Ganoon na lamang ang pagkasindak niya nang marinig ng balitang may natagpuang bangkay sa labas ng bayan. Lalo siyang nahindik nanag marinig na isang bata at isang matanda ang nakitang iyon. Dali-dali siyang pumunta sa sentro sa pagbabaka-sakaling hindi ang tatay at pamangkin niya ang mga nasawi. Ngunit ang pagababaka-sakaling iyon ay nauwi pa rin sa trahediyang ito.
Tulong-tulong ang mga tao sa paggawa ng pansamantalang tolda sa harap ng bahay ng babae. Ang pamunuan ng bayan na rin ang sumagot sa paggawa ng kabaong para sa mga namayapa. Hindi pa man sumasapit ang hapon ay maayos nang nakahimlay ang dalawang kabaon sa toldang sawali at dahon ng niyog bilang bubong.
Lubos naman ang pasasalamat ng babae sa mga kababayan niya dahil sa kusang-loob na pagtulong ng mga ito.
"Ikinalulungkot po namin ang pagkawala ng mga mahal niyo sa buhay. Mga dayo ho kami at kasalukuyan kaming nanunuluyan diyan sa bahay ni Mang Isko." pakilala ni Simon.
"Ganoon ba, salamat sa pakikiramay niyo mga bata." nakangiting wika ng babae ngunit bakas pa rin ang matinding kalungkutan sa mukha nito.
Saglit na umuwi sina Milo sa bahay ni Mang Isko para sa naudlot nilang tanghalian. Matapos magsikain ay muli nilang tinungo ang bahay ng babae upang magmasid sa paligid.
Ayon kasi kay Mang Isko, kapag ganitong may mga pinaglalamayan ay bumababa ng bundok ang mga balbal upang magmasid at magnakaw ng mga bangkay ng mga nasawi.
"Hindi pa natin aalalahanin ang mga kalahi ni Manong Gustavo kaya ito munang mga balbal ang pagkaabalahan natin." Wika ni Simon at napatango si Milo.
Minsan na rin nabanggit sa kaniya ni Lolo Ador ang tungkol sa mga balbal. Mga uri din ito ng aswang subalit sa halip na buhay na tao ang kanilang binibiktima o kinakain ay mga pat*y naman ang kanilang pantawid gutom. Malimit mamataan ang mga balbal sa lamay at kapag nalingat ang mga nagbabantay ay kinukuha nila ang bangkay sa kabaong at pinapalitan iyon ng katawan ng saging na binabalot nila ng sabulag.
Aakalain pa rin ng mga kapamilya nila na nandoon pa rin ang katawan ng kanilang kaanak at wala sila kaalam-alam na napalitan na pala ito. Sabi pa ni Lolo Ador, malalaman mo lamang na napalitan na ang bangkay kapag pinadaan mo ito sa bintana.
"Marami bang balbal dito sa lugar niyo Mang Isko?" tanong ni Milo.
"Marami, ngunit hindi mo sila makikita dahil napakailap nila sa mga tao. Hindi sila ang tipo ng aswang na nakikihalubilo sa mga ordinaryong tao. Madali mo kasi silang mabubuking dahil sa amoy nila. Dahil nga puro mga bangkay na ang kinakain nila ay higit pa sa triple ang sangsang ng amoy nila sa normal na mga aswang." tugon ni Mang Isko.
"E' bakit ho ba ganoon ang amoy ng mga aswang?" tanong ulit ni Milo.
"Dahil sa kinakain nila at dahil din sa langis na ipinapahid nila sa kanilang katawan kapag nagpapalit anyo sila. Kalimitan kasi sa mga langis na ginagamit nila ay hinahaluan nila ng sariwang dugo ng hayop o di kaya naman ay dumi ng mga ito." si Simon naman ang sumagot. Napatingin naman si Milo sa binata at napangisi.
"Tama si Simon, ngunit hindi naman lahat, may mga aswang pa rin naman na kayang maging malinis sa sarili. Sila ang madalas na nakikihalubilo nang walang kahirap-hirap sa mga ordinaryong tao." dagdag pa ni Mang Isko.
Natahimik na sila at muling pinagmasdan ang mga taong pumupunta para makiramay. May mga kamag-anak na rin kasi na pumupunta galing sa kabilang mga baryo kaya hindi malayo na mapasukan sila ng ibang mga elemento katulad ng mga balbal.
Sa kanilang pagmamasid ay wala naman silang nakitang kakaiba. Hanggang sa sumapit ang takipsilim at may mga nararamdaman na silang kakaiba sa paligid. Naging alerto sila ngunti hindi sila nagpahalata. Pasimple silang nagpapalinga-linga at napansin nila ang grupo ng isang lalaki ay isang matandang babae na papasok sa tolda. Umupo ang mga iyon sa upuang nakapuwesto sa gilid di kalayuan sa kabaong at tahimik lang na nakatingin roon.
