webnovel

Clouded Feelings (Tagalog)

Ayla Encarquez is a nobody. Can she be a somebody to the man of her life?

_doravella · 都市
レビュー数が足りません
47 Chs

The Brokenhearted

"Ayla!"

Tahimik akong nagsusulat sa kuwaderno ko nang biglang may sumigaw ng pangalan ko. Lumingon ako sa may pinto at nakita ko nga roon si Sia na seryosong nakatingin sa akin.

Nagmartsa siya papunta sa puwesto ko at basta-basta na lang hinablot ang kamay ko. Hindi ako nakaangal dahil sa sobrang bilis ng mga pangyayari. Narinig ko pa nga'ng tinawag ni Zubby ang pangalan ko pero walang nakapigil kay Sia na kaladkarin ako sa kung saan.

Patuloy ang paglalakad niya at mahigpit na rin ang naging hawak niya sa may palapulsohan ko.

Hindi man alam kung ano ang mga nangyayari, iginala ko na lang ang tingin ko sa paligid. Maya-maya lang ay tumigil si Sia sa paglalakad. Dito niya ako dinala sa stage ng sirang covered court ng aming eskuwelahan.

Agad kong sinipat ng tingin ang palapulsohan ko nang mabitiwan na iyon ni Sia. Pulang-pula ito at bumakat talaga ang kamay ni Sia roon.

Pagsasabihan ko na sana si Sia nang bigla na lang siyang humagulgol ng iyak at umupo sa may hagdanan ng stage.

"S-Sia?" Bigla akong kinabahan dahil sa ginawa niyang pag-iyak. Yumuko siya at sunod-sunod ang galaw ng kaniyang balikat.

Hindi ko tuloy alam kung tatapikin ko ang balikat niya o kung ano kasi hindi ko alam kung ano ang nangyayari rito. Wala akong kasalanan dito!

"Ang sakit… Ang sakit-sakit…" Hagulgol niya ulit.

Tumabi ako sa kaniya at dahan-dahang tinapik ang kaniyang balikat. Nag-angat siya sa akin ng tingin at ganoon na lang ulit ang gulat ko nang makita ang mukha niyang basang-basa ng luha. Basta, hindi na maipinta ang kaniyang mukha dahil sa matinding pag-iyak.

"Ang sakit-sakit ng ginawa niya, Ayla. Sobrang sakit."

"A-Ano ba ang nangyari, Sia?" Tumikhim ako para ayusin ang boses ko, medyo kinabahan kasi ako sa nangyayari ngayon kay Sia, e.

Mas lalo siyang umiyak at biglang yumakap sa akin.

"Breth and I broke up. Nakipaghiwalay siya sa akin. Ang sakit-sakit, Ayla," humihikbing sabi niya sa akin.

Nagulat na naman sa biglang pagyakap niya, wala akong ibang nagawa kundi ang dahan-dahan siyang aluin.

Ano ba ang gagawin ko sa kaniya?

Kusang kumalas si Sia sa yakap pero patuloy pa rin siya sa paghikbi.

"N-Nakipaghiwalay si Breth sa akin kasi sabi niya I'm not enough daw," patuloy na sabi niya habang umiiyak pa rin. "If I know, nakipaghiwalay siya sa akin dahil hindi ko nakuha ang best in cheer captain award. Puwede ko namang mabawi 'yon next year kasi ga-graduate na naman this year si Jessa, e. Pero bakit nakipaghiwalay pa rin sa akin si Breth? Am I really not enough? Binigay ko naman sa kaniya lahat, ah?"

Nag-iwas siya ng tingin sa akin at itinuro niya pa ang sarili. Matinding paglunok ang nagawa ko dahil hindi ako sanay sa ganito. Marami nang naging boyfriend si Sia pero ito ang unang beses na umiyak siya nang ganito. Dati kasi kinu-kuwento niya lang sa akin.

Pinisil-pisil ko ang bawat daliri ng aking kamay habang nakikinig sa bawat pagngawa ni Sia.

"S-Sia, a-alam mo namang babaero talaga si Breth 'di ba?" Medyo kinakabahang sabi ko at medyo hindi rin sigurado kaya matapos kong sabihin 'yon, dahan-dahan kong nilingon si Sia na natigilan na nga sa pag-iyak at salubong ang kilay na nilingon ako.

"So you're telling me na kasalanan ko? Is it really my fault?"

