3 Chapter 2 - The Bodyguards

LOPEZ MANSION...

Lahat ng tao naghahangad na balang araw makatagpo ng kanilang mapapangasawa.

Mamahalin at magiging katuwang sa buhay.

Ngunit iba sa sitwasyon ng isang Ellah Lopez, bilang apo ng isa sa pinakamaimpluwensiyang tao sa lipunan kailangan na agad niyang makahanap ng makakatuwang sa buhay.

Hindi lang sa buhay kundi sa kumpanya.

Kailangan niyang mag-asawa upang ipagkatiwala na sa kanya ang pamamahala bilang tagapagmana.

Hindi na usapin ang pag-ibig ang mahalaga, magkasundo sila ng mapapangasawa at marunong sa larangan ng negosyo.

Kaya ang pinakamabilis na paraan ang naisip niya ngunit bigo rin pala.

Siyempre isa sa qualifications ay gwapo!

Wala siyang balak mag-asawa na hindi kayang ipagmalaki ang mukha.

Bobo na nga, pangit pa? Saklap!

Buong araw ay paghahanap ng mapapangasawa ang inatupag niya kaya lang hindi rin pala gano'n kadali.

Wala rin siyang nakuha.

Pagdating ni Ellah sa bahay ay halos wala na siyang sigla.

Pumapasok sa garahe ang kotse ng magsalita si Homer , ang pinuno ng mga bodyguard niya.

"Ms. Paano 'yan magpapa audition ka ba ulit bukas?"

Nilingon niya ang apat na bodyguard.

Si Homer ang katabi ng driver, ang iba ay sa likod niya. Nasa gitna siya nakapwesto nag-iisa at gano'n palagi ang kanilang posisyon.

"Hindi na. Hindi rin pala madaling gawin," tugon niya at tumingin sa malaking gate na bumubukas.

"Pano 'yan Ms.? Wala ka ng planong maghanap?" Si Waldo.

Umiling siya.

"Tama lang namang tumigil na Ms. kasi 'yong mga hinayupak perwisyo, pinipilit akong pumalit sa linya niya at kakain daw muna siya. Ugok!"

Nagkatawanan sila.

"Oo nga Ms. Ang iba naiihi kaya namimilit na pwestuhan namin ang linya nila para daw hindi maungusan?" Segunda ni Claudio.

Hindi na matapos-tapos ang reklamo ng mga bodyguard hanggang sa nakapasok siya sa mansyon.

Inabutan niyang nanonood sa telebisyon ng panghapong balita ang kanyang abuelo. Tungkol ito sa limampung milyong halaga ng ilegal na droga at mga de kalibreng armas na nasakote ng PDEA sa ginawang Sting Operation.

"Tinatayang mahigit kumulang apat na pu't-lima ang patay sa naturang pagsabog ng isang lumang bodega kagabi bandang alas otso. Nasabat din ng kapulisan ang iba't-ibang klase ng armas at umano'y ipinagbabawal na gamot na-"

"Lolo," lumapit siya rito at umupo sa tabi.

Nilingon siya ng abuelo.

"Nasaan ang lalaki mo?"

"Huh?" Kurap-matang tugon niya.

"Nag pa-audition ka para maghanap ng asawa hindi ba? "

"Opo, para mabilis."

"Nakakita ka?"

"Wala po."

"Nagsasayang ng panahon! Mabuti na lang napigilan ko ang medya sa ginawa mong kalokohan."

Ibinalik nito ang tingin sa pinapanood.

Hindi rin naman niya gusto na umabot pa sa medya ang kanyang ginawa. Kahit pa mag viral 'yon sa social media ayos lang huwag lang sa balita.

Sinundan niya ng tingin ang tila pag dakip sa matandang lalaki kasama ang tila tauhan nitong nakaitim na damit at maong na pantalong nakalingon sa likod.

Mukhang nasa labas ito ng kulungan.

Natuon ang kanyang atensyon sa lalaking nakaharap sa isang mamamahayag na nasa tagiliran nito.

