webnovel

Camino de Regreso a Ti

Si Juliet ay isang mag-aaral ng medisina sa kasulukuyang panahon at magtatapos na sana sa susunod na taon nang madawit siya nang hindi inaasahan sa paglalakbay ng isang misteryosong lalaki. Napunta siya sa mundong malayo sa mundong kaniyang kinagisnan. Makabalik pa kaya siya sa sarili niyang mundo o matututunan na rin niyang mahalin ang bagong mundong kabibilangan niya?

PlayfulEros · 歴史
レビュー数が足りません
98 Chs

XCIV

Juliet

"Sige, ipadala mo nalang sa akin 'yung lab results. Titignan ko mamaya." At binaba ko na ang tawag.

"Ang sipag naman ng doktora nating ito!" Asar ni Trisha at kinurot pa ako sa tagiliran na tinawanan ko nalang.

"Mamaya na trabaho, ikaw talaga. Andito tayo para sa award mo oh!" Sabi niya at iwinagayway ang trophy na hawak ko.

"Tara, maglibot tayo. Minsan lang tayo mapunta rito sa San Sebastian kaya sulitin na natin." Sabi pa niya at hinila na ako.

Nandito kami ngayon sa Museo Fernandez. Bahay ito ng dating presidente Manuel Fernandez na ibinigay niya sa pamahalaan pagkatapos niya maging presidente upang magsilbing museo para sa lahat.

"Ang galing, 'no? Napanatili nilang maayos itong bahay sa loob ng mahabang panahon." Sabi ko habang namamangha sa kagandahan ng museo.

"Hindi ba may iilan pang mga bahay ang naging museo rito sa San Sebastian?" Tanong ko at mukhang natuwa naman si Trisha sa sinabi ko.

"Wow! Alam mo ang bagay na 'yon ah?" Asar niya sa akin kaya napailing-iling nalang ako. Pang-asar talaga 'to eh. Napahinto ako sa paglalakad nang makakita ng malaking letrato ng isang lalaking sundalo.

"Ang gwapo niya, 'no?" Nasabi ni Trisha na tumabi sa akin habang pinagmamasdan ko 'yung lalaki. Inayos ko ang pagkakalagay ng pula kong pulseras atsaka pinagmasdan ang lalaki sa letrato.

"Sino siya?" Tanong ko habang hindi maalis ang tingin sa lalaking nasa larawan.

"Juliet, ayan oh. Nasa baba, hindi ka ba nagbabasa?" Sarkastikong sabi ni Trisha at tinuro ang pangalan ng lalaki na nasa baba lang ng larawan niya.

Koronel Fernan Nicolás Fernández y Concepción

Disyembre 4, 1874 - Nobyembre 27, 1899

"Kapatid siya ng dating presidente Manuel Fernandez. Siya ang inspirasyon ng dating presidente. Sabi nila matalino raw ang koronel at malaki ang naging ambag nito sa rebolusyon." Kuwento ni Trisha.

"Malaki talaga." Sabay kaming napalingon ni Trisha sa nagsalitang lalaki. Matangkad siya at hindi mapagkakaila ang kagwapuhan niya.

"Mawalang-galang lang pero sino ka?" Tanong ni Trisha.

"Ah, ako pala si Marcus Fernandez. Ninuno ko ang nasa larawan na iyan." Sagot ng lalaki kaya nanlaki ang mga mata namin sa gulat ni Trisha.

"Apo ka nito . . . ?" Tinuro ko ang nasa larawan. "Ni Fernan Fernandez?"

"Hindi." Nakangiting sagot ni Marcus. "Apo ako ng apo ni Mateo Fernandez, bunsong kapatid nila Fernan at Manuel Fernandez." Sagot niya at napatangu-tango kami ni Trisha.

"Gusto niyo bang ilibot ko kayo rito?" Tanong ni Marcus at pumayag naman kami ni Trisha. Pinaliwanag niya sa amin lahat ng larawan na nakasabit dito, kung kailan 'yon kinuha at kung anong kaganapan noong panahong kinuha ang mga larawan.

