webnovel

When The Waves Touch The Sky (Tagalog)

Zetty Mondejar loves risking her life. Will she be able to risk anything for the man of her life?

_doravella · perkotaan
Peringkat tidak cukup
47 Chs

The Apartment Visitor

Pinaglaruan ko ang tube na lalagyan ng plates ko at napatulala sa isang tanim rito sa open area ng building. Iniisip 'yong huli naming usapan ni Ada. It was weeks ago pa talaga. Tapos dahil sa usapang iyon, parang bigla ko ring naalala ang mga tingin ni Tonton kay Ada dati, 'yong mga tingin niyang naaabutan ko.

Sabi na, duda ako sa balbon na 'yon, e.

Pero kung si Ada ang gusto niya, bakit si Therence ngayon ang girlfriend niya? Ano 'yon? Anong klaseng palabas 'yon? Hindi naman siguro lingid sa kaalaman ni Tonton ang inis na naramdaman noon ni Ada kay Therence dahil sa Jexter na iyon pero bakit biglang ganoon? Ano, trip lang? Walang hiya. Ang sakit sa ulo. Bakit ko ba iniisip 'yon?

"Zet, ano? One bot daw sa Ramos?"

Nilingon ko 'yong kaklase kong nagsabi no'n at tumapik ng balikat ko. Itinuro ko sa kaniya ang tube na hawak ko at masama siyang tiningnan.

"'Wag n'yo 'kong dinedemonyo, ha? Pass muna, monthsary, e." Tumayo ako at isinukbit ang tube na hawak ko at ang bag.

Umismid ang mukha ni Hansel sa naging sagot ko. "Ilang taon na, nagsi-celebrate pa rin ng monthsary."

"Mahal, e," kibit-balikat na sagot ko.

"Daya talaga nitong si Zetty. Sumama ka na sa amin sa susunod ha."

"Oo nga."

"Pang-ilang pass mo na ito."

"'Wag ka nang mag-pass sa susunod."

"Oo ba!"

Napa-iling na lang ako sa mga pinagsasabi ng mga kaklase ko pero sinamahan ko na naman sila sa paglalakad palabas ng building at school.

Nagkahiwalay lang kami dahil iba-ibang jeep ang sasakyan namin. Mas naunang sumakay 'yong mga kaklase ko kaysa sa akin. Pupunta akong La Salle para roon na hintayin si Therese kasi kakain kami sa labas para i-celebrate ang monthsary namin at gagala na rin after like we always do.

Nag-aabang na ako ng jeep papuntang La Salle nang bigla akong my naalala.

Walang hiya ka talaga, Zettiana. Kahit kailan ang tanga mo talaga.

Napasapo ako sa noo ko at imbes na pumara ng jeep papuntang La Salle, nag-taxi na lang ako para kahit papaano ay bumilis ang pagpunta ko. Kahit na bawas na naman sa allowance ko, pagbibigyan ko muna ang sarili kong mag-taxi kaysa naman ma-late ako. She hates late person pa naman.

Pagkasakay ko sa taxi, agad kong sinabi ang address ng apartment. Ang tanga tanga kasi, Zettiana, e.

Ilang minuto lang din naman ay nakarating na ako sa mismong tapat ng gate. Sa sobrang pagmamadali ko, nakalimutan ko nang kunin ang sukli sa pera ko. Sige lang, tres pesos lang naman siguro 'yong sukli no'n. Tulong ko na lang kay manong driver 'yon.

May thirty minutes pa naman ako para maghintay sa kaniya at balikan ang naiwan kong regalo sa kaniya pero gaya ng sabi ko kanina, she hates late person, lalo na kapag ganitong klaseng event.

At, oo, alam kong nasa iisang apartment lang kami, puwedeng-puwede kong iwan ang regalo at saka lang ibigay sa kaniya kapag pareho na kaming nakauwi o doon ko na lang ibigay sa kaniya sa apartment pero espesyal kasi ang araw na ito kaya mas maganda kung iaabot ko sa agad sa kaniya the moment na magkita kami. Ang gusto pa naman no'n ay dapat espesyal talaga ang mga araw na katulad nito.

