webnovel

Chapter 74

Isang taon ang nakalipas...

"Milo, pinapabigay pala ito ni Mang Jose, nagpapasalamat din siya sa pagliligtas mo ng buhay ng kaniyang nag-iisang anak na babae. Kung hindi daw dahil sayo siguradong wala na ang anak niya." Wika ni Ben sabay abot ng isang buhay na manok sa kaibigan.

"Hindi na dapat sila nag-abala, hindi naman ako nagpapabayad e'," wika ni Milo habang nangingiti. 

Ngunit dahil nandoon na ay wala na siyang nagawa kun'di ang tanggapin iyon. Matapos maisaayos ang mga gamit sa loob ng kubo ay tinungo naman niya si Lolo Ador upang makapagpaalam na rito. May usapan kasi silang tatlo na pupunta sa ilog para maligo doon.

"Lo, alis po muna kami, pupunta lang kami sa ilog pra maligo at manguha na rin ng isda." paalam ni Milo.

"Sige, dumaan na rin kayo sa bahay ni Gustavo, ibigay niyo itong langis para kamo kay Gino. Mabisa yan sa kabag at sakit ng tiyan. Siyanga pala Milo, manguha ka na rin ng mga halamang gamot na madalas makikita doon sa ilog." Wika pa ni Lolo Ador na ikinangiti naman ni Milo.

"Opo, Lo. Aalis na po kami," muli ay paalam niya bago tuluyang nilisan ang kubo ng matanda.

Bitbit ang isang maliit na bote ng langis ay huminto muna sila saglit sa bahay ni Gustavo. Si Agnes lang ang inabutan nilang nag-aalaga sa anak nito. Ayon pa rito ay maaga raw umalis si Gustavo para tunguin ang maisan ni Lolo Ador. Nalalapit na kasi ang anihan kaya kada dalawang araw ay binibisita ito ni Gustavo para siguruhing nasa maayos na kalagayan ang kanilang aanihin. Matapos maibigay ang langis ay agad na din silang umalis at dumiretso sa ilog.

"Grabe napakasipag talaga ni Manong Gustavo. Buhat nang dumating sila, gumaan na ang trabaho natin." Wika ni Ben.

"Oo nga,siyanga pala Milo, natatandaan mo ba si Mang Nestor? 'Yong lalaking namatayan ng anak dahil sa barang." Wika ni Nardo at napakunot ang noo ni Milo.

"Oo, hindi ba't lumipat na sila sa ibang baryo para daw mas madali silang makapagsimula ulit?" Nagtatakang tanong ni Milo. Natatandaan niya si Mang Nestor. Hindi pa siya noon bihasa sa panggagamot at tanging si Lolo Ador lang ang manggagamot sa Talisay. Ngunit huli na nang madala nila sa kubo ni Lolo Ador ang nag-iisang anak nitong lalaki. Nabiktima ito ng barang, isang napakalakas na mambabarang ang may gawa na halos umabot na ng isang buwan ang pambibiktima nito sa anak niya.

Wala nang nagawa si Lolo Ador dahil nang dalhin ito ni Mang Nestor sa bahay nila ay halos buto't-balat na ang bata. Nakain na din ng mga insekto ang iilan sa mga pangunahing laman-loob nito na siyang mas nagpahirap pa para gamotin ito. At ang tanging nagawa lamang ni Lolo Ador ay tapusin na ang paghihirap ng bata.

Hindi naman nagtanim ng sama ng loob si Mang Nestor sa kanila dahil aminado itong nagmatigas siyang dalhin sa albularyo ang anak. Kung hindi pa nagmakaawa ang asawa nito ay hindi pa ito susunod subalit wala na ang anak nila nang mga panahong iyon. Isang malaking dagok iyon sa pamilya ni Mang Nestor dahil nag-iisa lamang ang anak niyang iyon at hindi na din kailanman mabubuntis ang asawa niya.

"Oo pero kahapon daw may nakakita sa kanilang bumalik sa dating bahay nila. Takot na takot daw. Para daw silang may tinataguan." Dagdag pa ni Nardo.

"Narinig ko din yan kay Nanay Milo. Marami daw ang nakakita sa kanilang bumalik at pumasok sa bahay nila." Turan naman ni Ben. Napakunot-noo naman si Milo habang nag-iisip. Nang marating nila ang ilog ay agad na itinulak ni Milo sa likod ng isipan niya ang problemang iyon.

Mabilis silang naghubad ng pang-itaas nilang damit at agad na lumusong sa tubig. Habang lumalangoy sa tubig ay hindi maiwasan ni Milo ang magtaka at mag-alala. Nakalutang siya noon sa tubig habang nakatihaya at nakatingala sa asul na kalangitan. Walang gaanong ulap noon at may mga ibon pa siyang nasisilayan na panaka-nakang lumilipad.

Dahil sa lalim ng kaniyang iniisip ay hindi niya namalayan ang isang nilalang na bigla na lang humatak sa kaniyang pailalim ng tubig. Nasa malalim na parte siya ng ilog malayonsa mabatong parte nito kaya naman halos mawalan siya ng hangin dahil sa gulat. Nakainom din siya ng tubig nang hindi sinasadya. Mabuti na lamang at naroon si Karim na siyang humatak naman sa kaniya paibabaw.

Hindi magkamayaw sa pag-ubo si Milo habang lumalangoy patungo sa mabatong parte mg ilog. Nakita niya sina Ben at Nardo na nag-aalalang lumalapit sa kaniya.

