webnovel

Juan Severino Mallari

Taong 1811, sa probinsya ng San Nicolas, Pampanga. Kasambahay ng isang mayamang pamilya ang Ina ni Lucia na si Aling Tinang. Hindi pa man isinisilang si Lucia ay nagtatrabaho na sa pamilya na iyon si Aling Tinang.

Mayaman ang Pamilya Mallari na pinagtatrabahoan ni Aling Tinang, mabait ang mga ito at malapit sa Dios. Katunayan isa sa mga anak nila ay naging Pari, si Padre Juan Severino Mallari.

Lingid sa kaalaman ng Pamilya Mallari, may sekretong itinatago si Aling Tinang. Galing sa angkan ng mga babaylan ang kanilang pamilya, nanggagamot sila gamit ang mga kaalamang pinasa pa mula sa kanilang kanuno-nunoan. Ang mga babaylan ay sumasamba sa mga anito na naninirahan sa mga puno, bundok, dagat, at kalikasan. Hindi sila naniniwala sa Dios na dala ng mga kastila dito sa ating bansa, para sa kanila ang mga anito ang tunay na Dios ng mga Pilipino.

Labis na pinagbabawal ng simbahan ang paniniwala at pagsamba sa mga anito. Pinagsisira at pinagsusunog ng mga sundalong kastila ang mga nakukuhang anito at pinaparusahan ang mga may-ari nito. Kaya ganun na lamang ang pagsesekreto ni Aling Tinang sa pagiging babaylan niya.

Isang araw, habang naglalaro sa hardin ang bunsong anak ng Pamilya Mallari naaksidente ito. Nadapa ito at tumama sa malaking bato ang dibdib ng bata, dahil sa lakas ng pagkakatama tila tumigil ang tibok ng kanyang puso. Nagkulay ube ang labi at mga kuko ng bata habang ito ay naghihingalo.

Si Aling Tinang ang unang sumaklolo sa bata. Nag-aalangan man, ginamit ni Aling Tinang ang kanyang kaalaman bilang babaylan. Kumuha siya ng tangkay na tanim na palay sa malapit na palayan, lumuhod siya sa harap ng naghihingalong bata at kinagat niya ang kanyang hinlalaki upang dumugo. Dumaloy ang dugo mula sa kanyang daliri at ipinatulo ito sa dibdib nga bata. Ikinumpas ni Aling Tinang ang tangkay ng palay sa hangin at nagdasal.

"Oh Anito na nagbibigay buhay sa lahat, kaluluwa ng batang ito'y wag munang i-angat, bagkus sa katawan ng bata ito'y iyong ibalik, sa piling ng kanyang mga magulang na sa kanya'y nananabik!"

Matapos mabigkas ang kanyang dasal, nagliwanag ang tangkay ng palay at lumipat ang liwanag nito sa katawan ng bata at ito'y nagkamalay.

Ngunit hindi napansin ni Aling Tinang na nasa likod na pala niya ang ama ng bata at nakita ang kanyang ginawang panggagamot sa bata.

Bakas sa mata ni Aling Tinang ang takot dahil inakala niyang magagalit sa kanya ang ama ng bata. Ngunit imbes na magalit ay nagpasalamat pa ito sa kanya at kinarga ang bata papasok sa bahay.

Kinagabihan habang pinapatulog ni Aling Tinang ang kanyang anak na si Lucia sa kanilang munting kubo ay nagulantang siya nang biglang may nagbato ng sulo sa kanilang bintana. Mabilis na kumalat ang apoy sa buong kubo. Agad na tumalon si Aling Tinang sa bintana habang karga-karga si Lucia na sa mga panahon na iyon ay hindi pa naiintindihan ang mga nangyayari.

Pumasok sa gubat si Aling Tinang upang mailigaw ang mga taong humahabol sa kanila. Pamilyar kay Aling Tinang ang gubat na iyon dahil palagi siyang pumapasok doon para sumamba sa mga anito.

Kahit nangangapa dahil hindi sapat ang liwanag mula sa sulo ay mabilis ang takbo ng mga humahabol kay Aling Tinang at sa anak nito. Mga guardia sibil ang mga ito na inutusan ng Pamilya Mallari para parusahan si Aling Tinang dahil sa pagiging babaylan nito.

Umalingasaw ang putok ng baril sa kagubatan, nakita nalang ni Aling Tinang na duguan na ang kanyang damit. Naramdaman niyang may kung anong mainit na dumaloy sa kanyang dibdib, ilang sandali pa'y nabuwal ang kawawang matanda dahil sa iniinda nitong sakit mula sa tama ng bala. Tumilapon si Lucia sa butas na nasa ugat ng malaking puno. Nakapagtatakang kusang gumalaw ang mga baging sa paligid at tinabunan si Lucia sa loob. Kusang gumapos ang mga baging sa bibig ni Lucia upang hindi ito makasigaw.

