webnovel

Chapter 12

Kinahapunan, matapos magturo ni Lolo Ador ay agad na ding lumabas si Milo para muling masilayan ang ganda ng puno ng balete sa paglubog ng araw. Noong una ay nakakaramdam pa siya ng kilabot at takot ngunit dumating din ang araw na nakasanayan na niya ang mga ito. Minsan pa nga ay nakikipaglaro na rin siya sa mga laman-lupa at mga malilit na animo'y mga diwata na naghahabulan sa damuhan.

Mababait at hindi naman nananakit ang mga ito. At sa bawat araw na nakakasalamuha niya ang mga nilalang ay dito rin namulat ang kaniyang kaisipan na hindi lamang mga tao, hayop at halaman ang naninirahan sa mundo. Maging ang mga nilalang na ito ay ginawa rin ng Maylikha. May iilan lamang na mas piniling pumanig sa kadiliman at may iilan din na nananatiling nagsisilbi sa Panginoon.

Nagpatuloy ang mahigpit na pagsasanay ni Milo sa ilalim ng pagtuturo ni Simon at Maya.

Malalim na ang gabi at napakalamig ng simoy ng hangin. Nakatayo si Milo sa harap ng puno ng balete at matiyagang naghihintay. Nakatuon ang paningin niya sa unti-unting pag-angat ng bilog na buwan sa kalangitan.

"Mukhang malalim ang iniisip mo ngayon Milo." Bati ni Simon.

"Iniisip ko kung ano ang itsura ni Maya sa anyo niyang aswang. Kung nakakatakot din ba siya tulad ng ibang aswang," wala sa sariling sagot niya. Natawa naman si Simon at tinapik ang balikat ni Milo.

"Ihanda mo nang maigi ang sarili mo. Huwag ka sanang tumakbo kung ayaw mong malapa ng wala sa oras," biro ni Simon at napalunok naman ng laway si Milo. Bigla siyang kinabahan dahil baka nga tumakbo siya dahil sa takot. Paniguradong wala siyang kawala kay Maya kapag nagkataon.

Nang tuluyan naman tumapat amg bilog na buwan sa taas ng puno ng balete ay doon na dahan-dahang lumakas ang hangin sa kanilang paligid. Mayamaya pa ay nasipat niya ang isang nilalang na nakatayo sa gitna ng palayan, hindi pa man din siya nakakakurap ay nagsimula na itong maglakad papalapit sa kanilang kinatatayuan.

Nang makalapit na ito sa labas ng bakuran ay doon niya nasilayan ang kakaibang wangis ng nilalang na iyon.

"Maya?" Tanong ni Milo at nakita niyang tumango ito. Nanlaki naman ang mata ni Milo nang makita niya itong ngumisi sa kaniya. Biglang nagsitayuaan ang lahat ng balahibo niya sa katawan. Hindi niya inaasahan ang anyong iyon ni Maya.

Nagliliwanag ang buong katauhan nito sa ilalim ng liwanag ng buwan. Tila nagkikislapan ang kulay abo nitong balahibo na bumabalot sa kaniyang katawan. Napakahaba rin ng kulay puti nitong buhok na tila mga pilak na kumikislap sa bawat pagtama ng liwanag doon. Bukod-tangi rin ang taglay nitong amoy na animo'y pinaghalong amoy ng mamasa-masang lupa dahil sa ulan at halimuyak ng rosas na kapipitas lamang. Malayong-malayo sa mabahong amoy ng mga aswang na laging nababanggit sa kaniya ni Lolo Ador. Maging ang wangis nito ay malayo sa mga ordinaryong aswang.

Nangingibabaw pa rin sa dalaga ang anyo ng isang tao at ang tanging kaibahan lamang ay ang mga pangil nitong makausli sa magkabilang bunganga nito at ang mapupula nitong mata. Matulis rin ang tainga nito na maihahalintulad mo sa mga engkanto.

"Nagtataka ka kung bakit ganito ang anyo ko?" Tanong ni Maya. Napakalalim ng boses nito malayo sa malamyos nitong boses kapag nasa anyong tao ito.

"Ang dugong nananalaytay sa akin ay kakaiba, tulad ni Simon, pareho kaming may dugong aswang at dugo ng isang babaylan. Bago pa man kami ipinanganak ay matagumpay na nalinis ng aming ama ang kaniyang bertud kung kaya't nakilala siya bilang isang puting gabunan. Kakaiba ang aming anyo dahil na din sa mga basbas ng mga diwata na siyang nagpapanatili ng kadalisayan ng aming bertud." Salaysay ni Maya.

Ayon pa sa dalaga, hangga't dalisay ang kanilang hangarin ay hindi kailanman mababahiran ng kasamaan ang kanilang bertud. Higit din mas makapangyarihan ng sampung ulit ang bertud ng kanilang ama sa mga ordinaryon bertud ng mga aswang dahil na din sa gabay at basbas ng mga diwata at ni bathala.

"Bakit ka kumakain ng uri niyo?" Tanong ni Milo, napangisi naman si Maya at itinuro nito ang bandang tiyan niya.

"Hindi pa tuluyang nababasbasan ang aking bertud katulad ng kay ama. Kailangan ko ng isang libong alay na dugo ng aswang na panig ng kadiliman upang makompleto ito. Doon pa lamang ako babasbasan ng mga diwata,"sagot ni Maya. Napakamot naman ng ulo si Milo dahil hindi pa rin niya maintindihan kung bakit kailangan ang mga ganoong proseso. Pinagkibit-balikat na lamang niya ito at hayaan na lamang ang panahon ang magpaliwanag sa kaniya.

