Juliet
Napailing-iling ako atsaka kumalas sa pagkakahawak niya sa akin. Sobrang bilis ng tibok ng puso ko. Hindi ko alam kung bakit bigla ko nalang siya nakitang nakahandusay sa lapag at duguan.
"May problema ba, binibini?" tanong niya at bakas sa mukha niya ang pag-aalala't pagtataka.
"W-Wala..." sabi ko at tuluyan nang tumalikod at tumakbo palayo sa sayawan.
Hindi ko alam kung saan pupunta dahil hindi ko naman alam ang lugar na 'to pero sinundan ko nalang kung saan ako dadalhin ng mga paa ko. Nakalabas ako sa napakalaking bahay ng mga Enriquez atsaka sumandal sa pader para makahinga na nang maayos. Napahawak ako sa ulo ko at pinilit burahin sa isip ko 'yung nakita ko.
Nakasuot siya ng asul na unipormeng pang-sundalo. Pareho lang ang itsura niya sa itsura niya ngayon. Ang pinagkaiba lang ay duguan siya at may mga tama ng bala sa katawan habang nakahandusay sa lapag.
Unti-unti na namang bumilis ang tibok ng puso ko nang parang unti-unting gumagalaw ang imaheng nakikita ko sa utak ko. Parang unti-unti silang nagiging totoo. Dahan-dahang lumalawak ang imaheng nakikita ko hanggang sa makita ko na ang marami pang mga sundalong nakahandusay din sa lapag kasama niya, lahat sila walang buhay.
Napakapit ako sa pader at umiling-iling. Wala lang 'to. Imagination ko lang. Baka nasisiraan lang ako ng ulo dahil sa biglaang pagti-time travel ko.
"Sa Cabanatuan ba kamo papatayin ang mayabang na heneral na 'yon?"
"Oo, utos ng Señor Presidente."
Natigilan ako sa narinig ko at paatras na sana nang matumba ako dahil maliliit na hagdan na pala paakyat 'yung nasa likod ko.
"May tao?" tanong ng isa sa mga boses na nag-uusap.
Narinig ko na ang footsteps nila palapit kung nasaan ako kaya tumayo agad ako para tumakbo pero nagulat ako nang may magtakip sa bibig ko mula sa likod at bigla nalang akong binuhat. Nagpumiglas ako habang tumatakbo siya na takip pa rin ng isang kamay niya ang bibig ko at bitbit ako sa isa pa niyang braso pero malakas siya kaya hindi ako masyadong makagalaw.
Nakikita ko 'yung dinadaanan namin at nakitang nasa medyo madilim na parte na kami ng hacienda kaya nang makahanap ako ng tiyempo, kinagat ko ang kamay niyang nakatakip sa bibig ko kaya nabitawan niya ako. Humarap agad ako sa kaniya at hinatak ang kwelyo niya habang dinadaing pa niya 'yung sakit ng kamay niya dahil sa pagkagat ko.
"Papatayin mo ba ako ha?!" matapang na sigaw ko sa kaniya at inilapit pa siya sa akin.
Siyempre hindi ako puwedeng mamatay sa panahong 'to at baka patay na rin akong makabalik sa present! Atsaka first day ko palang dito, mapapatay na ako? No way!
Nang makita ko na ang mukha niya, bakas sa mga mata niya na gulat na gulat siya at napalunok pa siya ng laway. Dahil na nga rin napatingin ko sa lalamunan niya pagkalunok niya, napababa na ang tingin ko sa damit niya at nakitang nakauniporme siya na katulad kay Heneral Enriquez. Shet. Heneral ba siya?
This time, ako naman ang napalunok.
Mukhang mapapatay nga ako sa first day ko sa panahong 'to ah.
Nabitawan ko siya at pinagmasdan pa ang mukha niya. Mukhang magkasing edad lang sila ni Heneral Enriquez. Oh well, ano pa bang ie-expect ko? Mga batang heneral ang nasa panahong 'to.
"H-Heneral?" mahinang tanong ko na narinig naman niya. Umiling-iling siya atsaka ngumiti nang kaunti.
"Mas mababa ang ranggo ko, binibini."
"Koronel Fernan Fernandez." pagpapakilala niya at yumuko nang kaunti.
Tumangu-tango nalang ako at hinintay 'yung susunod niyang sasabihin.
"Kaibigan ako ni Heneral Niño at napag-utusang bantayan ka." sabi pa niya.
"Bantayan?" tanong ko pero may biglang nagsalita na ikinagulat namin pareho.
