webnovel

When The Waves Touch The Sky (Tagalog)

Zetty Mondejar loves risking her life. Will she be able to risk anything for the man of her life?

_doravella · perkotaan
Peringkat tidak cukup
47 Chs

The Boardmates

Mabilis tumakbo ang oras. Nakapagtapos kami ng high school at inatupag ang kursong kukunin sa college. Mayroong iba sa amin ay sa Manila nag-college, mayroong Cebu, mayroon ding ibang bansa, mayroong sa Bacolod, at mayroong dito lang malapit sa city namin.

But to cut the story short, nagkawatak-watak na kaming magkakaibigan. Naging abala na sa college. Kami pa rin naman ni Therese at magkasama pa rin pero iba-iba nga lang ang school na pinasukan namin.

Ang gusto kasi niya sa La Salle din ako mag-aral. E, gustong-gusto kong kunin ang Architecture and La Consolacion College - Bacolod lang ang puwedeng mag-offer ng Architecture na dekalidad kaya roon ako nag-aral. Siya, nanatiling sa La Salle kasama ang kakambal niya. Taking up Business Administration.

Mariin kong kinuhaan ng muta ang dalawa kong mata at napatulala na lang sa nagkalat na plates sa harapan ko. Pagod na pagod na ako pero kailangan ko pang tapusin ang mga plates na ito na ipapasa na sa Lunes. Ilang kape na rin ang naubos ko. Ilang pagkain na rin ang nakain ko. Pero wala, hindi pa rin ako tapos. Walang hiya. Ginusto ko 'to, dapat lang na tapusin ko 'to at panindigan.

Pitong plates ang kailangan kong ipasa pero nakakadalawa pa lang ako. Walang hiya talaga, kailangan ko talagang tapusin 'to. Bahala na 'yong walang tulog, basta matapos ko lang 'to.

"Be, gising ka pa? Tulog ka na. Anong oras na, oh?"

Napalingon ako sa bandang kama ng apartment at napangiti.

"Sige, babe, tatapusin ko lang 'to."

Gumalaw siya sa kaniyang pagkakahiga at tumalikod mula sa puwesto ko para magtalukbong ng kumot. Napangiti ulit ako habang nakatingin sa kaniya. At dahil sa sinabi niya, mas pinilit ko pa ang sarili kong tapusin kahit kalahati man lang ng plates.

We live in the same roof. We live in the same apartment. Dalawang taon na kaming magkasama rito. Pero hindi lang kaming dalawa, kasama namin ang kakambal niya, so bale tatlo kami. Pero madalas na wala si Therence kaya minsan kaming dalawa lang ni Therese dito. Alam n'yo naman na party-goer si Therence and quite the opposite si Therese kaya mas madalas kami sa apartment kaysa ang gumala kapag free time namin. Pero sa case ko, halos wala na akong free time kasi maraming gagawin sa school kaya madalas lang akong makakalabas tapos mas gusto ko pang kasama si Therese kaysa makasama ang iba. Hanggang sa naging madalang na lang talaga ang pagpapakita ko sa barkada.

Nagsimula ito no'ng grade twelve, after ng debut ni Ada. Dahil nga inagaw ni Therence si Jexter sa kaniya, hindi ako pinapansin no'n ni Ada kapag kasama ko si Therese, hindi rin niya pinapansin si Therese. Gusto ko mang magalit pero alam kong hindi lang niya gusto ang idea na nakikilapit siya sa taong may connection sa taong nanggago sa kaniya. Nakasanayan ko 'yon na madalas nang si Therese ang kasama kaysa sa kanila.