Pagkarating ko sa tapat ng apartment door namin ay napahinto ako nang makitang may extra'ng sapatos na nasa labas. Nakasanayan kasi namin na dapat naka-paa kami o nakasuot no'ng slippers namin na panloob at dapat iiwan ang mga sapatos, sandals, at kung ano pang sapin sa paa kapag papasok sa loob. And that applies to all visitors.

Panlalaking sapatos ang nakita ko. School shoes to be exact kaya alam ko na kung kaninong bisita ito. Pero umaasa akong ibang mukha naman ang makita ko.

Bumuntonghininga ako at saka maingat na kumatok, 'yong medyo may kalakasan din para malaman naman nila na may tao sa labas ng pinto at ako 'yon, kung saka-sakaling may ginagawa nga sila na paniguradong hindi ko magugustuhan.

Dalawang beses dapat akong kakatok at may lapses ang bawat katok na iyon para naman mabigyan sila ng time mag-ayos kung saka-sakali nga'ng may ginagawa sila.

Pero naka-isang katok pa lang ako, narinig ko na ang sigaw ni Therence mula sa loob.

"Bukas 'yan!"

Bukas 'to? Hindi ba sila nagla-lock ng pinto?

Pinihit ko ang knob ng pinto and quite amused na hindi nga naka-lock ito. Hinubad ko muna ang sapatos bago tuluyang pumasok sa loob.

Nang makapasok, napakurapkurap pa ang mata ko nang makita si Therence na nakaupo sa kama ni Therese at nakahiga naman si Tonton sa kama ko. So bale magkaharapan silang dalawa since magkaharapan naman ang kama namin ni Therese.

Prenteng-prenteng nakahiga si Tonton sa higaan ko. Nakasandal 'yong ulo niya sa mismong dingding na katabi ng kama pero relax na relax talaga siya, girl. Parang kaniya. Samantalang si Therence ay naka-indian sit lang sa kama ng kakambal niya.

Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kanilang dalawa at natawa. Wala ba silang ginawang kababalaghan? Parang hindi naman magulo ang both beds. Pati ang upper bed ng double deck ay okay naman, hindi naman magulo. Ano 'yon? Nakatayo lang sila habang ginagawa 'yon? Standing ovation ang drama?

"Oh? Akala ko ba may dinner kayo ni Therese? Ba't ang aga mong umuwi?"

Natigil ang tingin ko kay Therence nang muli siyang magtanong. Hinubad ko na rin ang bag ko at ang ibang dalahin para sana ilapag sa kama ko pero hindi man lang tumayo si Lizares. Talagang nanatili lang siya sa kama ko. Relax na relax talaga.

"'Yon na nga. Naiwan ko kasi 'yong regalo. Alam mo na, medyo tanga talaga ako," sabi ko na sinabayan ko pa ng sariling biro.

"Monthsary kasi nila, babe."

Naglakad ako papunta sa kama ko at tumango kay Tonton nang magtama ang tingin naming dalawa. Hindi man lang niya sinagot ang sinabi ng girlfriend niya. Hindi nga niya sinagot ang pagtangong pagbati ko.

"Hehe, nakahiga ka sa kama ko," pagag akong natawa habang sinasabi 'yon.

At saka pa lang siyang napatayo nang punahin ko iyon.

"Ah? Kama mo ba 'to?" sabi niya sabay tayo.

"Hindi, okay lang na higaan mo," pang-aalu ko sa pag-alis niya at saka lumingon kay Therence. "Basta walang magmimilagro sa kama ko," sinabi ko ng pabiro kay Therence at tiningnan siya ng isang makahulogang tingin. 'Yong tingin na palagi kong ipinupukol sa kaniya sa tuwing dinadala niya ang boyfriend niya rito sa apartment.

Natawa si Therence sa tingin ko sa kaniya pero agad din namang umismid.

"Wala 'yan," sabi niya pa.

