HINDI pa rin makapaniwala si Nana na buhay ang kakambal nito. Pero ipinagtataka ni Nana na parang may kakaiba kay Tina.
Kailangan kong puntahan si Aya, naisip ni Nana. Naalala ni Nana ang napag-usapan nito at ni Jacob kagabi tungkol kay Tina.
"Ja-Jacob ano'ng pag-uusapan natin?" nauutal na tanong ni Nana.
"Nana, pasensiya na sa mga nasabi at nagawa ko sa 'yo," sabi ni Jacob.
Nagulat si Nana. "O-okay lang, naiintindihan naman kita, eh," nakayukong sabi nito.
"Nana, may nararamdaman akong kakaiba kay Tina. Hindi ko lang alam kung ano 'yon," ani Jacob.
Napatingin si Nana dito. "Nararamdaman mo rin pala. Ganoon din ako Jacob. Kung tumingin siya sa 'tin, parang wala na siyang kaluluwa."
"Nana, sabihin mo, ano ang napanaginipan mo kay Tina?"
"Palagi niyang pinapaalala ang ginawa natin sa kanya. At magbabalik daw siya."
"Mukhang tama ang hinala ko, Nana. May hindi tama sa nangyayari. Patay na si Tina, Nana," ani Jacob.
"Paano mo nasabi 'yan? Kitang-kita naman nating buhay siya," nagugulahang sabi ni Nana.
"May napanaginipan ako, Nana. At hindi pangkaraniwang panaginip. Posibleng hindi nga panaginip dahil gising ako, at nakita ko 'yon."
"Ano?"
"Nana, totoong patay na si Tina at hindi si Tina ang nakita natin kagabi kundi..."
Nagulat si Nana sa sinabi ni Jacob. Posible nga iyong mangyari... naisip ni Nana. Napatigil sa pag-iisip si Nana nang dumating sa bahay nito si Jacob. Papunta ang mga ito ngayon sa albularyo para humingi ng pamprotekta sa mga kaibigan ng mga ito.
Medyo malayo ang naging biyahe ng mga ito papunta sa albularyo. "Nana, pasensya ka na talaga sa mga ikinikilos ko," biglang sabi ni Jacob sa gitna ng biyahe.
"Okay lang, Jacob. Naiintindihan kita, wala nga akong karapatan na magalit dahil napilitan ka lang sa relasyon na ito," nakayukong sabi ni Nana.
Itinigil ni Jacob sandali ang sasakyan at hinawakan sa pisngi si Nana. "Nana, pipilitin kong ibaling na ang atensiyon ko sa 'yo. Tanggap ko nang wala na si Tina" sabi ni Jacob.
Napaiyak si Nana. "Hindi mo kailangang pilitin ang sarili mo, Jacob."
"Ssshhh, Nana... Pipilitin ko pa rin ang sarili ko. Gagawin ko ang lahat. Sana hindi ka mapagod na maghintay," ani Jacob saka hinalikan sa noo si Nana.
Tumango lang naman si Nana sa sinabi nito.
"ANONG kailangan niyo, hijo?" tanong ng matandang albularyo kay Jacob.
"May gusto lamang kaming itanong tungkol sa mga bagay na magpapalayo sa amin sa mga masasamang nilalang," sagot ni Jacob.
"Sige, maupo muna kayo. Ano ba ang maitutulong ko sa inyo?"
"May gumagambala po kasi sa aming espirito mula sa nakaraan. Hindi namin alam kung ano ang gagawin namin," sagot ni Nana.
"Siguro ay may nagawa kayong kasalanan sa kaluluwang iyon kaya kayo'y ginagambala. Dasal na lang ang kailangan niyong gawin," sabi ng matanda.
"Pero hindi po siya totally espirito. Para po siyang patay na muling nabuhay, at palagi ko po siyang napapanaginipan, sinasabing magbabalik siya at hindi siya makakapayag na hindi niya makuha ang lahat," dagdag ni Nana.
Seryosong napatingin dito ang matanda. "Ano'ng koneksiyon mo sa espiritong gumagambala sa inyo?" tanong nito.
