webnovel

When The Waves Touch The Sky (Tagalog)

Zetty Mondejar loves risking her life. Will she be able to risk anything for the man of her life?

_doravella · perkotaan
Peringkat tidak cukup
47 Chs

The Break-Up

Sinapo ko ang noo ko hanggang sa unti-unti kong sinabunutan ang maliliit na hibla ng buhok ko. Ilang segundo na kaming tahimik. Wala ni-isang may nagsalita. Nagpapakiramdaman na lang yata kami sa isa't-isa.

Gusto ko sanang solohin ang problema ko ngayon. Pero itong mga bugok kong pinsan, ipinilit ang sarili at gustong makisali pa talaga. Hindi ko naman kasi alam na sasabihin pala ni Tonton sa kanila ang tungkol kay Therese. Nalaman ni Nicho kaya heto't nasa kuwarto ko na naman sila ngayon ng kapatid niya, kinabukasan after no'ng pagpunta namin sa plaza.

"Anong plano mo ngayon?" tanong ni Nicho.

Sumandal ako sa headboard ng kama at napabuntonghininga. Mas pinili naming sa kuwarto mag-usap para hindi na umabot kina Lola. Hindi ko alam kung may alam ba sila sa ganitong situwasiyon ko pero gusto ko na lang na hindi na sila manghimasok pa. Okay nang mga pinsan ko ang nanghihimasok ngayon.

"I'll move out. Hanap ng ibang apartment or dorm."

"Puwede kang lumipat muna sa dorm namin, Ate, kaso malayo lang sa LCC."

Napatingin ako kay Madonna nang magsalita siya. Tipid akong napangiti. "Maghahanap na lang ako ng iba, Mad. Magtatanong-tanong ako sa classmates ko."

"Hindi mo pa ba siya nakakausap?"

"Ano bang pag-uusapan namin? Sana before siyang naghanap ng iba, kinausap na niya ako. Wala ng sense kung mag-uusap kami ngayon. Hahayaan ko na lang na ganito."

Nasabi ko kay Nicho at Madonna ang nakita ko no'ng pumunta kaming DSB. Pati 'yong tawag ko sa kaniya at 'yong mga sinabi niya, nasabi ko rin. Mga pagdududa ko, na-share ko rin sa kanilang dalawa. Lahat-lahat sinabi ko. Para masabi ko ang side ko. Pero lahat ng iyon, dinaan ko sa tawa at biro.

Natahimik ulit kaming tatlo. Inalala ang mga kuwento ko kanina. Isang himala na hindi ako naiyak habang sinasabi iyon. It's like, okay, nasaktan ako, so what?

"Alam mo ba kung bakit sinabi ni Tonton sa akin 'yong tungkol do'n?"

Nilingon ko si Nicho. "Bakit?"

"Kasi gusto niyang damayan ka namin. Alam niya kasing nasasaktan ka at kailangang-kailangan mo ng damay."

Pagak akong natawa dahil sa sinabi ni Nicho. Gusto ko mang lagyan ng humor pero hindi ko magawa kasi nagtutunog sarkastiko talaga ang tawa ko.

"Alam pala niya, edi sana sinabi na niya agad sa akin no'ng araw na nalaman niya. At anong damay-damay? Kilala mo 'ko, Nich, nako-corny-han ako sa mga damayan na 'yan."

"'Wag mo nang idamay 'yong tao sa nangyayari ngayon. Hindi niya agad nasabi sa 'yo because he was dealing with his own heartbreak, too. Naghiwalay din sila ni Therence, a few weeks ago."

Natahimik ako't tumango, naiintindihan ang pinagdadaanan ni Tonton.

"Hindi n'yo na naman kasi ako kailangang damayan. Okay lang ako. Wala na 'yon. Parte 'yon ng buhay."

"Parte ng buhay ang mapagtaksilan? Alam mo, Zettiana, simula pa lang, hindi ko na talaga gusto ang relasyon mong 'yan kay Therese. Nakiki-ayon lang ako noon kasi alam kong masaya ka. Pero ngayong ganito pala ang ginawa niya sa 'yo, talagang sasabihin kong hindi talaga kayo bagay no'ng Therese. Hindi nakakabuti sa 'yo si Therese."

Halos mabatukan ko si Nicho dahil sa mga sinabi niya pero mas pinili kong 'wag na.