"Sige lang, Ton. Upo ka lang. Kukunin ko lang naman talaga 'to," sabi ko pa kay Tonton nang nanatili siyang nakatayo sa espasyo ng kama ko at ng double deck ng kambal at agad kinuha ang regalong inilagay ko sa ilalim ng kama ko at ipinakita sa kaniya. Nang makuha ko, agad akong tumayo. "Pasensiya na sa distorbo. Kukunin ko lang talaga 'to. Nakalimutan ko kasi talaga."

Isinukbit kong muli ang bag pero iniwan ko na 'yong drawing storage tube at ang T-square ko.

"Sige, alis na ako. Bye!" nagmamadali ako kaya 'yon lang ang tanging naging paalam ko sa kanila bago ako dali-daling lumabas ng apartment.

Nag-taxi ulit ako para mabilis talaga ang pagdating ko sa La Salle.

I did not wait long kasi sakto lang ang oras ng pagdating ko sa tapat ng USLS campus. Agad ko rin namang nakita si Therese na palabas ng gate one ng campus.

She's with her few friends and classmates from La Salle. Some were familiar, some weren't. Hindi na kasi siya 'yong katulad no'ng high school. She learned to interact with others. She learned to socialize with them. Quite impressing pero essential nga pala 'yan para maka-survive sa college. 'Yon din naman kasi ang ginagawa ko, except that I am just naturally friendly. In-born, kumbaga.

Nasa loob ako ng seven-eleven, naghihintay. Hindi na rin naman ako bago sa lugar na ito. Hindi na rin naman bago na may tiga-ibang school na naghihintay sa labas ng campus ng La Salle. Hindi na 'to bago kasi marami kaming may hinihintay din na Lasalista.

Pinapatunog ko ang bawat daliri ko sa kamay because I feel so satisfied kapag naririnig ko ang crack ng every joints of my fingers. It became my mannerism na rin at saka sabi nila it's good daw when you crack your knuckles kasi nari-release mo 'yong excessive gases in your body. Wala, sinabi lang no'ng kaibigan kong MedTech from San Ag.

Pinagmasdan ko ang bawat kilos ni Therese habang nasa labas na sila ng gate at kaniya-kaniya na silang pagpapaalam sa mga classmates and friends nila. I already texted her naman na nasa seven-eleven lang ako. Siguro naman, didiretso na rin 'yon dito, hihintayin ko lang ang pagpapaalam na ginagawa niya sa mga kaibigan niya.

She waved goodbye to everyone except with this particular girl na kanina niya pang kausap. Nakipagbeso ka siya rito bilang paalam. Maganda 'yong girl and she looks girly din naman. Puwede ko rin siyang maging crush but not my typical type. There's nothing wrong with there gesture naman pero wala lang, wala lang talaga. Charot ko lang 'yon, sinasabi ko lang ang na-observe ko.

They parted ways and then she went to the pedestrian lane para tumawid sa kabilang lane at kung saan din located ang seven-eleven na kinaluluguran ko.

Nakatingin lang ako sa kaniya the whole time, sinusundan siya ng tingin hanggang sa magpang-abot ang tingin naming dalawa.

Saka lang nagtama ang tingin naming dalawa nang makapasok na siya nang tuluyan sa store. Agad akong kumaway sa kaniya. Ngumiti rin naman siya pero bakit hindi man lang umabot sa mata niya ang ngiti?

Napatayo ako nang makalapit siya at agad ibinigay sa kaniya ang regalong binalikan ko pa talaga sa apartment kanina.

"Happy monthsary," nakangiting sabi ko nang iabot ang regalo.

Tinanggap niya iyon at sinipat ng panandaliang tingin. "Saan tayo magdi-dinner?"

"Ikaw? Saan mo gusto?"

Salubong ang kilay niya nang mapatingin sa akin. "We've been doing this for years, Zetty, pero hindi mo pa rin alam kung saan tayo kakain?"

Hala, teka! Napakamot ako sa may batok ko at mapaklang napangiti sa kaniya, trying to ease her coolness.

