webnovel

Chapter 35

Tama, kasakiman ang pinagmulan ng lahat ng pagdurusa ng mga nilalang na walang kalaban-laban. Kasakiman din ang nagtutulak sa mga ito na maligaw ng landas at gumawa ng masama upang makamit ang inaasam nilang buhay.

Nahulog sa malalim na pag-iisip si Elysia. Nais niyang baguhin ang buhay at paniniwala ng natitirang angkan ni Raion, subalit, hindi niya alam kung saan magsisimula. 

"Nais mo ba silang tulungan?" pukaw ni Vladimir.

Wala sa sarili siyang napatango at napangiti naman ng binata. 

"Mabuting nilalang si Raion, ngunit hindi lahat sa kanila ay may pag-uunawa na kagaya niya. Ilan sa kanila ang sarado sa pagbabago at pakikiisa sa ibang mga nilalang. Kakayanin mo ba kung saka-sakaling ipagtabuyan ka nila sa muli mong pagbabalik roon? Kakayanin mo bang huliin ang loob nila?" Tanong ni Vladimir at napipilan ang dalaga. Hindi siya makakibo dahil alam niyang mahirap na gawain iyon.

Ilang taon na silang nananatili sa Nordovia, ngunit nananatili silang ilag sa iba pang nilalang. Paano ba ang gagawin niya? Parang gustong sumakit ng ulo ni Elysia dahil sa pag-iisip. Alam niyang mahirap, ngunit nais niyang subukan, nais niyang baguhin ang lahat at bigyan sila ng matiwasay na buhay.

Kinabukasan, maaga pa lamang ay muling tinungo ni Elysia ang bayan nina Raion na ayon kay Vlad ay tinawag nilang Fagaras. Sa pagkakataong iyon ay kasama na niya si Lira, umaga pa lamang at nangungulit na itong isama siya, kaya naman wala na siyang nagawa kun'di ang pagbigyan ito. Nasa bukana pa lamang ay kitang-kita na niya ang mga ito na abala sa kani-kanilang mga gawain.

May nagsisibak ng kahoy, nagwawalis sa mga bakuran, may ilan pa na animo'y nag-iigib ng tubig dahil sa mga bitbit na baldeng gawa rin sa kahoy. Muling napahinto ang mga ito nang makita siya. pansin rin niya ang pagkunot ng noo ng iilan na bahagya lamang yumukod sa kaniya bago mabilis na lumayo roon.

Si Raion ang siyang sumalubong sa dalaga, kasama ang iilan sa mga batang naroroon.

"Nagbalik ka, pagbati kamahalan," masayang bati ni Raion.

"Sabi ko, babalik ako, kaya bumalik ako. Siya nga pala, nagdala ako ng mga pagkain para mapagsaluhan natin sa agahan. Nais ko rin sanang makipagkaibigan sa inyo," wika ni Elysia at natigilan naman ang binata.

Tila bigla itong nag-alangan habang napatingin sa dalaga.

"Bakit, may problema ba?" tanong ni Elysia.

"Isa kang maharlika, pero makikipagkaibigan ka sa aming mga isinumpa?" Tanong ng binata.

"Isinumpa? Hindi naman kayo isinumpa, kayo lamang ang nag-iisip niyan. Nilalayuan kayo ng iba dahil kayo rin naman ang nagtutulak sa kanila papalayo," wika ni Elysia at nakuha nito ang pansin ng iba pang nilalang na kauri ni Raoin. Isang matangkad na lalaki ang siyang lumapit sa kanila, nakakunot ang noo nito, habang matalim na nakatingin kay Elysia.

"Nasasabi mo lang 'yan, dahil hindi mo alam kung paano nila kami tratuhin," pabarang sagot ng lalaki. 

"Magbigay galang ka, Kael. Nakakalimutan mo na ba kung sino ang nasa harap mo?" galit na saway ni Raion. Isang babae naman ang agad na umawat sa dalawa nang magka-iringan na ang mga ito.