Nagkaayos lang kami no'ng graduation, few weeks after maghiwalay ni Therence at Jexter. Pero dahil nga college na, naging busy na rin kami tapos dinagdagan pa na nag-decide si Therese na sa apartment na kukunin nilang kambal na lang akong tumira. Okay naman, malapit na rin naman sa school na papasukan ko, isang sakayan lang ng jeep. Nandito kasi sa Burgos St., tapat ng YMCA, ang apartment na kinuha nila. Villanueva raw ang tawag. Pinayagan din naman ako ni Mama kaya walang naging problema sa pagtira ko rito. Hindi rin kasi kami puwedeng magsama nina Nicho at Madi sa iisang apartment kasi malalayo ang school na pinasukan nila, nasa kabilang part ng Bacolod pa. Parehong sa John B. Lacson nag-aral ang dalawa, with different courses.

Natapos ko ang lahat ng plates pero nakasilip na si haring araw nang matapos ako. Niligpit ko na lang ang mga kalat ko at naisipang magsaing na at hindi na matulog.

Yeah, I know, unhealthy. Sobrang unhealthy ng lifestyle ko. It's either may tulog ka pero wala kang may nagawa na requirements o wala kang tulog pero may mga nagawa ka. You choose your own fighter sa college.

Nagsaing ako gamit ang rice cooker. Habang naghihintay, nagtimpla ulit ako ng kape para hindi ako makatulog mamaya sa klase. Magdadala na lang din siguro ako ng kape mamaya sa klase, in case, kaysa bumili pa. Pareho namang kape 'yon.

Saktong nagising si Therence nang nagluluto ako ng ulam. Hotdog lang naman at ham na pinirito, nothing special, since ito lang ang available sa supply namin.

Bumaba si Therence galing sa double deck bed nila at nagkakamot pa ng buhok na kinuha ang towel niyang pangligo at tinapik ang balikat ko nang madaanan ako.

"Hindi ka na naman natulog 'no?"

"May kailangan kasing tapusin," sagot ko naman habang binabaliktad ang hotdog.

"Bakit ba kasi nag-architecture ka pa. Hindi mo pa ba gigisingin 'yan?" sabay nguso niya sa kakambal niyang natutulog sa ilalim na part naman ng double deck bed nilang dalawa.

"Mamayang alas-diyes pa ang klase n'yan."

"Sige. Mauna muna akong maligo ha?"

Tumango na lang ako at hinayaan na si Therence sa gagawin niya.

Natapos ako sa niluluto ko at inilatag na ito sa maliit na lamesang puwedeng all around: puwedeng study table, puwedeng working table ko ng plates, puwedeng dining table, puwedeng table lang. Depende sa kung anong gusto mong maging ang table na ito.

Mahimbing pa rin na natutulog si Therese kaya pagkatapos ni Therence maligo ay ako naman ang sumunod. Alas-otso kasi ang klase ko at mukhang ganoon din ang schedule ni Therence kahit na magkaiba naman kami ng school. Maaga kasi siyang nagising kaya I assume na maaga rin ang klase niya.

Mabilis lang akong naligo. Ewan ko kung bawal bang maligo kapag puyat ka pero bahala na, matagal ko na namang ginagawa ito, wala namang nangyayari sa health ko, okay pa naman ako.

Pagkalabas ko ng banyo, nakabihis na ako. Hindi kasi ako sanay na sa labas ng kuwarto nagbibihis lalo na't may kasama pa akong iba. Suot ko ang blue and white customized polo shirt ng department namin at nakalagay sa may bandang kaliwang dibdib ko ang logo at ang pangalan ng department namin na Arfien. Naka-pants lang din ako at susuotin ko 'yong tennis shoes ko mamaya.

"Tara, kain na tayo," pag-aaya sa akin ni Therence.

Nakabihis na rin siya pero may tuwalya pa sa ulo niya. Kanina paglabas niyang banyo, nakatapis lang siya, at sanay na sanay na rin naman siya sa ganoon at parang wala na ring pakialam sa akin kung makita ko man. Masiyadong liberated ang ways ni Therence kaysa sa kakambal niya. Magkaibang-magkaiba nga sila kahit may hawig ang mukha nilang dalawa. Pero para sa akin, mas maganda talaga si Therese.