Sa pamamagitan ng paghawak nito ng shades ay nagmumukhang respetado, kahit pa nakasuot lamang ito ng itim na damit na pinatungan ng leather jacket na itim at maong na pantalon.

Bagaman at hindi niya nabistahang mabuti ang mukha ng naturang lalake dahil nakatagilid ito ay alam niyang may itsura at maawtoridad ang porma.

Ibinalik niya ang tingin sa abuelong nakaupo sa wheel chair nito matapos maaksidente ang sinasakyan nitong kotse noong nakaraang taon.

Tinagurian itong isa sa pinakama impluwensiya sa buong lugar kaya madalas ang tawag ng iba ay 'Don'.

Kahit nakaupo na lang ito at kailangan ng tulong ng ibang tao kapag tatayo ay makikita pa rin ang tikas at awtoridad sa anyo ng abuelo.

Marahil, dito siya nagmana ng ilang katangian kagaya ng may awtoridad ang dating.

Sa edad na biyente-otso masasabi ng dalaga na kuntento na siya, siya na kasi ngayon ang General Manager ng kanilang kumpanya.

Mayaman siya, matalino at maganda, nasa kanya na ang lahat maliban sa lalaki.

Para sa kanya ay sagabal lang sa trabaho at sa buhay.

'Hindi ko itataya ang isang lalaki para sa isang libong trabahante!'

Ngunit wala naman siyang magagawa kapag ang abuelo na ang magdededisyon tungkol sa pag-aasawa.

Kailangan niya 'yon upang hindi mawala sa kanya ang pinakamataas na posisyon bilang tagapagmana.

"Lolo, kailangan ko na ba talagang mag-asawa?"

Nilingon siya nito. "Kailangan. Para mapagkatiwalaan ka ng kumpanya kailangang pamilyado ka na. Para sa kanila matatag ka na kapag may asawa ka na at magkakaanak.

Tamang-tama na ang edad mo para magkaroon ng pamilya."

Asawa pa lang ang hinahanap niya, anak na sa isang don Jaime.

"Pahangin lang ako lolo."

"Kung wala kang makukuhang asawa, bumalik ka sa pakikipag date sa mga nirereto ko sa'yo."

Tahimik siyang tumango.

Humugot siya ng malalim na paghinga at tinungo ang terasa at nagpahangin.

Nakakalma ang kanyang isipan dahil sa lamig ng hanging dumadampi sa kanyang balat.

Naalala niya ang nangyaring audition kanina.

Sa sobrang daming dumalo wala man lang nakapasa sa panlasa niya.

Lahat kulang sa utak, pumasa na sana sa itsura at estado, bagsak naman sa utak.

Makakapaghintay pa naman siguro ang paghahanap ng asawa.

May isa talaga siyang mabigat na pinoproblema sa ngayon.

Ang kanyang mga bodyguard.

Naalala niya kung paano matakot ang mga kliyente sa apat niyang gwardya.

"Ms. Lopez, I am so thankful that we finally signed the contract as your supplier, but seeing your guards like goons might affect your career as a businesswoman." Wika ng lalaking kausap niya noon sa isang coffee shop, isa ito sa bagong kliyente nila.

Minsan naman sa opisina niya.

"Nakakatakot ang mga gwardya mo, ang lalaki at naku hija mukhang mga goons eh? Iyon bang nakikita kong mga kontrabida sa pelikula. May mga tattoo pa parang adik."

"Mabait naman po sila," nakangiti pa ring sagot niya.

"Ah gano'n ba? Hindi halata."

Humugot ang dalaga ng malalim na paghinga.

Nahihirapan siya kung paano papagwapuhin ang kanyang mga gwardya!

Bumalik ang dalaga sa tabi ng abuelo.

"May problema po tayo sa mga gwardya ko lolo."

"Ano 'yon?" kunot-noong nilingon siya nito.

Inayos niya muna ang suot na black coat hanggang tuhod. Sa ilalim ay maiksing fitted skirt na pinaresan ng blusang de kwelyo.

"Gusto kong palitan sila."