Ilang sandali pa nga ay nagsimula na ang laban ni Milo ay Maya. Sa pagkakataong iyon ay espadang kahoy ang magiging sandata ni Milo dahil na din hindi niya maaaring gamitin ang tabak na ibinigay sa kaniya ng magkapatid. Kahit pa nasa 0anig ng kabutihan si Maya ay may pagkakataon pa rin na nasusugatan siya ng mga sandatang gawa ng kaniyang Ina.

Sa kanilang pagbubuno ay tila tuwang-tuwa ang dalaga dahil nakakaya nang pantayan ni Milo ang bilis niya. Alam niyang dahil ito sa gabay na tikbalang ng binata na siyang nagbibigay dito ng kakaibang bilis at talas ng pakiramdam.

Hindi pa man tuluyang nagsasanib ang dalawa ay nakakaya nang gamitin ng binata ang kakayahan ng kaniyang gabay. Subalit duda si Maya na alam na ng binata ito.

Napangisi si Maya at saglit na napahinto. Natanaw niya sa likuran ng binata ang espiritual na anyo ng tikbalang sa likuran mg binata.

"Magaling Milo, hindi ko alam na kaya mo nang pasunurin ang tikbalang sa mga nais mo." Wika ni Maya at napakunot ang noo ni Milo.

"Si Karim?" Nagpalinga-linga si Milo ngunit hindi niya ito nakita. Muli niyang tinitigan ang dalaga at napakamot sa ulo.

"Pinagloloko mo ba ako? Wala naman si Karim dito ah." Wika pa ni Milo.

"Sabi ko nga, hindi mo alam." Natatawang wika pa ng dalaga at mabilis na inatake ang binata. Agad din naman itong nasangga ni Milo ng kaniyang sandatang kahoy. Naging seryosong muli si Milo at agad na ibinalika ng atakeng ibinigay ni Maya sa kaniya.

Sa paglalim pa ng gabi ay tuluyan na ngang natapos ang kanilang pagsasanay. Halos gumapang na si Milo sa sobrang pagod papasok sa kaniyang silid. Nang makahiga na siya sa kaniyang higaan ay kaagad din naman siyang nakatulog.

Kinaumagahan ay maaga pa siyang gumising para simulan ang pagtatagpas ng mga damo sa kabilang ibayo ng kanilang bukid. Taniman ng mais kaya kailangan na kilang linisin ang parteng iyon. Hindi naman kalawakan ang parte ng lupang iyon. Nasa kulang-kulang kalahating hektarya lamang ang lupang pinagtatamnan nila mg mais habang ang kalahati naman ay taniman ng camote at monggo at kung anu-ano pang mga gulay.

Iilang taga-baryo din ang katuwang ni Milo sa paglilinis doon kabilang na din si Nardo at Ben na nagpumilit na sumama sa kanila. Mag-iisang linggo pa lamang nang gumaling siya at ngayon ay hindi na mapigilan.

"Ang tigas talaga ng ulo mo Ben,kaya ka laging napapagalitang ni Aling Celia e', ayusin mo nga mga desisyon mo sa buhay. Para kang timang." Saway ni Nardo sa kaniya habang tinitipak nila ang lupa para lumamboy ito. Habang tinitipak iyon ni Nardo ay si Ben naman ang naghahakot ng tubig para basain ang lupa.

Ganito ang palagi nilang ginagawa bago ang taniman. Bubungkalin at palalambutin nila amg lupa bago haluan ng mga natural na pataba tulad ng mga tuyong dayami at mga dumi ng hayop. Minsan kahit balat ng mga prutas o ang mga nabubulok na prutas at gulay na galing sa tindahan ay binibili ni Lolo Ador para gawing pataba sa kaniyang lupa.

"Mas manghihina ako kung nasa bahay lang. Hindi naman gaanong maikit ngayon kaya ayos lang. Magpapahinga ako kapag nakaramdam ako ng pagod. Tingnan mo yang kaibigan natin, akala mo di nakakaramdam ng pagod eh. Kaninang madaling araw pa 'yan diyan sabi ni Lolo Ador. " Puna ni Ben.

"Oo nga, pansin ko din ang pagbabago sa hubog ng kantawan ni Milo. Dati parang patpatin ngayon naman dinaig pa ang katawan mo. At mukhang mas malakas na din siya ngayon. Baka kaya na niyang patumbahin ang isang kalabaw." Sang-ayon naman ni Nardo at nagkatinginan sila.

"Malapit na pala ang piyesta. Bakit hindi natin subukan nag lakas ni Milo roon. Pustahan, kaya na niya iyon ." Wika ni Nardo at tumango si Ben.

"Pupusta ako kay Milo, hanap ka ng kalaban para mas masaya." Tugon ni Ben at nagtawanan pa sila.

Pagpatak ng tanghali ay agad na silang sumilong sa nakahilirang puno ng mangga para magpahinga at kumain ng tanghalian. Habang masaya silang kumakain ay naikuwento nga ni Ben ang napag-usapan nila ni Nardo. Natawa lang naman si Milo at umiling-iling.

"Ano ba kayo, alam niyo naman bawal sa amin amg sugal, kayo na lang. Ayokong mapalo ni Lolo. Ang tanda-tanda ko na. " Wika ni Milo at natawa lang si Ben at Nardo.

Matapos kumain ay bumalik na sila sa bukid para ipagpatuloy ang naudlot nilang ginagawa. At halos nangalahati na sila nang lumubog na ang araw. Nagsiuwian na sila at ganoon na din ang magkakaibigan. Pagdating sa bahay ay magoahinga lang saglit si Milo bago ipinagpatuloy ang kaniyang pagsasanay.

次の章へ