"Sino kayo?" At may nakakasilaw na ilaw ng lampara ang sumalubong sa mukha namin nitong koronel.
"Ay, jusmiyo! Mga kabataan talaga... mapupusok!" sabi ng isa pang boses.
"Pasensiya na, hijo't hija ngunit kailangan nitong makarating kay Don Luis." sabi nung may dala ng lampara at napansin kong nakauniporme sila pero hindi ko alam kung uniporme ng ano.
Napalingon ako sa koronel na kasama ko para sana magtanong pero nakita kong napapikit siya at napakamot sa ulo nang marinig na isusumbong kami kay Don Luis.
"Hindi niyo na kailangang sabihin ang ganitong bagay, palampasin niyo na ito." sabi ng koronel na kasama ko. Parang bang nakikipag-negotiate siya.
"Alam mo naman Koronel na mahigpit si Don Luis sa hacienda kaya dapat naming iulat lahat ng makita namin na kulang nalang ay ipaulat niya sa amin pati pagbagsak ng bawat dahon dito." sagot ng may hawak ng lampara.
"Lumaki ka rin sa haciendang ito kaya't sigurado naman akong nauunawaan mo kami." dagdag pa nung isa.
"Pero malilintikan ako kay Niño kapag narinig niya ang tungkol dito at makakuha siya ng maling hinuha sa nangyari." sagot ni Koronel.
"Wala na kaming kinalaman diyan, Koronel." sabi nung isa at nauna na sila.
"Lintik na mga guardia iyon!" inis na sambit nitong koronel na kasama ko pagkalayo nung mga guardia pala atsaka sumipa ng bato na tumama sa puno at nagbounce sa akin.
Mukhang nagulat siya nang tumama sa akin ang bato. Sinamaan ko siya ng tingin atsaka kumuha rin ng mga bato at pinagbabato siya.
"Aray! Aray! Hindi ko sinasadya, binibini! Patawarin mo ako!" daing niya habang umiilag pero natatamaan ko pa rin siya.
Nang marinig ko naman 'yung sorry niya, tumigil na ako at pinagpag ang mga kamay ko. Nang makita niyang hindi ko na siya babatuhin, napatayo na rin siya nang maayos at napailing-iling habang naglalakad.
"Ibang klase rin itong natipuhan ni Niño."
Medyo malayo na siya kaya tumakbo ako palapit sa kaniya para ipaulit 'yung sinabi niya dahil hindi ko narinig.
"Anong sinabi mo?"
Huminto siya sandali at tinignan ako, bahagyang nakangiti.
"Ang sinabi ko ay mapapatay ako ni Niño kapag naunahan ako ng mga guardia na iyon kaya dalian na natin." sagot niya at nagpatuloy na ulit sa paglalakad.
Sumabay naman na ako sa paglalakad niya at bumalik kami sa loob. Pagkapasok namin, nasa gitna sina Heneral Enriquez, medyo may edad nang lalaki at babae, at isang lalaki na maayos din ang pananamit. Nakapose sila sa makalumang camera na nasa harap nila. Magpipicture lang sila at lahat ng tao nakatingin sa kanila.
"Nagmula ka sa Inglatera, hindi ba?" biglang tanong nung koronel kaya tumangu-tango nalang ako.
"Kaya malamang hindi mo alam na ang pamilyang nagpapakuha ng letrato ngayon ay ang nagbungkal ng lupang kinatatayuan mo ngayon at nagpaunlad sa bayang ito." sabi nitong koronel na 'to at parang proud na proud pa siyang alam niya ang history ng bayang 'to.
"Alam mo, kung magbibigay ka ng impormasyon... 'yung eksaktong totoo naman. Hindi sila ang nagbungkal ng lupang kinatatayuan natin ngayon kundi ang mga NINUNO nila." sabi ko sabay hairflip sa kaniya. Akala niya riyan ah.
Mukhang nagulat siya pero natawa rin. Bakit siya natatawa? Baliw din 'to eh.
"Si Don Enrique Luis Enriquez..." biglang sabi ni Koronel kaya napalingon ako sa kaniya na nakatingin kay Don Luis kaya tumingin na rin ako kay Don Luis.
"Napakahusay niyang alcalde mayor. Ama ng buong bayan ng San Sebastian ang ama ni Doña Isabela na si Don Alvero at hindi inakala ng mga mamamayan na hihigitan pa ng napangasawa ng anak nito ang pamumuno niya."
