Huminga nang malalim si Hera matapos niyang maalala ang takbo ng usapan nila ni Chase tatlong oras na ang nakalipas. Wala naman talaga siyang sasabihing importante rito. Pinauuwi niya lang 'to nang maaga para sa… wala, gusto niya lang.
Kinuha niya ang isang unan sa sofa at niyakap nang mahigpit. Panay ang pag-init ng kanyang pisngi, lalo na kapag naaalala niya kung paano niya tinawag na asawa ang lalaki. Humagikhik siya at mas lalong hinigpitan ang pagkakayakap sa unan.
She likes Chase. She really does. Hindi niya alam kung kailan nagsimula o kung bakit. Basta na-realize na lang niya iyon sa isang hindi inaasahang lugar at pangyayari—sa banyo, habang nagbabawas siya. In her defense, pinakaseryoso siya sa buhay kapag nagbabawas. That was the moment when she would think about her life, the future, crimes, poverty, peace, war, and the world.
Nawala lang ang kilig niya nang biglang maalala si Lynne. Ilang araw na ang nakalipas mula nang mapag-usapan nila ang tungkol sa totoong dahilan kung bakit takot itong magmahal pero hindi pa rin mawala-wala iyon sa utak niya.
That girl… she didn't even know she had that kind of experience.
Halos mawala na rin tuloy sa utak niya ang planong i-set up sa date si Lynne. Kung gano'n kabigat ang rason nito, may karapatan ba silang makialam pa? Pero ito na rin ang nagsabing pumapayag na ito. Sinapo niya ang kanyang ulo. Naguguluhan na siya.
Bumuntong-hininga na lang siya at naghanap ng ibang mapagkakaabalahan. Ilang oras siyang tumunganga sa kawalan at nang magsawa ay kumain na lang siya ng kung ano-ano at nanood ng TV. Inis na inis siya dahil walang matinong palabas—puro tungkol sa nawawalang anak, mayamang naghirap o mahirap na yumaman.
Dahil do'n, nagdesisyon siyang manood ng pelikula sa kanyang laptop. Horror ang genre na napili niya. Agad naman niyang pinagsisihan ang desisyong 'yon.
Nasa kalagitnaan pa lang ng palabas pero natatakot na siya. Tungkol ang pelikula sa dalawang babae, magkapatid. Ang unang eksena ay ang pagdating ng dalawa sa isang lumang bahay. Pigil ang hininga niya habang nanonood. Hanggang sa…
"Sh*t!" saad niya bago isinara ang laptop.
Sa pelikula kasi'y habang natutulog ang magkapatid, may gumapang na babaeng nakaputi patungo sa isa sa mga ito. Mabagal ang paggapang nito hanggang sa biglang bumilis at napunta ang gumagapang sa kisame.
Umiling siya at lumingon-lingon sa paligid. Bigla siyang kinabahan. Baka nasa tabi na niya ang multo! Nagmadali siya sa pagtayo. Kumanta-kanta pa siya para mawala sa isip ang napanood. Ni hindi na niya natapos ang palabas, nasa 25-minute mark pa nga lang siya.
"Hera, ang duwag mo," bulong niya sa sarili.
Mahilig naman siyang manood ng horror movies pero natatakot siya kapag mag-isa lang. Sinubukan niya ngayon sa pagbabaka sakaling nawala na ang takot niya kapag mag-isa pero hindi pa rin pala.
Napabalikwas siya nang biglang may malamig na kamay na humawak sa balikat niya.
"Mommy!" sigaw niya. Nagmamadali siyang lumayo rito kasabay ng pagpikit ng kanyang mga mata. Dinampot niya rin ang remote control at umambang mambabato.
"Hera, ako 'to!"
Napadilat siya nang marinig ang boses ni Chase. Tawa ito nang tawa habang nakaturo sa kanya. Umirap naman siya at umayos ng tayo.
"Don't laugh," aniya. "Hala, nasa'n na 'yung phone ko?"
Walang sumagot.
"Kinuha mo, 'no?"
Nagtaas ng isang kamay ang lalaki. "Kadarating ko lang." He looks amused. Parang pinipigilang humalakhak. Lalo siyang nagduda.
"Bakit hindi ka sumagot agad? Sus, galawan mo. Akin na kasi."
Tuluyan nang umangat ang sulok ng labi nito. "Fallacy 'yan."
Gusto niya sanang mairita katulad ng madalas niyang maramdaman kapag pinangangaralan siya nito pero ngayon, napangiti siya.
"What fallacy?" Kinagat niya ang kanyang labi.
"Ex silentio. You cannot argue that your argument is true just because I refuse to answer," paliwanag nito.
Tumango si Hera. Inipit niya ang takas na buhok sa kanyang tainga. "Okay, so ibalik mo na 'yung phone ko."
Ginulo nito ang buhok bago pinigilan ang pagtawa. "Umuwi ako agad pagkatapos ng mga klase ko tapos pagbibintangan mo lang ako?"
"Akin na kasi, Chase!" kunwaring galit niyang sabi. Ikinuyom pa niya kanyang kamao nang may bigla siyang maramdaman.
Napatingin siya sa matigas na bagay na nasa kamay niya. Oh. Her phone.
"He-he. Ito pala, hawak ko," pahiyang sabi niya.
"See?" Nailing na lang si Chase. "Bakit ka nga pala takot na takot kanina? Do I look like a ghost to you?"
Binato niya ito ng tissue na agad naman nitong nailagan. "Sira, nanonood ako ng horror movie kanina."
Tumango-tango naman ito. "Uh-huh."
