Habang nasa loob ng silid na tinitirhan ay nakatanaw sa malayo ang binata.
Wala sa sariling inalala niya ang mga nakaraan kung paano nagsimula ang pagiging magkaibigan nila ni Vince.
Maraming taon na ang lumipas mula ng madestino siya sa Pagadian para sa isang misyon.
Ito ang pinakauna niyang misyon sa Mindanao.
"Alpha team, meet your captain," anunsyo ng hepe nang ipatawag ang apat na tauhan sa opisina nito.
Nakatayo siya sa harapan ng mga nakaunipormeng kalalakihan katabi ang hepe.
Matiim ang titig ng lahat derekta sa kanya maliban sa isa na tila kalmado.
Ipinakilala siya ng hepe sa mga ito.
"Siya ang makakasama ninyo para sa misyon, kilala niya si Leandro Sandejas na gambling lord at drug lord dahil taga Luzon ang taong 'yon at maraming koneksyon. Isa sa misyon niya ay tapusin ang mga katulad nito. Ang kanyang specialty ay pagiging..." Nilingon siya ng hepe. "... espiya. Captain Gian Villareal. "
Isa-isa niyang pinagmasdan ang apat na kalalakihang maging kasama sa naturang misyon.
Matatag ang mga ito na tila walang kinatatakutan, bagay na gusto niya sa isang samahan.
" Introduce your self to your captain. "
Isa -isang nagpakilala ang mga ito kasama ang posisyon ngunit hindi niya matandaan ang iba maliban lang sa isa.
Naagaw nito ang kanyang atensyon.
Base sa tingin nito alam niyang matalino at may dating na palabiro pero seryoso.
" Mr. Villareal, any words for the team? " tanong ng hepe.
Tumikhim siya bago nagsalita.
"As your captain, I just want you to remember this..." Isa isa niyang tinitigan ang mga ito.
"Save your self first, before saving others."
Natahimik ang lahat.
Bumalatay ang pagtataka at pagkadismaya sa anyo ng mga kasama, maliban sa isa na kalmado pa rin.
Tinapos ng hepe ang usapan sa pangakong siya ang bahala sa mga kasamahan.
Nang makaalis sa opisina ay pasimple niyang sinundan ang apat na nagkumpulan sa dulo ng pasilyo.
Base sa inaasta ng mga ito sigurado siyang siya ang pinag-uusapan.
"Bay, wa gyud ko ganahi sa iyang gipanulti da! Unsa man ng dinalo man iyang prinsipyo!"
Kumunot ang kanyang noo dahil sa kakaibang lengwahe ng lalaking nagngangalang Ryan na sinang-ayunan ng iba pa maliban sa isa.
Hinintay niya ang sasabihin ng nagngangalang Vince na siyang nakakuha sa kanyang atensyon.
Tumikhim ito bago hinarap ang tatlo.
"Hindi niyo ba nakuha ang kanyang sinabi? Iligtas ang sarili bago magligtas ng iba. Simply lang naman ang ibig sabihin doon. Paano mo ililigtas ang iba kung napahamak ka na?"
Napakurap siya dahil sa lengwaheng ginamit nito kaya niya naintindihan.
"Mga bay, iisa lang ang buhay. Kung kinakailangang isugal para sa bayan, gawin natin pero kung kaya mo namang iligtas ang sarili mo, iyon muna ang unahin mo para makapagligtas ka pa ng iba."
Hindi namalayan ni Gian unti-unti siyang napapangiti dahil sa narinig.
Tumayo ito ng tuwid at pasimpleng sumulyap sa gawi niya.
Awtomatiko siyang nagkubli sa posteng sinasandalan, kinabahan.
" Captain, gusto mo bang magkape? Oras na kasi ng meryenda, baka gusto mong sumama?"
Nagkagulo ang tatlo at tila nataranta.
"Wala siya kasabot, kalma mga bay," ani Vince.
Humugot siya ng malalim na paghinga.
Alam ng Vince na 'yon na nandoon siya kaya nagtagalog ito.
Hinawakan niya sa kwelyo ang leather jacket na suot bilang pampakalma bago tuluyang lumabas.
Ngumisi ang lalaki pagkakita sa kanya maliban sa tatlo na bakas ang pangamba sa mukha.
"Kaya lang sir, malakas silang kumain, " turo nito sa tatlo. "Ayos lang ba?"
Sa pagkakataong ito ngumiti siya.
"Oo, ayos lang."
Humalakhak ang kausap.
Pagkatapos ng meryenda, napag-alaman niyang ito ang pinakamalakas kumain samantalang ang iba ay patikim-tikim lang na tila nahihiya sa kanya.
Nararapat lang, dahil hindi niya itinuturing na kauri ang mga mas mababa sa kanya.
Tauhan lamang ang mga ito at hanggang doon lang 'yon.
Sumapit ang nakatakdang misyon.
Inabangan nila si Leandro Sandejas sa isa mga casino na pagmamay-ari nito.
Inabangan hindi upang itumba kundi upang iligtas.
Siya ay nakatayo sa may entrada at nag-aabang sa paglabas nito.