'Yan na nga ba sinasabi ko, e.

"H-Hindi sa ganoon, Sia, ang ibig kong sabihin… alam nating lahat kung anong klaseng lalaki si Breth. Repustayon ng pamilya nila 'yon, e. W-in-arning-an ka nilang lahat," mahina at malumanay lang ang naging boses ko para hindi masiyadong masaktan si Sia. Alam ko, hindi dapat akong nag-v-victim blame dito pero kasi… ay, ewan.

"Putang ina, Ayla! Binigay ko sa kaniya ang lahat… pati pagkababae ko, binigay ko sa kaniya tapos ganito?"

Anak ng baboy? Pagkababae niya? Ha?

Gulat na gulat akong napatingin kay Sia. Hindi ko alam kung ano na ang nangyayari sa mundo pero ano raw?

"Sia? B-Bakit mo ginawa 'yon?" Hindi makapaniwalang tanong ko sa kaniya.

Marahas niyang pinalis ang mga luha niya sa kaniyang pisnge.

"Kasi nga mahal ko siya! Hindi mo ako maiintindihan dahil hindi ka naman nagmahal ng isang tao, Ayla!"

Mas lalo akong nataranta dahil sa sinabi niya. Marahan kong tinapik ang kaniyang balikat nang yumuko siya ulit para humagulgol ng iyak.

"Tahan na… Ay, sige, iiyak mo lang ang lahat, Sia," tanging nasabi ko.

Maaaring hindi nga kita naiintindihan, Sia, pero sa parteng hindi ako nagmahal ng isang tao? Gusto kong tutulan iyon. Nagmahal ako, Sia, pero hindi sa ganitong paraan.

Patuloy lang sa pag-iyak si Sia habang inaalu ko siya. Iginala ko ang tingin ko sa paligid at saktong nakita ko si Zubby sa may hardin ng silid-aralan namin. Naka-ekis ang kaniyang braso at no'ng makita niyang nakatingin ako sa kaniya, kinawayan niya ako na lumapit daw ako sa kaniya.

Itinuro ko na lang si Sia na patuloy pa rin sa pag-iyak. Ngumiwi si Zubby at tumalikod na para pumasok ulit sa silid-aralan namin.

Mabuti na lang talaga at pananghalian na, wala pang pasok at puwede ko pang samahan si Sia. At mabuti rin na walang nagtangkang tumambay dito sa sirang covered court kasi kung mayroon, aba, center of attraction itong kamag-anak kong ito.

Ilang minuto ang nagdaan ay biglang nahimasmasan si Sia. Pinunasan niya ulit ang kaniyang pisnge at taas-noong hinarap ang paligid. Tumayo siya at hinarap ako.

"Kahit kailan talaga, hindi kita maaasahan. Akala ko pa naman raratratin mo ako ng mga words of wisdom mo. Pero as of this moment, you're still quiet as ever. God, what can I expect with Aylana Rommelle Encarquez?" Maarteng sabi niya. Pinag-ekis niya ang kaniyang braso at nakataas pa ang isang kilay na tiningnan ako mula ulo hanggang paa.

Napangisi ako sa kaniyang sinabi.

"E, bakit ako pa rin 'yong pinupuntahan mo sa tuwing nasasaktan ka?"

Matinding irap ang kaniyang ginawa kaya mas lalo akong napangisi, almost smiling.

"Do I have a choice? E, ikaw lang naman ang tanging taong nakakaintindi sa akin." Habang pahaba nang pahaba ang kaniyang sinasabi, pahina nang pahina naman ang naging boses niya hanggang sa naging bulong na lang ang huling salitang ibinigkas niya.

Natawa ako sa sinabi niya pero agad din namang nagseryoso.

"Kalimutan mo na 'yon. Ang dami-daming nagkakagusto sa 'yo r'yan na mas deserve at mas bagay sa 'yo."

"Whatever, Ayla," may kasamang irap na sabi niya pa sa akin. "Aalis na ako, kahit ayokong bumalik sa classroom ko, kailangan kasi may klase pa. Ugh! Kung puwede nga lang na um-absent, e."

"Pumasok ka, alam mo namang bantay-sarado ka ng mga magulang mo rito," sabi ko na lang bago niya ulit ako tinarayan na pinagtawanan ko lang naman.