Buhay pa nang maabutan ng mga guardia sibil si Aling Tinang bagamat nag hihingalo na ito. Itinihaya ng isa sa mga sundalo ang nakasubsob na si Aling Tinang upang makita

nila ang mukha nito.

Mula sa likod ng mga sundalo sumilip si Donya Luisa ang Ina ng batang tinulungan ni Aling Tinang. Kinumpirma niyang ang babaeng naghihingalo at nakahandusay sa lupa ay si Aling Tinang, ang babaylan. Inutusan ni Donya Luisa ang mga sundalo na tuluyan na si Aling Tinang at sunugin ang bangkay nito upang masigurong patay na talaga ito.

Ngunit bago malagutan ng hininga si Aling Tinang, nakapagdasal pa ito sa mga anito.

"Anito…. Iyong bawiin ang buhay na sa kanilang anak ay isinalin… upang pagbayaran ang ginawa nila sa akin…"

Dinala ng mga sundalo ang bangkay ni Aling Tinang sa harap ng simbahan. Itinali nila ito sa poste pinalibutan ng panggatong at binuhusan ng kerosina. Lumabas mula sa simbahan si Padre Juan Severino Mallari na may dala-dalang kandila. Inanunsyo ni Padre Mallari sa lahat nang tao na nanonood ang tungkol kay Aling Tinang at sa pagiging babaylan nito. Ipinaliwanag niya sa mga tao na kamatayan ang kaparusahan sa mga sumasamba sa ibang Dios.

Sinindihan ni Padre Mallari at sinunog ang bangkay ni Aling Tinang.

"Nawa'y magsilbe itong aral sa inyong lahat! Ang pagsamba sa ibang Dios ay labis na kinamumuhian ng simbahan at hinahatulan ng kamatayan ang sinumang sumuway ditto!"

Nakangiting pinagmasdan ni Padre Mallari ang nasusunog na bangkay ni Aling Tinang.

Lumipas ang limang taon, naking kura paroko ng simbahan ng Magalang, Pampanga si Padre Mallari. Kilalang isang mabait ngunit strikto si Padre Mallari, malapit siya sa mga mayayamang pamilya pati na sa mga mahihirap. Nakilala rin siyang nakakapaggamot ng mga karamdaman, kaya laging dinarayo ang kanyang mga Misa. Isa rin siya sa dalawang pari na nag aral ng kaligrapiya oh yung pag-aaral sa pagsusulat. Malaki ang kanyang potensyal bilang isang pari at sinabi pa ng iba na malayo ang kanyang mararating.

Ngunit nagbago ang lahat ng pinauwi si Padre Mallari ng kanyang ama sa San Nicolas dahil malubha na ang karamdaman ng kanyang inang si Donya Luisa.

Tila naaagnas ang katawan ng kanyang ina kahit ito'y buhay pa. Puno ng sugat ang kanyang balat at kusang nagsitanggalan ang kanyang mga kuko. Nalagas ang kanyang mga buhok at naubos ang kanyang mga ngipin. Hindi na nito magawang tumayo oh kahit umupo man lang dahil sumasakit ang mga sugat nito kapag nagagalaw.

Ipinagdasal ni Padre Mallari ang kanyang ina buong araw, araw-araw. Ipinatingin na rin niya sa mga kakilala niyang mga doctor ngunit walang pagbabago sa nararamdaman nito.

Labis na ikinalungkot ni Padre Mallari ang nangyari sa kanyang ina. Kahit anong dasal ang gawin niya ngunit parang hindi dinidinig ng Dios ang kanyang panalangin. Hanggang sa ang lungkot ay humantong sa puot at galit, nagsimula niyang sisihin ang Dios, inisip niyang labis-labis ang pagsubok na ibinigay sa kanya ng Dios at hindi na ito patas. Bakit ang kanyang ina ang binigyan ng karamdaman na iyon at hindi ang mga masasamang tao? Oh di kaya'y sa mga taong hindi ganun ka importante? Bakit hindi nalang sa mga mahihirap na tao ito binigay?

Ilang raw ding hindi makakain at makatulog ng maayos si Padre Mallari, labis na nangayayat ang katawan ng pari. Para makalimot kahit sandal sa problemang pinapasan, naisipan ni Padre Mallari na pumunta sa gubat at doon ay magdilidili.

