Magkahalong tuwa at lungkot ang namayani sa dibdib ng nilalang, tuwa dahil sa wakas ay muli na aniyang masisilayan ang ganda ng nakagisnan niyang isla at lungkot naman dahil sa pagkakataong ito ay nag-iisa na siya.
Napapaluha siya at inaanod naman iyon ng ulan na tumatama sa kaniyang mukha. Madilim sa parteng kinatatayuan niya at ang tanging liwanag niya ay galing sa buwan sumisilip sa makakapal na ulap sa kalangitan.
Kinaumagahan ay nagising na sina Milo at Simon, paglabas nila sa kubo ay naabutan nila ang mg anggitay na nananakbo sa damuhan, rinig na rinig nila ang mga tawa nito habang aliw na aliw sa pagtakbo. Ang amomongo naman ay nasa lilim ng isang puno at tila niyayapos ang katawan ng punong iyon.
Akmang lalapitan ito ni Milo ngunit mabilis siyang napigilan ni Gustavo,
"Hayaan niyo muna siya, kagabi pa lamang habang unti-unting nanunumbalik ang buhay sa isla ay ganyan na siya. Hayaan niyo muna siyang lasapin ang pagkakataong ito. Para sa tulad niyang matagal na nakulong sa pagdurusa, marahil ay hindi pa rin siya makapaniwala hanggang ngayon."
Napatango na lamang si Milo nang marinig ang sinabi ni Gustavo. Pinagmasdan na lamang nila ang amomongo sa ginagawa nitong pagyakap sa punong iyon. Kalaunan ay kusa na rin itong lumayo at nakayukong lumapit na sa kanila. Bakas sa mukha nito ang kasiyahan, nagniningning ang mga mata nakatitig sa palibot ng isla.
Maging ang mga anggitay ay tuwang-tuwa na lumapit sa kanila para magpasalamat. Ayon pa sa mga ito, noong una ay hindi na sila umasa pang maliligtas sila na muli nilang makikita ang napakaganda nilang isla. Kaya naman lubos ang pasasalamat nila sa grupo nila Milo dahil muli nilang binigyan ng pangalawang pagkakataon ang mga anggitay na muling mabuhay ng mapayapa at walang inaalala pa.
"May huling misyon pa tayo, ang sentrong isla ang huli nating patutunguhan. Kapag naisaayos na natin ang panghuling kristal sa islang iyon, makakabalalik na rin tayo sa ating mundo." Wika ni Simon, sabay-sabay a silang napatingin at napangiti kay Gustavo.
Bakas naman sa mukha ni Gustavo ang kagalakan sa narinig. Bigla tuloy siyang kinabahan nang maisip na muli na niyang makikita si Agnes at ang anak nila.
"Sa tantiya ko ay manganganak na si Ate Agnes kaya sa ating pagbabalik ay paniguradong dalawa na ang sasalubong sayo Manong Gustavo." Wika pa ni Maya at bahagyang natawa naman si Gustavo sa isiping iyon.
"Talaga, sa tingin mo babae ba o lalaki ang anak namin?" sabik na tanong ni Gustavo at napangisi si Maya.
"Hindi ko sasabihin para may magpapasabik sa iyo. Kailangan pa natin magtagumpay sa ating misyon at ang pananabik mong iyon ang iyong magiging lakas upang ipagpatuloy ang iyong buhay at pangalagaan ang iyong kaligtasan." Nakangiting wika ni Maya at napakamot naman si Gustavo habang nangingiti.
Napuno ng kasiyahan at biruan ang araw na iyon habang nagpapahinga sila at nag-iipon ng lakas bago ipagpatuloy ang kanilang misyon.
Iyon na ang huli at hindi nila alam kung makakaharap na ba nila ang puno at dulo ng kaguluhan sa Ilawud.
"Sa tingin niyo makakaharap ba natin sila? Bakit may pakiramdam ako na wala na siya rito?" Mayamayapa ay patanong na wika ni Milo.
Nagkatinginan naman sina Maya at Simon dahil maging sila ay hindi pa rin sigurado sa kahahantungan ng kanilang misyon.
"Malakas talaga ang pakiramdam ko na mabibigo tayong makita at makaharap ang nilalang na iyon. Kagabi habang nagpapahinga tayo ay muli akong dinalaw ng diwata ng buwan sa aking panaginip. Noong una ay hindi ko maintindihan ang kaniyang nais iparating ngunit nitong umaga, naliwanagan ako bigla." salaysay ni Milo
"Ano bang sabi ng diwata?" nagtatakang tanong ni Simon. Nakakunot ang noo nila pareho dahil maging sila ay naguguluhan rin.