"Totoo bang pamilya Fernandez ang pinakamayaman noon sa San Sebastian?" Tanong ni Trisha. Parang nahiya naman si Marcus sa tanong ni Trisha pero sumagot din.

"Oo. Pero nang magsimulang maglingkod ang mga ninuno ko sa bayan ay pinili nilang ibahagi ang yaman ng pamilya sa mga mahihirap."

Grabe, ang bait naman pala ng mga Fernandez.

Huminto kami sa tapat ng letrato ng isang malaking pamilya.

"Si Don Federico ang pinakamayamang tao noon sa San Sebastian, ang katabi niya ay ang kaniyang asawa na si Doña Juana." Turo ni Marcus sa isang lalaking may bigote at katabi nitong babae.

"Ito si Miguel Fernandez, panganay na anak nila Don Federico at Doña Juana, sumunod si Fernan Fernandez, Pia Fernandez na nag-iisang babae, Manuel Fernandez, at ang aking lolo na si Mateo Fernandez. Kuha ito noong ika-48 na kaarawan ni Don Federico, taong 1899." Turo ni Marcus isa-isa sa mga tao sa larawan.

"Ang gwapo talaga ni Fernan Fernandez. Nasaan ang mga apo niya?" Tanong ni Trisha kaya naman napailing-iling nalang ako at bahagyang natawa sa tanong niya. Baliw rin talaga 'to eh.

"Ah, maagang nasawi si Fernan Fernandez noong rebolusyon laban kay Aguinaldo at mga Amerikano." Sagot ni Marcus at mukha namang nalungkot si Trisha. Loko talaga. Talagang umasa siya sa apo ni Fernan Fernandez HAHAHA!

"Ngunit... halika kayo." Sabi ni Marcus kaya sumunod nga kami sa kaniya pababa. Huminto kami sa tapat ng isang salamin na may gintong kwintas sa loob.

"Minsan ding umibig si Fernan Fernandez at pinaniniwalaan nila na ang babaeng minahal niya ang nagmamay-ari sa kwintas na 'to." Tinignang mabuti ni Trisha 'yung kwintas at nagulat ako nang bigla niya akong hampasin.

"Kapangalan mo pa! Tignan mo, dali!" Hila rin sa akin ni Trisha pagkahampas niya sa akin at tinuro 'yung kwintas. Ang brutal din talaga ng kaibigan kong 'to eh. Hinimas ko ang braso kong hinampas niya atsaka sumilip. Gintong kwintas ito na may 'Juliet.'

"Juliet din ang pangalan mo?" Tanong ni Marcus at tumangu-tango ako nang may makita akong larawan ng tatlong lalaking sundalo, isa na sa kanila si Fernan Fernandez, na nasa gawing kaliwa.

"Sila ang mga kaibigan ni Fernan Fernandez. Si Kapitan Juan Hernando Hernandez," Turo ni Marcus sa lalaking nasa kanan, napansing nakatingin ako sa larawan ng tatlong lalaki.

" . . . at Heneral Enrique Luis Enriquez."

Hindi ko alam kung bakit hindi ko magawang ialis ang tingin ko sa larawan nilang tatlo. Parang bigla akong naging interesado sa kanila at may parte sa akin na... hindi ko maintindihan. Naramdaman ko nalang ang pamumuo ng luha sa mga mata ko kasabay ng biglaang pagbigat ng dibdib ko. Agad akong napailing-iling at kumurap-kurap para mawala ang namumuong luha sa mga mata ko bago pa ako mapansin nila Trisha at Marcus.

"Si Kapitan Hernando ay kasama rin nila noong rebolusyon pero umalis na siya sa serbisyo pagkatapos nito at pinagpatuloy ang negosyo ng pamilya nila at pinagtuonan ng pansin ang pangangalaga sa kalikasan." Kuwento ni Marcus.