Ang mga kasama ay nasa loob ng sasakyan at nakahanda sa pag-atake gamit ang mahahabang armas.
Ilang sandali pa lumabas na si Leandro Sandejas kasama ang mga tauhan at nagtatawananan pa.
Saka siya nagsalita sa maliit earpiece.
"Ngayon na. "
Ilang sandali pa, naglipana ang mga bala at walang halos nakahanda sa mga tauhan ng hari ng pasugalan.
Habang nagliliparan ang mga bala kasabay ng pagpapalitan ng mga tauhan ni Sandejas ay lumusob siya.
" Dapa!" Dinamba niya ang may edad ng lalaki upang protektahan ito.
Eksaktong pagsayad nila sa lupa ay ang pagtama ng bala sa kanyang balikat.
Napadaing siya sa sakit.
"Gago! Sinong bumaril sa kanya!" sigaw ni Vince sa earpiece.
"Utos 'yon ni Captain para daw maging makatotohanan. Sorry Captain! " ani Ryan.
Totoong iniutos niya ' yon para mas mapaniwala ang kalaban.
"A-ayos ka lang?" tanong ng iniligtas habang sabay silang tumatayo, doon siya sumagot.
"Ayos lang ako, wala ito daplis lang."
Kumalma si Vince nang marinig ang kanyang sinabi.
Nilisan ng mga tauhan niya ang lugar na walang ibang tinirang buhay sa kasamahan no Sandejas kundi ito lamang.
Pinagmasdan nito ang mga tauhang nakahandusay lahat.
Hinarap siya nito. "Salamat. Maraming salamat. Bakit ka nga pala nandito?"
"Boss, gusto ko sanang sumali sa inyo kaya nandito ako, pero hindi ko inakalang mangyayari ito." Hinaplos niya ang balikat na may sugat, napansin nito 'yon.
"Ipagamot muna kita. Sino ka nga pala?"
"Noah Montemayor."
"You're hired. Welcome to my world Noah Montemayor!" Inilahad nito ang kamay.
Tinanggap niya 'yon at ngumisi.
Iyon na ang simula ng misyong pasukin ang grupo upang malaman ang modus operandi ng mga ito.
Alam niyang nakuha na niya ang tiwala nito.
Tiwala ng kaaway.
At hindi siya nabigo.
Ginawa siya nitong kanang kamay at lagi silang nagpupunta sa mga pasugalang club nito na pang front lang dahil ang totoo doon din nagpapalitan ng droga.
Sa loob ng isang buwan nalaman niya ang pasikot-sikot ng negosyo.
Natuklasang kapag may natatalo sa sugal, pinabebenta ng droga at kapag nahuli iyon na ang problema.
Hanggang sa isinama siya nito sa isang transaksyon.
Nakatayo sila sa harapan ng ng lalaking lumuluhod, lamog ang katawan sa tindi ng gulpi.
Isa ito sa nagbebenta ng droga pero nahuli.
"B-boss... pakiusap may pamilya ako, p-parang awa na ninyo sir."
"Ang patakaran bawal mahuli," anang amo at ikinasa ang baril.
" Patawad boss!" Yumuko ito ng husto.
Nilingon siya ng amo at ibinigay ang baril.
"Tapusin mo 'yan."
Nagtagis ang kanyang mga bagang. Sanay siyang pumatay ngunit hindi ng mga inosenteng nadamay lang sa kasamaan.
Subalit wala sa lugar ang pagtanggi.
Walang imik niyang kinuha ang baril at itinuon sa noo ng lalaki.
"Boss! Boss huwag! Parang awa mo na..." umiyak ito ng husto ngunit hindi siya tinablan.
Bumaling siya sa ibang dereksyon saka binaril ito sa ulo at humandusay sa malamig na sahig.
Tumilamsik ang dugo sa kanyang braso.
"Linisin 'yan!" utos ni Leandro Sandejas saka tumalikod, sumunod siya.
Isang linggo matapos ang nangyari ay nagsagawa siya ng planong tapusin na ang misyon.
Alas siyete ang gagawing raid.
Isang oras bago mangyari 'yon ay kinausap niya ang Alpha Team sa pamamagitan ng tawag sa cellphone.
"Isang oras lang mag lock down na ang system, kailangan nandito na kayo bago pa man may makaalam understood!"
"Yes captain!"
"Vince mag-uusap muna tayo."
"Yes captain."
Sinabihan niya ito ng mga dapat gawin bilang leader ng team. Hanggang sa hindi na nila namalayan ang oras.
"Kailangan matapos kayo loob ng isang oras," pagtatapos niya sa usapan.
Nang biglang may kumasang baril mula sa kanyang likuran.
"Sino ka?"
Tumahip ang kanyang dibdib sa narinig.
"Sir anong nangyayari diyan?" tanong ni Vince ngunit pinatay na niya ang tawag.
"Sino ka talagang hayop ka!"
Umigting ang kanyang bagang at kabadong pumikit.
Alam na nito kung sino siya.
Ito pa naman ang dating kanang- kamay ng amo bago siya pumalit.
