Mahirap hulaan ang edad ni Max dahil maalaga sa sariling katawan. Siya naman ay di-maikakailang sariwa at bata pa. Naging lalong napakaganda niya nang magkaroon ng asawang mapera.
Ang kanyang amang accounting clerk ay naglilingkod sa kumpanyang pag-aari ng lalaki. Nang makatapos siya sa kursong accountancy rin, ipinasok agad siya doon ng magulang bilang sekretarya ng big boss.
Natanggap naman agad si Paulina. Ngunit makalipas ang tatlong buwan, fiancee na siya ni Max Valdez. Isang buwan lang ang itinagal ng kanilang engagement, isang engrandeng kasalan na agad ang kasunod.
Marami sa mga kaopisina at kaibigan nila ang nagsuspetsa na buntis na si Paulina habang ikinakasal. Ngunit nainip na lamang ang mga ito sa paghihintay sa panganganak niya.
Kusang huminto ang naglalayag na mga mata ni Paulina sa medicine cabinet na kinaroroonan ng mga pakete ng birth control pills. Dinatnan na niya ang mga iyon, nung iuwi siya rito ni Max bilang new bride.
"Papalitan natin ang brand kung may side effects sa 'yo. In the meantime, hindi muna tayo magsisiping habang hindi pa siguradong protected ka na." Iyon ang kaswal na pahayag ng bagong kabiyak sa unang gabi ng kanilang pulotgata.
Nabigla si Paulina noon. Hindi siya makapaniwalang tutul na tutol ang asawa sa pagkakaroon ng anak. Karamihan kasi ng mga lalaki ay nagpapakasal upang bumuo ng pamilya. Ngunit iba sa lahat si Max. At hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa kanya ang pagtutol nitong magkaroon sila ng anak…
Ano kaya kung--?
Naudlot ang pag-iisip niya nang bumukas ang pinto ng banyo at lumitaw ang matangkad na hugis ni Max.
Napalunok si Paulina nang makita ang matiim na ekspresyon ng lalaki. Ngunit baka namalikmata lang siya dahil may manipis na usok sa paligid ng banyo. Dagling nanlamig ang kalooban dahil sa labis na pangamba. Nahuhulaan kaya ni Max ang isa na namang pagsuway na binabalak niyang gawin?
Awtomatikong inilubog ni Paulina ang hubad na mga balikat sa tubig at bula habang nagtatanong ang mga matang nanlalaki.
"N-nandiyan na ba ang hapunan?" ang pautal na tanong niya. "Uh, aahon na ako." Hindi alam ni Paulina kung bakit natataranta siya.
"Mamaya pa darating ang hapunan," tugon ni Max.
Naparalisa siya nang bumagsak sa sahig ang suot na puting roba ng lalaki. Napalunok nang magsimulang humakbang palapit sa kinaroroonan niya ang matitipunong biyas.
"G-gagamit ka ng bathtub?" Pinilit niyang kumilos para makatayo. "Uhm, t-tapos na ako--"
Tinangka niyang umiwas pero nahawakan pa rin siya ng lalaki. Hinila agad siya para yapusin nang mahigpit habang marahang ibinabalik sa pagkakalubog sa bathtub.
"M-Max--"
"Ssh..."
Nasamyo ni Paulina ang amoy ng alak sa hininga ng asawa nang siilin nito ng maririing halik ang kanyang mga labi.
"Patunayan mo sa akin na hindi ka galing sa mga bisig ng ibang lalaki, Paulina," anas ng asawa, sabay baon ng mga ngipin sa pagitan ng leeg at balikat niya. "Make love to me, wife!" Halos paasik ang utos pero hindi siya tumutol.
Buong pagpapaubayang yumapos ang mga braso at hita niya sa maskuladong katawan.
Ang komunikasyon ng kanilang mga katawan ay palaging perpekto. Maalab at mainit ang ningas ng kanilang pagnanasa sa isa't isa. Mistulang pag-ibig na nga dahil sa sobrang sidhi...
