"PRINSESA CERES!" gimbal na gimbal na sigaw ng babaeng mandirigma.
Mahigpit na nakatali ang katawan nito ng lubid na ang parteng dulo ay hawak ng babaeng nakapula at kitang-kita ang pagluha ng prinsesa sa takot.
Nabihag na ang kanilang maharlika!
Unti-unting bumakat ang mga litid sa kaniyang leeg dahil sa lubos na pagtatagis ng kaniyang mga bagang at labis din ang pagkuyom ng kaniyang kamao sa hindi pagkapaniwala sa nakikita.
Unang naging reaksyon ng kaniyang katawan ay ang pagtakbo papunta sa mga ito. "PRINSESAAAA!" sigaw niya at tanging ang pagliligtas lamang dito ang pumupuno sa kaniyang sistema sa ngayon. Pinaghihiwa at saksak niya ang mga kalabang humaharang sa kaniya at kahit na napakaraming sugat ang kumikirot sa kaniya sa sakit ay tila namanhid na siya.
Napatingin naman kaagad ito sa kaniya at agad siyang nakilala. "Hemira! Tulungan mo ako!" hintatakot na hingi nito ng tulong sa kaniya.
Nakita niyang tumigil ang Pereus sa pagtakbo dahil hinila ng babaeng nakapula ang lubid na nakakabit sa leeg nito. Napatingin din ito sa kaniya at siya'y nginisian saka biglang sinabunutan ang kanilang prinsesa na nasa likuran nito.
"Ahhhhhhh!" sigaw naman ng walang kalaban-laban na maharlika sa sakit dahil sa mahigpit na pagkasabunot sa itim na itim na buhok nito.
"PRINSESA!" halos maputol ang litid niya sa lakas ng kaniyang sigaw sa pag-aalala para rito subalit hindi niya kaagad ito madaluhan dahil malayo pa rin siya sa mga ito sa dami ng gustong humadlang sa kaniya. Kahit ang mga puting maheyang nais tulungan ito ay dinadagsa ng mga kalaban sa himpapawid.
"LAPASTANGAAAN! Bitiwan mo ang aming prinsesa!" poot na poot na sigaw niya sa babaeng nakapula at patuloy pa rin ang mabilis na pagtahak niya papunta sa direksyon ng mga ito. Tinutulungan na siya ng mga kakampi na iwaksi ang mga kalabang humaharang sa kaniya.
Napataas naman ang isang kilay ng babaeng nakapula saka napangisi na halatang naaaliw sa kaniyang poot na reaksyon.
"Paano iyan? Hindi ko nais gawin iyon~" nang-uuyam na wika nito pagka'y ngumiti nang pagkatamis-tamis na nang-aasar pa rin at hinigpitan muli ang pagkakasabunot sa prinsesa.
Sinugod na rin ito ng mga mandirigma ng Gemuria pati ng mga maheya ngunit isang pagaspas lamang ng Pereus ng napakalaki nitong pakpak ay nagsisiliparan na ang mga iyon palayo. Hindi naman maaaring paliparan nila ito ng mga sandata dahil maaaring madamay ang kanilang prinsesa.
Ni walang makalapit sa babaeng nakapulang iyon upang mailigtas ang kanilang maharlika.
"Hemira!" tawag muli sa kaniya ng prinsesa at nakita niyang isang pulang usok ang bumalot dito na nagmumula sa kamay ng babaeng nakapula. Doon ay bigla na itong nawalan ng malay.
Namilog ang kaniyang mga mata at mas lalong nagtagis ang kaniyang mga bagang.
"Napakaingay ng inyong prinsesa!" may pagkainis nitong sabi. "Masakit sa pandinig ang kaniyang tinig kaya siya'y akin munang pinahimbing ngunit ano ang iyong malay? Maaaring maisipan ko rin na hindi na siya gisingin pa... habangbuhay! KYAHAHAHAH!" Tumawa ito nang napakatinis.
Poot na poot na siya ay nadagdagan pa iyon nang biglang haranging muli siya ng Begustang kalaban niya kanina kaya napatigil siya sa pagtakbo.
"Tayo ang magkalaban mandirigma." nakangising wika nito.
"Wala akong panahon sa'yo!" Sa pagmamadali ay isang maliksing paghiwa kaagad ng espada niya sa kabilang pisngi nitong wala pang sugat ang napatamo niya rito na nagpasirit ng pulang dugo nito mula roon. Dahil doon ay magkabilang pisngi na nito ang may hiwang sugat mula sa kaniya. Mataas din siyang tumalon saka paikot na sipa sa gilid ng mukha nito ang mabilis na pinatikim niya rito na nagpatalsik pagilid dito. Sumalpok naman ito sa isang malaking bato.
Mabigat na ang kaniyang paghinga sa pagod ngunit ipinagpatuloy niya na ang pagtakbo sa direksyon ng Pereus.
Kahit na sa bawat pagtapak sa lupa ng kaniyang mga paa ay kasabay niyon ang lubusang pagkirot ng kaniyang tagiliran at hawak niya rin ang kaniyang brasong may malalaking kalmot kung saan nagtutulo ang masaganang dugo. Kahit na ganoon ay mas lalo niya pang binilisan ang kaniyang pagtakbo sa abot ng kaniyang makakaya.
Malapit na siya sa mga ito nang magsimulang ipagaspas ng Pereus ang pakpak nito at gumawa iyon ng napakalakas na hangin. Nilipad palayo ang lahat ng malapit doon na mga nabubuhay.