"Anong klaseng tanong 'yan?" asik niya.
Sa pagkakataong ito nilingon na niya.
Mula sa likuran ang baril nito ay nakatutok na sa kanyang noo.
Eksaktong nadatnan sila ng amo.
"Ano 'yan? Calex ibaba mo 'yan!" singhal ni Leandro Sandejas.
"Boss traydor ' yan! Narinig kong may kausap siya at may lulusob sa atin ngayon na awtoridad. Isang oras lang daw at lulusubin na tayo! Boss isang espiya ang taong 'yan! Umalis na tayo rito!"
"Anong sinabi mo!" nagimbal ang amo.
Nahigit niya ang hininga. Sapat ang mga narinig nito upang itumba siya.
"Boss maniwala ka-"
"Boss hindi ko 'yan magagawa iniligtas kita sa tiyak na kamatayan noon, itinaya ko ang buhay ko," putol niya sa sasabihin nito.
"Hindi ko nakakalimutan. Calex ano ba ang eksakto mong narinig?"
Doon na siya kinabahan ng husto, kung talagang narinig nito ng buo ang lahat, wala ng silbi pa ang magdahilan.
Palihim siyang tumingin sa paligid, tinantiya ang sitwasyon.
Sampung tauhan ang nakapalibot sa kanya at puro mahahabang armas ang bitbit. Dehado siya sa labanan na ang dala ay kwarenta 'y singko lang.
Sa mga oras na ito nanganganib na siya, buhay na niya ang nakataya!
Lalaban siyang mag-isa at kung mabibigo mamamatay mag-isa!
Nag-abot ang tingin nila ng naturang tauhan.
Pigil- hiningang naghintay siya sa isisiwalat nito.
"Ganito boss-"
Nang biglang may sumabog.
"ANO 'YON!"
Alam niyang nandito na ang team.
Mabilis nagtakbuhan paalis ang mga ito kasama siya.
Sa sitwasyon ngayon hindi siya makakatakas sa dami ng tauhan nito.
Inihanda niya ang sarili para sa pagsimula ng misyon, ngunit hindi inaasahang mabungaran ang isa sa mga tauhan ni Sandejas na bitbit ang tauhan niyang si Vince.
Tumahip ang kanyang dibdib sa kaba.
"Boss!" itinulak nito ang lalaking hawak deretso sa harapan ng amo.
Nag-abot ang kanilang tingin.
Nilingon siya ng amo at biglang tinutukan ng baril sa ulo.
"Shoot him..." malamig nitong utos.
Tiim-bagang na iniangat niya ang hawak na baril deretso sa ulo ng kasamahan.
"Now!"
Alam niya na ang inuutos ng amo ay patunay sa kanyang katapatan.
Kung wala ang tauhang si Vince posibleng napahamak na siya.
Kaya lang ito naman ang mapapahamak sa mga kamay niya.
Muling nag-abot ang kanilang mga mata.
Walang emosyon ang mga tingin nito na para bang nakahanda itong mamatay sa kanyang mga kamay.
Kinalabit niya ang gatilyo ng baril!
"Agh!" daing ng lalaking kaharap.
Tinamaan ito sa balikat.
Nagitla si Leandro nang hindi sumunod sa utos ang binata.
"All of you kill them!" sigaw ng amo sabay alis.
Nagimbal siya at hindi na nag-isip pa.
"DAPA!" Tinalon niya ang pagitan nila ni Vince kaya ang sumalo sa mga bala ay siya.
Ang huli niyang natandaan ay ang palitan ng putok ng mga baril ng mga kalaban at kasamahan at ang sigaw ni Vince.
Iyon ang unang pagkakataong nagkaroon siya ng kaibigan sa isang misyon.
Kasangga sa misyon at sa krimen!
Magkaiba man sila ng ugali dahil masayahin ito at palabiro samantalang siya ay seryoso at ni hindi marunong ngumiti ay hindi 'yon naging hadlang upang matagpuan ang isang matalik na kaibigan!
"Boss Gian?"
Marahang mga katok sa pinto ang nagpabalik sa kanya sa kasalukuyan.
"Boss, may tao Buloy daw."
Kumabog ang kanyang dibdib.
Marami na sa mga may kaugnayan sa kanya ang nalalagas at ngayon ito na naman.
Lumabas siya na sinalubong nito.
"Boss-"
"Anong ginagawa mo rito?" asik niya.
"Pinapunta ako rito ni sir Hendrix. Sa totoo lang hindi ko alam kung paano sasabihin ito pero kailangan mo talagang malaman."
Nagtagis ang kanyang mga bagang at tumalim ang tingin sa kaharap.
"Ano 'yon?"
Ito naman ang mariing lumunok.
"K-kasi..." nagkamot ito sa batok.
"Sabihin mo," matigas niyang utos.
"Buhay pa si Roman Delavega," matigas din nitong tugon.
Kumunot ang kanyang noo at unti-unting nanlaki ang mga mata!
"Anong sinabi mo!" bigla ang paghablot niya sa kuwelyo ng kaharap.
