webnovel

Ang Mapaglarong Kapre

Si Alvin ay nagtatrabaho sa isang Milling Company. Siya ay isang taga buhat ng mga sako sakong asukal na nilalagay sa isang napakalaking bodega. Kasama niya sina Bins at Peter sa pagbubuhat at pag-aayos ng mga sako sakong asukal. Marami rami din silang trabahador sa naturang lugar.

"Isang hapon, siguro mag aalas tres na nang wala na masyadong ipapasok na mga sako na asukal sa bodega, ay lumipat kaming 3 sa pinaka dulo ng bodega at doon namahinga kaming 3 nina Bins at Peter sa mga sako ng asukal. Ginawa namin itong tulugan dahil sa malambot ito.

Di na namin namalayan na nakatulog na kaming 3. Siguro mahigit 30 minutos ang naitulog namin dahil sa maghapong pagtatrabaho. Pagod at pananakit ng katawan ang laging daing naming 3 buti na lang at lagi akong may baon na Dragon Balm/Pau de Arco na panghagod sa aming nananakit na katawan. Salitan kami sa paglalagay nito sa aming mga katawan para maibsan ng kaunti ang pananakit nito.

Isang araw, habang kaming 3 ay namamahinga, ay mayroon bumato sa amin na maliit na bato. Nakapagtataka kasi wala namang ibang tao sa lugar na malapit sa amin. Meron din kasing area ang iba naming kasama na pahingaan kaya natitiyak namin na walang tao malapit sa area namin.

Nagkatinginan kaming 3, nakiramdam kong sino ang bumabato sa amin. Baka kasi napag tripan lang kami ng iba naming kasama. Maya't maya ay mayroon na namang humagis sa amin na maliliit na mga bato. Natamaan pa si Bins sa ulo kaya't napa aray ito. Si Peter naman ay medyo kinakabahan na dahil wala siyang makita na bumabato sa amin. Nakiramdam kami ulit, nang bigla akong matamaan ng bato sa aking katawan. Napamura ako "Sh*t, sino ang bumabato sa amin?" malulutong na mura na binitawan ko. Kaya't para masigurado na walang tao ang aming area, ay napagdesisyonan namin na ikutin ito. Nakapagtataka talaga dahil ni isa ay wala kaming mahagilap na kasama namin sa lugar na iyon. Makikita lamang dito ang nagtataasang sako ng asukal na magkapatong patong. Mataas ito kaya't di na makita ang nasa tuktok nito.

Ilang minuto ang nakalipas ay bumalik kami sa aming lugar na pinagpahingaan, nang may bumato ulit sa amin. Sa pagkakataong ito ay si Peter naman ang kanyang pinunterya. Natamaan ito sa noo kaya't napa aray ito. Kinakabahan na talaga kaming 3. Nagsisitaasan na ang mga balahibo ng aming katawan, nang biglang may narinig kami na halinghing. Natatawa ito sa amin. Kinutuban kaming 3, ito na kaya ang sinasabi nilang kapre, na naninirahan sa bodegang ito.

Sh*t, di nga kami nagkamali, nang di sinasadyang maitututok ko ang aking mga mata sa itaas nang magkapatong na asukal. Like What The F*ck, kita ko ang nakadungaw na ulo nito, mabalahibo, at may mapupulang mata, tapos mayroon pang nakakalokong ngisi ito. Kinilabit ko sina Bins at Peter, "Mga tol, tumingala kayo bilis," yan ang akin mahinang tugon sa kanila. Halos mangatog ang tuhod naming 3 sa nakita. Si Peter ay muntik nang maihi sa salawal habang si Bins naman ay di alam kung ano ang unang gagawin: sisigaw ba o tatakbo o tatalon sa takot!

Ako naman ay parang hihimatayin, nang bigla pa itong ikaway sa amin ang mabalahibong kamay nito na may hawak na tabako!

Sh*t, nauna na akong tumakbo, tinalunan ko ang mga sako sakong asukal para lang makalabas sa lugar na iyo. Si Peter naman ay napasigaw ng "Kapre, may kapre, tulungan nyo kami," habang si Bins naman ay di magkamayaw na tili ang ginawa. Parang hinabol kaming 3 ng asong ulol sa bilis na pagtakbo at pagtalon talon namin sa mga sako sakong asukal.

Nakalabas kaming 3 na di maipaliwanag ang takot at kaba na nadarama. Nagsipulasan din ang ibang mga tao na nandoon ng marinig ang kasisigaw naming 3. Agad kami pumunta kay foreman at ipinaliwanag ang nangyari. Malayo pa lang kami ay alam na ni foreman ang aming ikinatatakot. Sinabi nitong "Napaglaruan din pala kayo, sige lang hayaan nyo lang siya, di naman nang aano yan e." sabay tawa pa nito."

Marami rami na din pala ang pinaglaruan ng kapre sa bodega, minsan ang iba dito ay nawawalan ng damit, o kaya ay tsinelas, pero ni minsan ay wala pa itong sinaktan sa mga trabahador. Sabi nga ng medyo matagal na doon sa bodega "Ganoon talaga iyon, palaging nang iinis o tinitripan ang kanyang ma kursunadahan." Naikwento nya din sa amin na minsan na din daw syang napagtripan ng kapre.

"Mga bandang hapon, habang natutulog ako sa magkapatong patong na sako ng asukal, ay parang may kumakalabit sa taenga ko. Nagtulog tulugan lang ako, nakikiramdam sa ano man o sino man ang kumakalabit sa taenga ko. Mayroon na din akong naririnig na halinghing at nakaka amoy na din ako ng nakasinding tabako. Iba nato ang sabi ko sa sarili ko. Nang may kumalabit ulit sa taenga ko, gumising ako bigla tapos nakita ko ang kapre tumatawa. Siguro ay nagulat din sya sa pagkagising ko kaya't nabigla din sya. Napasigaw ako "Ahhhhhhhh Kapre" habang siya ay napasigaw din "Waaaaahhh waaaaahhhh" dahil na din siguro sa pagkabigla niya. Tumakbo ako papalabas habang siya ay nakita ko din tumatakbo na parang tumatalon papunta sa ibang direksyon. Halos di ko alam kong ako ba ay matatakot o matatawa sa nangyari dahil sumisigaw din pala ang kapre pag nabigla at nakita ko din ang pagtisod tisod nya habang tumatakbo. Simula noon napagtanto ko na hindi naman pala nang aano ang kapre kaya hinayaan na lang namin sya." Iyon ang naging kwento nya sa amin.

Sa ngayon ay nakaalis na ako sa pinagtatrabahuan ko dala ang di makakalimutang pangyayari sa isang Mapaglarong Kapre.

=====WAKAS=====

“Hindi nakakatakot ang kapre o multo, mas nakakatakot ang mawala ka sa piling ko.”

thunder003creators' thoughts