Matangkad na lalaki si Don Luis at masasabi ko na gwapo siya at siguradong mas gwapo nung kabataan niya. Malinis ang mukha niya hindi katulad ng mga karaniwang mga may edad nang lalaki sa panahong 'to na may bigote. Tama lang ang laki ng katawan niya at kamukha niya 'yung lalaking nasa side ni Doña Isabela.
"Tama ka, kamukha nga ni Don Luis si Kuya Ernesto." biglang sabi ni Koronel.
Omygosh. Nakakabasa ka rin ng utak kagaya ni Caden, Koronel?
Hinintay kong sumagot siya pero hindi nangyari 'yun kaya mukhang nahulaan lang niya 'yung iniisip ko kasi nakita niyang napatingin ako roon sa Ernesto.
Nakaupo si Doña Isabela at sa kanan niya ay si Don Luis na nakaupo rin. Nakatayo sa likod ni Doña Isabela 'yung Ernesto at katabi nito sa likod ni Don Luis ay si Heneral Enriquez.
"Si Kuya Ernesto ang panganay na anak nila Don Luis at Doña Isabela. Malaki ang responsibilidad niya bilang panganay na Enriquez katulad ni Don Luis na nag-iisang anak ngunit lahat ng 'yon ay napasa kay Niño nang magpasya si Kuya Ernesto na magpari pagkatapos niya mag-aral ng abogacía." kuwento ni Koronel.
"Woah... nagtapos na siya ng law at nagpari siya?" amazed na amazed na tanong ko atsaka ko lang narealize 'yung pinagsasabi ko nang napangiwi siya na para bang isa akong alien sa paningin niya na hindi niya maintindihan ang pinagsasabi.
"So—Pasensya na. Ang ibig kong sabihin ay... abogado na siya at nagpari siya. Nakakagulat lang. Ang ibig sabihin pala ng law ay batas sa wikang Ingles." Explain ko.
"Naiintindihan kong hindi mo pa gamay ang wika sa bayang ito dahil nagmula ka sa ibang bayan na may ibang wika kaya huwag kang mag-alala." Ngiti niya.
Pinilit ko nalang din ngumiti at tumangu-tango.
Hindi ko alam kung alin ang mas masakit. Masabihang hindi ako bihasa sa sarili kong wika o masabihang dayo sa sarili kong bayan.
"Sa kabilang banda ay naroon si Niño, ang bunsong anak nila Doña Isabela't Don Luis." sabi ni Koronel kaya't napatingin ako kay Heneral Enriquez.
"Nang unang masabak si Niño sa gyera ay labing-walong taong gulang pa lamang siya. Naitatag ang Katipunan noong 1892 at napasabak sa labanan ang binatilyong Niño sa sumunod na taon."
"Nang maging sundalo si Niño ay hindi na siya lumabas nang hindi nakauniporme kahit kailan, lalo na ngayong heneral na siya. Gusto niyang ipagmalaki sa buong mundo na isa na siyang heneral... lalo na sa kaniyang ama na si Don Luis. Alam niyang malaki ang inaasahan ni Don Luis mula sa kaniya kaya't ginagawa niya ang lahat ng makakaya niya upang mahigitan iyon at maipagmalaki iyon sa buong mundo. Bukod sa pagiging mahusay na sundalo ay gusto rin niyang maging isang mahusay na anak na ipagmamalaki ng kaniyang mga magulang." kuwento ni Koronel.
Napatingin ako kay Heneral Enriquez at hindi ko alam kung anong mararamdaman ko sa kaniya. Hindi ko alam kung maaawa ba ako o hahanga.
Maaawa dahil sa batang edad, feel niyang napakalaki ng responsibilidad niya. Halos magkasing edad lang kami pero parang ang layu-layo ng pagitan namin. Sa kasalukuyan, isa lang akong estudyante na ang tungkulin lang sa bayan ay mag-aral samantalang siya, tungkulin niyang lumaban at ibuwis ang buhay niya para sa bayan. O hahanga dahil pinatunayan at patuloy niyang pinapatunayan na wala sa edad ang paglilingkod sa bayan at pagiging responsable para sa bayan.
Nung una akala ko bigla nalang siyang naging heneral dahil mayaman ang pamilya niya pero ngayon narealize ko na nakikipagsaplaran na siya sa mga labanan simula pa noong 18 years old siya hanggang ngayon. Anim na taon na niyang binubuwis ang buhay niya para sa bayan. Anim na taon na siyang nag-aasam ng kalayaan.