"Ano ba kayong dalawa, tayo-tayo na lamang dito, mag-aaway pa kayo," awat ng babae at pumagitna ito sa dalawang binata na kamuntikan nang magsuntukan.

"Ikaw naman Kael, ilang beses na kitang pinagsabihan na pigilan mo ang sarili mo. Walang kasalanan si Prinsesa Elysia rito," dugtong pa ng babae.

Naihilamos lang naman ng lalaking nagngangalang Kael ang kamay sa kaniyang mukha bago ito pabara-barang umalis sa harapan nila.

"Paumanhin sa inasal ng kapatid namin, prinsesa. Hindi lang talaga niya makontrol ang sarili niya, ako nga pala si Raya."

"Naiintindihan ko kung saan siya nanggagaling. Hindi rin ako naging maingat sa pagbitaw ng mga salita, kaya hindi mo kailangan humingi ng paumanhin." Sagot naman ni Elysia. Ngumit naman ang babae at bahagyang yumukod sa dalaga.

"Ang totoo niyan, bago pa man nagbigay ng imbitasyon ang mahal na hari, inaasam na namin ang makilala ka. Isa rin si Kael sa mga tagahanga mo noon," salaysay ng babae.

"Talaga? Bakit parang galit siya sa akin?" dudang tanong ni Elysia. Malayo kasi sa sinabi ng babae ang inasal ng binata sa kaniya.

"Buhat kasi nang malaman namin na pinahirapan at pinatay ang mga kamag-anak mo ay naging ganyan na siya. Wala ka daw pinagkaiba sa mga masasamang nilalang," si Raion ang sumagot sa kaniya. Napipilan naman si Elysia at napailing ng bahagya.

"Gano'n ba?" Malakas na bumuntong-hininga si Elysia at tinitigan ang babae at si Raion. Hindi niya alam kung paano sisimulan ang paliwanag sa kaniyang naging sitwasyon bago pa man nangyari 'yon. 

"Masasamang tao ang tinutukoy niyong namatay sa palasyo ng Nordovia, at hindi si Prinsesa Elysia ang pumat*y sa kanila. Pag-uutos iyon ng hari." Wika ni Lira. Mula sa likuran ng dalaga kung saan nakasukbit ang maliit na sisidlan kung saan siya nagkukubli ay lumipad siya at hinarap ang mga ito.

Magkahalong gulat at pagkamangha ang naramdaman ni Raion at Raya nang makita ang nilalang na si Lira.

"Isa kang Sylphira, totoo ang uri mo?" bulalas ni Raion. Nanlalaki ang mga mata nito at tila nawala sa usapan ang kanilang atensiyon at napunta kay Lira. Napangiwi naman si Lira at muling nagtago sa likuran ni Elysia.

"Ano bang akala mo sa akin, hindi tunay? Balik nga tayo sa usapan. Walang lugar ang pagkamuhi niyo sa prinsesa dahil lahat ng nangyari sa mag-anak na iyon ay pawang resulta ng maling desisyon nila. Bago kayo manghusga, alamin niyo muna ang totoo. ayaw niyo na nahuhusgahan kayo ng iba, hindi ba? Bakit niyo ginagawa 'yan ngayon?" inis na wika ni Lira. Napipilan naman ang dalawa, kaya hindi na napigilan ni Elysia ang matawa.

"Prinsesa, bakit ka tumatawa, pinagtatanggol kita sa kanila," saad pa ni Lira habang nakanguso ang mga labi.

"Natatawa ako dahil nasa likod kita, takot pero ang tapang-tapang mo." humagalpak ng tawa si Elysia at tila nakalimutan na niya ang nauna niyang problema. Animo'y pinagaan ni Lira ang atmospera sa pagitan ng dalaga at nina Raion at Raya.