Isinantabi ko ang towel at ang maruming damit na pinaghubaran ko sa kama at sinabayan si Therence sa pag-kain. Mahimbing pa rin na natutulog si Therese and alam namin na kapag sinubukan naming gisingin 'yan kahit tulog pa at kahit hindi pa oras ng kaniyang pag-alis, pareho kaming masisinghalan n'yan. Sinubukan ko no'ng una naming tira rito, nasigawan lang ako. Hindi ko na talaga inulit pa.

Tahimik kaming kumain ni Therence, minding our own business. Maya't-maya rin siyang napapatingin sa cell phone niya at magtitipa. Mukhang busy nga sa kaniyang boyfriend or kung sino man 'yan.

Just like what I said, I mind my own business.

Dahil maya't-mayang inatupag ni Therence ang cell phone niya kaya mas nauna akong natapos sa pag-kain. Nagtabi ako ng uulamin ni Therese mamaya paggising niya. Tumayo ako at hinugasan muna ang pinagkainan ko bago nag-toothbrush.

After sa lababo ay inayos ko naman ang kama ko at ang dadalhing gamit sa school at saka pa lang natapos si Therence sa pag-kain. Lumapit ako sa kama ni Therese at marahan siyang hinalikan sa kaniyang buhok, hindi na ginising pa para makapagpaalam.

Nakasukbit na ang bag at ang T-square ko sa balikat nang mag-toothbrush siya at magpaalam ako. Hindi naman siya makasagot kasi nga nagto-toothbrush kaya lumabas na lang talaga ako ng apartment.

Alas-siete y media pa lang naman at marami pa akong time para pumunta ng school kaya mellow lang ang naging galaw ko paglabas ng apartment building. Pinaghalong amoy ng ginamit na medyas at sapatos ang agad na tumumbad sa akin sa bawat pagdaan na ginawa ko sa mga rooms ng apartment building.

Lumabas ako ng gate at tumingin sa magkabilang gilid ng daan, left and right. May nakita akong kotseng galing sa kanang parte ng kanto at mukhang dadaan yata kaya hindi muna ako gumalaw para maglakad papunta naman sa kaliwang bahagi ng kanto, kung saan ako puwedeng sumakay papuntang school. At saka one-way lang din itong kanto ng apartment na tinitirhan namin kaya mahirap talagang maglakad kapag may dadaan na kotse o kahit anong klaseng sasakyan.

Pero biglang tumigil ang isang pick-up na kulay itim sa mismong harapan ko. Medyo napaatras pa ako dahil sa gulat pero alam ko namang hindi talaga ako madadanggil. Nakakagulat lang na bigla itong tumigil sa tapat ko.

Sakto ring nakabukas ang bintana ng driver's side kaya agad kong nakita kung sino 'yon. No'ng una, hindi ko pa nakilala kung sino dahil sa suot niyang shades at medyo mahaba-haba niyang buhok pero nang magtagal ang tingin ko, unti-unti akong napangiti.

"Tonton?" laking tuwa ko nang makakita ng isang pamilyar na mukha!

Anong ginagawa ni Tonton dito? Ang tagal ko ring hindi nakita ang batang ito, ah? Hindi na kasi ako nakakasama sa mga gala ng barkada na nandito lang naman sa Bacolod. Palagi akong pass. Hindi na rin ako masiyadong nakababad sa social media ngayon kaya hindi ko na masiyadong alam ang mga balita tungkol sa mga batang hamog ng simbang gabi.

Kaya nakakatuwa lang na may nakita akong isang miyembro no'n, 'no.

Tinanggal niya ang suot niyang shades at lumingon sa akin. Tumingin lang siya sa akin, ni hindi nga ngumiti at bumati. Nakatitig lang siya sa akin hanggang sa lumipat ang tingin niya sa likuran ko kasabay ng pag-ingay ng pagbukas ng gate.

Napalingon ako sa likuran ko at wala sa sariling nasundan ng tingin si Therence.

"Hi, babe!"

Sinundan ko ng tingin ang paglapit ni Therence sa driver ng kotseng tumigil lang sa tapat ko. Hinalikan niya iyon sa hindi ko alam kung saang parte ng mukha basta ang alam ko ay hinalikan niya iyon bilang pagbati.

