila papayag na doon lang magtatapos iyon.
Sumapit na ang dapit-hapon ay nagsimula nang magbago ang ihip ng hangin sa bayan ng Talusan. Ang hangin ay tila nagdadala ng isang masangsang na amoy na tila nabubulok na karne. Nakakaramdam na rin sila ng pag-alinsangan ng panahon kahit hindi naman gaanong mainit kanina.
"Narito na sila." Mahinang wika ni Gustavo. Napatingin naman sila sa bukana ng bayan at doon naaninag nila ang mga matang nagpupulahan, naramdaman na rin nila ang mga yabag na nasa paligid na nagkukubli sa mga talahib na nakapalibot sa kanila.
"Gustavo, traydor ka! Paano mo nagawang pasl*ngin ang sarili mong kapatid?" Umalingawngaw ang boses na tanong ng kaniyang ama. Napakalaki nito kumpara sa katawan ni Gustavo. Bakas din mauumbok nitong kalamnan ang marka ng mga digmaang minsan na nitong napagtagumpayan. Nasa anyong tao pa ito nang mga oras na iyon subalit ramdam na ramdam na nila ang nakakapangilabot na presensya nito.
"Pambihira, ganyan kalaki ang tatay ni Manong, Maya, kakayanin mo ba siya?" Tanong ni Liway at napatingin sa dalaga ngunit nagulat pa siya nang makita ang malapad na ngisi ni Maya habang nakatitig sa ama ni Gustavo. Kulang na lang ay maglaway ito sa sobrang kasabikan.
"Kalimutan niyo na lang ang tanong ko, mukhang nakakita na si Maya ng baging laruan e'. " Umiiling na wika ni Liway at natawa pa silang lahat. Animo'y walang panganib ang nagbabanta sa harapan nila. Si Maya, Milo, Liway, Simon at Gustavo ang siyang naroroon upang harapin ang mga kalabang paoarating, habang si Mang Isko naman at ang kaibigan nitong isa ring albularyo ang siyang nasa bahay nito upang magsilbing tagabantay ng mag-ina ni Gustavo.
"Hindi ako traydor, dahil kayo ang unang nagbanta sa buhay ko, ipinagtanggol ko lamang ang aking buhay." Tugon ni Gustavo at lalong nanggitngit sa galit ang kaniyang ama.