webnovel

11 | Sinner

And she cannot escape the god of fate.

Elise Montenegro

Totoo ngang hindi nagsisinungaling si Kyle nung sinabi niyang nagsasabi siya ng totoo. Kanina nung magkita kami hindi siya nagsasalita pero naririnig ko lahat ng iniisip niya.

Pero hindi pa rin ako mapalagay.

"Kayo ba ni Kyle? Parati na lang kayong magkasama nitong nakaraang linggo." Usisa ni Ella sa'kin.

"Hindi ah." Tanggi ko. Pero hindi ko alam kung anong dapat kong ipalusot sa kanya.

'Ano kayang pinaguusapan nila?'

Boses ni Kyle 'yon sa isip ko kaya napatingin ako sa kanya. Hindi naman siya nakalingon sa'min ni Ella kaya akala ko hindi ako 'yung iniisip niya.

'Elise, kapag tinanong ka ni Ella tungkol sa'tin, sabihin mo may relasyon tayo para wala na siyang itanong.'

Gusto kong mainis at mag-isip ng mas logical na rason kung bakit kami magkasama parati pero mas may sense na nga 'yon at mas mabilis makaiwas sa ibang tanong kung iyon ang palusot namin. Kung pwede lang ipagkalandakan sa lahat na si Kyle ang diyos na si Oliphius e. Kaso baka mapagkamalan naman akong baliw at lalong hindi maka-graduate.

Hindi na rin si Sir nagturo sa amin. Sabi nila umalis na siya ng school.

Gusto kong pigilan ang sarili kong malungkot. Siguro iisipin ko na lang talagang patay na siya para hindi naman masayang ang pagluluksa ko sa kanya.

'Elise? Pwede bang lumipat ng upuan? D'yan na lang ako sa tabi mo.'

Napatingin ako uli sa pwesto ni Kyle. Nakatingin naman siya sa akin.

"Oh bakit kayo nagtitinginan?" Tukso sa'kin ni Ella. "Kayo talaga eh. Aminin mo na."

Napabuntong-hininga na lang ako bago tumango. "Oo, kami na. Sabi niya pala kung pwedeng palit kayo ng upuan."

Impit siyang napatili.

May ilang napatingin sa kanya kaya pinanlakihan ko siya ng mata. "Secret lang 'yon!"

Nakangiti naman siya at napatikom ng bibig. "Okay, okay. Pwedeng sabihin kay Juliano?"

"Basta hindi niya ichichismis sa iba."

Mabilis siyang tumango at umalis ng pwesto niya. Kulang na lang tumalon siya sa pwesto ni Juliano para magkwento, muntik na akong kabahan na baka isigaw nilang dalawa pero mapanuksong tingin lang ang ginawa nila nang magtabi kami ni Kyle.

Mukhang sapat na rin 'yon para mapansin ng iba naming kaklase.

Buti na lang talaga malapit na kaming gumraduate. Atleast hindi na magtatagal ang issue namin at mas importante ang graduation pic kaysa sa kung anong namamagitan sa'ming dalawa.

'May sasabihin pala ako mamaya, pwede do'n muna ako sa inyo umuwi mamaya?'

Kunot ang noo kong tumingin sa kanya. "Bakit?" Tanong ko.

"Kasi naubusan na ako ng powers para magpanggap na anak ni Nanay."

Napahinga ako ng malalim. Anong ibig niyang sabihin? Makikitira naman siya sa'min? At anong gagawin niya sa Mama ko para matanggap siya?

"At saka may kailangan ka ring malaman tungkol sa Mama mo."

"Ano naman 'yan?" Hindi pa rin lumilingong tanong ko sa kanya.

"Basta mamaya."

Gusto ko na siyang kurutin dahil ang dami niya pang drama sa buhay na parang mabibigla pa ako sa kung anong sasabihin niya, parang may mas nakakagulat pa sa pagiging diyos niya at pagiging imortal ng soulmate ko.

Mabilis tumakbo ang oras para at nakauwi na kami agad ni Kyle. Halos makalimutan ko na nga ang sasabihin niya dahil gusto ko na lang matulog.

"Teka." Awat niya sa akin bago humarang sa pinto ng kwarto ko. "Dito muna tayo."

Pumayag na lang ako kahit gusto ko na magpalit ng damit.

"Sabihin mo na kasi pwede?"

Lumakad siya at naupo sa sofa bago tumapik sa tabi niya. "Tungkol 'to sa Mama mo okay?"

Umupo ako sa tabi niya at bagot na sumandal. "Anong meron sa nanay ko?"