Iniwan ako ni Sia roon at maya-maya lang din ay bumalik na ako sa silid-aralan namin.

"Ayla! Ayla! Totoo ba na naghiwalay na si Sia at si Breth? Kaya ba parang umiiyak siya kanina sa may stage?"

Kakapasok ko pa nga lang ng silid-aralan namin, sinalubong agad ako ng mga kaklase kong wala naman talagang pakialam sa akin. 'Yong mga chismosa na babae na tagahanga ni Breth Osmeña ang sumalubong sa akin.

Nagkibit-balikat na lang ako at ayokong sa akin manggaling ang sagot sa tanong nila. Hindi rin naman na nila ako kinulit pa hanggang sa bumalik na ako sa naudlot kong pagsusulat kanina.

Ipinatong agad ni Zubby ang kaniyang braso sa ibabaw ng arm rest ko at nakapalumbabang humarap sa akin.

"Sabi sa 'yo, maghihiwalay din 'yon, e."

"Zub… hayaan na muna nating 'yong tao, nasasaktan, e," depensa ko naman kay Sia.

"Ewan ko talaga sa 'yo, Ayla. Tinatarayan ka na niyang kamag-anak mo pero heto ka't pinagtatanggol mo pa rin siya!"

Pagod akong lumingon kay Zubby at sa pamamagitan ng isang masamang tingin ay kumalma naman siya agad.

Lumipas ang ilang araw at laman pa rin ng balita sa aming eskuwelahan ang nangyari kay Sia at Breth. Minsan nakakarindi na nga rin, e, lalo na sa tuwing nakikita ko si Breth na nakangisi lang habang nakikita rin ang kamag-anak ko na nasa isang tabi at palaging tahimik.

Hindi na nasundan ang pag-uusap naming iyon ni Sia. Hindi rin naman niya binanggit sa akin kung ano nga talaga ang totoong nangyari sa pagitan nilang dalawa. Siguro nga parte lang ito ng pagiging high school at pagiging teenager namin. Teenage angst wika nga nila.

Isa lang talaga ang natutunan ko sa nangyari kay Sia at Breth… hindi maaasahan ang mga mayayaman pagdating sa usapang seryosong relasyon.

Nalalapit ng matapos ang school year, ilang araw na lang din ay bakasyon na.

Lunch break, nakaupo ako sa broom box ng aming silid-aralan, 'yong likurang parte. Dito madalas tumatambay ang ilang kaklase ko, pero sa ngayon, wala sila at naiwan ako dahil nga pananghalian. Hindi na naman ako nakakain dahil nagkulang ang pera ko, ipinambayad sa mga photocopy na kakailanganin para sa huling proyekto ng aming klase. E, sakto namang hindi ako nakadala ng baon at um-absent pa si Zubby kaninang umaga kaya tanging recess lang ang huli kong kain ngayong araw. Pero okay lang, sanay na naman ako, e.

Huling lingo na ng klase namin sa susunod na linggo kaya habang nalalapit ang huling pagsusulit, inabala ko na lang ang sarili ko sa pag-aaral kahit isang Skyflakes lang ang tanging kinakain ko ngayon. At noong isang araw na baon ko pa ito, malambot na siya kasi binuksan ko noong isang araw pero hindi ko naman naubos kaya pansamantala kong itinago kaya ngayon ko lang uubusin. Mabuti nga may ganito, para kahit papaano'y maibsan ang gutom ko.

Magtatapos na pala ako ng grade eleven at sa pasukan ay magiging grade twelve na ako tapos no'n kolehiyo na.

Basta talaga kolehiyo ang pumapasok sa isipan ko, lumalalim ang buntonghininga ko. Ewan ko ba, kahit na imposible, umaasa pa rin ako ng isang milagro galing sa langit na sana… makapag-aral nga ako ng kolehiyo, kahit anong kurso basta makatapos ako ng pag-aaral ko.

Tumakbo ang oras at unti-unting nagsidatingan ang aking mga kaklase. Naubos ko na rin ang biskwit na kinakain ko kanina at halos patapos na rin sa pagbabasa ng reviewer na aking ginagawa sa tuwing nalalapit ang mga pagsusulit.