"Kakambal ko po siya."
Nabigla sina Nana nang biglang tumayo ang matanda. "Kung ganoon wala akong maitutulong sa inyo. Kailangan niyo nang umalis." Itinulak na ng matanda ang dalawa palabas.
"Ma-Manong, wala ba talaga kayong alam na puwede naming gawin? Sige na po," pangungumbinsi ni Jacob.
"May isang paraan lang at hindi niyo gugustuhin kung ano man ito," seryosong sabi ng matanda.
"Manong, gagawin namin kahit anong paraan 'yan, malayo lang kami sa panganib," sabi ni Nana.
Tumigil ang matanda. "Kahit ang tanging paraan ay ang patayin ka?" seryosong sabi nito.
Napaatras si Nana.
"Se-seryoso po ba kayo?" tanong ni Jacob, hindi makapaniwala.
"Sinabi ko na sa inyo na hindi niyo magugustuhan ang nag-iisang paraan."
"Wala na po bang ibang paraan?" tanong ni Nana.
"'Yon lamang ang solusyon, ineng. Kaya hindi natatahimik ang kaluluwa ng iyong kakambal ay dahil sa 'yo. Kayo ay kambal tuko kung saan nakakonekta kayo sa kahit na anong aspeto. Kaya hindi siya matatahimik kapag nandito ka pa sa mundong ibabaw at malapit sa panganib habang siya ay nasa katahimikan na."
INIISIP pa rin ni Nana ang sinabi ng matandang albularyo kanina habang nasa biyahe ang mga ito. Habang si Jacob naman ay iniisip kung kaya nitong patayin si Nana. Naisip nito na mabuting tao din si Nana sa kabila nang lahat ng kasamaan din nito kay Tina noon. Hindi nito magagawa iyon. Hindi nito magagawang ipahamak si Nana. Naging mahalaga na rin ito kay Jacob.
"Nana, huwag mong isipin ang sinabi ng matandang 'yon. Hahanap tayo ng ibang albularyo kaya 'wag ka ng mag-alala," sabi ni Jacob, sumusulyap sa dalaga. Naabutan na ang mga ito ng gabi sa daan.
"Sig—" naputol ang pagsagot ni Nana nang biglang mag-preno si Jacob. "Jacob, ano ba?" sigaw ni Nana.
Nakatingin lang si Jacob sa unahan. Sinundan ni Nana ang tingin nito, nagulat nang makita ang isang lumulutang na kabaong sa harap ng mga ito.
"Jacob, u-umalis na tayo," natatakot na sabi ni Nana, nakatingin pa rin sa kabaong. Unti-unting lumalapit ang kabaong sa mga ito pero nakatunganga pa rin si Jacob na tila hindi makagalaw.
Biglang nawala ang kabaong kaya inakala ni Nana ay wala na iyon. Pero nagulat ang mga ito nang may mahulog sa harapan ng kotse ng mga ito—isang katawan. Nakamulat ang mga mata nito, nakatingin kina Jacob at Nana. Puting-puti ito. Kitang-kita ang naaagnas na mukha at ang malaking hiwa sa ulo.
Malakas na napasigaw si Nana. "Jacob! Gumising ka!" Pilit nitong niyugyog si Jacob pero hindi pa rin ito bumabalik sa katinuan.
"Mamamatay ka, Nana. Mamamatay ka!" sabi ng nilalang na nasa labas. Iglap lang ay nasa harapan na ito ni Nana at sinakal ito. "Kahit anong gawin mo, mamatay ka, Nana. Mamamatay ka!" Iyon ang huling narinig ni Nana hanggang sa tuluyan itong mawalan ng ulirat.
Napasinghap si Nana at nagmulat ng mga mata. Nagpalinga-linga ito sa paligid at nakita si Jacob na maayos naman ang lagay. Nananaginip lamang pala ito.
You can connect with me here;
FB: Alina Genesis
IG: @_alinagenesis
Twitter: @JennyoniichanWP