"Ako lang ang lalaking nagmamay-ari sa 'yo, Paulina," ang paulit-ulit na bulong ni Max habang inaangkin siya. "Sabihin mong ako lang!" angil nito nang di siya umiimik.
"O-oo, Max, oo..."
Nang muling mamalayan ni Paulina ang mga nangyayari, wala na sila sa bathtub. Nasa kuwarto na sila, sa ibabaw ng malapad at malambot na kama.
Nanginginig pa rin siya kahit papalipas na ang epekto ng makayanig-mundong kasukdulan. Bihag pa rin siya ng matitigas na bisig ni Max. Nakasandal siya sa mabalahibung dibdib nito.
"You are a hot woman, Paulina," anas nito habang gumagapang ang bibig sa kanyang balikat, patungo sa sensitibong bahagi ng batok.
Lumikha iyon ng kilabot at kiliti na dumaloy sa kanyang balat. Hindi niya napigilan ang pag-alon ng reaksiyon sa kanyang katawan.
"Masyado kang mainit. Para kang ningas na laging nakasindi at handang maglagablab kahit anong sandali," patuloy ng paos na tinig. "Kaya nakakatakot kang pagtiwalaan nang husto. Baka mapindeho ako."
Unti-unting nanlamig ang pakiramdam ni Paulina. Parang gusto niyang magsisi sa dinanas niyang luwalhati. Dapat talaga, hindi siya bumibigay nang husto sa pakikipagtalik sa asawa.
Pero paano niya pipigilan ang natural na nararamdaman? Atsaka iyon lamang ang tanging paraan upang maipadama niya ang lihim na pag-ibig para sa lalaki.
Napakapait namang malaman na iyon pa pala ang nagiging ugat ng pagseselos ni Max!
Pumikit siya nang mariin upang makaipon ng lakas ng loob sa pagtatanong. "M-magkatulad ba kami ni Carmen?"
Biglang huminto sa paggalaw ang nagbabagang bibig. Kapagkuwa'y naglaho na rin ang init na nakabalot sa kanya. Maliksing lumayo ang lalaki matapos siyang bitawan. Nakaupo na ito sa gilid ng kama nang luminga siya.
"B-bakit ayaw mong pinag-uusapan natin si Carmen?" tanong niya.
"Tapos na si Carmen, Paulina." Lumapit si Max sa wine cabinet. Nagsalin ito ng alak sa isang cutglass. "Kinalimutan ko na siya."
"Pero laging siya ang sukatan mo sa akin," salo niya. Bumangon na rin siya. Ibinalot ang kumot sa hubad na katawan bago tumayo para kumuha ng roba sa chestdrawer na katabi ng kama. "Palagi mong ibinibintang sa akin ang mga kasalanang ginawa niya sa 'yo."
"Shut up, Paulina!" utos ni Max, pagigil. Sunud-sunod na tinungga nito ang alak sa baso.
"Magkamukha ba kami, Max?" dugtong niya. Hindi alintana ang galit ng lalaki. Parang namamanhid siya. "Mainit din ba siya sa kama? At pinindeho ka ba niya?"
"Dammit!" bulalas ng lalaki, sabay bagsak ng baso sa countertop ng mini-bar. Dinaluhong siya nito upang sambitlain sa magkabilang balikat. Inalog siya ng ilang beses bago binitawan.
Sumuray si Paulina. Muntik nang malugmok sa sahig na alpombra kung hindi siya napahawak sa kanto ng Chinese drawer.
Nanlilisik ang mga mata ng asawa habang nakatitig sa kanya. "Kanino mo nalaman ang tungkol sa mga bagay na 'yan?"
"S-sa mga kapatid mo." Walang gatol ang pagtugon niya.
Wala ring gatol ang pagsampal ni Max sa isang pisngi niya. "Sinungaling ka! Hindi sasabihin ng mga kapatid ko ang mga sikreto ko!"
Napatigagal si Paulina. Ngayon lang siya nasaktan ng asawa.