Gusto kong umiyak. Gusto kong lunurin ang sarili ko sa iyak pero hindi puwede. Kailangang maipakita ko sa lahat na okay ako, na wala sa akin ang mga nangyayaring ito. Na dapat matatag ako. Kasi simula pa lang, matatag na naman talaga si Zettiana Aelexandrae Saratobias. Mula nang maipanganak ako, matatag na talaga ako. Kaya hindi magugustuhan ng ibang tao kapag nagpakita ako ng kahinaan sa ibang tao.

Tinapos ko ang usapan naming magpi-pinsan nang isang pag-aayang mag-merienda na lang kami. In-assure ko sa kanila na magiging okay ako at kung maaari ay 'wag na sanang makarating sa circle of friends namin. Ayoko lang na mapag-usapan. I'll walk away silently na nga lang, e, para walang problema at gulo. Iiwanan ko ang mundong nakasanayan ko sa loob ng mahigit tatlong taon.

Makalipas ang ilang araw, balik Bacolod ulit para sa pagbubukas ng second semester sa ikalawang taon ko sa kolehiyo. Siguro, ipo-focus ko na lang ang sarili ko sa mga paparating na gawain, requirements, at ka-busy-han na hatid ng second semester. Sana nga dumami ang gawain para ma-divert ang attention ko. Sa buong buhay ko, ngayon lang ako naghangad na sana maraming gawain ang dumating sa akin. Hindi ko alam kung kakayanin ko pero for the sake of busyness, kakayanin ko.

"Nakahanap ka na ba ng malilipatan?" tanong ni Nicho habang nakasakay ng bus pabalik ng Bacolod. Magkakasama kami ng magkapatid na Vaflor. Hindi na muna kami naki-hitch sa mga kaibigan namin na babalik ng Bacolod. Masiyado nang nakakahiya, baka isipin na hindi namin kayang bayaran ang pamasahe sa bus o mag-commute man lang.

"Nagtanong-tanong ako kahapon sa mga kaklase ko. Ang sabi ni Hansel, mayroon daw malapit sa Uno-R. 'Yong sa Cokin Building? Familiar ka?"

"Cokin Building? Ah, oo. Okay naman doon. Lilipat ka ba?"

"Chi-check ko mamaya pagdating. Kung okay naman, why not 'di ba? One ride lang din naman from LCC 'yon."

"Kung magustuhan mo? Lilipat ka agad? Gusto mo ng tulong?"

"Siguro. At saka, okay na. Nasabi ko na kay Halter na hihiramin ko kotse niya para sa paglilipat."

"Ayaw mo ng tulong ni Yosef?"

"Hindi na. Saka ko na lang din sasabihin sa kanila kapag nakalipat na ako."

Umiwas ako ng tingin at isa-isang sinundan ng tingin ang mga tanawin sa labas.

"Zet, 'wag mong sasarilinin 'yan ha?"

Bigla kong naibalik ang tingin ko kay Nicho. Seryoso ang mukha niya pero dinaan ko sa tawa ang sinabi niya.

"Anong sasarilinin? Sasabihin ko naman agad sa iyo kapag may kailangan ako. Kilala mo ako, Nicho. Kilala mo kung kailan lang ako hihingi ng tulong."

Hindi na rin naman nagsalita pa si Nicho kaya ibinalik ko sa bintana ang tingin ko.

Nakatulog yata ako sa biyahe kasi naramdaman ko na lang na ginising ako ni Nicho nang makarating na kami sa terminal sa Bacolod.

Dahil wala naman masiyadong dalahin, inayos ko na lang ang sarili ko at saka kami bumaba ng bus para sumakay naman ng jeep. Iba-iba nga lang ang jeep na sasakyan namin since hindi naman pare-pareho ang address ng mga dorm namin. Magdo-double ride ang magkapatid, samantalang ako ay isang sakayan lang. Kaya sa terminal ng bus pa lang, nagkahiwalay na kami.

Ngayong nakasakay na ako sa jeep, kasama ang mga hindi kakilalang pasahero, bigla akong napa-isip sa kung anong kahihinatnan ko pagdating ng apartment.