"Buhat nang malinis ang kristal sa islang ito, ay nagsimula na rin silang bumaybay palayo. Ibig sabihin, habang isinasagawa natin ang ritwal kagabi ay tumatakas na sila. Kaya pala kahit anong pagramdam ko ay hindi ko na maramdaman ang mga magindara sa palibot ng isla. Kung naririto pa sila sa ilawud ay imposibleng mawala ang kanilang mga presensya."
"May punto si Milo, Marahil nga ay tumakas na sila, naloko na. Ibig sabihin ay sa mundo na naman sila ng mortal maghahasik ng lagim." gigil na wika ni Maya nang mapagtanto ang mga pangyayari. Naisahan sila ng kalaban. Nagawa ng mga ito ang lumayo habang abala sila. Madali sa mga magindara ang tumawid sa ilawud patungo sa karagatan ng mundo ng mga mortal dahil sa kakayahan nilang dumaan sa ilalim ng tubig.
Napapailing naman si Liway dahil dito.
"Kung gayon at mas dapat nating madaliin ang pagsasaayos ng panghuling kristal upang makatawid na kayo sa susunod na kabilugan ng mga buwan." Suhestiyon pa ni Liway, napansin nila ang kakaibang ningning sa mata ng dalaga kaya napangiti na lamang si Maya.
Kinabukasan, tulad ng inaasahan ay wala silang nadatnang kalaban sa isla na nasa sentro ng Ilawud. Napakaganda ng islang iyon at namamangha sila sa isang mataas na batong nagmistulang bundok sa gitna nito na pahingaan umano ng halimaw na kung tawagin ay bakunawa. Si Bakunawa na isang serpente na siyang kumain sa mga buwan sa Bur'ungan.
Bukod pa sa matayog na batong iyon ay napansin din nila ang mga kakaibang nilalang na tahimik na naninirahan sa islang iyon, isa sa mga nakita nila na nagpamangha sa kanila ay ang napakalaking pusa na may tatlong mata. Kakaiba ang pusang iyon dahil kawangis nito ang isang lion ngunit tatlo ang mata ay buntot nito. Ayon kay Liway, walang makapagsabi kung ano ang tawag sa nilalang na iyon ngunit sabi-sabi ay alaga ito ng diwata ng buwan na siyang inilagak niya sa islang ito upang bantayan ang bakunawa.
"Ang nilalang na ito ang nagsisilbing mata ni Bulan sa tuwing bumababa sa isla si Bakunawa, siya rin ang nagsisilbing pang-aliw ng diwata sa bakunawa upang makalimutan nitong kainin ang buwan hanggang sa tuluyan nang matapos ang oras ng pananatili niya sa isla." Dagdag pa na paliwanag ni Liway.
Tuwang-tuwa namang hinimas ni Milo ang malambot na balahibo ng naturang nilalang. Maging si maya ay nakihimas na rin dito at tuwang-tuwa sila pareho na hinahayaan lang nito na paglaruan nila ang malambot nitong balahibo. Nang magsawa na sila ay hinayaan na nila itong magpahinga sa lilim ng mataas na batong nasa gitna ng isla.
"Nabanggit mo kaninang taga-aliw din siya ni Bakunawa, paano naman niya ginagawa iyon, nag-aanyong tao rin ab si Bakunawa?" Tanong ni Milo at natawa si Liway.
"Ang ibig kong sabihin sa taga-aliw, siya ang nakikipaglaban kay Bakunawa upang maubos ang oras nito at hindi nito magawang kainin ang natitirang tatlong buwan sa kalangitan." tugon ni Liway na hindi pa rin maampat sa kakatawa.
Tanghali pa lamang ang naihanda na nila ang kanilang mga kailangan at hinintay na lamang nilang lumubog ang araw upang masimulan na ang huling ritwal. Matapos malinis ang kristal ay nagsagawa din sila ng ritwal na siyang magpapanumbalik ng harang sa buong Ilawu at Bur'ungan. Dahil dito ay hindi na muling mapapasok ng mga magindara ang naturang lugar at kahit pa ng ibang masasamang nilalang. Pinalakas din nila ang harang na iyon na aabot kahit ilang lbong taon pa ang lumipas.
Dahil dito ay muli nang napanatag ang mga nilalang na naninirahan sa naturang mga isla. Nawala na ang pagkabahalang, ilang taon ding kumulong sa kanila, naibsan na rin ang kanilang pag-aalala na baka bukas ay isa na sa kapamilya nila ang nasawai o 'di kaya'y tuluyan nang masira ang kanilang kanilang mga isla.