Naramdaman ko ang pagkawala ng ngiti ko matapos ang nakita. Lumingon sa akin si Therence at kumaway. "Bye, Zet! Gising na pala si Therese. Una na ako."

Umikot si Therence sa kabilang side ng kotse matapos niyang magsalita. Hindi ko nasundan ang pagpasok niya kasi nabaling na naman kay Tonton ang tingin ko.

Nakatingin pa rin siya sa akin at dahan-dahan niyang isinuot muli ang shades saka siya ngumisi at nagpahurorot ng takbo.

Wala sa sarili kong nasundan ng tingin ang kotseng papalayo.

"Sila? What the heck?"

Si Tonton ang bagong boyfriend ni Therence? What the heck talaga? Pero hindi nga imposible 'yon since nasa La Salle din naman daw nag-aaral 'yong si Tonton. Baka nagkamabutihan ang loob at naging ganoon. Pero bakit?

Napabuntonghininga ako at humigpit ang hawak sa strap ng T-square bag ko. Napa-iling na lang ako at nagpatuloy sa paglalakad papunta sa kanto para makasakay na ng jeep papuntang school.

Walang hiyang Tonton talaga kahit kailan. Hanggang ngayon, hindi pa rin marunong pumansin sa akin. Wala naman akong masamang pakikitungong naipakita sa kaniya. Bakit kailangan niyang sungitan ako at ganoon pakitungohan? Ano bang ginawa ko? Ano bang nagawa ko? Bakit parang kasalanan ko pa?

Nakinig na lang ako sa klase buong araw at hindi na inisip 'yon. Wala rin naman akong mapapala kapag inisip ko 'yon.

Habang nasa school, nag-text sa akin si Therese na hindi raw sila makakauwi tonight kasi may a-attend-an silang debut sa L Fisher Hotel and magho-hotel daw sila ng parents nila since invited din daw 'yon. Alam ko na naman ang tungkol doon kaya hindi na ako nagtanong pa. Kilala ko rin 'yong magde-debut, si Sandi Hinolan na pinsan ng kaibigan kong si Hugo, pero hindi invited ang pamilya namin kaya hindi ako puwedeng pumunta kahit pa i-invite pa ako ni Hugo. Parang exclusive kasi 'yong debut na iyon.

So, mag-isa ako ngayon sa apartment? Mabuti pang umuwi muna ako sa city namin. Biyernes din naman ngayon at wala naman kaming pasok tuwing Sabado. Mabuti na lang talaga at pinagpuyatan ko ang plates kagabi, magiging libre ako this weekend.

Dumaan ang weekend na parang isang kisap-mata lang. Ang bilis dumaan, ang bilis natapos. Wala naman akong masiyadong ginawa pag-uwi ko kasi nakahilata lang ako sa bahay. Pero paniguradong natuwa rin naman sina Lolo pag-uwi ko since ilang linggo na rin akong hindi umuuwi dahil sa pagiging busy.

Sunday ng hapon ay bumiyahe ulit ako pabalik ng Bacolod. Hindi naman umuwi ang kambal sa city namin kaya for sure nandoon na 'yon sa apartment.

Matapos ang halos tatlong oras na biyahe, pagkarating ko ng apartment ay wala akong naabutan na tao. Sarado pa ito nang buksan ko. Kaya sa pagtataka, nag-text ako kay Therese, asking her whereabouts. Nagtanong lang naman ako ng sa'n ka?

Matapos kong ayusin ang mga dala kong bag sa biyahe ay tumawag din si Therese.

"Sa'n kayo?"

"Hi, be! Sorry, hindi ko na nasabi sa 'yo. Mahina kasi ang signal kanina, mabuti na lang at may signal na rito sa kinaluluguran namin ngayon. Nag-aya kasi 'yong classmates ko from La Salle, road trip daw. Tapos umabot kami ng DSB."