"Hindi rin ako makapaniwala pero boss buhay pa talaga ang demonyong 'yon!"
"P-paanong..."
Habang nagpapaliwanag ang tauhan ay tila na blangko siya.
Nang matapos ito ay tumakbo siya palabas deretso sa kotse at pinaharurot sa daan.
"BOSS GIAN!" habol ni Buloy subalit hindi na siya nito naabutan.
Ayon dito hindi niya napatay dahil nakasuot ng bullet vest pero napuruhan sa ibang parte ng katawan at ngayon ay nasa isang pribadong ospital!
Nag-alala siyang malaman ito ni don Jaime.
---
Malalaki ang hakbang na tinungo ng don ang naturang silid kasama ang kanang-kamay na si Ben.
Nang malaman niyang buhay pa ito dahil sa sinabi ng hepe ay agad niyang pinuntahan sa pinagdalhang ospital.
'Maswerte kang demonyo ka na hindi napuruhan ni Gian dahil ako mismo ang papatay sa'yo!'
Hindi lang niya maintindihan bakit hindi ipinaalam ni Gian ang plano nito sa kalaban.
Kung nalaman niya lang sana nakatulong pa siya at posibleng nailigtas na ang kanyang apo at si Vince.
Hanggang ngayon ay walang nakakaalam kung nasaan ang anak ni Roman Delavega.
Hindi rin siya sigurado kung buhay pa ang apo.
Ngayong nandito na ang kalaban haharapin nito ang kamatayan sa kanyang mga kamay!
Subalit pagdating sa labas ng silid ay hinarangan siya ng mga pulis.
"Padaanin niyo ako hindi niyo ba ako kilala!" asik niya.
"Pasensiya na don Jaime, pero ang utos sa amin walang kahit sino ang pwedeng dumalaw."
Tila puputok ang kanyang ulo sa narinig. "Ano! Punyeta!"
"Pasensiya na ho."
Bigla niyang hinablot ang baril sa tagiliran ni Ben at walang habas na pinagbabaril ang pinto ng silid ng kalaban. Nabutas ang pintong gawa sa kahoy.
Nagtakbuhan ang mga tao sa takot.
Naalarma ang mga awtoridad at tinutukan ng baril ang don.
"Tumigil kayo don Jaime! Kundi mapipilitan kaming barilin kayo!"
Natigilan ang don at kinabahan ng husto.
"Don Jaime tama na!" awat ni Ben at hinila siya palayo.
Naghuhumiyaw ang kanyang kalooban sa tindi ng pagkabigo.
"Don Jaime! Isipin niyo si Ms. Ellah! Si Ms. Ellah! " Nagsusumamong sigaw ng alalay na si Ben.
Mariing napapikit ang don at tila tumimo sa kanyang isipan ang sinabi ng tauhan.
Sa pagkatao ng mga kaaway sigurado siyang hindi bubuhayin ang kanyang pinakamamahal na apo sa oras na mamatay ang isang Roman Delavega!
Unti-unti siyang pinanghinaan ng loob.
Labag man sa kalooban binitiwan niya ang baril at tumalikod.
Unti-unting lumabo ang paningin ng don nang mag-unahan sa pagpatak ang mga maiinit na likido mula sa mga mata.
Siya si Jaime Lopez, ang pinakamaimpluwensiyang personalidad sa lipunan!
Subalit walang magagawa kundi sumang-ayon pabor sa kalaban.
Mariin siyang napailing.
Gaano kasakit na nasa harapan ang kaaway subalit hindi maaaring galawin!
---
Pagdating ni Gian sa nasabing ospital ay malalaki ang mga hakbang na naglakad siya sa pasilyo.
Ikinasa ang kwarenta 'y singkong baril at binitbit papasok.
Sa itsura niya ngayon ay walang nagtatangkang pahara-pahara sa kanyang dinaraanan, lahat ng masalubong ay kusang gumigilid.
Sa hindi kalayuan ay may mga pulis na nagbabantay sa isang silid, agad tumalim ang kanyang tingin.
Nakahilera ang mga ito habang panay ang tingin sa kabuuan ng ospital.
Palapit na siya nang bigla na lang lumabas si don Jaime habang hawak ng mga pulis.
"Bitiwan niyo ako!" asik ng don na sinunod ng mga ito.
"Don Jaime!" tawag niya na ikinalingon nito.
Nag-abot ang kanilang tingin.
Lumarawan ang pag-alala sa kanyang anyo ngunit kabaligtaran sa don na matalim ang tingin sa kanya.
"Mag-usap tayo," mariin nitong wika.
Labag man sa kalooban ay sumunod siya rito palabas.
Nang silang dalawa na lang ay hinarap siya ng don.
"Anong ginawa mo?" mariin nitong tanong.
Kumuyom ang kanyang kamay, umaahon ang poot sa dibdib dahil buhay pa rin ang kaaway.
"Napatay mo ba ang demonyong 'yon?" balik-tanong niya rito.
"Bakit nagdesisyon ka mag-isa? Bakit? " Mas bumibigat ang tono ng don sa mga pagtatanong nito.
