Maybel
22
Negros Occidental
Nangyari ito nung pumasyal ako sa bahay ng Tita Judy ko (bayaw ni Papa). Medyo malapit ako kay Tita at sa pinsan kong babae na eldest nilang si Ging (3 anak ni Tita nun).
Nanunuod kami ng TV sa sala at nakaupo ako sa sofa, sa harap ko nakaupo si Ging, at sa left side na sofa naman nakaupo yung bunso nila na si Jay. Yung sofa na kinauupuan ni Jay nakaharap sa TV. Tatlo ang sofa at magkakaharap, so bale nasa right side ako at left side naman si Ging.
Nakita ko na pumasok si Tita sa bahay galing kusina at dali-daling pumasok sa kwarto niya. Nakaharap kasi ako dun sa pinto na papasok dun sa mga rooms. 'Yung bahay, may 3 rooms, tapos 'yung kusina nasa labas ng bahay. Yung kwarto ni Tita at Tito ay nasa pinakadulo katabi nung altar.
Hindi ko na sana papansinin, kaso bigla namin narinig ang sigaw ni Tita galing sa kusina na inuutusan kaming kumuha ng Magic Sarap dun sa kwarto nila, a few minutes after ko siya nakita pumasok sa bahay. Nagtuturuan pa 'yung mga pinsan ko kung sino ang kukuha.
Napaisip ako. Imposible naman na nakalabas agad si Tita, eh hindi ko sya nakita dumaan ulit papuntang kusina.
While nag-iisip ako nun, tumakbo si Ging papunta sa room niya na katabi ng room ni Tita. Bigla niyang pinagbabayo ang pinto ng malakas at sumisigaw siya. Pinapalabas niya si Jay. Ayaw kasi ni Ging na may ibang pumapasok sa room niya aside from me at kay Tita kasi puro lalaki mga kapatid niya.
Natakot ako bigla. Nagkatinginan kami ni Jay. Si Jay nasa sofa pa rin at hindi pa umaalis since kanina.
Tinawag namin si Ging at kitang kita ko kung paano siya namutla nung tumingin siya kay Jay na nakaupo pa din sa sofa.
Bigla na lang kaming tatlo napatakbo palabas. Hindi na nga yata kami napatili at iniwan na lang naming bukas yung TV.
Naguunahan kaming pumasok sa kusina. Tinanong kami ni Tita Judy kung ano daw nangyari kasi pare-pareho kami namumutla.
Kinuwento naman ni Ging 'yung nangyari. Pati si Tita natigilan sa narinig nya. Saka ko naman naalala na nakita ko sya pumasok sa bahay. Tinanong ko siya bakit siya nangutos na kumuha ng Magic Sarap, eh pumasok naman sya sa kwarto nya.
Matagal bago nakasagot si Tita. Ang sabi niya, hindi daw siya pumasok sa bahay kasi hindi niya pwede iwan ang niluluto niya, kaya inutusan niya na lang kami kumuha ng seasoning sa room niya.