Dahan-dahan akong napaupo sa kama ko at wala sa sariling napatango.

"Ganoon ba? Dito ka kakain ng hapunan? Si Therence nga pala?"

"Si Therence? Nakipag-date sa boyfie niya. Hindi na siguro. Sabi nila may dadaanan daw kaming kainan before umuwi. Hindi na siguro, be."

"Sige. Ingat ka r'yan."

"Sige, bye!"

"I lo-" ve you.

At bigla na lang naputol ang kabilang linya. Napabuntonghininga ako habang nakatingin sa cell phone ko.

Hindi ko naman pinagbabawalan si Therese sa mga gusto niyang gawin. Maluwag kami sa isa't-isa. Hindi rin naman ako selosa or whatever. Basta bang alam kong masaya siya, masaya na rin ako.

Iginala ko ang tingin sa kabuuan ng apartment. Anong gagawin ko rito, e, mukhang mag-isa ako buong gabi? Kain kaya ako sa labas?

Napatingin ulit ako sa cell phone ko at naisipang tawagan si Ada. For sure nandito 'yong bugok na 'yon dito. Nagtatago lang. Hindi ko lang alam kung kanino o kung bakit siya nagtatago. Basta ang sabi niya, nagtatago raw siya.

Hinanap ko ang number ni Ada at saka cl-in-ick ang call button. Siyempre, sim one ang gamit. Isang sim lang din naman ang gamit ko kasi nga loyal ako. At saka iPhone 'to tanga, malamang isang slot lang talaga ang sim. Maliban na lang kung china made ang iPhone, 'yon malamang may dual sim.

"O, ano? Wala si Therese d'yan 'no? Psh, saka mo lang naman ako tatawagan kapag wala si Therese."

Mahina akong natawa dahil sa pambungad na bati ni Ada sa akin.

"May I remind you na saka mo lang din ako pinapansin noon kapag hindi ko kasama si Therese."

Malakas na tumawa si Ada sa kabilang linya dahil sa sinabi ko. "Okay, quits. Anong sadya mo?"

"Kain tayo dinner. Marby's."

"Wow, grabe. Himala, nag-aya? Libre mo ba?"

"Oo ba, basta sunduin mo 'ko rito sa apartment. Binyagan natin 'yang bagong baby mo? Balita ko nakaluwagluwag ka na raw?"

Tumawa ng malakas si Ada sa kabilang linya. Kahit kailan talaga, walang ka-poise poise kung tumawa ang bugok na 'to.

"Yosef nagsabi sa 'yo 'no?"

"Oo! Nagkita kami no'ng Sabado sa palengke."

Mas lalong tumawa si Ada. "Sige. Bihis lang ako."

Binaba ko rin ang tawag nang mapagkasunduan naming susunduin niya ako rito sa apartment.

Mga ilang minuto lang din ang nagdaan ay nag-text na si Ada na going na raw. Lumabas ako ng apartment at iniwan muna ito pansamantala. Hindi na ako nag-text kay Therese na lalabas ako. Mabilis lang naman ito at saka ayoko muna siyang istorbohin.

"Wow! Ebarg! Bagong-bago!" mahina kong tinapik-tapik ang hood ng kotse niya habang umiikot para makasakay sa front seat.

"Belated birthday gift daw ni Lolo Mado," sagot niya nang makapasok ako sa kotse niya.

"Naku po. Bawas na naman 'yan sa mana mo. Sinasabi ko talaga sa 'yo, Adaline, wala na talagang natirang mana sa 'yo."

"Gaga ka talaga kahit kailan, Zetty!"

Inambahan lang ako ng batok ni Ada pero nag-drive din naman papunta sa destinasiyon namin. Sa likuran lang naman ng San Ag kami pupunta.

"Ganda, dito na kayo kumain. Bente tatlong piraso na ng inasal may kasama pang isang cup ng rice."

"Ganda, dito kayo."

"Ganda, inasal?"

"Ganda!"

