BOYFRIEND
Naglalakad ako habang binabagtas ang meat section ng palengke. Malapit ng magtanghali kaya't tirik na tirik ang araw na talaga namang masakit sa balat kapag nasinagan ka nito. Mabuti na lamang at may dala akong payong.
"Paige!!!", palahayaw ng isa kong kaibigan. Lumingon ako sa likuran. Patakbo siyang lumapit sa akin para sumilong.
"Sobrang init. Anong ginagawa mo dito?", tanong niya habang naglalakad kami at ang isang kamay niya ay nakahawak na rin sa dala kong payong.
"Ubos na kasi ang karne sa bahay kaya bibili ako", paanong hindi mabilis na naubos ang karne. Napadalas kasi ang pagdalaw ng mga pinsan ko sa aking bahay na tinitirhan. Hindi sila masyadong nakain ng gulay kung kakain man sila minsan lang.
Tinignan niya ko ng salubong ang kilay nito at nakapamewang na umuna sa akin sa paglalakad. Hindi na siguro niya alintana ang init dahil nasa parte na kami ng palengke na may silong.
"Mamimili lang ng ulam naka pulang dress pa? Ano ka mamasyal sa mall?", umiiling-iling pa siya.
Hindi na siya nasanay akin madalas kasi akong pumorma at yung sinusuot ko ay hindi naayon sa lugar na pupuntahan ko katulad na lamang ngayon.
Hinila niya ko sa aking palapulsahan. Binitawan niya naman ako ng nasa meat section na kami. Inayos ko ang aking payong at saka nilagay sa bayong na dala ko.
"Dito ka bumili sa Papa ko", sabi niya.
Halo-halo ang amoy na kinasanayan ko dahil madalas ako maparito para bumili. Suki na nga tawag sa akin ng ibang tindera dito o hindi kaya naman ay ganda.
"Pa!", tawag niya sa matabang lalaking malinis ang pagkakashave ng mukha. Nakasuot siya na malaking puting damit at naka apron din ito. Hawak niya ang malaking kutsilyo na kung tawagin ang butcher's knife. Abala siyang naghihiwa ng mapupulang laman ng karne at saka niya iyon sinasabit o hindi kaya naman ay nilalagay niya sa isang tray na tanso. Ganon lamang ang paulit-ulit niyang ginagawa.
"Pa, si Paige! Batchmate ko!", ulit ni Lohr. Mas malakas ang boses niya kumpara kaya nakuha niya ang atensyon ng kanyang itay. Pamilyar siya sa akin pero sa pagkakaalala ko hindi ko pa siya nakikita dito.
Binitawan niya ang hawak niya at makikipagkamay sana siya ngunit anak niya na mismo ang hinawi yon.
"Pa, wag na. Malinis itong si Paige saka maselan", sabi niya pero iniabot ko ang kamay ng tatay niya. Kaya't nakipagngitian siya sa akin.
"Paige Dalla Sanfuego po. Nice meeting you po", nakatingin lamang si Lohr sa ginawa ko. Hindi makapaniwalang gagawin ko iyon. Sa ilang taon naming magkakilala hindi niya pa saulo ang ugali ko. Kaya hindi na ko nagtaka kung bakit ganon na lamang ang reaksyon niya.
"Sanfuego?", humalakhak ang tatay niya ng binawi ko ang aking kamay at ganon din siya.
"Ikaw nga siguro iyon. Yung ex-girlfriend ng bunso ko", wala kong maalala kung sinong tinutukoy niya. Sa malamang baka si Jaztine ang tinutukoy niya. Ilang lalaki ang naging boyfriend noon pero sa isang baluktot na lalaki siya patay na patay.
"Hindi po. Baka po yung pinsan ko yun si Jaz", napayuko naman siya at sandaling nag isip.
"Oo, tama. Si Jaztine yun. Hindi ko pa nadadala si Paige sa bahay saka hindi pa sila nagkikita ng bunsong kapatid ko", katwiran niya.
"Nga pala, Paige. Kakakuha lang ni Papa sa pwesto na ito kaya malamang ngayon mo palang siya nakita dito. Pero pangako mo dito ka na bibili ha", ngumiti naman ako at tumango bilang pag sang ayon.
"Pa, hilig ni Paige karneng pang adobo at sinigang saka kung pwede giniling na rin. Bigyan mo agad siya ng tig iisang kilo. Saka ako rin Pa yung pang ulam namin sa tanghali. Wala na kasing stock sa bahay", hindi naman ako umangal sa sinabi niya. Alam niya kung anong gusto kong ulam. Madalas kasi siya sa bahay pero nito hindi na masyado. Nag tra-trabaho na kasi siya hindi katulad ko. Himala na nga lang at nagkita kami.
Habang nag iintay ang karamihang lalaki ay panay ng tingin sa akin o hindi kaya naman may pagsipol pa. Gustong kunin ang cellphone number ko at tinatanong ang pangalan ko.
Si Lohr naman ay hinaharangan sila at panay ang pagsuway sa mga ito. "Tumigil nga kayo! Maghanap muna kayong trabaho bago pormahan ang kaibigan ko!"
Ito pa rin ang hindi nagbabago sa kanya tila siya isang bakod na kailangang lampas ng mga lalaki bago ako makausap. Pero kahit ganoon, ilang beses na kong naloko. Pasaway kasi ako sa kanya.
Naintindihan niya naman ang bagay na iyon dahil alam niyang kulang ang atensyon na binibigay sa akin ng pamilya ko na hinahanap ko sa iba.
"Magsabi ka nga sa akin, Paige. Ikaw ba may boyfriend ka na bang bago o siya pa rin?", nakapamewang siya habang iniintay ang sagot ko.
"Siya pa rin naman. Saka magkikita kami mamaya", nang natapos na tadtadin ng karneng binili ko ay nagpasalamat ako saka inabot ang bayad. Hindi na ko tumanggap ng sukli dahil malaking tulong iyon sa kanila ngunit tumanggi ang Tatay ni Lohr.
"Neng, tanggapin mo na. Mas gusto kong patas sa mga bagay", kaya't sa huli tinanggap ko iyon.
Tinanggap din ni Lohr ang para sa kanya at sumunod na naglakad sa akin papuntang parking lot. Siya na ang nagbukas ng payong na dala ko at nagbitbit. Nagsukob kaming dalawa.