"Sa Zark's na lang."

"Zark's?" walang ganang tanong niya. "Okay, fine. Tara na," at nauna siyang maglakad.

Ikinurap ko pa ng maka-ilang beses ang mata ko bago ko siya nasundan sa paglabas ng store. Nagulat talaga ako sa biglang inasal niya. Ano bang mayroon? May problema ba?

Sumakay kami ng jeep papuntang SM nang hindi nag-uusap. Tahimik kaming dalawa. Tahimik ako kasi sinusubukan ko pang i-sink in sa utak ko ang naging asal niya nang magkita kami. Siya? Hindi ko alam kung bakit tahimik. I don't even know what's happening. Is this her normal tantrums day? Pero wala naman siya ngayon? Ako nga dapat ang mainitin ang ulo ngayon kasi ako ang mayroon ngayon.

Sa biyahe sa jeep, maya't-maya ang naging tingin ko sa kaniya. Hindi man lang siya umimik. Nasa lap niya 'yong regalong inabot ko kanina pero alam kong sa likod no'n ay nandoon ang cell phone niya. Sa tantiya ko, 'yon din ang tinitingnan niya ngayon.

Pinabayaan ko na, baka bad day lang.

Hanggang sa makarating kami sa mall at makaupo sa kainan na sinabi ko kanina, tahimik pa rin siya, abala sa cell phone niya.

Normal naman siyang nakipag-usap sa akin no'ng itanong na kung anong order namin at habang naghihintay ng order.

"Hindi mo ba bubuksan 'yan?" lakas-loob na tanong ko pagkaalis ng waiter.

Pinasadahan niya ng tingin ang regalo sa ibabaw ng lamesa, katabi pa rin ng cell phone niya. Her cell phone lit up kaya inatupag muna niya iyon bago sumagot sa tanong ko.

"Mamaya na lang. Baka kung ano pang laman n'yan at magkalat pa rito sa loob ng resto, nakakahiya."

May point din naman siya kaya tumango na lang ako sa naging sagot niya.

Maya-maya lang din ay dumating na rin naman ang order namin. Masiyadong maaga ang naging dinner namin. Dapat gagala muna kami bago kami kumain pero mamaya na lang siguro after dinner. May time pa naman.

She silently munch her own food. Ako naman, it took me seconds before kong naatupag ang sariling pagkain. Tinatantiya pa rin ang sariling nararamdaman.

She moderately ate her food, without talking to me, without even glancing at me. Is there something wrong? Kailangan ko na bang kabahan sa inaastang ito ni Therese o habaan pa ang pasensiya because that's the right thing to do?

Letter b is the answer, kaonting pasensiya pa, Zettiana. 'Yon naman talaga ang kailangan sa isang relasyon.

Natapos kaming kumain nang tahimik pa rin. Nag-decide na lang ako na bayaran ang bills kaysa mag-stay pa rito. Maybe a different location can help change the ambiance. Baka nga talaga pagod lang siya sa araw na ito.

Matapos kong magbayad sa kinain namin, agad akong bumalik ng table.

Ngumiti ako sa kaniya as she scoop her things. "Where do-"

"Let's go? May kailangan ka pang tapusing plates 'di ba?"

Agad siyang tumayo matapos niyang makuha ang mga gamit niya, hindi man lang ako pinatapos sa pagsasalita.

"Okay lang kung may gusto ka pang puntahan na iba. Hindi rin naman ako makakagawa ng plates kasi nandoon si Therence at ang boyfriend niya."

"Uwi na lang tayo. May kailangan din akong gawin. I have lots of assignment to do," she said with heavy breathing.

Napabuntonghininga ulit ako at agad tumango. Nakita ko rin sa mukha niya na pagod na pagod na siya. Reasonable naman. Napapansin ko lang nitong mga nakaraang linggo, nagiging pagod na siya, siguro dahil sa school works and other requirements. Ganoon din naman kasi ako. The only thing I'm good at is I know how to balance everything. Hindi naman sa nagmamayabang, ha.