"Hindi ko alam kung ano ang iniisip niyo tungkol sa akin. Pero, tama si Lira, ang desisyon ng parusa para sa aking mga kamag-anak ay ibinaba ni Vladimir dahil sa isang mabigat na dahilan. Ang parusa ay nauukol sa kasalanan nila. At ang kamatayan naman nila ay hindi kagagawan ng panig ni Vlad. May sumalakay na nilalang sa palasyo at pinat*y ang tiyahin at pinsan kong lalaki, tinangay naman nito ang pinsan kong babae at sa mga oras na ito ay hindi pa rin namin alam kung sino at ano ang gumawa. Hindi rin namin alam kung nasaan na ang pinsan ko, o kung buhay pa ba ito." paliwanag ni Elysia. Nagkatinginan naman si Raion at Raya at tila nangusap ang mga mata nila sa isa't-isa.

"Sabi ko naman sa inyo Raya, imposibleng ganoong klaseng tao ang napili ng hari," taas noong wika ni Raion, lumapad ang ngiti nito at muling napatingin kay Lira.

"Oo na, tama ka na. Pero ang problema natin ngayon, si Kael, mahirap ipaintidi sa kaniya ang isang bagay na nabuo na sa kaniyang isipan." Umiiling na wika naman ni Raya.

"Hayaan niyo na lamang siya, pasasaan ba't maliliwanagan rin siya." sambit ni Elysia at hindi na nagpumilit pa. Naging mahaba ang naging usapan nila at nakipaglaro rin siya sa mga bata na naroroon hanggang maging panatag na rin ang loob ng dalaga sa mga ito.

***

"May limang bata na naroroon, natatayang nasa edad labing isa hanggang labing tatlo. At halos lahat sa kanila ay nasa edad ng labing-anim hanggang dalawampu't walo. Si Raion ang nakakatanda at siya'ng tumatayong lider nila, pinapangalawahan naman ni Kael sa edad na Dalawampu't anim at ni Raya na nasa edad ng dalawampu't apat. Ang komunidad nila ay maliit lamang at binubuo lamang ito ng tatlongpu't dalawang katao, maliban sa limang bata." wika ni Elysia habang nasa loob ng bulwagan ni Vladimir. Kasalukuyan niyang itinatala ang mga pangalan at bilang ng mga kasapi sa angkan ni Raion. Nais niyang maisama ang mga ito sa pormal na mga naninirahan sa kaharian ng Nordovia at ang pagtatalang iyon ay kasama sa hakbang ng pormalidad.

"Hindi magiging madali ang pagtatala sa kanila dahil kailangan nilang magsagawa ng sandugo sa isang seremonya." Saad ni Florin at napatango naman si Vladimir.

"Sandugo? Paano ginagawa iyon?" Naguguluhang tanong ni Elysia at naoatingin sa binata.

"Magpapatak sila ng dugo sa kalis ng pagkilala, pagkatapos nito ay magkakaroon sila ng tatak na siyang magpapatunay na kaisa na sila ng Nordovia. Ang pagkilalang iyon ay maikakalat sa buong kaharian at sa mga karatig pang mga kaharian." Tugon ni Florin at ibinigay sa dalaga ang isang makapal na aklat na siyang talaan ng mga nilalang na nabibilang sa Nordovia.

"Ang pagpatak ng dugo nila sa kalis ang siyang magiging hudyat ng pagbabago sa aklat na hawak mo. Maitatala riyan ang mga pagkakakilanlan nila at hindi na iyan kailanman mabubura." Dugtong ni Florin at namamanghang sinuri ni Elysia ang naturang aklat.

"Puwera kung magtataksil sila sa Hari at sa Nordovia. Hindi nagsisinungaling ang aklat, sa oras na may isang nilalang ang nagtaksil, masusunog ang kanilang pangalan sa aklat, at maglalaho rin ang kanilang tatak." Wika ni Vladimir. Maang na napalingon naman si Elysia sa binata.

Noon lang niya nalaman na ganoon pala kahiwaga ang pagtatala ng pangalan ng mga nilalang sa talaan ng Nordovia. Ang buong akala niya ay manwal na isinusulat ito ng tagatala.