Napalunok siya at tumingin sa kawalan.
"Ayaw ko ng idamay pa kayo-"
"Apo ko ang sangkot!" singhal na nito.
"Dahil sa padalos-dalos mong desisyon napahamak ang kaibigan mo! At si Ellah ni hindi na natin alam kung buhay pa!"
"Ililigtas ko sila," matatag niyang tugon.
"Huli na! Wala na ang kaibigan mo! Kung tutuusin ikaw ang dahilan kaya siya namatay. Ikaw ang pumatay sa kanya!"
Nagpanting ang kanyang tainga at mabilis na humakbang palapit sa don.
"Anong sinabi mo?"
Sa tindi ng nararamdamang poot at pighati ay muntik na niyang nakalimutan kung sino ang kaharap.
Umatras siya. "Pasensiya na."
Natigilan naman ang don at kumalma.
"Mamaya na tayo mag-usap." Tumalikod ito subalit hinabol niya.
"Don Jaime hahayaan niyo bang mamatay si Ellah ha!" Hinawakan niya ito sa braso.
Biglang lumingon ang don at iwinasiwas ang tungkod, tinamaan siya sa panga dahilan ng pagbiling ng mukha.
Sumigid ang kirot sa kanyang buong mukha subalit hindi niya 'yon ininda at tumingin sa kausap na tila walang bakas ng pagsisisi sa ginawa.
"Sa tingin mo hindi ko gustong patayin ang demonyong 'yon?
Sa tingin mo ginusto kong mabuhay pa siya?
Hawak niya ang apo ko!
At ang pinanghahawakan ko na lang ay dahil buhay pa ang hayop na 'yon! Kapag namatay siya tuluyan ng mawawala sa akin si Ellah!"
Natahimik siya nang mahagip ng tingin ang nangingilid na luha ng don.
Tila nilamukos ang kanyang dibdib sa nakikita.
"Ikaw ang may kasalanan! Ikaw! Nagdesisyon ka mag-isa! Kapag may masamang mangyari sa apo ko, papatayin kita tandaan mo 'yan!"
Tuluyang tumalikod ang don at kinausap ang tauhan na naaawa habang nakatingin sa kanya.
"Ben, ipaalam mo sa anak ni Roman na buhay pa ang kanyang ama."
Mas lalo siyang nabaghan sa narinig.
Nahimas ng binata ang panga na tila namanhid sa sakit.
Sa pagkakataong ito ay naglakad siya palabas ng ospital, deretso sa kotse at nilisan ang lugar na hindi alam ang pupuntahan.
Ni hindi na niya alam kung paano sila magtutulungan ng don sa nangyayari ngayon.
Ni hindi na niya alam kung buhay pa ang kasintahan at kaibigan at kung paano niya ito ililigtas.
Ni hindi niya napatay ang kaaway!
Ni hindi niya masabing siya ang dahilan ng lahat ng ito!
Nanikip ang kanyang dibdib sa kawalan ng pag-asa.
"Ako ba ang dahilan? Ako ba?" Mariin siyang umiling hindi matanggap na siya ang sinisisi ni don Jaime.
Ginawa niya ang lahat upang iligtas sa kapahamakan ang mga ito subalit nabigo siya at ngayon siya pa ang dahilan sa kapahamakan ng dalawa!
Bigla niyang iginilid ang sasakyan at huminto sa daan dahil animo sasabog ang kanyang dibdib sa halo-halong nararamdamang galit at sakit.
Nag-init ang sulok ng kanyang mga mata at mariing pumikit.
"Ako ba? Ako ba!" Unti-unting pumatak ang mga luha ng binata.
Sa nanlalabo niyang paningin dulot ng mga luhang walang ampat sa pagtulo at pighati ng damdamin ay hindi na napigilan ang isigaw ang sakit na nararamdaman.
"AAAAHHHHH!" buong lakas niyang pinaghahampas ng mga kamay ang manibela. "HINDI! HINDIIIIIII!"
Humagulgol siya ng husto ngunit hindi sapat upang maibsan ang pait at hinanakit na nadarama.
Isang tawag sa cellphone ang marahang nagpatigil sa kanya.
Sa kabila ng pagsigok ay sinikap niyang maging normal ang boses bago sumagot.
"Hendrix, anong balita?"
"Gian nasaan ka? Nakipagcoordinate na kami sa mga pulis, na locate na rin ang kinaroroonan ni Delavega," paliwanag ni Hendrix.
Kumabog ang kanyang dibdib.
"Nasaan!"
"Kaya lang wala na roon sina Ellah at Vince. Hindi pa nakikita si Ellah pero si Vince nasa isang ospital. "
Nagtiim ang kanyang bagang habang nakikinig hanggang sa matapos ito.
Biglang iniliko ang sasakyan patungo sa ospital na kinaroroonan ng kaibigan.
Naghahalo ang saya sa isiping buhay pa ang kaibigan. Ngunit natatakot sakali mang hindi ito makakaligtas.
Pagdating sa ospital ay tinakbo niya ang pasilyo papasok at natigil lang nang masaksihan ang silid na kinaroroonan ng matalik na kaibigan.
