"Problema ho? Ano naman ang naging problema niyo Mang Nestor?" Tanong ni Milo. Nagpalinga-linga muna si Nestor at agad na hinatak papasok ng kanilang bahay si Milo. Marahan nitong isinara ang pinto matapos masigurado na walang kahit sino ang nakakita.
"Ayokong maulit pa ang nangyari noon sa anak ko kay Lara, kaya kami bumalik dito ay para humingi ng tulong sa lolo mo Milo, ang kaso hindi ako makalabas, alam ko nakamasid lang sila, naghihintay na iwan ko si Lara sa bahay." wika pa ni Mang Nestor, magkasalikop ang mga kamay nito habang naiiyak na naglalahad kay Milo. Tinungo ni Milo ang kanilang silid at nakita niyang nakaratay doon si Aling Lara na halatang malaki ang ipinayat.
"Mang Nestor, ano po ba talaga ang nangyari sa inyo? Bakit parang sobra naman ang ipinayat ni Aling Lara?" Tanong ni Milo at mabilis na hinawakan ng pulso ng ginang. Bahagya niyang dinama ang palapulsuhan nito at naramdaman niya ang kakaibang pintig nito. Hindi iyon normal, minsan bibilis at minsan hihina. Maging ang daloy ng paghinga nito ay hindi banayad, animo'y palagi nitong hinahabol ang kaniyang paghinga.
"Hindi rin ako sigurado Milo, noong unang beses kami sa lugar na nilipatan namin ay maayos naman ang lahat, inabot din nang ilang taon iyon hanggang sa isang araw , umuwi si Lara na tulala, noong tinanong ko siya kung anong nangyari sa kaniya, hindi niya ako sinasagot, lagi niyang sinasabi na okay lang siya. Hanggang sa lumipas ang isang linggo at bigla na lamang siyang nagkasakit. Ilang albularyo din ang nilapitan ko doon pero ni isa sa kanila ay walang nakatukoy kung ano ang nangyari sa asawa ko. Kaya nagdesisyon akong bumalik sa lugar na ito para patingnan kay Manong Ador ang asawa ko."
"Isang uri ng aswang ang may gawa sa kaniya nito Mang Nestor, sa ngayon hindi ko pa mawari kung anong klase, dahil kakaiba ito sa mga naunang aswang na nakaharap ko." Wika ni Milo. Nanlaki naman ang mata ni Nestor sa narinig.
"Tama ba ang dinig ko, may alam ka na sa panggagamot kagaya ng lolo mo Milo? Matutulungan mo ba kami?" sunod-sunod na tanong ni Nestor sa kaniya. Tila ba nabigyan ito ng pag-asa.
"Matutulungan ko po kayo, pero kailangan nating ilipat si Aling Lara malapit doon sa bahay, mas makabubuti kung doon muna kayo dahil hindi makakalapit sa bahay namin ang ano mang nilalang na nakasunod sa inyo." Wika ni Milo at tumayo, dumungaw siya sa nakasarang binatan at napansin niya ang nalalapit na paglubog ng araw.
"Magmadali na po tayo Mang Nestor. Ihanda na ninyo ang mga pangunahing kagamitan niyo para makaalis na tayo, balikan na lamang natin ang iba bukas ng umaga. Sa ngayon, kailangan muna nating mailagay si Aling Lara sa isang ligtas na lugar. Marami ding madadamay rito kung dito kayo mananatili." Utos ni Milo matapos maisara ang bintana. Sa pagkakataong iyon ay mabilis nang nag-impake si Nestor. Mga damit lamang nila ang kanilang dinala at ang litrato ng kanilang anak na nasa kuwadradong kahoy.
Dinala iyon ni Milo at si Nestor naman ang siyang pumasan sa kaniyang asawa. Mabilis ang naging paglakad nila dahil hindi sila maaring abutan ng takipsilim sa daan. Wala silang usap-usap habang naglalakad at mas itinuon nila ang pansin sa kanilang ginagawa. Saktong palubog na ang araw nang dumating sila sa bakuran ng bahay ni Lolo Ador. Mabilis na pinapasok ni Milo si Mang Nestor sa kubo at isinara ang pinto.
Gulat na gulat naman si Lolo Ador nang makita ang mga ito. Naroroon din pala si Gustavo na agad ding napatayo nang makita si Nestor. Naglandas mula rito ang kaniyang mata patungo sa asawa nitong nasa likuran niya. Nangunot ang noo ni Gustavo habang inaamoy ang hangin.
"Nestor, anong nangyari kay Lara?" Nag-aalalang tanong ni Lolo Ador nang makita sila. Agad na inihanda ni Milo ang isang papag at doon nila inihiga si Lara. Nang makahiga na ng maayos si Lara ay doon na nag-usap ang maglolo.