Binabati ako ng mga kaklase ko sa tuwing dadating sila pero may iba rin naman na parang walang pakialam sa mundo. Hindi kasi kami katulad ng ibang section, lalo na ng mga nasa star section, na buo. Watak-watak ang klase namin. Hindi masiyadong magkasundo at halatang may sariling mga mundo. 'Yong mga lalaki sa klase namin, mahilig um-absent at mag-eskapo sa klase. Karamihan pa sa kanila ay basagulero. 'Yong mga babae naman, pagpapaganda at chismisan lang yata ang alam. Halu-halo kasi kami rito: may anak ng mayaman, may matalino rin naman, may barumbado, may lutang, pero mas lamang talaga ang mga katulad kong dukha at hindi masiyadong pinagpala when it comes to pera.

"Hello guys!" Isang masiglang Zubby ang bumungad sa lahat.

Kakapasok niya pa lang sa silid-aralan namin ay 'yon na agad ang bungad niya sa lahat. Binati siya ng iba, lalo na ng mga lalaki, pero may iba rin talaga na wala naman talagang pakialam.

"Yow, Zubby, bakit absent ka kanina?" Tanong no'ng isang kaklase namin na si Glenn.

"Nag-beauty rest lang," maarteng sagot naman ni Zubby habang naglalakad papunta sa puwesto ko.

"Hala? May beauty ka pala?" At nagtawanan silang lahat sa naging banat ni Raffy. Matinding pag-irap ang ginawa ni Zubby na sinabayan niya pa ng pagpapakita ng panggitnang daliri na mas lalong tinawanan ng mga lalaking iyon.

"Hi, girl!" At ako naman ngayon ang pinansin niya.

Tinanguan ko siya bilang sagot. Suot pa rin ang bag niya, umupo siya sa tabi ko.

"Bakit ka absent kanina?" Agad na tanong ko.

"Wala lang, trip ko lang," malawak na ngiting sagot niya pa.

Anak ng baboy. Ibang-iba talaga siya sa pinsan niyang si Fabio, e.

��De joke lang… sinamahan ko si Mama. Nagpatawag na kasi ng meeting ang kampo nina Mayor para sa mga tutulong sa kampanya nila. Dagdag kita rin kasi 'yon at saka may chance pa na makuhanan ako ni Mama ng scholarship para sa college kung saka-sakaling manalo ang partido ni Mayor kaya pinatulan ni Mama. Kilala mo naman 'yang si Gina Mahinay, 'di ba? Kubra nang kubra kahit wala namang kukubrahin," mahabang eksplenasiyon ni Zubby.

Naningkit ang mata ko at mariin siyang tiningnan.

"Scholarship?" Parang ang ganda no'ng pinasukang trabaho ni Tita Gina, ah?

"Hep… bago ka mag-reak, patapusin mo muna ako sa sasabihin ko." Inilagay pa ni Zubby ang isang palad niya sa tapat ng mukha ko. "Siyempre, makakalimutan ka ba ng Mama ko? Siyempre hindi kaya nga isinama niya ako sa meeting na 'yon to represent you." Tinapik niya ang balikat ko pero gulat na gulat pa rin ako sa sinabi niya. "'Wag kang mag-alala, Ayla, tulungan mo lang sa pangangampanya si Mayor Montero para manalo, save na ang scholarship mo para sa college."

"T-Talaga?" Hindi pa rin makapaniwalang reaksiyon ko sa sinabi ni Zubby sa akin.

"Oo naman! Basta manalo lang talaga ang partido ni Mayor Montero sa eleksiyon," aniya. "Pero, okay lang ba? Partido ni Mayor Montero? Surprise kasi dapat ito kaya hindi ko nasabi sa 'yo in advance. Si Gina Mahinay kasi, ngayon pa sinabi kaya ayon…"

Pagak akong nangiti sa sinabi ni Zubby at umiwas na rin ng tingin.

"O-Oo naman. Para sa scholarship na 'to oh? Iisipin ko pa ba 'yong tungkol do'n? Mas importante ang hinaharap kaysa sa nakaraan, Zubby."

Dahil sa sinabi ko, pinisil ni Zubby ang pisnge ko at malawak na ngumiti sa akin.

"W-O-W ni Ayla, lumalabas na naman."

Pabiro kong inalis ang kamay ni Zubby sa pisnge ko at sinabayan siya sa pagtawa.

"Tange, ano ba ang eksaktong gagawin d'yan?" Pagbabalik ko sa usapan.