Pagpasok sa gubat narinig niya ang mga huni ng mga ibon na tila kumakanta. Gumaan ang kanyang pakiramdam, umupo siya at sumandal sa malaking puno upang mag umpisang magdilidili. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at binagalan ang paghinga. Pinakiramdaman niya ang bawat paghinga niya, ang hangin na pumapasok sa kanyang ilong at lumalabas sa kanyang bibig. Ramdam nya ang kanyang paligid, ang mga dahon na isinasayaw ng hangin, ang pagasgas ng mga ibon, ang paggapang ng mga langgam sa tuyong mga dahon.

Hindi namalayan ni Padre Mallari na nakatulog na pala siya habang nagdilidili, gabi na ng siya'y nagising. Tumayo siya at hinanap ang dereksyon kung saan siya pumasok sa gubat ngunit wala siyang makita dahil sobrang dilim ng paligid. Kahit ang kanyang dalawang kamay na nasa harap niya ay hindi niya makita, walang kahit na konting ilaw siyang nasisilayan.

Nawala na ang mga huni ng mga ibon, napalitan na ito nga mga tunog ng tikling, uwak at ng mga paniki. Natatakot ma'y nilakasan ni Parde Mallari ang kanyang loob, dahan-dahan siyang humakbang at kinapa ang kanyang paligid.

Dahan-dahang tinahak ni Padre Mallari ang dereksyon na pinaniniwalaan niyang papunta sa labas ng gubat. Nanlalaki na ang kanyang mga mata kakahanap ng ilaw ngunit kahit katiting na ilaw ay wala siyang makita. Nagulat nalang siya ng mula sa kanyang likuran ay may babaeng nagsalita.

"Hanap mo ay lunas sa karamdaman ng iyong ina, ako si Lucia kinulam ko sya. Ikaw sa akin ay makinig, ang tenga'y gamitin itikom ang bibig. Kapalit ng isa'y, isang daang buhay, para gumaling ang iyong ina kailangan ika'y pumatay." (Boses ni Luisa)

Pagkatapos marinig ang mahiwagang boses biglang bumalik ang liwanag at muli na niyang naririnig ang mga huni ng ibon. Hindi maipaliwanag ni Padre Mallari ang kanyang karanasan sa loob ng gubat, ngunit hindi nya kinalimutan ang sinabi ng boses. Upang mabawi ang kulam sa kanyang ina, kailangan niyang pumatay ng isang-daan. Mahirap ang Gawain, pero para sa kanyang ina ito'y kanyang gagawin.

Linggo ng gabi, katatapos lang ng Misa ni Padre Mallari, nagtungo agad siya sa kwarto at nagbihis. Nagmamadali siya pagkat gusto niyang maabutan si Maria na nagsisindi ng kandila sa gilid ng simbahan. Si Maria ay ang nag-iisang apo ni Lola Remedios, gabi-gabi nagsisindi ng kandila si Maria para ipagdasal ang kanyang lola na noo'y nakaratay na lamang sa higaan. Naging paralitiko kasi ito matapos atakehin sa puso.

Maswerte at naabutan ni Padre Mallari ang bata, mula sa likod ng bata ay biglang sumulpot si Padre Mallari. Nagulat man ay napangiti ito ng makitang si Padre Mallari lang pala ito. Kinamusta ni Padre Mallari ang lola ni Maria at sumagot naman ito na hindi pa rin bumubuti ang pakiramdam nito at nakaratay pa rin sa higaan.

Inabot ni Padre Mallari ang kanyang kamay at ipinakita ang malaking rosaryo na gawa sa lubid at kahoy. Sinabi niya kay Maria na isuot ni Maria ang rosaryo na iyon sa kanyang lola at sabay silang magdasal. Labis na natuwa si Maria at nagpasalamat sa pari, mabilis siyang tumakbo pauwi ngunit tinawag siya ni Padre Mallari. Inalok ng pari na samahan ang bata sa pag-uwi dahil gabi na at delikado sa daan, sasamahan din niya si Maria na ipagdasal ang kanyang lola. Abot tenga ang ngiti ng bata at hinawakan ang kamay ng pari at nag-umpisang maglakad patungo sa kanilang bahay.

Pagkarating nila sa bahay, sinalubong sila ng masangsang na amoy, naliligo sa sariling dumi si Lola Remedios. Agad na kumuha ng tubig sa banyo si Maria upang linisin ang kanyang lola, habang nasa banyo si Maria, nilapitan ni Padre Mallari ang matanda. Bakas sa mata ng matanda ang paghihirap, tila bilango ito sa sariling katawan.

Hilaw na ngumiti ang matanda dahil sa hiya, pilit na iginagalaw ang katawan pero hindi nito magawa. Sinabi ni Padre Mallari na wala siyang dapat ikahiya sa pagkat naiintindihan niya ang sitwasyon ng matanda. Napangiti nalamang si Lola Remedios habang tumutulo ang luha sa kanyang mga mata.