Ordinaryo lamang kung titingnan ang mga ito at walang mag-aakalang kakaiba sila. Subalit wala silang takas sa mga mapanuring mata at matatalas na pang-amoy ni Milo. Agad na nagsalubong ang kilay niya nang makita ang kahindik-hindik na anyo nito na itinatago nito gamit ang hindi niya malamang salamangka. Kung tititigan niya kasi ito gamit lang ang mga mata niya ay isang matanda at binata ang nakikita niya. Ngunit kapag gagamitin na niya ang ikatlo niyang mata ay malahalimaw ang kaniyang nakikita.
Gutay-gutay ang mga damit nito, payat at halos lumalabas na ang mga buto-buto ng mga ito sa katawan. Wala din silang mga buhok at tila naagnas na bangkay na din ang balat nila. Masuka-suka naman si Milo nang dumampi sa kaniyang ilong ang napakasangsang na amoy na animo'y nabubulok na laman. Lihim siyang napamura at agad na inalerto ang kaniyang mga kasama.
"Huwag kang pahalata, hindi tayo maaaring gumawa ng galaw rito, marami ang madadamay na tao. Hintayin natin silang umalis at abangan natin sila sa bungad mamaya. Sigurado babalik ang mga iyon upang ibalita sa kanilang mga kasamahan na may mga bangkay rito." pabulong na wika ni Mang Isko. Itinuon nila ang pansin sa mga kahina-hinalang nilalang habang si Maya at Liway naman ay itinuon ang mga mata sa kabaong.
Mayamaya pa ay tumayo na ang dalawang panauhin at nagsimula nang maglakad palabas ng tolda. Tumayo na rin si Simon at Milo at agad na sinundan ang mga ito. Naiwan naman si Maya, Liway at Mang Isko sa lamay upang doon magbantay.
Tahimik na binabagtas ng dalawa ang landas na tinatahak ng mga nilalang. Hindi nila inaalis ang tingin sa mga ito at halos hindi na rin sila kumukurap. Hanggang sa tuluyan na ngang mapalingon sa kanila ang mga ito.
"Bakit niyo kami sinusundan mga bata, may kailangan ba kayo?" tanong ng matandang halos uugod-ugod na sa paglalakad.
"Wala naman ho, sinisigurado lang namin na ligtas kayong makakalayo sa bayan, maggagabi na kaya hindi niyo alam, baka matulad kayo sa naging biktima ng mga aswang," sagot ni Milo at napangiti naman ang matanda.
"Hindi na kailangan, kasama ko naman ang aking apo. Kaya na namin, maraming salamat." wika pa ng matand at muli nang tumalikod at nagpatuloy sa paglalakad. Muli namang sumunod sila Milo at Simon kaya naman muli din silang nilingon ng matanda.
Sa pagkakataong iyon ay mababakas na sa mukha nito ang inis habang ang binata namang kasama nito ay matalim nang nakatitig sa kanila.
"Kung ako sa inyo ay hindi na ako babalik mamaya sa lamay. Alam namin kung ano kayo kaya nandito kami para maghatid ng isang babala. Hindi kami papayag na makuha niyo ang katawan na pinaglalamayan ngayon sa aming bayan. Kung magtatangka pa rin kayo ay pasensiyahan na lang, dahil mapipilitan kaming ubusin ang lahi niyong namumugad sa kabundukan." Seryosong babala ni Simon. Ngumisi naman ang matanda na tila ba hindi ito nasisindak sa mga katagang binitawan ng binata.
"Salamat sa babala Noy, hayaan mo at pag-iisipan ko." natatawang wika nito at dali-dali nang nilisan ang lugar. Hindi na sinundan pa nina Milo at Simon ang dalawa bagkus ay inutusan ni Milo ang kaibigan niyang aghoy na sundan ang mga ito.
"Tara na, bumalik na tayo. Si Inaya na ang bahalang sundan sila at alamin kung saan ang pugad nila. Batid kong hindi niya sineryoso ang babala mo at paniguradong babalik sila."
"Tama ka, kailangang masabihan natin si Mang Isko, may ilang oras na lang tayo para maghanda." Sang-ayon naman ni Simon at nagmamadali na silang bumalik. Pagbalik nila ay agad nilang sinabihan si Mang Isko. Kinausap naman agad ni Mang Isko ang anak ng namat*y.
Habang ipinapaliwanag ni Mang Isko rito ang sitwasyon at nagsimula namang magpaikot ng sulo ang magkakaibigan sa palibot ng tolda at bahay ng namat*yan. Sinigurado nilang maliwanag ang buong paligid upang hindi mangahas ang mga balbal na lumapit agad sa bahay.
Matapos maisaayos ang mga sulo sa paligid ay pumasok na sila sa loob. Maging sa tabi ng kabaong ay nagtayo sila ng tig-isang sulo sa bawat dulo nito. Naging maliwanag ang buong tolda at muli na silang naupo sa harap ng kabaong. Nang gabing iyon ay nagsalitan sila sa pagbabantay. Magkasamang nagbantay si Maya, Milo at Klarita na anak ng matandang pinaglalamayan. Sa kabilang grupo naman at si Simon, Liway at Mang Isko ang magkasama.