Sa bawat gabing dumaraan ay patuloy lamang sa pagsasanay si Milo. Kahit wala ang magkapatid ay pinapapatuloy pa din niya ang pagsasanay kasa ang kaniyang gabay na tikbalang. Minsan naman ay may mga engkanto ang nagpi-presenta na maging katunggali niya. Sa ganoong paraan ay wala siyang nasasayang na oras at araw.
Lumipas ang ilang buwang pagsasanay at kitang-kita na nga sa pangangatawan ni Milo ang pagiging matikas nito. Dahil nakatuon ang pansin niya sa pagsasanay ay hindi na niya namalayan ang paghaba ng kaniyang buhok na bahagya pang kulot na naman 'di umano niya sa kaniyang ina. Mas naging makislap na din ang kulay itim niyang mata na kakikitaan mo na ng buhay.
"Grabe, ang laki na ng pinagbago mo Milo. Dati-rati ang payat mo pa ngayon naman mas naging maganda na ang hubog ng katawan mo. Ano bang sekreto mo?" Puna ni Ben habang nagbibinyag sila sa mga punla ng mais na itinanim nila sa bukid.
"Nagsasanay ako sa gabi kaya siguro ganito naging epekto." Simpleng tugon ni Milo at napangisi.
"Nagsasanay? Bakit? Loko ka talaga, pati ako pinagloloko mo." Reklamo ni Ben at natawa lang si Milo. Pinagpatuloy na nila ang pagbibinyag gamit ang malaking timbang may mga butas na pasan nila sa magkabilang dulo ng kawayang nakasampa sa kanilang mga balikat.
Ang pamamaraang ito ng pagbibinyag ng mga punla ay higit na mas mabigat aubalit mas mabilis nilang natatapos ang kahabaan ng taniman. Meron naman silang balon na pinagkukunan ng tubig 'di kalayuan sa taniman. At kapag dumating naman ang buwan ng tagtuyot ay sa ilog sila kumukuha ng tubig.
Kinahapunan, nang matapos na nila ang kanilang mga gawain ay nagsiuwian na sila. Nang makarating na si milo sa kubo ni Lolo Ador ay nakita niya ang magkapatid na nakatayo sa labas ng bakuran ng kanilang kubo.
"Bakit hindi kayo pumasok?" Tanong ni Milo. Napatingin siya sa dalawa at napansin niya ang napakaseryosong mukha ng mga ito.
"Galing na kami sa loob, hinihintay ka namin." Nakangiting wika ni Simon.
"Bakit? May problema ba?"
"Wala naman, nakausap na namin si Lolo Ador, at desisyon mo na lang ang hinihintay namin. Sa susunod na buwan, mangyayari na ang pang- isang daang pagbilog ng buwan at magbubukas na amg lagusan patungo sa isla ng Bur'ungan." Sagot ni Simon at biglang napakunot ang kaniyang noo. Biglang sumagi sa isip niya na hindi pa niya nakasagupa ang mga pangahas na mga engkantong nanakit sa kaniyang mga kaibigan.
"Pero, Simon, may kailangan pa akong tapusin dito. Nais ko sana bago ko iwan ang lugar na ito ay nasa mabuting kalagayan ang aking mga taga-baryo. Matanda na si Lolo at ayokong may mangyaring masama sa kaniya. Ayokong may pagsisihan ako dahil hindi ko nagawa ang mga dapat ay ginawa ko." Mahinahong wika ni Milo at napatango naman si Simon.
Inaasahan na nila ang sagot na ito mg binata kaya naman napangiti silang magkapatid. Nagpapakita lamang ito ng isang magandang ugali ni Milo.
"Huwag kang mag-alala,hindi tayo aalis hangga't hindi natin napagbabayad ang mga engkantong nanakit sa mga kababaryo mo." Sang-ayon ni Maya at nakahinga naman ng maluwag si Milo.
Kinagabihan ay maagang nagpahinga si Milo. Nakatingin siya sa bubong ng kubo habang maiging pinag-iisipan ang mga bagay na kailangan niyang gawin.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya alam kung saan siya magsisimula, kung saan ba niya hahanapin ang mga berberoka maging ang ibang engkantong nanalantasa baryo nila kamakailan lamang.