Hindi ko alam kung nandoon na ba ang kambal sa apartment. Simula kasi no'ng araw na iyon, hindi na ako nagparamdam. Hindi na ako nag-reply sa mga text niya. Hindi na ako nag-effort na contact-in siya. Kung nandoon man sila, mas mabuti, para masabi ko ng personal na lilipat na ako ng apartment. Mas mabuti kasing sabihin ng personal kaysa idaan through text.

Pagkarating ko sa labas ng apartment building, agad kong nakita ang pamilyar na kotse ni Halter. At cue na rin niya 'yon para lumabas ng kotse niya. Imbes na pumasok, nilapitan ko muna ang kotse niyang naka-park, a few meters away sa apartment gate.

Nakipag-fist bump ako at ngumiti sa kaniya bilang pagbati.

"Okay ka lang?" tanong ni bakla.

"Oo. Okay lang. Ikaw? Sigurado kang okay lang na gamitin ko kotse mo para sa paglilipat kong ito?"

"Oo nga sabi, bakla! At saka, nandoon na sila sa lilipatan mo. Naghihintay."

Nangunot ang noo ko sa sinabi ni Halter kaya natigil ako sa paglalakad papunta sa apartment gate. "Sino?"

"Bevian, Lian, at Hansel."

"Sinabi mo?"

"Sinabi ni Hansel sa iba kaya nakisali na si Bevian at Lian. Sige na. Kaonting shot lang naman daw."

"May kaonti ba sa bokabolaryo n'yo?" natatawang sagot ko na lang at sinenyasan na siya na samahan na ako papasok.

Hindi ko muna sinabi kay Nicho na ngayong araw talaga ang lipat ko. Baka makisama kasi. Saka ko na lang sasabihin kapag okay na ang lahat.

Kaonti lang naman ang gamit na mayroon ako sa apartment. Mag-iimpake lang ako ng mga damit at dadalhin 'yong foam na higaan ko at unan at kumot. Siguro isasama ko na rin 'yong utensils na binili ko para may magamit ako sa malilipatan ko. Ayokong bumalik sa square one kung iiwan ko 'yon.

Nilalaro ko ang susi ng apartment habang naglalakad kami papasok ni Halter sa apartment building. Nilabas ko na agad ang susi, baka sakaling sarado pa at wala pa ang kambal.

Pero nang malapit na kami sa pintuan ng apartment, bigla itong nagbukas at una kong nakita si Therese.

Napa-igting ang panga ko para pigilan ang sarili. Tumigil na rin ako sa paglalakad nang mag-abot ang tingin naming dalawa. Napahinto siya sa may hamba ng pintuan at diretsong nakatingin sa akin.

Unti-unting lumabas ang ngiti niya nang ma-realize niyang nakita niya ako. Agad siyang lumapit sa akin at dinambahan ako ng yakap.

Nanatili akong nakatayo, wala na halos maramdaman. Hindi ko nga rin sinuklian ang yakap na ginawa niya.

"I miss you, so much! Busy ka ba whole sembreak? Sorry, hindi na kasi kami nakauwi sa Escalante. Diretso na kami rito sa Bacolod after ng bakasyon namin sa San Carlos. Miss na miss na kita, Zet!"

Kumalas siya sa yakap at ambang hahalikan pa sana ako pero kusa na akong umiwas at napatingin kay Halter na tahimik lang sa tabi naming dalawa.

Hindi na ako nakasagot dahil biglang nagbukas ulit ang pintuan ng apartment. This time, si Therence naman ang lumabas with her eyesight fixed on her cell phone.

"Rese, naghihintay na raw sa labas si Cleah- Oy, Zet, nand'yan ka na pala."

Tipid akong ngumiti kay Therence bilang pag-acknowledge sa pagpansin niya sa akin.

"Zet, labas na muna kami. Gusto mo bang sumama?" tanong ni Therese.

"Hindi na. Kayo na lang," simpleng sagot ko.

"Okay. Uuwi rin naman kami agad."

"Okay."

Tipid lang na atensiyon ang ibinigay ko sa kambal. Ayoko sanang i-drag si Therence sa inis ko pero alam kong may alam siya kaya sorry kasi madadawit talaga siya.

Nagpaalam ang kambal kaya nagpatuloy ako sa pagpasok sa apartment, kasama si Halter.

"Bakit hindi mo sinabing aalis ka na?"

"Iiwanan ko na lang sila ng note para less explanation," simpleng sagot ko.