"Ito naman si Heneral Enriquez na mas kilala bilang Heneral Niño—ay, oo nga pala... gusto niyo bang pumunta sa museo ng pamilya ni Heneral Niño? Malapit lang 'yun dito at mag a-alas sais na rin. May sayawan kasi roon tuwing alas sais ng gabi... may gusto rin kasi akong isayaw." Sabi ni Marcus na mukhang nahihiya pa kaya pumayag na rin kami.

"Ninuno ni Heneral Niño ang nagpaunlad sa San Sebastian kaya naman nang mamatay si Ernesto Enriquez, kuya ni Heneral Niño, ay nagpasya ang mga tao na gawin itong museo para sa kanilang pamilya. Isa pa'y bayani si Heneral Niño. Siya ang nanguna sa rebolusyon laban sa maling pamamalakad ni Heneral Aguinaldo at ng mga Amerikano kaya nararapat lang din naman na magkaroon ng museo para sa kaniya, hindi ba?" Kuwento ni Marcus habang papunta kami sa sinasabi niyang museo.

Pagkarating namin ay namangha agad ako sa laki nito. Hindi maipagkakaila na mayaman talaga ang pamilya nila sa itsura palang ng bahay nila. Malawak ang silid tanggapan at agaw-pansin ang mga medalya na dadaanan mo kapag umakyat ka ng hagdan.

"Matatalino rin talaga ang magkapatid na Ernesto at Niño Enriquez." Nasabi ni Marcus nang mapansin na nakatingin ako sa mga medalya. Sabay kaming napalingon sa pinto nang may magsipasukan na mga lalaki at iilang babae. Nakabarong ang mga lalaki at naka filipiñiana naman ang mga babae.

"Ah, kung sa inyo ay ginanap sa Museo Fernández, ang sa mga mambabatas naman na ito ay rito." Sabi Marcus. Ah... may event din ang mga senador dito. Naglakad-lakad na kami sa loob.

"Ito si Álvero Sebastián at kaniyang asawa kasama ang kanilang anak na si Doña Isabela." Sabi ni Marcus pagkalampas namin sa kuwadro ng isang pamilya.

"Nag-iisang anak lang si Doña Isabela na napangasawa si Don Luis, na magulang nila Ernesto at Niño Enriquez."

"Sundalo rin ba si Ernesto Enriquez?" Tanong ko.

"Nag-aral siya ng abogasya pero pinili niyang mag-pari. Siguro calling din." Sagot ni Marcus.

"Ang gwapo rin ni Niño Enriquez, asan ang mga apo niya?" Tanong ni Trisha kaya napailing-iling nalang ulit ako sa mga kalokohan niya.

"Wala ring naging apo si Heneral Niño." Sagot ni Marcus.

"Hala, bakit naman hindi nagpapalahi 'tong mga gwapo nating bayani? Ano ba 'yan." Reklamo ni Trisha kaya natawa nalang kami ni Marcus.

"Eh si Ernesto En—" Agad kong kinurot si Trisha nang mahulaan ko na kung anong sasabihin niya.

"Nagpari nga, Trish. Nagpari, 'di ba? Malamang walang apo." Sabi ko.

"Malay mo naman, 'di ba? Wala ba talaga, Marcus?" Kulit ni Trisha kaya natawa nalang si Marcus.

"Wala talaga." Sagot niya.

"Hala, ang lungkot naman. Walang nagpatuloy sa lahi nila? Wala man lang bang naging kasintahan si Heneral Niño? Malay niyo, 'di ba?" Sunud-sunod na sabi ni Trisha na mukha talagang nanghihinayang dahil wala siyang gwapong apo ng bayani na puwedeng maging nobya.