"Madali lang naman… Magbabalot lang kayo ng mga merienda na idi-distribute during sa kampanya nila sa iba't-ibang lugar tapos sasama na rin kayo kung saang barangay man sila mangangampanya tapos kayo 'yong mamimigay ng mga merienda'ng iyon sa mga taong dadalo sa pagpupulong nila. Madali lang naman. O 'di ba? Kumita ka na ng pera, natulongan mo pa ang mga pulitiko, sureball pa ang college mo."

Isang magandang trabaho nga. Kaya ko naman sigurong lunukin at isantabi ang sakit alang-alang sa makukuha kong benepisyo sa trabahong ito.

"At saka, don't worry girl, kasama naman ako kahit na volunteer lang ako. Hindi kasi puwedeng dalawa sa isang pamilya, e, kaya si Mama na 'yong parang nag-represent sa akin pero sabi nila puwede raw akong sumama kaya nandoon ako."

Tumagal ang titig ko kay Zubby.

"Maraming salamat talaga, Zub, ha? Pati kay Tita Gina na rin."

Marahas na dinanggil ni Zubby ang balikat ko.

Anak ng baboy, ang sakit ha.

"Magda-drama ka na naman? Wala 'yon 'no. At saka wala lang kay Mama 'yon. Para ka na ring anak no'n, e. Ay hindi pala parang, ikaw nga yata 'yong anak, e."

Pareho kaming natawa sa sinabi ni Zubby.

Pero seryoso, malaking tulong itong in-offer niya sa aking trabaho. Madali lang namang itago ang sarili ko at kaya kong lunukin ang sakit at ang nakaraan alang-alang sa nakaabang kong kinabukasan.

Zubby:

Girl! Punta ka bukas dito, magsisimula na 'yong orientation para sa mga magiging tauhan sa eleksyon. 1 pm. Dito ka na lang sa bahay punta.

Nagpahinga ako saglit at tiningnan na rin ang aking cell phone. Nakatanggap nga ako ng isang mensahe galing kay Zubby.

Napabuntonghininga ulit ako at tinanaw ang palayan na tina-trabaho ko na naman ngayon. Nag-aani kasi kami at pag-aari ito ni Perling at Virgie Osmeña, may-ari ng pinakamalawak na palayan sa bayan namin.

Bakasyon na at ang usapan dito sa bayan namin, maski yata sa buong Pilipinas, ay ang simula ng kampanya sa makalawa. Ayon sa balita, national election ang magaganap. Ang ibig sabihin ay papalitan na ang Presidente at Bise Presidente ng Pilipinas. Pero wala naman talaga akong pakialam sa mga ganoon kataas na posisyon sa gobyerno. Mas nakakabahala kasi ang lokal na gobyerno namin.

Wala nga'ng kalaban ang Mayor at Bise Mayor namin pero mainit naman ang magiging labanan sa posisyon ng konsehal. Marami ang tatakbong konsehal sa bayan namin pero alam naman nating lahat na sampu lang ang makakaupo sa posisyong iyon. E, sa bayan namin, dalawampu't-lima ang tatakbong konsehal.

At isa na roon ang usap-usapan ng lahat na si Einny Lizares. Sa lahat ng tatakbong konsehal sa bayan namin, siya ang pinakabata at pinakabagong mukha sa larangang ito.

Nakakamangha pero parang masiyado pa siyang bata para sa ganitong klaseng posisyon, 'di ba? Imagine, mga nasa bente-singko o bente-sais pa yata 'yong edad niya, ka-edad lang yata niya si Tiya Judy, pero sumabak na sa pulitika. At hindi inaasahan ng lahat iyon kaya nga naging usap-usapan. Hati rin ang opinion ng lahat. May ibang gustong subukan kasi nga bata at baguhan, so ibig sabihin… mas maiintindihan niya ang sentimento ng mga kabataan at mababang sektor. May iba rin na nagdududa kasi nga bata at baguhan, so ibig sabihin… walang experience sa ganitong klaseng pulitika. Sabagay, mahirap na nga'ng magtiwala ng iba lalo na kung mayroon ka nang nakasanayan pero hindi naman siguro masamang pagbigyan ang mga baguhan. Hindi nga lang natin alam kung para saan ang makabagong pag-iisip nila: sa pangungurakot o sa ikauunlad ng bayan. Pero take a risk wika nga nila kasi wala naman daw masamang mag-take ng risk lalo na kung sinamahan mo ng rest. Ngek, ang corny.