"Hindi ka naniniwala? Nanonood talaga ako! 'Yan nga 'yung laptop ko, o! Natakot lang ako kaya 'di ko naituloy." Itinuro niya ang laptop na nakapatong sa sofa.
Ngumisi ito bago sumagot, "Gusto mo ituloy natin ang panonood?"
Pinasadahan niya ng tingin ang binata. Nagulat siya nang makipagtitigan din ito sa kanya. Kumalabog ng husto ang kanyang dibdib na para bang may construction site sa loob. Lumunok siya nang ilang ulit.
Sasagot na sana siya nang may biglang sumilip mula sa pinto—isang pamilyar na mukha. Nakasuot ito ng puting blouse at itim na pencil skirt.
Ngumiti ito. "Sorry, Chase, natagalan ako sa pagpasok. May tumawag kasi." Itinaas nito ang dalang phone. Napawi ang ngiti nito nang mapatingin sa kanya. "May ibang bisita ka pala."
Nakita niyang umiling si Chase. "This is Hera. Nagkita na kayo noon, siya 'yung kapatid ni Louie. Walang kasama sa kanila dahil nasa honeymoon pa ang kapatid niya kaya dito muna sa 'min nakikitira. Hera, this is Atty. Ai."
Umawang ang labi ni Ai. "Oh! I don't clearly remember her, though. Walang kasama sa bahay kaya nakitira sa inyo? How old is she? Two?" Humagikhik ito. "Kidding."
What did she just say? Nagtaas ng isang kilay si Hera. Hindi maganda ang pakiramdam niya sa babaeng nasa harap niya.
—x—
Panay ang buga ng hangin ni Hera habang pinagmamasdang mag-usap sina Chase at Ai. Nasa veranda ang mga ito at kahit gustong-gusto na niyang makausap si Chase tungkol sa kahit ano, wala naman siyang ibang magawa kundi tumunganga at hintaying matapos mag-usap ang dalawa.
Parang kailan lang, sinabihan pa siya ni Chase na maling makinig sa usapan ng iba, pero heto na naman siya, walang kadala-dala.
"Pa'no kung alibi ko lang talaga 'yung librong binubuo ko para magkita tayo?"
"You won't do that."
Umangat ang kilay niya. Anong libro? Wala siyang alam dahil wala namang nababanggit si Chase. Siguradong wala ring alam si Lynne dahil kung meron, malamang nasabi na nito iyon sa kanya. Lalo pa siyang nairita nang marinig ang hagikhik ng abogada.
"You trust me so much!" maligayang sabi nito.
"You trust me so much," she irritatingly imitated Ai. Kunot ang noo niya habang nakaupo sa sofa at nagkukunwaring abala sa pagla-laptop. Bukas ang pinto kaya kahit papa'no, rinig niya ang usapan ng dalawa.
Nag-post siya ng Facebook status: "You trust me so much," said someone with an annoying voice. Uwi ka na, ate girl. Di ka welcome rito.
"Pero ano, you'll be my co-author, right? Ilang araw na kitang nililigawan para sa project na 'yon, 'wag ka nang magpakipot!"
Co-author? Umismid siya. Say no, Chase. Say no. Ginawa niya ang lahat para marinig ang sagot ni Chase pero bigo. Bakit kasi biglang humina ang boses nito?
"Thank you!" sigaw ni Ai.
Dahil masaya si Ai, malamang pumayag si Chase. Daig pa niya ang nagsasagot ng exam tungkol sa context clues at reading between the lines. Napairap siya sa kawalan.
Pero nag-uumapaw talaga ang kuryosidad niya patungkol sa librong pinag-uusapan ng mga ito. Tungkol kaya saan? Pag-ibig? Nawala ang inis niya at napalitan ng paghagikhik nang maisip na magsusulat si Chase ng nobelang puro kilig. Siya kaya ang gagawin nitong bida? Libre namang mangarap.
Kinagat niya ang kanyang labi. Nagulat siya nang may tumikhim. Nilingon niya ang veranda at napangiwi nang makitang nakatingin sa kanya si Chase.
"Ano?" sinabi niya iyon nang walang tunog. Nakatalikod sa kinauupuan niya si Ai kaya ibinuka niya ulit ang kanyang bibig, "Pangit ng kausap mo." She even used signs and actions just to make her statement clear.
Umiling ito bago kinalikot ang cellphone. Nagulat siya nang may matanggap na text. Nagpigil siya ng pagngiti habang binabasa ang mensaheng galing kay Chase.
'You're murdering someone's character, again. Ai is a nice girl.'
Umirap siya sa kawalan. Galit na tinitigan niya si Chase. "Nice girl, nice girl. Magsama kayo." This time, she used her voice—loud and distinct.
Nalukot ang mukha niya sa inis. Dahil ba kay Ai? Kay Chase? Sa mga nag-haha sa post niya? Sa nag-comment na nagda-drama na naman siya? O baka naman sa lahat?
She pressed her lips into a thin line. Hindi siya natinag kahit noong lingunin ni Ai ang kinauupuan niya. Ibinalik niya lang ang kanyang tingin sa laptop na parang walang nangyari.
"Kami ba ang kausap mo?" tanong ni Ai.
"Hindi."
"Oh, okay. Akala ko, kami."
Padabog siyang tumayo. Mabuti na lang at nahawakan niya ang laptop niya, kung hindi bumagsak na iyon sa sahig.
"Excuse me, hindi kayo. Walang kayo." Mabilis siyang naglakad patungo sa kuwarto ng matalik niyang kaibigan.