Abot-abot ang kabang nararamdaman habang nakatingin sa pinto ng operating room.
Sa loob ay abala ang mga doktor sa pagliligtas ng isang agaw- buhay na pasyente habang hawak ang defibrillator.
"Charge 400!" idinidiin ng doktor sa dibdib ng nakahiga ang aparato.
Subalit walang nangyari.
Tumayo ng tuwid ang doktor at pinagmasdan ang orasang nasa dingding.
"Time of death... 3:00 pm."
Umalis na ito kasama ang iba pa.
"Sabihin mo ligtas ang kaibigan ko hindi ba?" abot-abot ang kabang tanong niya.
Umiling ang doktor.
Tila sasabog ang kanyang dibdib sa takot at mabilis pumasok sa silid.
Napako ang kanyang tingin sa nakahigang pasyente.
May benda ang ulo nito maging ang mga balikat at braso.
"Imposible!" Mabilis siyang lumapit sa kama kung saan naroon ang nakahimlay na kaibigan.
May mga staff doon na dahan-dahang nagtatakip ng puting kumot sa katawan ng kaibigan.
Nagimbal siya sa nakikita at dinaluhong ang kaibigan.
"Anong ginagawa niyo!" Tinangka niyang baklasin ang kumot ngunit may humawak sa mga braso niya at inilayo rito.
"Sir, lumabas po kayo, bawal kayo rito."
"BUHAY PA ANG KAIBIGAN KO! ALISIN NIYO 'YAN!"
"Wala na ho siya," anang staff.
"HOY VINCE! GAGO! HUWAG KANG MAGBIRO NG GANYAN-"
"Boss, boss, tama na. " Hinawakan ni Buloy ang kanyang balikat na kararating lang.
"Hindi totoo 'yan! Matapang ito eh! Vince pare! Vince naman! Alam kong napakagaling mong manloko, pero hindi ka na nakakatuwa. Gumising ka na diyan! Bumangon ka na!"
Subalit walang nangyari.
"GUMISING KA SABI!"
"BOSS! BOSS TAMA NA!" muling awat ni Buloy hanggang sa may pumasok na mga gwardiya ng ospital.
"Sir! Pasensiya na pero kailangan niyong lumabas." Kinaladkad ng mga ito ang binata palabas.
"Bitiwan niyo ako! Hindi pa patay ang kaibigan ko! Gisingin niyo siya! Nanloloko lang 'yan!"
Nahahabag na napatingin ang tauhan sa among hindi matanggap ang pagkawala ng matalik na kaibigan.
Habang kinakaladkad ay nag-abot sila sa kasintahan ng kaibigan.
"GIAN SI VINCE?"
Napatingin siya sa babaeng lumuluha, bakas ang matinding takot sa mga mata.
"Nasa loob, gisingin mo siya! Gisingin mo Anna!"
Mabilis itong pumasok ngunit saglit lang ay narinig na niya ang pagtangis nito.
"VIIIIINNCEEE!"
Mariing napapikit ang binata. Sa pagkakataong ito ay pumatak ang kanyang mga luha.
Hindi matanggap na wala na ang kaibigan.
Inalalayan siya ng tauhan papasok ng sasakyan pauwi.
Sinalubong siya ng mga pinsan ngunit tila hangin lamang ang mga ito sa kanya at deretsong naglakad papasok ng bahay.
"Bro!" tawag ni Gabriel na hindi niya pinansin.
"Gian, may nakitang CCTV footage sa pinangyarihan, baka may makuhang ebidensiya roon."
Ni hindi man lang siya natinag.
"Bro, get up man! Remember they had your girl," dagdag ni Gabriel.
Napakurap siya sa narinig at tumigil sa paghakbang.
Doon pa lang siya nakaalalang nasa panganib ang kanyang pinakamamahal na kasintahan.
'Ang lahat ng ito ay dahil sa akin.'
Napapikit siya sa naisip. Kinakain ng matinding konsensiya.
"Sa ngayon, hinahanap na ang kinaroroonan ni Ellah at ng kriminal. Kapag nakita na ipapaalam agad namin sa'yo," saad ni Hendrix.
"Tama si don Jaime, kasalanan ko," wala sa loob na usal ng binata.
Nagkatinginan ang magpinsan.
Nanghihinang napaupo si Gian sa naroong sofa.
"Kasalanan ko, hindi ako nag-iisip."
"May isa pa tayong problema kaya huwag 'yan ang isipin mo," tinabihan siya ni Hendrix.
Ni hindi na siya kumibo, walang pakialam.
"Gian, kailangang maibalik sa kulungan si Roman Delavega."
Nang dahil sa narinig ay tila sumabog ang kanyang ulo sa galit at poot nang maaalalang buhay pa nga pala ito.
"Anong sinabi mo?"
"Kapag hindi mo siya ibinalik, ikaw ang magkakaproblema. Hindi siya nakapunta sa korte nang dahil sa'yo. Tandaan mo ikaw ang may pakana kaya nangyari 'to, sa halip na papabor sa'yo ang sitwasyon, babaligtad 'yan at ikaw ang madidiin."