"Ano! Hindi pwede, sila na ang pinakamagaling!"

"Kesa naman matatakot ang makakakita? Nangingilag ang mga oa na kliyente."

"Hayaan mo sila!" tumaas ang boses ng matanda.

Natahimik siya at halos bumulong na lang ng muling magsalita.

"Nawawalan na tayo ng kliyente kaiisip nila na ang mga gwardya ko ay goons ng isang sindikato.

Nagmumukha tayong drug lord sa paningin nila, ang hahaba pa ng mga armas."

"Talaga?"

Dahil sa reaksyon ng abuelo ay kumalma ang dalaga.

"Nagdududa ang ibang kliyente dahil sa kanila, dito na lang sila sa bahay o 'di kaya sa'yo na lang sila lolo."

"Pagwapuhin mo na lang," suhestyon ng abuelo.

"Iyan nga ang pinoproblema ko!"

Dahil doon ay natahimik ang don at huminga ng malalim.

"Mahirap nga 'yan. O sige na maghahanap ako."

"I need it tomorrow lolo."

"What? Ellah, isang linggo akong naghanap para sa apat na 'yan!"

"Isa lang pero katumbas ng apat na 'yon!"

"Ano? Hindi gano'n kadaling makahanap ng..."

"Kapag nakakita kayo bukas, pag-iisipan ko ang pakikipag date sa mga nirereto mo." Tumayo siya at umakyat ng hagdan patungo sa silid.

"Alex come here!" tinawag ng don ang kanang kamay.

Napangiti si Ellah.

"Bakit po don Jaime?"

"Nakikita mo ang taong 'yan?" itinuro nito ang isang lalaki sa screen.

Hindi naman niya nakita ng malinaw ang mukha nito dahil nasa malayo na siya.

"Opo"

Napailing siya.

Pinanood lang sa tv kukunin na.

Hindi naman siya interasado kung sino man 'yon ang mahalaga mukhang tao ang bodyguard niya.

Kung si Ellah wala ng pakialam, hindi si don Jaime na nakatutok sa telebisyon habang tinatanong ng mamamahayag ang isang lalaki.

"Sir anong masasabi ninyo sa pagkahuli ng isa sa pinakamalaking sindikato ng bansa?"

"Ginagawa lang natin ang ating tungkulin. Kailangang masugpo ang mga malalaking ulo na nasa likod ng maliliit na mga galamay."

Hinarap nito camera at tumitig sa screen na tila ang kinakausap ay ang mga pinupuntirya.

"Hindi tayo titira ng maliliit na galamay, dahil maging sila ay biktima ng malalaking ulo."

Napangiti ang don.

"Ang taong 'yan..." turo ng don sa telebisyon.

"... ang magiging bodyguard ng apo ko," deklara ni don Jaime Lopez.

---

CITY JAIL ZAMBOANGA CITY...

Sa labas ng naturang establisyemento ay nagkikislapan ang mga kamera habang pinalilibutan ng mga mamamahayag ang buong entrada.

Sabay-sabay ang mga tanong at napakaingay ngunit may isang nakakuha sa kanyang atensyon.

"Sir bakit hindi ninyo kinumpiska ang mga produkto at sa halip ay pinasabog niyo?"

Natigilan ang binata at napatingin sa lalaking reporter. Derekta ang tanong ng nasabing mamamahayag na para bang alam nitong pinasabog nga.

"Kailangang baguhin kung ano ang nakasanayan," tugon niya at hindi na ito pinansin.

Bumaling ito sa matandang kasama niya, nakaposas ang mga kamay nito sa likuran.

Matapos magamot ay pormal na nilang hinuli ang matandang Mondragon na iniwan nila sa opisina ng Phoenix Agency.

Habang dinidinig ng korte ang kaso nito ay hindi ito maaaring magpiyansa, iyon ang sinigurado niya sa dami ng ebidensiyang hawak nila laban dito.

Bumaling ang kanyang tingin sa mamamahayag.