"Lo, sa tingin ko isang aswang ang may gawa ng sakit ni Aling Lara pero hindi ko matukoy ang uri nito." wika ni Milo.
"Isang berbalang. Tama ka Milo isang uri nga ito ng aswang. Isang malakas na uri ng aswang at masasabi kong higit pa itong mas malakas sa mga gabunan o sa tulad kung isang harimodon." Si Gustavo na ang nagsalita nang parehong walang maisip ang maglolo.
Napalingon si Milo kay Gustavo na noo'y titig na titig sa ginang na nakaratay sa papag.
"Isang sumpa o isang sakit ang pinadapo ng isang berbalang sa kanya. Unti-unti niyang kinakain at hinihigop ang dugo ng kaniyang mga biktima nang walang nakakapansin. Isa sa mga abilidad ng berbalang ay mambiktima nang walang nakakapansin sa kaniya. Isa sa mga kakayahan niya ang paghiwalayin ang kaniyang espiritual na wangis sa kaniyang katawan para magmanman o mambiktima ng mga natitipuhan niyang mga tao. Kumakain din sila ng mga bangkay, katulad ng mga balbal at kaya din nilang mangaso ng buhay na tao para kanilang mga pagkain. Hindi rin sila basta-basta tinatablan ng mga pangontra at mapapantayan lamang sila ng mga taong nagtatangan ng mutya ng kakao o mutya ng bao ng niyog." Mahabang paliwanag ni Gustavo. Nanlalaki naman ang mga mata ni Milo sa narinig. Hindi niya sukat-akalain na may ganoong nilalang ang umiiral sa kanilang daigdig. Ang buong akala niya ay malakas na ang mga gabunan at harimodon.
"Paano namang makakatulong ang mga mutyang iyon sa paggapi sa berbalang?" Tanong ni Milo.
"Hindi rin ako sigurado, minsan lang kasi itong naikwento sa akin ng aking ama. At nalaman ko agad na isnag berbalang ang bumibiktima sa ginang dahil sa mag sintomas na nakikita ko sa kaniya." Tugon ni Gustavo.
"Maraming salamat Manong Gustavo, malaking tulong na sa amin ang malaman ang uri ng aswang na ito. Manghihingi na lamang ako ng gabay sa mga kaibigan ko baka sakaling may alam din sila." Wika pa ni Milo ay agaran ding lumabas ng bahay. Naiwan doon si Nestor at Lolo Ador. Nagpaalam na din dito si Gustavo at sumunod na sa binata.
"Milo, mag-iingat ka, hindi basta-basta ng kalaban ang mga berbalang. Kung tuso kaming mga harimodon ay mas mapanlinlang ang mga ito." Paalala pa ni Gustavo.
"Maraming salamat Manong Gustavo. Napakalaking tulong po sa akin 'yang paalala niyo." Nakangiting wika ni Milo.
"Walang anuman, kapag may kailangan ka, sabihin mo lang at tutulong ako sa abot ng aking makakaya." Wika ni Gustavo bago nilisan ang bakuran ng maglolo. Napangiti naman si Milo habang tinatanaw ang papalayong si Gustavo.
Nang makita na niya itong nakapasok na sa kanilang kubo ay dali-dali namang tinungo ni Milo ang puno ng balete. Tumayo siya sa harapan nito at marahan nilapat ang kamay sa katawan ng puno upang tawagin ang kaniyang mga gabay.
"Berbalang, mga nilalang na minsan na lamang makita. Pero patuloy silang umiiral sa mundo natin." Wika ng engkanto ng gubat na naglalagi na din sa puno ng balete.
"Mapanlinlang, mas marahas pa sila sa mga aswang na nambibiktima ng mga tao. Dahan-dahan ang kanilang pagpatay at kasam doon ang pagpapahirap sa kanilang mga biktima." Wika naman ng isa pang engkanto na may matatalim na mata ay mapusyaw na balat.
"May kakayahan silang paghiwalayin ang katawan sa espiritual nilang wangis upang makapaghasik ng lagim. Dahil nasa espiritual silang anyo, tanging mga taong may biyaya lamang ang makakakita sa kanila. Madalas na biktima nila ang mga taong may malalakas na espiritual na kalakasan at mga taong may matataas na mentalidad. Nagbibigay sila ng halusinasyon at kung ano-anong paninira upang mabasag ang mentalidad ng mga taong biktima nila, saka nila ito unti-unting kikit*lan ng buhay." Dagdag naman ng kapre
"Kung gano'n mahirap na kalaban ang berbalang na ito."
"Kailangan mong mataglay ang kahit isa man sa mutya ng kakao o mutya ng niyog upang magkaroon ka ng lakas at abilidad na masaktan ito. Walang pangontra ang makakapagpahina sa kaniya bukod sa dalawang iyon." Si Karim naman ang sumagot.