"N-nagmamalasakit lang sila," sambit niya, habang sapo ng isang nagyeyelong kamay ang pisngi. "A-asawa mo ako, Max. May karapatan akong malaman ang mga bagay na nakakaapekto sa pagsasama natin." Pinilit pa rin niyang mangatwiran kahit garalgal na ang boses.
"Mag-asawa lang tayo sa kama, Paulina. Wala tayong prublema d'on kaya wala kang karapatang mag-usisa ng kung anu-ano!"
Mistulang sampal na naman ang dinanas ni Paulina nang marinig ang matitigas na salitang ipinukol sa kanya.
Wala na siyang nagawa kundi ang mapaiyak na nang tuluyan. Yumuko siya upang itago ang mukha sa nakalugay na mahabang buhok. Patakbo siyang nagtungo sa dressing room kahit mabuway ang mga hakbang. Humagulgol siya nang nasa loob na habang pilit pa ring pinupuwersang kalmahin ang sarili.
Lalo lang magagalit si Max kung magpapakalunod siya sa luha. Wala pati siyang maaasahang pang-aalo mula rito kahit na iyon ang unang pagkakataong nakaranas siyang masaktan. Siya naman ang may kasalanan kung bakit nasampal siya ng asawa.
Maagap ring sinupil ni Paulina ang bahaging nais nang mag-alsa at maghimagsik. Siya lamang ang matatalo kapag nakipagtunggali siya kay Max—dahil siya lang ang umiibig…
Kasama rin sa pagkatalo ang pamilya niya. Tiyak na ihihinto ni Max ang sustento sa kanyang pamilya bilang kaparusahan sa kanyang pagrerebelde.
A, bakit ba nawawalan siya ng focus? Bakit ba kung anu-ano pa ang hinihiling niya gayong marami na nga sa mga pangarap niya ang natupad na?
"Huwag ka nang umasam na iibigin ka niya," wika ni Paulina sa sarili. Kahit na nanginginig ang mga kamay, pinilit pa rin niyang ayusin ang hitsura. Naglagay siya ng kaunting pulbo sa mukha at nagsuklay ng mahabang buhok na medyo basa-basa pa. "Para hindi ka nasasaktan, tatandaan mo palagi na sa kama lang kayo mag-asawa ni Max," panunuya niya sa sarili habang minamasdan ang repleksiyon sa salamin.
Nagulantang siya nang may kumatok sa pinto ng dressing room. Ini-locked niya iyon.
"Paulina, bilisan mo d'yan. Lalamig ang pagkain."
Pinilit ingiti ni Paulina ang mga labing naninigas dahil sa tensiyon. Nang matiyak na nakatago na ang lahat ng mga nadarama niya sa pinakalikod ng utak, saka lang nagkalakas ng loob na lumabas si Paulina mula sa dressing room.
Nakapusod na ang mahaba at diretsong buhok. Nakabalot na ang buong katawan ng mahaba at maluwang na cotton nightdress. Mataas ang leeg, mahaba ang manggas, at hanggang bukung-bukong ang laylayan. Kulay itim ang pinili niyang isuot dahil ipinagluluksa ang kamatayan ng sikretong pag-ibig.
Sinipat ni Max ang kabuuan niya habang papalapit siya sa kinaroroonan nito. Sandali lang siya tumingin dito. Kapagkuwa'y inilipat na ang pansin sa bilog na lamesang nasa veranda.
"Sa labas ako nagpahain para presko," sambit ng lalaki. Sinabayan siya sa paglakad nang makalapit na siya.
Hindi umimik si Paulina kahit na ipinaghila siya nito ng silya. Naupo lang siya at naghintay sa pagsisimula ng lalaki.
"Nagmamaktol ka ba?"
Umiling siya. Saka lang uli sumulyap sa kaharap.
Seryosong nakatitig si Max sa mukha niya. Kapagkuwa'y hinagod ng hintuturo nito ang pisnging bahagya pa ring namumula.