Hindi niya derektang sinagot ang tanong nito bagama't ang totoong dahilan kaya hindi nila kinukumpiska dahil may ibang opisyal ng ahensiya ng PDEA na pinapakinabangan ang mga produkto at ibebenta ulit sa mga sindikato.

Ang ganyang gawain ay isang malaking kagaguhan sa gobyerno at sa bansa.

Kaya sinigurado niyang bawat produktong masasabat apoy ang katapat!

Sinisigurado niya rin na lahat ng ilegal na gawaing may kinalaman sa droga ay lilinisin niya kahit pa ang nasa likod nito ay makapangyarihan at maimpluwensiya!

Tumiim ang tingin niya sa matandang Mondragon.

Inalala niya kung paano nakapasok sa grupo nito.

---

6 MONTHS AGO...

THE BEACH HOUSE...

Sa loob ng isang hotel sa beach resort ay makikita ang tila umuulang mga bala at mga nagtatalsikan sa sahig na mga basyo nito.

Nagkagulo ang lahat nang biglang may grupo ng kalalakihan ang sumugod at pinagbabaril ang kabilang grupo.

Nagkaroon ng matinding labanan sa pagitan ng dalawang panig at nanganganib ang kanilang kliyente.

Bilang gwardya sa naturang resort ay tungkulin niyang iligtas ang mga kliyente rito.

May matandang lalaki ang papalabas ngunit hinahabol ng kalaban at pinagbabaril.

Hinila niya ito sa kwelyo ng suot na tuxedo at pinaikot sa likuran saka nakikipaglaban gamit ang kwarenta 'y singkong baril.

Habang nakakubli sa posteng kinaroroonan ay napatingin ang matanda sa lalaking nagligtas sa kanya.

Pamilyar ito sa kanya dahil isa ito sa mga gwardya ng resort na madalas niyang puntahan dahil kaibigan niya ang may-ari.

Ngunit nahintakutan siya nang matamaan ito ng bala sa dibdib habang patuloy na nakikipaglaban.

Bago ito natumba ay naubos nito ang lahat ng kalaban.

Nagising na lang ang lalaking nagligtas sa isang ospital.

---

ZAMBOANGA CITY MEDICAL CENTER...

Tumambad sa kanyang paningin ang isang matandang lalaking nakatayo sa may paahan.

"Anong pangalan mo?"

"D-Dave Villamayor ho, sir."

"Maraming salamat sa pagligtas mo sa akin Dave."

"Trabaho ko ho ang protektahan ang kliyente bilang gwardya."

Tumango ang kausap habang nakatitig siya ng malalim sa matanda.

Iniligtas niya ang taong ito hindi lang dahil bilang kliyente ng resort. May iba pang tunay na dahilan.

Ito ang kanyang misyon.

"Mula ngayon, hindi ka na magtatrabaho bilang gwardya sa resort na 'yon."

---

MINE SITE...

Araw ng sabado at pauwi na galing sa mine site ang nag-iisang tagapagmana ni don Jaime Lopez.

Madalas talaga siyang ginagabi lalo na kung may mga aberya sa field office.

Alas syete ng gabi ay masayang nagkukwentuhan ang driver at mga gwardya niyang mukhang goons sa loob ng kanilang sinasakyan habang nagbabyahe.

Ayaw na niyang gumamit pa ng ibang sasakyan para lang sa mga gwardya dahil kahit sila pa ang pinakamakapangyarihan sa lugar ay ayaw niyang ipangalandakan 'yon sa iba.

"Malapit na tayong mag-isang taon ah? Wala pa ba tayong increase?" anang isa sa mga gwardya niya.

Tumaas ang kilay niya sa narinig.

"Tumahimik ka nga Lando," saway ng leader.

"Totoo naman ah? Sa yaman ni don Jaime dapat buwan-buwan ang increase ng sahod natin."

"Ms. Ellah, pagpasensiyahan niyo na po ang kabulastugan nitong si Lando."

"Gusto ko sanang gawin 'yon ang kaso natatakot ang mga kliyente ko sa inyo."

"Ha? Bakit Ms.?" gulat na tanong ni Claudio.