Napatigil muli siya sa paglapit sa mga ito at ipinangharang ang braso sa kaniyang mukha upang hindi siya mapuwing sa mga lupang sumama na sa hangin.
"Kyahahahahaah! Paalam mga talunan! Sa amin na ang inyong prinsesa! Kyahahaahaha!"
Pinilit niyang tingnan ang babaeng nakapulang iyon na walang tigil sa pagtawa nang matinis. Nakuyom niya nang labis kaniyang kamao at agad na hinabol ang papalipad sa ere na Pereus na iyon kahit na napakalakas ng hangin na humahampas sa kaniya.
Ang ibang mga nabubuhay na sumalakay sa kanilang palasyo ay isa-isa nang naglaho sa pamamagitan ng mga itim na usok pati na rin ang kanilang mga napaslang sa mga ito. Pati ang begustang kaniyang kalaban na nag-anyong tao nang muli ay naglaho na rin.
Tumigil na siya sa pagtakbo at inistima kung gaano siya kalayo sa babaeng nakapula na sakay ng nasa ere nang Pereus. Bumuwelo na siya upang ihagis ang kaniyang espada sa babaeng iyon. "HAAAAAAHHHH!" Buong lakas na ibinato niya ang kaniyang espada sa direksyon nito at lumipad 'yon papunta rito na tawa pa rin nang tawa.
Nang malapit na ang espada rito ay nailagan nito iyon kahit papaano sa kakaunting galaw at napatigil na rin ito sa mapang-uyam na pagtawa.
Tumingin ito nang masama sa kaniya dahil sa kaniyang ginawa ngunit napalitan din iyon ng isang mapang-asar na ngiti. "Ha! Ganiyan lamang ba ang kaya ng isang heneral ng mga mandirigma? Mga wala kayong silbi! Kyahahahaah—" Napatigil ito nang maramdaman ang dugo na tumulo mula sa pisngi nito.
Nagkaroon iyon ng hiwa na gawa ng espadang hinagis niya rito. Unti-unting puminta ang galit sa magandang mukha nito dahil sa sugat na nakuha mula sa kaniya. "IKAAAW!" Bababa na sana ito ng Pereus upang siya'y sugurin ngunit isang itim na usok ang lumabas sa ere malapit dito.
Nabuo mula roon ang isang taong nakatalukbong ang ulo at naka-kapa rin ng itim. Hindi iyon ang taong Begusta na nakalaban niya dahil iba ang prisensya nito roon. Sumenyas ito ng pagpigil sa babaeng nakapula na handang-handa nang bumaba upang siya'y gantihan at napipilitan naman itong tumalima. Wala itong nagawa kundi ang pukulin na lamang siya ng masamang tingin.
Napatingin siya sa taong nakatalukbong na iyon. Kahit na hindi niya makita ang mukha nito ay nakaramdam siya ng pangingilabot sa buo niyang katawan sa hindi niya malamang dahilan.
Napatingin din ito sa kaniya at nakita niya ang mukha ng isang lalaki. Mas lalo siyang nangilabot nang ngitian siya nito.
Pinagaspas nang muli ng Pereus ang pakpak nito at lumipad na palayo kasama ang nakatalukbong na taong iyon.
"PRINSESAAAA!" Sinubukan niya pang muling habulin ang Pereus ngunit bigla na lamang itong naglahong tilang bula sa kalangitan sa pamamagitan ng itim na usok.
Pati na ang iba pang natirang mga mandirigma at maheya ng Gemuria ay sumubok ding humabol ngunit wala na talaga ang mga ito.
Wala na ang prinsesa ng kanilang kaharian dahil dala na ito ng mga kalaban at wala silang nagawa upang mapigilang mangyari iyon.
* * *
Mostro - ito ang tawag sa lahat ng mga masasamang nabubuhay na kahit nasa anong lahi pa nabibilang.
Puting Maheya - mabubuti silang mga tao at marunong silang gumamit ng iba't-ibang mahika ngunit ginagamit lamang ng mga ito ang kanilang kapangyarihan sa kabutihan.
Itim na Maheya - kabaliktaran sila ng mga puting maheya. Masasama sila at pumapaslang sila ng taong mayroon silang galit. Gumagamit sila ng sumpa at mga masasamang mahika.
Begusta - Isang mabangis at malakas na hayop ngunit hindi ito matalino. Ang alam lang nito ay kung ano ang makikita nito ay isang pagkain kahit ano pa iyon. Kaya nilang pagalingin ang sugat na kanilang natamo sa maikiling oras kaya mahirap silang talunin.
Pereus - Ang mga pereus ay kilalang-kilala sa pagiging mabangis at sobrang taas ng lipad. Kaya nitong protektahan ang sarili sa mga atake ng kalaban sa pamamagitan ng pagbalot sa sarili ng malaking pakpak nito. Napakalas din nitong sumipa na kayang bumutas ng isang makapal na kalasag.
Krowa - mga uwak na mga nabubuhay ngunit ang pinagkaiba ay lumalaki sila nang higit pa sa laki ng mga tao sa mahabang taon na lilipas dito.
Hukbo ng mga mandirigma nila Hemira - Sila ang mga mandirigmang tao na sandata ang panlaban at lakas. Sila ang nasa pinakaunahan parati ng labanan.
Hukbo ng mga maheya - Sila naman ang may mga mahika na nagbabantay rin sa palasyo at nasa likuran sila ng mga mandirigma dahil isa rin sila sa dapat protektahan ng mga ito. Kakaunti lamang sila kumpara sa mga mandirigma ngunit malalakas namang tunay at hasa.
Ipagpapatuloy…