Nang makalabas kami sa exit ng mall, napahinto siya sa paglalakad at napalingon sa akin. "Puwede ba tayong mag-taxi pauwi? Don't worry, I'll pay the pamasahe."

Nagulat ako sa paghinto niya kaya napatango na lang ako bilang sagot sa tinanong niya. Agad din naman siyang naglakad papunta sa taxi lane. Sakto ring wala namang ibang naka-linya for taxi kaya agad kaming nakasakay.

Magkatabi kami sa likuran pero tahimik pa rin kami nag-uusap. Ako na nga lang ang nagsabi kay manong driver kung saan kami bababa.

Kung hindi lang siguro sa stereo ni manong, walang ibang magiging ingay ang loob ng taxi.

Gusto ko siyang tanungin sa naging araw niya like I always do kapag nagkikita na kami at the end of the day. Gusto ko siyang biruin sa mga nangyari sa araw niya like I always do para lang mapatawa siya. Gusto kong pagaanin kung mabigat ang nangyari sa araw niya para lang mapagaan ang buhay niya. Because that is always what I do. 'Yon 'yong nakasanayan ko kasi 'yon ang gusto niyang ginagawa ko.

Hanggang sa nakarating na kami sa apartment building, hindi na ako nakapagsalita. I was about to get my wallet para kumuha ng pamasahe sa taxi pero naunahan na niya ako sa pagbayad ng isang two hundred peso bill. Matapos niyang abutin 'yon, agad siyang lumabas sa kabilang side ng pinto kahit hindi pa nakukuha ang sukli sa pamasahe niya.

Ako na lang 'yong nag-stay sa taxi para makuha ang sukli niya na agad din namang inabot ni manong sa akin. At saka ako dali-daling lumabas ng taxi para masundan si Therese.

Mabilis ang kaniyang paglalakad na parang may hinahabol, na parang nagmamadali, na parang may tinatakbuhan. Pero salamat sa flat shoes ko, mabilis kong nasundan ang paglalakad niya.

"Therese, teka lang, may problema ba?" pinigilan ko siya sa paglalakad, meters away from our apartment. Nasa gitna kami mismo ng hallway ng mga apartment. Kung ano man itong sasabihin niya at kung anong pag-uusapan namin, paniguradong maririnig ng mga taong nasa loob ng apartment na nasa kabilang gilid namin.

Nanatili siyang nakataliko sa akin. Ako naman ay naghihintay kung kailan siya lilingon.

Malalim siyang bumuntonghininga hanggang sa dahan-dahan siyang pumihit paharap sa akin.

"I'm sorry, Zet. Pagod lang talaga ako sa araw na ito. Marami rin akong kailangang ipasa at tapusin. Maiintindihan mo naman ako 'di ba?"

Dahil sa sinabi niya, unti-unting sumilay ang ngiti sa aking labi at mataman siyang tiningnan. Marahan kong hinaplos ang pisnge niya. "Oo naman. Palagi naman 'yan, babe."

Ngumiti siya pero hindi ulit umabot sa mata niya at hindi man lang umangat ang labi niya. "Thank you."

Sinubukan niya ulit ngumiti at tumango sa akin, itinuro ang direksiyon ng apartment. Inilagay ko ang takas na buhok niya sa likuran ng kaniyang tenga at marahan siyang tinapik sa balikat. Ngumiti na rin at nagsimulang maglakad papunta sa apartment room.

Gusto ko sanang sabayan siya sa paglalakad pero dahil iisang tao lang ang kasya, kapag naglalakad, sa hallway ay hinayaan kong mauna siya at ako'y tahimik na nakasunod lang. Trying so hard not to go on her bad side.

Dahil mas nauna siya, siya na rin mismo ang nagbukas ng pinto. Hindi man lang siya kumatok at hindi man lang niya ginamitan ng susi. Ganoon ba siya ka-confident na bukas ang pinto- ah, kaya naman pala, kasi nandito pa ang sapatos ni Tonton. Hanggang ngayon nandito pa sila?