Kinuha ko ang maleta at mga bag sa ilalim ng kama ko. Isa-isa kong kinuha ang mga damit ko at isinilid sa mga bag at maletang iyon. Pinakuha ko na lang kay Halter ang foam at mga unan ko. F-in-old niya lang 'yong foam at siya na mismo ang nagbitbit nito papunta sa kotse niya. Babalikan na lang daw niya ang iba.

Natagalan lang ako sa mga damit ko kasi marami-rami rin iyon. Pagbalik ni Halter, ibinigay ko naman sa kaniya ang iilang bag na may mga laman ng damit.

Sa ikatatlong balik niya, tapos na ako sa mga damit at sapatos ko at ang mga gamit sa schools na lang ang inatupag kong ligpitin. Isinama ko na rin sa pagliligpit ang iilang toiletries at personal na gamit na mayroon ako sa whole apartment.

Patapos na ako sa pagligpit ng iilang natirang gamit nang bumalik si Halter.

"Patapos na rin naman ako, Ha-"

"Anong ibig sabihin nito, Zetty?"

Agad akong napalingon sa pintuan nang imbes na si Halter ang makita ko, presensiya ni Therese at Therence ang nakatayo roon. Mababakas din sa mukha ni Therese ang gulat sa naabutang apartment.

Wala na halos gamit sa side ko. Ang natitirang gamit na lang ay 'yong mga nasa side nila at sa may lababo area.

Dahan-dahan akong tumayo at napabuntonghininga nang tuluyan ng pumasok si Therese para harapin ako. Hindi pa rin siya makapaniwala sa nadatnan sa apartment.

Akala ko ba magtatagal sila? Bakit bumalik sila agad?

Pinantayan ko ang nagku-kuwestiyong tingin ni Therese sa akin.

"Lilipat na ako ng apartment, Therese," simpleng sagot ko.

Gusto ko siyang sumbatan. Gusto ko siyang awayin. Pero alam kong wala na ring sense kung gagawin ko 'yon kaya mas mabuting umalis na lang ng tahimik para iwas gulo.

"What? Why?" eksaheradang tanong niya. "May nangyari ba? May problema ba tayo, Zettiana? Noong isang linggo mo pa akong hindi kinakausap. Ni-text, hindi ka nagparamdam. Tapos ngayon, bigla kang aalis ng apartment? Teka lang, okay ba tayo? May problema ba?"

Imbes na sumagot sa sunod-sunod niyang tanong, napatingin ako sa pag-alis ni Therence sa tabi ng kakambal niya at lumabas ng apartment.

Saka lang bumalik ang tingin ko kay Therese nang makitang sarado na ang pinto at kaming dalawa na lang ang naiwan sa apartment room.

Napabuntonghininga ako. Isang mabigat na buntonghininga. Sumisikip ang dibdib ko sa mga komprontasiyong ganito kaya ayoko sanang mangyari ito.

"Itanong mo nga sa sarili mo, Therese, kung may problema ba tayong dalawa?"

Mas lalong nangunot ang noo ni Therese dahil sa naging sagot ko.

"Anong klaseng tanong 'yan, Zetty? Of course, wala! Wala tayong problema. Bakit? May problema ba tayo?"

"Sarili mo lang ang makakasagot ng ganiyang klaseng tanong, Therese."

"Puwes, wala! Wala tayong problema! Kung mayroon man, ano naman 'yon? Care to tell me, Zetty, kasi gulong-gulo na ako ngayon sa gusto mong i-point out."

Siya pa talaga ang may ganang pagtaasan ako ng boses.

"Alam mo, Therese, gusto kitang sumbatan sa mga nagawa mo. Kaso wala akong ebidensyang pinanghahawakan ngayon para isumbat sa 'yo ang lahat. Pero enough na naman sigurong nakita mismo ng dalawa kong mata ang pagtataksil na ginawa mo?"

"What?!"

"Let's just end this peacefully, Therese. Ako na lang ang lalayo, ako na lang ang iiwas, ako na lang ang magpaparaya. Alam ko namang mas masaya ka sa kaniya. Kasi hindi ka naman maghahanap ng iba kung masaya ka talaga sa akin. I'm sorry, Therese, kung naging kulang ako sa 'yo."