Akala ko sasabihin niya na anak si Mama ng isang diyos o sinumpa niya rin. Pero halos manlamig ang buong katawan ko nang wala sa dalawang 'yon ang sinabi niya.

"Pinatay ng Mama mo ang soulmate niya."

Hindi kaagad nag-sink-in sa utak ko ang sinabi niya, Kung joke man 'yon sasampalin ko talaga siya kahit diyos pa siya. Pero tumagal yata ng isang minuto ay wala akong narinig na joke o tawa niya.

"B-bakit?" Ang una kong naitanong.

"Dahil sa Papa mo." Simpleng sagot niya. "Katulad ni Xerxes ang Papa mo, imortal din na sinumpa ko dahil sa isang kasalanan."

Kinuha niya ang kamay ko at hinawakan 'yon ng mahigpit. "Sinasabi ko sa'yo 'to dahil karapatan mo ring malaman kung bakit gano'n ang turing sa'yo ng Mama mo, Tuwing nakikita ka niya, literal na sumasakit ang puso niya kaya hindi ka niya malapitan. Iyon ang kapalit sa kasalanang ginawa niya."

Hindi ako nakapagsalita. Hindi ko alam kung anong sasabihin o kung anong gagawin sa bago kong nalaman. Kokomprontahin ko ba si Mama tungkol do'n? Siguro may dahilan siya sa ginawa niya hindi ba?

Paano niya 'yon naitago?

Isusumpa rin ba siya ni Ky–Oliphius?

Bakit parang halos lahat ng malapit sa akin inilalayo sa'kin? Nung una sila Lola, tapos si Sir na soulmate ko, tapos ngayon si Mama?

Isinumpa niya rin ba ako?

"Anong iniisip mo?"

"Iniisip ko kung sinumpa mo rin ba ako."

Pumisil siya sa kamay ko uli, pero mas maluwag at mahinahon. "Hindi."

Hinintay kong marinig kung nagsasabi ba siya ng totoo, kung tugma ba sa iniisip niya ngayon at ang sinabi niya. Tugma naman pero nagdadalawang-isip pa rin ako sa kaya niyang gawin. Kahit nagkwento na siya tungkol sa sarili niya at sa iba pang diyos. Tungkol sa tunay na nararamdaman niya bilang diyos ng tadhana.

Pero ang hirap-hirap niyang pagkatiwalaan.

"Hindi ko hahayaang mawala sa'yo si Xerxes, pwede ko ring pahabain pa ang buhay ng Lolo mo."

"Basta tutulungan kita sa kailangan mong gawin?" Tanong ko. Alam kong may kapalit lahat ng sinasabi niya. Alam kong natural lang naman na may kapalit ang pabor na gagawin ko para sa kanya, pero hindi ko pa nga alam kung anong dapat kong gawin.

Parang sinusuhulan niya na ako kaagad para hindi ako makatanggi sa kanya.

Naiintindihan ko naman 'yon.

"Pero paano kung ayaw kong tulungan ka? Na ayos lang sa'kin mawala si Sir? Na kaya kong tanggapin na mawawala na si Lolo at Lola kasi alam kong mortal lang sila?"

Nakita kong napalunok siya–halatang kinabahan.

"Kaya mong gawin 'yon?" Tanong niya na parang gusto niya akong akusahan–na parang kasalanan 'yon at hindi ko dapat 'yon gawin; na parang isang pagkakamali na sinabi ko 'yon sa harap niya dahil isa siyang diyos at wala akong karapatang tanggihan siya.

Kung totoong siya ang diyos ng tadhana, alam niya na ba ang magiging desisyon ko?

Sa tingin ko hindi.

"Hindi mo kaya." Aniya. "Kailangan mo sila, Elise. Paano kung bigla na lang silang mawala sa'yo at ako lang ang makakatulong sa'yo hindi mo pa rin tatanggapin ang tulong ko?"

Umiling ako. "Bakit ako papayag na gawin ang gusto mo?" Hinila ko ang kamay ko sa pagkakahawak niya. "Hindi ko nga alam kung anong gusto mo o kung anong makukuha mo." Katwiran ko pa.

Sinalubong niya ang tingin ko. Wala akong marinig sa isip niya pero parang malapit na siyang magalit dahil sa sinabi ko.

Unti-unting nagbago ang ekspresyon niya. Mahina siyang natawa.

Ako naman ang unti-unting kinabahan.

"Gusto mong malaman kung anong makukuha ko?" Wala na ang pekeng pag-aalala sa mukha niya tulad ng kanina.

Sa puntong 'yon alam ko na totoo na talaga ang lahat.

Siya nga ang diyos ng tadhana.