Basta ako… wala akong pakialam sa kanila. Hindi pa naman ako makakaboto kasi sa December pa ng taong ito ako mag-i-eighteen. Kailangan ko lang talagang gawin 'to para sa kinabukasan ko.

Pinagpatuloy ko ang pag-aani ng palay hanggang sa matapos kami sa araw na iyon.

Matapos ang gawaing-bukid, agad akong umuwi sa bahay. At gaya ng inaasahan, wala pa ang mga magulang ko.

Kahit pagod galing sa bukid, nagsaing ako at hinugasan ang mga naiwang pinagkainang pinggan kaninang umaga, nagluto na rin ako ng ulam: pinamalhang isda.

Hindi rin naman nagtagal, sabay din na dumating si Nanay at Tatay. Sabay-sabay kaming naghapunan na rin kaming naghapunan. Katulad ng dati, tahimik ang bawat subo namin sa pagkain.

"Tuloy pa ba 'yong sinasabi mong trabaho mo sa eleksiyon?" Biglang tanong ni Nanay habang nasa kalagitnaan pa kami ng pag kain.

Tumango ako bilang sagot.

"May meeting nga po kami bukas sa bayan para sa pagsisimula raw ng kampanya," simpleng sagot ko kay Nanay.

"Hindi ka pa botante, ah? Ba't sumasali ka na sa mga kampanyang ganiyan?" At ngayon ay si Tatay naman ang nagsalita.

Mas lalo akong napayuko at kung puwede lang na hindi na sumagot ay ginawa ko na.

"M-Makakatulong naman po ito sa pag-aaral ko ng kolehiyo, 'Tay, makakakuha—"

"Kolehiyo?" Sarkastikong tanong ni Tatay na mas lalo kong niyukuan. "Sa tingin mo makakapag-kolehiyo ka pa? Sa hirap ng buhay natin ngayon sa tingin mo makakapag-aral ka pa?" Sarkastikong dagdag niya pa rin.

"Boyet… Kaya nga siya sasama sa mga kampanya para magkaroon siya ng iskolarship para makapag-aral siya ng kolehiyo," depensa ni Nanay sa akin.

"Hirap na nga tayo sa buhay, iniisip pa ang pagko-kolehiyo! Hindi pa ba sapat na patatapusin kita ng high school at maghahangad ka pa talaga ng kolehiyo?" Hinampas ni Tatay ang lamesang kahoy namin at padarag na tumayo. "Mas mabuti pang magtrabaho ka na magkakaroon ka ng kita kaysa mag-aral ka ng kolehiyo na dagdag gastos lang," huling sinabi niya bago siya pumasok sa silid nila ni Nanay.

Mas lalo akong yumuko at matinding paglunok ang nagawa ko.

"Ayla… 'wag mo nang isipin ang sinabi ng Tatay mo. Puntahan mo 'yang meeting na iyan at tumulong ka sa pangangampanya. Alam mo namang malaki ang naitulong ng mga Montero sa atin 'di ba? Kaya pinapayagan kita, hindi naman maaapektuhan ang gawain mo sa bukid 'di ba?"

Dahan-dahan akong tumango pero hindi ko pa rin magawang tingnan si Nanay.

"O siya sige, ikaw na ang bahalang magligpit nito at ako na ang bahala sa Tatay mo." Marahang tinapik ni Nanay ang balikat ko bago siya nawala sa paningin ko.

Mabigat ang aking naging paghinga nang maiwang mag-isa sa maliit naming hapag-kainan.

Malaki ang naitulong ng mga Montero? Tulong ba 'yon o kabayaran sa lahat ng nangyari?

Bago pa man lumalalim ang iniisip ko, niligpit ko na ang pinagkainan namin at napagpasiyahang matulog nang maaga.

"Ang guwapo niya, crush ko na rin siya."

Gulat kong natingnan si Zubby dahil sa sinabi niya.

Pareho kaming nakatingin sa isang leaflet na sample raw ng ipapamigay sa mga tao sa kasagsagan ng kampanya. Nandoon ang lahat ng mukha ng tatakbo sa lokal na gobyerno ng aming bayan. In short, mga kapartido ni Mayor Montero.

At ang napuna nga niya ay ang mukha ni Einny Lizares.

"Hoy, ano ka ba? Akala ko ba crush mo si boy tingkoy?"