Kinuha ko ang huling bag na dadalhin ko at dire-diretsong lumabas ng apartment. Natulala yata si Therese sa sinabi ko at hindi agad nakapag-reak.

Naabutan ko si Therence sa labas ng apartment. Nagpang-abot ang tingin naming dalawa. Tipid akong napangiti.

"Thanks for letting me stay here, Therence. Send ko na lang ang pera para sa rent ko for the previous-"

"Ikaw din naman, 'di ba? Mas mahal mo si Ada kaysa sa akin?"

Natigil ang pagsasalita ko kay Therence at sabay kaming napalingon sa pintuan ng apartment. Nakalabas na si Therese. Mukhang nag-sink in na sa wakas ang sinabi ko.

Pero nagtaka ako sa sinabi niya. Anong mas mahal ko si Ada kaysa sa kaniya?

"Nakita ko, sa phone mo. Nag-text si Ada ng I love you sa 'yo. Alam mo-"

"Nilalagyan mo ng malisya ang pagkakaibigan namin ni Ada, Therese? Magkaibigan na kami bago pa man kitang nakilala, Therese. At normal kay Ada ang magsabi sa akin nang ganoon kasi ganoon siyang klaseng babae. Hindi por que nagkagusto ako sa 'yo ay magkakagusto na rin ako sa ibang babae. Sinubukan ko lang sa 'yo, Therese, kasi akala ko hindi mo gagawin sa akin 'yong mga normal na ginagawa ng ibang lalaki - ang magtaksil. Pero pinatunayan mo sa akin na maski mga babae, nagagawa 'yon. Kaya hindi na ako uulit pa."

Agad akong tumalikod para hindi na makarinig ng panibagong salita mula sa kaniya. Dire-diretso ang naging lakad ko, hindi pinakinggan ang pagtawag ni Therese sa akin.

Sobrang bigat ng pakiramdam ko kanina. Pero dahil nailabas ko kahit papaano kanina ang mga gusto kong sabihin, gumaan-gaan ang pakiramdam ko.

Sinalubong ako ni Halter. Hindi na rin naman siya nagtanong nang makasakay na kami sa kotse niya at magsimula siyang mag-drive papunta sa bagong apartment na lilipatan ko.

Gaya nitong mga nakaraang araw, hindi na ako nagkaroon ng panahon para atupagin ang sariling nararamdaman. Pagkarating sa bagong apartment, agad akong naging okupado para sa pag-aayos ng gamit. Tinulungan ako ng mga kaklase ko. Solo ko ang kuwarto pero apartment type pa rin naman. Bale ang siste, paghahatian lang namin ang bayarin sa whole apartment. At saka special request ko rin kay Hansel na sana solo ko lang ang kuwarto. Sakto rin kasing naghahanap ng bagong kasama sa apartment ang iilang pinsan niya na nag-aaral sa Uno-R kaya ni-recommend niya sa akin ito.

Buong maghapon, ginugol namin sa pag-aayos ng apartment. After, nagkakayaan na kumain sa labas tapos one bott daw sa may Acacia. Pumayag na rin naman ako, wala naman akong ibang gagawin.

Sa sumunod na araw, inatupag ko ang sarili ko sa pag-aaral since open na ang second semester. Kahit papaano ay nada-divert ang atensiyon ko.

As for me and Therese… pinutol ko ang koneksiyon na mayroon ako sa kaniya. Nag-change ako ng number, bl-in-ock ko siya sa lahat ng social media platforms na mayroon ako at minsan na lang na i-open iyon dahil mas gusto kong i-focus naman ang sarili ko sa social life ko. Mabuti na rin sigurong hindi ko naging kaibigan ang mga taong malapit sa kaniya, mas madali ngayon ang mag-move on at kalimutan siya.

Pero may mga salot talaga sa buhay natin na ipinanganak yata para guluhin ang nananahimik mong buhay. Katulad na lang nitong si Anthonio Josefino Ricardo L. Osmeña at Nichodemus Felizar S. Vaflor.

Nakangisi ang dalawang bugok nang makarating ako sa The Park, tapat ng Uno-R. Bigla kasi akong binulabog no'ng dalawa, inaya akong pumunta rito. Maaga kasi natapos ang klase namin ngayon kaya gusto ko sanang magpahinga muna sa apartment. Pero mukhang nalaman yata ng dalawa kaya heto't binulabog talaga ako.