"Pre, ano nangyari, bigla-bigla ka na lamg nawawala, akala namin nalunod ka na. Huwag ka kasing pupunta sa parteng 'yon. Sabi-sabi na may engkanto daw diyan na nangunguha ng mga napapadpad sa parteng 'yon." Wika ni Nardo. Napalingon naman si Milo sa pinanggalingan niya ngunit wala naman siyang nakikitang nilalang o kahit bakas man lang.

"Nakatulog kasi ako di ko namalayan na lumubog na pala ako. Mabuti na lang at nagising agad ako. Ayos lang ako, tara manguha na tayo ng mga isda sa dating lugar para makauwi tayo bago magtanghalian." Suhestiyon ni Milo at natuwa naman ang dalawa.

Malapit nang magtanghali nang mapuno nila ang apat na buslo ng mga isda. Karpa, tambasakan at malalaking ulang ang nakuha nila sa ilog. Tuwang-tuwa sila sa kanilang mga huli kaya naman nagmamadali na silang umuwi sa daan ay naguha na rin sila ng mga halamang gamot na bilin ni Lolo Ador at mga prutas na kanilamg nadadaanan. Sa muling pagdaan nila sa bahay ni Manong Gustavo ay nasa bakuran na ito, kalong-kalong si Gino.

"Manong, sa inyo po pala ang isnag buslong ito. Naligo kasi kami sa ilog at isinabay na rin namin ang panghuhuli ng isda." Bungad ni Ben at masayang inilapag sa papag ang buslo ng mga isda.

Napangiti naman si Gustavo nang makita iyon.

"Aba ang dami naman nito. Maraming salamat sa inyo, siguradong matutuwa si Agnes, hindi na kasi niya kailangan pumunta sa bayan."

"Walang anuman po. Mauunan na po kami at uuwi na rin kami sa mga bahay namin." Wika pa ni Ben. Tumango naman nanf makahulugan si Milo kay Gustavo at tumugon din ito ng isang tango.

Pagdating sa bahay ni Milo ay agad na ding nagpaalam ang dalawa na uuwi. Pagpasok niya sa kubo ay inilapag niya ang dala niyang buslo at mabilis na nilinis iyon sa banggerahan. Ang tubig naman nila ay nanggagaling sa isang bukal na nasa bundok na dumadaan sa ginawang tarog ni Lolo Ador noong kabataan pa nito. Malamig at tuloy-tuloy lang ang daloy ng tubig sa kanilang banggerahan at tinatakpan lamang nila ito ng takip na gawa sa kawayan kapag hindi na sila gumagamit ng tubig doon.

Matapos malinis ang mga isda at mga ulang ay iginayak na niya ito para maluto, sakto namang dumating si Lolo Ador na halatang galing sa likurang bahagi ng hardin nito. May mga dala kasi itong kalabasa at mga sitaw.

"Lo, mukhang marami kayong naani ngayon a'," masayang wika ni Milo, mabilis niyang kinuha sa matanda ang mga bitbit nitong gulay.

"Oo, dadaanan 'yan bukas ni Merla para mabenta sa bayan." Tugon naman ng matanda.

"Gano'n po ba, siya nga pala lo, nabalitaan niyo na rin ba, nakabalik na daw sina Mang Nestor sa dating bahay nila. Sabi pa ni Nardo mukhang takot na takot daw." Kuwento pa ni Milo at napakunot naman ang noo ni Lolo Ador.

"Takot? Bakit naman kaya natatakot?" Hindi naiwasang itanong ng matanda.

"Iyan nga din po ang pinagtataka ko. Hayaan niyo po, mamaya ay pupuntahan ko sila sa bahay nila." Suhestiyon ni Milo at napatango naman ang matanda.

"Mabuti pa nga, dalahin mo na din itong isnag kalabasa at isang bungkos ng sitaw sa kanila, at marami naman ang mga isda at ulang na nahuli mo, hatian mo na lamg din sila. " Utos ng matanda na kaagad namang inayos ni Milo sa isang bayong.

Si Lolo Ador na din ang nagpresentang magluto upang makalakad na si Milo. Kalahating oras din ang binuno ni Milo bago marating ang bahay ni Mang Nestor na nasa bayan pa. Pagdating niya sa harap ng bakuran nito ay wala namang kakaiba roon.

"Tao po,tao po! Mang Nestor si Milo po ito, nariyan po ba kayo?" Tawag ni Milo. Nakailang tawag pa siya bago magbukas ang pinto at bumungad doon ang pamilyar na mukha ng isang lalaki.

"Mang Nestor, kamusta po?" Bungad na tanong ni Milo. Napangiti naman ang lalaki at dali-daling binuksan ang bakod nitong gawa na sa kahoy ay yero.

"Milo, kamusta, ang laki mo na ah. Pasensiya ka na at natagalan akong pagbuksan ka. Bakit ka nga pala narito?" Masayang tanong ng lalaki.

"May nakapagsabi po kasi sa amin ni Lolo na nakabalik na kayo, kaya ito po dinalhan kita mg mga gulay galing sa hardin niya, saktong naghuli naman kami ng mga isda sa ilog kanina kaya dinalhan ko na rin kayo. Nariyan po ba si Aling Lara?"

"Oo nasa loob, nagpapahinga pa. Noong isang araw lang kami nakabalik. Hindi na nga sana kami babalik kaso nagkaproblema kami doon sa nilipatan namin."pagkukuwento ni Nestor.

次の章へ