"Boy tingkoy?" Gulat din na tanong niya sa akin.

Umiwas ako ng tingin dahil parang nasobrahan yata ako sa softdrinks. Ang dami kasi rito sa headquarters ng Team Unity (partido ni Mayor Montero.) Kaya nakalimutan kong ako lang pala ang nagpangalan sa kaniya no'n.

"S-Si ano, 'yong crush mong Lizares? E, 'di ba may buhok 'yon sa may tingkoy? Sa may batok?"

Nag-iwas ng tingin si Zubby sa akin at biglang nag-isip.

Teka, hindi niya ba alam?

"Talaga?" Gulat siyang nagbalik ng tingin sa akin. "Mayroon? Hindi ko napansin ha?"

"Crush mo tapos hindi mo alam ang tungkol do'n?" Medyo gulat ko na rin na tanong.

"Nakalimutan ko o hindi ko lang talaga napansin. Grabe ka ha, napansin mo talaga?"

Umismid na lang ako bilang sagot sa kaniya at pinagpatuloy ang pagtingin sa hawak kong leaflet.

"Matingnan nga. Paniguradong sasama 'yon sa pangangampanya, nandito 'yong kapatid niya o," sabay turo ni Zubby sa mukha ni Einny Lizares. "At saka sana sasama rin 'yong mga anak ng mga pulitikong ito," at ang itinuro naman niya ang iba pang mukha ng pulitiko na may mga anak na kasing-edad lang namin.

Napangiwi ako sa sinabi ni Zubby at agad siyang sinamaan ng tingin.

"Nag-volunteer ka lang ba rito para r'yan?"

Pero imbes na sumagot, fl-in-ip niya lang ang buhok niya papunta sa akin at nakakaloko akong nginitian. Anak ng baboy 'tong Zubby'ng ito, e.

Napa-iling na lang ako sa naging sagot ni Zubby sa akin at inabala ang sarili sa pakikinig sa nagsasalita sa gitna. Kasalukuyan kasing nagaganap ang orientation at ilang habilin na rin para sa magaganap na unang araw ng kampanya bukas. Sinabihan lang naman kami kung ano ang mga schedule, kung kailan walang kampanya, anong oras, at ilang pagkain ang dapat ma-repack namin.

Mayroong bente-unong barangay ang bayan namin. Sa loob ng kuwarenta y singko na araw, magpapasiklaban ang bawat magkalaban para ligawan ang lahat ng mamamayan sa kani-kanilang nasasakupan. Wala naman talaga akong pakialam kasi kahit sino pa 'yang iluklok mo sa puwesto, kung pakikitaan mo 'yan ng malaking pera, masisilaw 'yan at bibigay kaya may kurakot, kaya may buwaya, 'di ba?

So sa bente-unong barangay na iyon, lahat 'yon dapat pasukin ng mga pulitiko para ilathala sa kanila ang mga plataporma nilang nauuwi rin naman sa pako.

Teka, bakit ba ako sumama rito kung ganito ang takbo ng utak ko?

Ah… scholarship. Kailangan ko ng scholarship.

"Dalawang araw bago matapos ang campaign period… may magaganap na stage rally sa tapat mismo ng shopping center. Aasahan na maraming dadalo kaya kailangan sa mga panahong iyon, doble ang ating magiging kayod."

Napatingin ako sa harapan ko nang marinig ang sinabi ng ginang na kanina pa nagsasalita sa gitna. Mukhang siya rin 'yong inatasan na pamunuan kami.

Marami kami rito. 'Yong iba mga nagta-trabaho sa city hall bilang job order o 'yong temporaryong posisyon lang ang hawak at kailangang maging regular kaya tumutulong sa pangangampanya. 'Yong iba naman ay ang mga nagbabaka-sakaling magkaroon ng trabaho sa city hall bilang job order. 'Yong iba naman ay talagang tauhan ng mga pulitikong kasapi sa partido ni Mayor.

At grabe, kasi ang pinakamaraming trabahante rito ay ang sa mga Lizares. Sobrang dami nila. Anak ng baboy, ngayon pa lang, parang nahihinuha ko ng mananalo talaga itong si Einny Lizares, e. Trabahante pa lang ng central nila, sapat na.

"Magandang hapon po, Mayor."

"Magandang hapon din sa inyong lahat!"