Naka-uniform pa ang dalawa. At itong si Nicho, halatang galing pang Alijis, kung saan ang school niya. Nasa dalawa lang 'yan, hindi siya pumasok o katatapos lang ng klase niya. Duda ako sa bugok na 'yan, e. Balita ko, minsan daw ay lumiliban sa klase niya.

Samantalang ako, nakabihis na ng pambahay nang bulabugin nila. Hindi na ako nagbihis, pinatungan ko na lang ng hoodie ang suot kong damit para makapunta rito.

Umupo ako sa harapan nilang dalawa. Evident pa rin ang ngising ng dalawang bugok.

"Bakit n'yo ba ako pinapunta rito?"

"Nasa malapit ka lang naman. At saka, wala lang. Tagal na naming hindi ka nakita," sabi pa ni Yosef.

Napa-ismid na lang ako sa sinagot ni Yosef. Tinanggap na rin ang inabot na bote ng Red Horse ni Nicho.

Pagkarating ko nga pala kanina, may laman na ang table na kinaluluguran nila. Like, drinks and pulutan. May nakita nga rin akong sizzling plate.

"Gusto mo bang kumain? Anong gusto mo?"

Inatupag ko 'yong sisig sa gitna. Tumikim ako ng isang kutsara lang at saka ko sinagot ang tanong ni Nicho.

"Sisig lang at isang rice. Sakto, hindi pa ako nakapag-dinner."

Pagka-kain ko ng sisig, saka naman ako tumungga ng isang lagok sa Red Horse.

"Ton, isang sisig with rice para kay Zetty!"

Agad akong napalingon sa tiningnan ni Nicho nang may sinigawan siya roon. Sakto ring napatingin sa table namin si Tonton para mag-thumbs up. Nagtataka akong nagbalik ng tingin sa dalawa.

"Kasama n'yo si Tonton?" nagtatakang tanong ko pa.

"Oo. Siya 'yong nag-aya, actually. Okay lang naman siguro sa 'yo na nandito siya, 'di ba?"

Unti-unti rin naman akong kumalma dahil sa naging sagot ni Nicho. "Oo naman. Bakit naman hindi? Okay naman kaming dalawa. Nagulat lang kasi ako. Akala ko kayong dalawa lang."

"Ewan nga kung bakit biglang nag-aya 'yan. Sakto namang kailangan ko ng libre sa buhay kaya pinatulan na namin ni Nicho. At idinamay ka na rin namin."

Napa-ah na lang ako sa naging sagot ni Yosef. Hindi na nagtanong pa.

Komportable akong sumandal sa kinuupuan ko at itinaas ang isang paa. 'Yong parang nasa bahay lang, ganoon.

"Hoy, Zettiana, ibaba mo nga 'yang paa mo. Para kang wala sa public place, ah," agad na saway ni Nicho nang makita niya ang posisyon ng paa ko.

Pinasadahan ko lang tingin ang tuhod ko pero hindi ko sinunod ang gusto niyang mangyari.

"Wala talagang poise kahit kailan ang babaeng ito. Akala ko pa naman babae ka na ngayon. Naku, makita ka no'ng nagkaka-crush sa 'yo na schoolmates namin, ewan ko na lang."

"May nagkakagusto pa rin sa babaeng 'yan?" hindi makapaniwalang tanong ni Nicho sa sinabi ni Yosef.

Naka-ismid lang ako sa pinag-uusapan nila.

"Nakakagulat nga, e. Siguro nabalitaan 'yong hiwalayan nila't gusto yatang diskartehan ang tomboy na 'yan."

"'Tang ina, ang pangit-pangit n'yan, may magkakagusto pa rin d'yan?"

Sinamaan ko ng tingin ang dalawa. Mga walang hiya talaga ang mga bugok na ito. Ang sarap ihagis sa kangkungan.

"Manglibak na lang gani mo, kanang naa pa 'ko sa inyong atubangan."

Tumahimik ang dalawa pero nagpipigil pa rin ng tawa. Hindi na rin naman sila nag-usap tungkol sa akin lalo na no'ng bumalik sa table si Tonton. Casual ko siyang binati, 'yong parang tropa lang din at hinayaan siyang umupo sa tabi ko. Place niya pala 'yong bangko na katabi ko.

~