" Eh kasi, mukha raw kayong goons dahil sa mga itsura ninyo."

"Iyon lang po ba? Mag-aahit kami ng balbas, " masiglang tugon ni Waldo.

" Magpapapayat kami!" sagot ng leader na si Homer.

Nagkatawanan sila.

" Mabuti pa itong si Mang Jude payat, siguro ang laki ng sahod mo Mang Jude ano? " si Lando.

"Hindi naman masyado," nangingiting tugon ng tsuper.

Malapit na ngang mag-isang taon ang mga ito at kahit papaano ay natutuwa naman siya sa serbisyo, lalo na kay Homer na talagang seryoso at pinakamatino sa lahat.

Ngunit ngayon ay nais ng mga ito na tumaas ang sahod.

"Kaya magpapayat lang tayo ayos na ang buto-buto!" hiyaw ni Lando.

Binatukan ito ni Homer.

"Aray ko po!" busangot si Lando habang hinihimas ang ulo.

" Dadamihan ko ang almusal at hindi  kakain sa tanghali," si Claudio.

"Mag-eexercise ako para pumayat!" ani Waldo na siyang may pinakamalaking katawan.

"Ang kaso Waldo mas lumalaki ka kapag nag-ehersisyo!" ani Homer.

Nagkatawanan ang mga ito.

Ngayon niya napagdesisyunan ang isang bagay.

'I'll keep this goons of mine forever...'

Hindi na niya ito ipagpapalit pa.

"Magpa pogi na lang kayo boys?"

"Iyan ang pinaka magandang solusyon Ms!" masiglang tugon ni Lando.

"Kaya lang may problema..."

"Ano 'yon?" si Waldo.

"Hindi ko alam paano kayo pa gwapuhin!"

"Iyon lang!"

Nanghagalpakan ng tawa ang lahat

subalit biglang natahimik ang mga ito at naging seryoso.

"Bakit?" nagtataka niyang tanong.

Ngunit ang kanyang pagtataka ay biglang napalitan ng takot nang sabay-sabay

magkasahan ng mga mahahabang armas ang apat na gwardya.

Kumabog ng husto ang dibdib ng dalaga sa takot.

Walang kabahayan ang paligid at walang halos dumadaang sasakyan.

"Ms. Ellah," ang driver ang sumagot na patingin-tingin sa likuran.

"Parang may sumusunod sa atin!" May kalakip ng pangamba sa boses ng tsuper.

"Ano!"

Hindi nakasagot ang tsuper nang biglang magpreno kaya muntik na silang mapasubsob dahil sa humarang na sasakyan.

"Ms. Kahit anong mangyari huwag kayong bababa!" matigas na utos ni Homer.

Naglabasan ang limang kalalakihang nakatakip ng itim na maskara at tinutukan sila ng mga mahahabang armas.

"BABA!"

Malakas ang singhal ng tila pinakapinuno habang nakatutok ang baril nito sa kanila.

Nanginig ang dalaga sa takot.

"Ms. Kapag sinabi kong dapa, dumapa ka lang naiintindihan niyo?" muling utos ni Homer.

"O-oo, oo!"

Tila mawawalan ng ulirat si Ellah sa tindi ng takot ngunit pinilit niyang magpakatatag.

"ILABAS NIYO ANG BABAE AT WALANG MANGYAYARING MASAMA SA INYO!"

Namutla ang dalaga sa sigaw ng isa sa mga lalaki.

Nagkatinginan ang apat na gwardya saka nag senyasan na buksan ang pinto at sabay na nagsilabasan.

Pigil-hiningang hinintay ni Ellah ang mangyayari.

Esaktong paglabas ng mga gwardya ay ang mabilis na pagdampot ng mga ito sa mga armas sabay sigaw ni Homer.

"DAPA!"

Kasabay ng kanyang pagdapa ay ang sunod-sunod na nakakarinding putukan.

Ang mga bala ay naglilipana mula sa dalawang grupong naglalaban ng harapan.

Walang nakakatakas at walang umaatras!

avataravatar
Bab berikutnya