"Sa totoo lang iyan ang isang misteryo kay Heneral Niño. Nagkaroon daw ito ng kasintahan at ikakasal na sana ngunit noong araw ng kasal nila ay hindi sumipot si Niño dahil pinili niya ang tungkulin niya bilang isang sundalo. Noong panahong pinapapatay ni Aguinaldo si Niño, ikinasal na raw sa ibang lalaki 'yung babae at nagtungo na nga sa Europa. Walang nakakaalam sa pangalan ng babae kundi Cordova na apelyido nito. Isa rin kasi ang mga Cordova sa mga makakapangyarihang pamilya noon dito sa San Sebastian."

"May sinasabi pa na nagkakilala raw ang heneral at babaeng ito sa barko mula Maynila papunta rito at doon palang ay inaya nang magpakasal ni Niño ang dalaga." Kuwento ni Marcus.

"Paano... namatay si Niño?" Tanong ko.

Napakunot ang noo ni Marcus. "Sa katunayan, walang nakakaalam. Pagkatapos ng rebolusyon, bigla itong nawala. May nagsasabing pumunta rin ito sa Europa upang hanapin ang dating kasintahan, may iba namang nagsasabing nagpakalayo-layo na raw ito dahil pinaniniwalaan niyang tapos na ang kaniyang tungkulin matapos pangunahan ang rebolusyon pero... wala talagang nakakaalam ng katotohanan." Sagot ni Marcus kaya napatangu-tango nalang ako.

"Oo nga pala, maiwan ko na muna kayo. Mukhang magsisimula na kasi ang sayaw, may gagawin lang ako." Paalam ni Marcus.

"Juliet, susundan ko lang si Marcus ah? Baka kasi hindi na bumalik, kukunin ko lang number. Malay mo may mga pinsan na gwapo rin, 'di ba? Para naman makaalis na tayo sa samahan ng mga NBSB." Sabi ni Trisha at iniwan na nga ako.

Naglakad-lakad nalang ako. Narinig kong nagsimula na 'yung tugtog kaya siguro nagsimula na 'yung sayawan na sinasabi ni Marcus. Napahinto ako sa tapat ng larawan ni Heneral Niño.

Heneral Enríque Luís Enríquez y Sebastián el Cuarto

Setyembre 1, 1875

Sandali kong pinagmasdan ang letrato niya atsaka napansin ang orasan na hawak niya. Napakapa ako sa bulsa ko at kinuha ang relo ko. Sa totoo lang, hindi ko alam kung kailan ko 'to binili at kung saan pero sigurado akong sa akin 'to dahil nakaukit sa loob nito ang pangalan ko.

Napatingin ulit ako sa orasan na hawak ni Niño Enriquez sa letrato at napabalik ulit sa relo ko. Magkahawig sila kaya naman napaisip ako kung replica ba 'to ng kay Heneral Niño. Malamang kasi pagkatapos ng rebolusyon ay sumikat talaga sila kaya gusto ng mga tao ng mga gamit na katulad ng sa kanila. Ibinulsa ko na ulit ang relo at aalis na sana nang mapansing may nakatabi pala sa akin na tinitignan din ang letrato ni Niño Enriquez. Nagulat ako nang humarap sa akin ang lalaki.

Nakabarong siya at ayos na ayos ang itim niyang buhok, siguro dahil may event. Matangkad siya at tama lang ang laki ng katawan niya sa tangkad niya. Makapal ang kilay niya na bumabagay sa magandang hugis ng mga mata niya. Matangos ang ilong niya at manipis lang ang labi.

Napatingin ulit ako sa mga mata niya dahil para silang mga bituwin na nagniningning. Napalunok ako nang makaramdam ng kung anong kakaiba sa dibdib ko. Sobrang bilis at lakas ng tibok ng puso ko at kahit pa pakiramdam ko ay nalulusaw na ako sa mga titig niya, hindi ko magawang alisin ang pagkakatitig ko rin sa kaniya. Bahagya siyang ngumiti at inilahad ang kanang kamay niyang napansin kong may suot na gintong singsing sa palasingsingan nito atsaka siya nagsalita.

"Maaari ka bang maisayaw, binibini?"

Maraming salamat sa pagbabasa!

- E

PlayfulEroscreators' thoughts