"Wala akong pakialam! Mamatay na ang lahat! "
Bigla nitong hinablot ang kwelyo ng suot niyang damit.
"Anong sinabi mo!"
Mas umahon ang galit sa kanyang dibdib.
"Bakit ba ako ang sinisisi niyong lahat!" Marahas niyang binaklas ang mga kamay nitong nakakapit sa kanyang damit.
Tumayo siya at nakahandang mang-iwan subalit humarang si Gabriel.
"Tumabi ka diyan," banta niya.
"Pinuntahan mo pa pala ang kaaway mo? Pinabibigat mo lang lalo ang sitwasyon, paano tayo matutulungan ng mga alagad ng batas niyan? " patuloy ni Hendrix.
" Ikaw Gabriel may ilegal kang grupo hindi ba? Ngayon niyo ilabas ang yabang ninyo!" singhal na niya.
"Saka na lang tayo mag-usap," ani Gabriel at umalis.
"Hindi! Ngayon tayo mag-uusap! Magagawa niyo ba akong tulungan o hindi? Magkalinawan tayo rito ngayon pa lang! Aasa lang pala kayo sa mga pulis na walang silbi? Ano pang ginagawa niyo rito!"
Kumuyom ang kamao ni Hendrix at biglang lumipad deretso sa kanyang mukha.
Nabigla si Gian at hindi agad nakahuma. Damang-dama ang pamamanhid ng panga.
Mabilis namang umawat si Gabriel sa pinsan.
"Drix tama na!"
"Kung lagi mong isasaksak sa utak mong ikaw ang may kasalanan sa nangyayari ngayon wala kaming magagawa, pero huwag mong sasabihing wala kaming silbi dahil ikaw lang ang inaalala namin."
"Bro, please?"
"Bakit sa tingin mo ba matutulungan ka ng don Jaime mo? Ikaw ang sinisisi niya! May iba ka pa bang malalapitan ha! Kung hindi dahil sa amin wala ka rito ngayon dahil dapat nasa kulungan ka! Tandaan mo, kidnapping at attempted murder ang kaso mo! Kahit shoot to kill ang mga 'yon hindi ka palalagpasin ng batas! "
Marahan niyang nahaplos ang labing dumugo.
"Bro naman! Intindihin mo si Gian, kahit sino sa kanyang sitwasyon ngayon hindi makakapag-isip ng matino."
Walang imik na umalis si Hendrix at naiwan si Gabriel.
"Bro, he had a video before he's gone, watch it if you can," ani Gabriel bago sumunod sa pinsan.
Naiwang mag-isa ang binata at wala sa sariling sinunod ang sinabi ng pinsan.
Pumasok siya sa silid ng computer room at marahang umupo.
Huminga ng malalim bago nagsimulang manood.
Unang lumabas doon ang nakaupong kaibigan sa isang silid. May posas ito sa likuran.
Tumahip ang kanyang dibdib sa tuwa nang makitang buhay pa ang kaibigan.
Maya-maya pa ay umangat ang mukha nito at humarap sa camera.
"Gian pare, kung sakaling mapanood mo ito gusto kong malaman mo ang mga sasabihin ko.
Makakaligtas ako pare kaya huwag kang gumawa ng paraan para madamay pa sa akin. Pare makakaligtas ako, kasama si Ms. Ellah tandaan mo 'yan."
Nagtagis ang kanyang mga bagang nang maalalang wala na ang kaibigan.
"Sinungaling, " mariing bigkas niya habang mariing nakatitig sa screen.
Yumuko ang kaibigan.
"Kung sakali mang, kung sakaling hindi ako makakaligtas...huwag mong sisihin ang sarili mo. Pakiusap, ayaw kong mabubuhay kang dala ang konsensiya ng pagkawala ko. Wala kang kasalanan pare. May isang bagay akong hihilingin, bigyan mo ng katarungan ang mga biktima kahit huwag na ako pare, sila na lang."
Ngumiti ang kaibigan at nagsimulang pumatak ang kanyang mga luha.
Lumakas ang kanyang pagtangis.
"Pare, naalala mo pa ba ang unang pagkikita natin? Sa simula pa lang alam ko ng magiging magkaibigan tayo, kaya hindi ako nanghihinayang na itaya ang buhay ko sa'yo mula noon. Maraming salamat sa pagliligtas sa akin.
Pangako pare itataya ko ang huling hininga ko mailigtas lang si Ms. Ellah."
Tumalim ang kanyang tingin dito.
"Pare, kinikilabutan ako sa mga pinagsasabi ko, mamamatay kaya ako? Hindi naman siguro, pero kung sakali man mumultuhin ko na lang araw-araw ang mga kalaban mo, ayos ba?" muli itong tumawa.
Tumindi ang kanyang paghihinagpis.
Ngayon hindi na niya makikita ang tawa ng kaibigan, hindi na maririnig ang mga biro nito at mga panloloko. Bumuhos ang mga luha ng binata at halos wala ng maaaninag.