"Kaya gustong-gusto ko talagang kumakain dito sa Marby's, e. Pinag-aagawan ka na nga, tinatawag ka pang ganda, tapos may pausok effect pa. Taray, 'di ba?"

Natawa na lang ako sa pinagsasabi ni Ada. Nang makarating kasi kami sa kakainan namin, agad kaming tinawag ng kung sino-sinong nagbabantay ng iba't-ibang stall ng inasalan at barbeque-han. Alam ko na rin naman kung saan banda ang masarap dito kaya roon na ako dumiretso.

Namili lang kami ng kakaining inasal at barbeque. At saka kami naghanap ng table para hintayin ang orders namin.

"Nasaan nga pala si Therese?"

"DSB."

"Nang hindi ka kasama?"

Umismid ako. "Classmates niya sa La Salle ang kasama niya. Masiyadong conyo kaya palagi akong pass sa pagsama kapag sila ang kasama."

"Sabagay… mabuti pa 'tong mga Unorian, chill lang."

"Pinagyabang pa ang sariling eskuwelahan! Siyempre, hindi papatalo ang LCCian d'yan!"

Natawa kami ni Ada sa pagmamayabang na ginawa namin hanggang sa humupa ang tawanan.

"Zet, magta-transfer ako ng school."

"Saan naman?" kunot-noong tanong ko.

Hindi muna siya nakasagot dahil inilapag na rin ang mga in-order namin. Inatupag muna namin ang pag-a-arrange no'n saka niya p-in-icture-an para pang story lang daw. Isinuot ko 'yong plastic gloves para makapagkamay kami habang kumakain. Nilingon ko ulit siya.

"Bakit ka naman magta-transfer?"

"Sa Cebu at saka sa wala lang, trip ko lang," kibit-balikat na sagot naman niya.

Nanatili sa bibig ko ang stick ng inasal na kinakain ko dahil sa pagtataka sa sinagot niya.

"Huh? Anong trip? At saka, Cebu? Bakit nga?"

Inilapag niya ang bitbit na inasal sa paper plate niya at tipid na napangiti sa akin. "May iiwasan lang ako."

"Iiwasan? Huh? Bakit? Sino? May nangyari ba sa 'yo?"

Malalim siyang huminga at umiwas ng tingin sa akin para tingnan ang paper plate niya.

"Masiyado lang kasing magulo ang buhay ko rito. Gusto ko lang umiwas sa mga Lizares."

"Mga Lizares? Bakit? May ginawa ba sila sa 'yo?"

"Wala naman. Ginulo lang talaga nila ang takbo ng utak ko. Gusto ko lang muna makalayo, pansamantala."

"'Yon lang?"

"Oo, 'yon lang. Gusto ko lang talaga munang umiwas. At saka, on processing na ako ng mga papers ko. Hinihintay ko na lang ang pag-release at puwede na akong makaalis. Siguro by next week."

Napa-iwas ako ng tingin kay Ada at panandaliang nag-isip. Nang makaisip, ibinalik ko rin ang tingin ko sa kaniya.

"Bakit? May gusto ka ba sa isa sa kanila kaya ka umiiwas?"

Napabuntonghininga si Ada sa tinanong ko at halata sa mukha niya na may bumabagabag nga sa kaniya.

"One of them confessed na nagkagusto raw siya sa akin but I like someone else."

Nangunot ang noo ko sa sinabi niya, may bumalatay na gulat sa aking sistema.

"Sino sa kanila?"

"Basta."

Napa-iwas ako ng tingin. "I hope that's not Tonton."

"Why?"

I knew it. Mukhang si Tonton nga. Nalintikan na talaga.

"Boyfriend ni Therence si Tonton ngayon. Saw him last week, sinundo si Therence sa apartment."

Umiwas ng tingin si Ada sa akin at hilaw na natawa, nahilamosan na rin ang mukha. Sinasabi ko na nga ba at si Tonton ang umamin sa kaniya.

"Tonette was right all along. I should have listen to her. Lizares are untouchables, and they should be untouchable."

~