"Hi, sis. Hi, Tonton!"

Napatingin ako sa likuran ni Therese nang masigla niyang binati ang kakambal at ang boyfriend nito. Medyo nagulat pa ako sa pagka-active ng kaniyang boses. Nakipag-beso siya sa dalawa nang tuluyan kaming makapasok.

Tinanggal ko muna ang sapatos ko at inilagay sa shoe rack na malapit lang sa pinto. Dahil medyo nagulat ako sa inasta ni Therese, pagngiti lang ang kaya kong ibati sa mag-jowa. Kung hindi ko lang nakita na naglalaro sila ng baraha, mukhang hindi talaga ako makakapag-reak.

Wala talaga silang ginawang milagro? Ano ba 'yon? Ramdam ba nila na parating kami kaya agad silang natatapos or what?

"Ang aga niyo namang umuwi? Akala ko mamaya pa kayo?" tanong ni Therese matapos ko silang batiin, patuloy pa rin sila sa paglalaro ng baraha. Sinubukan kong pansinin si Tonton pero hindi siya nakatingin sa akin, abala siya sa barahang hawak niya.

"Maraming plates si Zetty, kailangan niyang tapusin."

What?

Hindi ko tuluyang nailapag ang bag sa kama ko dahil sa sinabi ni Therese. Nakatalikod ako sa kanila. Teka, bakit ako?

"Awe, kill joy naman." narinig kong sabi ni Therence.

Hindi na lang akong umimik at hinagilap na lang ang mga materials na gagamitin ko para mapaninidigan ang pag-uwi namin ng maaga. Kung ganito pala ang siste, sana pala sumama na lang ako sa mga kaklase ko kanina na mag-one bott sa Ramos.

Oo, marami akong plates na kailangang tapusin pero malayo pa ang deadline nito. One night of skipping it won't hurt a butt.

Gusto ko sanang magbihis pero may bisita nga pala kami kaya hindi na. Mas inatupag ko na lang ang paghahanap sa G-Tec na gagamitin ko. Nalintikan na, saan ba kasi nagsusuot 'yon?

"Ano 'yang nilalaro n'yo?"

"Unggoy-unggoyan. Gusto mo sumali? Ang daya kasi nitong si Newton, e."

Mahina akong bumuntonghininga nang lapitan ni Therese ang dalawang naglalaro ng baraha. Patuloy pa rin ako sa paghahanap ng G-Tec ko. Atay oy, asa man ka!

Pasensiya, Zettiana, pakihabaan.

Nang mahanap ko, pinagsalikop ko ang mga gamit ko at lumapit sa mga naglalaro sa lamesa. Malawak akong ngumiti sa kanila nang sabay-sabay nila akong lingunin.

"Puwedeng hiramin ang lamesa? Okay lang na sa kama ko kayo maglaro."

Agad din naman nilang ibinigay sa akin ang lamesa at lumapit nga sila sa kama ko. Unang umupo roon si Therese at kinuha pa ang barahang hawak ng kakambal. Sumunod si Therence. Panghuli ang nag-iisang lalaki sa kuwartong ito.

Inilapag ko ang mga gamit ko sa lamesa, malinis naman ito at hindi basa kaya safe ang mga gamit ko. Nang maramdaman ko ang presensiya ni Tonton sa tabi ng lamesa, napatingala ako sa kaniya at tumango.

"Wala ka bang drafting table?" nakangiwing tanong niya.

Lumingon pa ako sa likuran niya, kung saan abala ang kambal sa pagbalasa ng baraha, bago siya muling tiningnan para sumagot.

Ang galing! Alam n'ya 'yong drafting table?

"Wala. Walang pera. Ang mahal kasi no'n tapos hindi rin kasiya rito," sagot ko na lang.

Hindi na rin naman siya sumagot pa kasi tinawag na siya no'ng kambal at sinabihan na 'wag na akong guluhin kasi may kailangan pa raw akong tapusin. Inalatag ko ang mga gagamitin ko at mas piniling doon itoon ang tingin at buong atensiyon ko.

~