"May problema ba Milo?"
Napalingon si Milo sa bandang bintana nang marinig niya ang pamilyar na boses na ito.
"Ikaw pala Karim, iniisip ko lang kung saan ko ba makikita ang mga berberoka, sa tingin mo, sino ang nasa likod nila? Kinausap ako ni Simon at Maya, sa susunod na buwan na ang panahong kailangan ko nang sumama sa kanila. Sumang-ayon na si Lolo at kailangan ko munang maiayos ang baryo bago ko ito lisanin." Sagot ni Milo. Nakatuon ang pansin niya sa bintana, subalit ang atensyon niya ay nasa labas kung saan nasisipat niya ang mga lambanang nagliliparan sa palibot ng tikbalang.
"Masyado mong pinahihirapan ang sarili mo. Milo,nakalimutan mo bang ang lahat ng nilalang na nasa paligid mo ay maaari mong utusan upang hanapin ang nais mong hanapin." Wika ng tikbalang na napakalaki nitong boses.
"Hindi naman sa ganoon kaibigan, ngunit ikaw na din ang nagsabi ang hindi maaring abusuhin ang kakayahan kong ito. At isa pa, hindi ko naman kayo alipin upang utusan kayo kung kailan ko gusto. Ni sa hinagap ay hindi ko iniisip na mas angat ako sa inyo. Sa katunayan ay mataas ang tingin ko sa mga katulad niyo dahil na din sa aking Lolo." Mahabang paliwanag ni Milo na ikinangiti ng tikbalang.
"Napakabusilak ng iyong kalooban Milo. Nararapat lamang na pagsilbihan ka ng mga nilalang na nasasakupan mo." Sabad mg isang malamyos na boses ng isang lambana.
"Sa katunayan, kahit hindi mo man sabihin, iilan na sa mga kasama naming lambana at maging ang ibang engkanto ay gumagalaw na para hanapin ang pinagpupugaran ng mga berberoka."dagdag pa ng lambana.
Nanlaki naman ang mga mata ni Milo sa narinig. Hindi niya sukat-akalain na palihim na pala aiyang tinutulungan ng mga nilalang sa paligid niya. Napangiti siya at mariing nagpasalamat sa lambana. Inilahad din niya sa mga ito ang pagnanais niyang maiparatijg ang pasasalamat sa iba pang mga nilalang.
Nang gabing iyon ay payapang nakatulog si Milo sa gitna ng kaniyang pagkakahimbing ay napadpad ang kamalayan niya sa isang napakahiwagang lugar. Napakalawak na kagubatan na punung-puno ng mga kakaibang halaman at mga hayop na hindi pangkaraniwan.
Sa kaniyang pagmamasid at napapansin din niya ang mga mga punong-kahoy ay higit na matataas kaysa sa mga punong kalimitan niyang nakikita sa gubat. Napakalaki rin ng katawan ng mga ito na sa tantiya niya ay hindi kayang yakapin ng kahit sampong tao. Tila ba ang lugar na iyon sy hindi umiiral sa pisikal na mundo.
"Nasaan ako?" Naitanong niya sa kaniyang sarili habang inililibot ang paningin. Subalit walang tugong siyang nakuha. Sa kaniyang paglilibot ay naramdaman niya ang mga matang tila ba nagmamasid din sa kaniya. Alam niyang panaginip lamang iyon ngunit ramdam na ramdam niya ang talim ng mga matang nakatitig sa kaniya.
Nagpalinga-linga siya at walang sabi-sabi ay nakaramdam ng isang pwersang biglang humatak sa kaniya pabalik sa kaniyang katawan.
Pagmulat ng kaniyang mata ay bumungad sa kaniya ang mukha ni Lolo Ador na nag-aalalang nakadungaw sa kaniya.
"Ayos ka lang ba apo? Kanina ka pa sigaw nang sigaw ah. Ano bang nagyari sa'yo?" Tanong ng matanda.
"Wala naman po lo,nanaginip lang po ako." Kailang tugon niya at agad na bumangon sa higaan. .
Umaga na at halos papasikat na ang araw kaya naman mabilis na siyang naglinis ng kaniyang sarili para makapaghanda ng almusal.