"Pagod ka na bang makulong sa sarili mong katawan? Naaawa ka na ba sa iyong apo na imbes na mag-aral at makipaglaro kagaya ng ibang bata ay nandito buong araw nag-aalaga saiyo?" (Boses ni Padre Mallari)

Tuluyang humagulgol sa pag-iyak ang matanda, dinampi ni Padre Mallari ang noo ni Lola Remedios at nag dasal. Ilang sandali pa'y dumating na Maria na may dalang balde ng tubig. Pinalapit ni Padre Mallari si Maria sa tabi ng kanyang lola, at hinawakan ang balikat nito mula sa likoran ng bata.

"Simula sa araw na ito, kayong dalawa ay palalayain ko sa inyong mga kulungan." (Boses ni Mallari)

Inilabas ni Padre Mallari mula sa kanyang bag ang malaking rosaryo na gawa sa kahoy at lubid. Isinuot ito sa leeg ni Maria.

"Sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Espirito Santo…. Amen" (Boses ni Mallari)

Gamit ang malaking rosaryo, pinilipit ni Padre Mallari ang leeg ng bata. Nagpumiglas ang bata habang inaangat siya ni Padre Mallari at hindi na nakalapat sa sahig ang kanyang mga paa. Nanlaki ang mata ng bata habang nakatitig sa mata ni Padre Mallari, tila nagtatanong kung bakit ito ginagawa ng pari.

Gulat na gulat din si Lola Remedios, kitang-kita nya kung paano unti-unting nawawalan ng buhay ang kanyang apo sa kamay ng paring pinagkakatiwalaan nila. Pinilit niyang tumayo para pigilan ang pari ngunit natae nalang siya at hindi parin siya nakakagalaw, tanging panginginig lang ang ginagawa ng kanyang katawan.

Hanggang sa tumigil na ang pagpupumiglas ng bata, bumubula na ang kanyang bibig at nakalawit na ang dila. Ibinagsak ni Padre Mallari ang walang buhay na katawan ni Maria at lumapit kay Lola Remedios. Napaungol nalang ang matanda ng unti-unting pinupulupot ni Padre Mallari ang rosaryo sa leeg nya. Napapikit nalang ang matanda, nawalan na ito ng pag-asa. Sa isip nya iyon na ang kanyang katapusan. Hinintay niyang sakalin siya ni Padre Mallari

ngunit napansin niyang lumuwang ang pagkakapulupot ng rosaryo sa leeg niya. Idinilat niya ang kanyang mata at nakitang nakangiti ang pari habang nakatitig sa kanya.

Umalis sa kwarto ang pari at pinabayaan si LOLA REMEDIOS, nagtungo ito sa kusina at nang bumalik ay may dala-dala na itong lubid. Ipinulupot nito ang lubid sa leeg ng bangkay ni Maria at ibinitin ito sa haligi ng bobong. Nagpabitin-bitin ang bangkay ni Maria sa harap mismo ng kanyang Lola Remedios.

Tanging pag-iyak lang ang kayang gawin ng matanda habang iniwan siya ni Padre Mallari sa kwarto.

Kinaumagahan nagising si Padre Mallari sa malalakas na katok mula sa pinto. Nang buksan ay bumungad sa kanya si Pedro na isa sa mga katiwala ng simbahan. Ibinalita nito ang pagpapakamatay ng batang si Maria sa kwarto pa mismo ng kanyang LOLA REMEDIOS. Ang masaklap pa'y inatake sa puso ang kawawang matanda ng makita ang nangyari sa kanyang mahal na apo. Pumanaw din sa gabing iyon si LOLA REMEDIOS.

Tumulo ang luha mula sa mata ni Padre Mallari, sinabi nito kay Pedro na siya'y labis na nalungkot sa nangyari. Mas nalungkot siya ng sabihing hindi mabibindesyonan ang bangkay ni Maria sapagkat ito ay ipinagbabawal. Hindi pwedeng bindesyonan ang bangkay ng taong nagpakamatay sapagkat ang pagkitil sa sariling buhay ay isa sa mga pinakamalalang kasalanan na pwedeng gawin ng isang tao.

Napahagulgol si Padre Mallari sa harap ni Pedro, tinahan siya nito at tinapik ang kanyang balikat. Naisip ni Pedro na masakit para sa pari ang nangyari dahil malapit sa kanya ang maglola. Ibinigay ni Pedro ang kanyang panyo para ipahid ng pari sa kanyang mga luha. Nang paalis na si Pedro ay narinig niyang mas humagulgol pa sa pag-iyak ang pari.

Sa loob ng kwarto naman nakasilip si Padre Mallari kay Pedro na malungkot na naglalakad palayo. Nakangiti ito habang pinipeke ang paghagulgol.