Sa kalagitnaan ng pagpupulong namin ay biglang dumating si Mayor Sally Montero kasama ang iilang staff at ang kaniyang bise-mayor.

Agad kong iginala ang aking tingin sa paligid, nagbabaka-sakaling makita siya.

"Wala 'yon dito, nagbakasyon daw sa Hong Kong."

Napalingon ako kay Zubby nang bigla siyang bumulong sa akin. Nagtaka ako sa kaniyang sinabi.

"Ha?"

"Hatdog?" Tinuro niya ako. "Kilala kita, Ayla, alam kong hindi lang scholarship ang pinunta mo rito."

Mas lalong nangunot ang noo ko sa mga pinagsasabi nitong si Zubby.

"Ano ba 'yang pinagsasabi mo?"

"Maang-maangan ka pa."

"Gusto mo ba akong mag-move on o hindi?" Pagod ko siyang tiningnan ulit. Medyo hindi nagustuhan ang ipinaratang niya sa akin.

"Siyempre, oo naman!" Agad na sabi niya. "Kalimutan mo na nga 'yon, hahanapan na lang kita ng bagong crush! Marami do'n sa mga trabahante ng mga Lizares, e." Naningkit ang kaniyang mata habang nakatingin sa malayong kaliwang parte namin, kung saan nakaupo ang mga trabahante ng Lizares.

Hindi na ako nagsalita at pinabayaan ko na lang sa kaniyang trip sa buhay si Zubby. Titigil din 'yan, kusang mapapagod.

Naibalik namin sa harap ang atensiyon namin nang magpaalam na si Mayor sa amin. Hindi ko narinig kung ano 'yong pinagsasabi niya dahil nga nag-uusap kami ni Zubby pero okay lang 'yon.

Nagsalita ulit 'yong leader namin pero maya-maya lang din ay may panibago na namang dumating. This time, ang pinakabatang tatakbong konsehal ng bayan naman namin ang nagpakita. May kasama siya at isa na roon ang isang pamilyar din na mukha.

"Girl, ang guwapo niya talaga. Bagay na bagay sa kaniya 'yong balbas niya. Siguro nakakakiliti 'yan?" Biglang inangkla ni Zubby ang braso niya sa braso ko at sumandal sa balikat ko habang malaswang nakatitig sa batang konsehal wannabe. Ini-imagine na naman niya siguro ito.

"Hoy malandi, tumigil ka, mas matanda 'yan sa 'yo," paalala ko sa kaniya pero patuloy pa rin siya sa pagpapantasiya.

Kaya itinigil ko na lang at ibinalik ang tingin sa harapan. Nagsasalita pa rin si Einny Lizares sa gitna pero lumampas ang tingin ko sa dalawang lalaki na abalang mag-usap sa kaniyang likuran at mukhang nagtatawanan pa.

'Yong isa, siya 'yong nakita ko noong minsan kong madaanan ang grupo nila sa daan papunta sa amin. 'Yong nakakahiyang pangyayari na 'yon? 'Yong nasira 'yong sling bag kong sira na? Siya 'yon, 'yong kasama ni boy tingkoy.

At ang isa naman ay mukhang kapatid din nila. Pareho kasi sila ng mukha, e. Halatang magkakapatid nga. Hindi ko lang talaga alam ang mga pangalan nila dahil hindi ko naman talaga masiyadong pinagtoonan ng pansin ang mga Lizares. Tahimik na pamilya kasi sila. Hindi katulad ng iba, lalo na ng mga Osmeña, na maya't-mayang may sumusulpot na usapan sa kanila.

Pero maliban sa pagtakbo ni Einny Lizares, may isa pa palang balita na umiikot ngayon sa aming bayan. Ang pag-iisang dibdib daw ng isang Osmeña sa isang Lizares. Hindi ko nga lang alam kung sino kasi malay ko sa kanila. Naririnig ko lang naman ito sa mga taong nakakatrabaho ko sa bukid, e.

"Hala 'te! Sabi sa 'yo sasama 'yan e." At biglang nangisay si Zubby sa aking tabi nang makita namin ang bagong dating.

Nakipag-apir siya sa dalawa pa niyang kapatid habang ang isa ay abala pa rin sa pakikipag-usap sa amin.

Boy tingkoy is here.

~

Hi, this is the Chapter 5 of Clouded Feelings (Tagalog.) Enjoy reading!

_doravellacreators' thoughts