" Maraming salamat pare, maraming salamat sa pagkakaibigan natin. Hinding-hindi kita makakalimutan."
Kasabay ng kanyang pagpikit ay ang pagkawala ng video. Idinilat niya ang mga mata at mabilis na naghanap ng ipapalit.
Bumungad ang kaibigan na sa pagkakataong iyon kasama na ang kanyang kasintahan habang kinakalagan nito sa pagkakatali ang kasintahan.
Pinunasan niya ng mga kamay ang mga mata at tumigil sa pagluha.
Bumuhos ang matinding pag-alala at pagmamahal sa babaeng pinakatangi-tangi.
"Vince natatakot ako," nanginginig na tugon ng kasintahan.
"Makakaligtas tayo, magtiwala ka, nangako ako kay Gian ililigtas kita, kahit ikaw lang ang makakaligtas, kaya ipangako mong makakaligtas ka naiintindihan mo?"
"O-oo pangako."
"Mangako ka Ms. Ellah, tuparin mo dahil itataya ko ang buhay ko para sa'yo mangako ka!"
"Oo pangako! Makakaligtas ako, tayo."
"Salamat."
Tumayo ang mga ito at lumabas ng silid.
Ikinasa ng kaibigan ang kalibre kwarenta 'y singkong baril.
"Patawarin mo ako kung masasaksihan mo ang mangyayari ngayon."
Nagsimulang tumakbo ang dalawa.
"HOY!" sigaw ng nagbabantay na mabilis binaril ni Vince sa noo at humandusay ito.
Napahiyaw si Ellah, nanginig sa takot.
Hinawakan ni Vince sa pulso ang kasintahan at isinabay sa pagtakbo.
Bawat madaanang kalaban ay pinagbabaril nito.
Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang tauhan ni Delavega at pinagbabaril ang dalawa.
Halos hindi siya huminga sa nakikita.
Mabilis namang nagkubli ang dalawa. Ilang saglit pa lumabas si Vince at pinagbabaril ang kalaban.
Sa pagkakataong ito seryoso ang kaibigan sa pangako. Bawat kalaban ay talagang itinutumba nito, walang pinalalagpas habang tumatakbo ang dalawa palabas ng gusali.
Hanggang sa makarating sa dulo eksaktong may kalaban sa likuran kaya binaril ito ni Vince at nauna si Ellah patungo sa pinto.
Akmang bubuksan nito ang pinto nang biglang bumukas kasabay ng pagbungad ni Xander at pagtutok ng baril kay Ellah.
"ELLAH!"
Nagitla si Vince at awtomatikong humarang patalikod upang protektahan si Ellah kasabay ng pagputok ng baril na tumama sa likuran nito.
Nagimbal siya maging si Ellah sa nasaksihan.
"VINCE!"
"PARE!"
Ngunit mas nakakagimbal nang lumaban ang kaibigan kaya binaril ito ng kalaban ng walang pag-alinlangan.
Tinamaan ito sa dibdib ng dalawang beses!
Natumba si Vince at sumigaw ng husto si Ellah kasabay ng pagkawala ng video.
Awang ang bibig at nanlalaki ang mga matang nanigas si Gian.
Napigil ang hininga at halos sumabog ang dibdib sa matinding kaba at takot.
Ngayon niya napagtantong agaw-buhay na pala ang kaibigan sa panahong pinaglaruan siya ng kalaban!
Subalit hindi siya binigo ni Vince, iniligtas nito si Ellah alang-alang sa kanya!
Halos lamunin siya ng matinding konsensiya.
"Mga hayop," mariing usal ng binata habang nakapikit.
"Mga hayop kayo!" Mula sa bulong ay naging sigaw.
Lahat ng mahawakan ay pinagbabato hanggang sa wala ng natira.
"AAAAHHHH!"
Napuno ng matinding paghinagpis ang naturang silid.
Ngayon niya tuluyang natanggap ang pagkawala ng matalik na kaibigan.
Wala na ang nag-iisang Vincent Maravilla.
Humagulgol ng husto ang binata at ibinuhos sa pag-iyak ang sakit at hinanakit.
Nang mahismasan ay tahimik siyang umupo sa gilid.
Bumukas ang pinto at bumungad si Gabriel.
"Gian, nalaman na ang lokasyon ni Xander Delavega!"
Tumahip ang kanyang dibdib sa takot at saya sa isiping maililigtas na si Ellah.
Sa kabila ng pagdadalamhati ay matatag siyang tumayo at lumabas ng silid.
"Magbabayad sila."
Sumunod si Gabriel at bumulong.
"Umpisa na ng gyera."
Kumusta po kayong lahat? Maraming salamat sa paghihintay.
Pasensiya na po kung lagi na lang napakatagal ng update.
Ngayon kasi, kapag hindi ako nalulungkot saka lang ako nagsusulat.
Sinisikap ko po na makapag-update ng mabilis pero hindi ko magawa.
Sorry po, pero maraming salamat sa inyong paghihintay.
Sana magustuhan niyo po ito.
Malapit na po ang pagtatapos, maraming salamat sa pagsusubaybay.
Keep safe every one!