SA pier napadpad si Bullet, matapos lisanin ang apartment na naging base ng kalalansag na grupo niya.
Hindi naman siya naging helpless nang mag-solo flight.
Nakahuli na siya ng tatlong wanted sa loob ng isang linggo.
Magkakasama naman kasi sa iisang hideout lang kaya sinuwerte siya.
Puwede na niyang ituloy ang pahinga ng kahit hanggang anim buwan ngayon. Malaki-laki ang kinita niya.
Kaya malaki rin ang nadagdag na ipon niya sa bangko.
Ang suwerte nga naman, bulong niya sa sarili habang napapangiti.
Nakaupo siya sa seawall paharap sa Manila Bay. May baon siyang isang supot ng donut at isang kahon ng canned beer.
Napatitig siya sa magagarang yate na nagkalat sa mangasul-ngasul na tubig.
Pangarap niyang magkaroon ng ganoong klaseng sasakyan, pagdating ng araw. Hindi siya mahilig sa mga kotse, o motorsiklo.
Ang nais niya ay ang maglakbay sa dagat...
Tumawa si Bullet habang iniitsa sa batuhan ang hawak na sigarilyo.
"Nangangarap ka na naman nang gising, Bullet Sanchez," ang patuyang wika niya.
Nagbukas siya ng isang lata. At inubos sa ilang tunggaan ang malamig na serbesa.
Muli siyang nagmasid sa paligid. Napuna niya ang isang bagung-bago pa lang na yate.
Pulam-pula iyon. Bloody red. At kumbaga sa babae, napakaseksi.
"Manlalakbai," sambit niya matapos basahin ang malalaking letrang kulay puti. Nakapintura ang bold na mga letra sa gawing nguso.
"Ang gara naman ng pangalan mo!" palatak niya habang nagta-thumbs up.
Sinundan niya iyon ng tingin hanggang sa maglaho sa malayo. Nakangiti pa rin.
Nanatili pa siya sa kinauupuan hanggang sa lumubog ang araw. Kumakain siya at umiinom habang naghihintay sa pagbabalik ng naturang yate.
Tumindig lang siya nang makaramdam ng ginaw. Inut-inot siyang lumabas sa malawak na Rizal Park.
Hindi muna siya nagtuloy sa mumurahing motel na tinutuluyan.
Sumakay siya ng taksi at nagpasiyang mamasyal sa palibot ng lungsod.
"Saan tayo, bosing?"
"Umikut-ikot lang muna tayo," aniya habang sumasandal sa upuang katabi ng drayber.
"Gusto n'yo ng sounds, bosing?"
Tumango si Bullet. "Sige."
Binuksan nito ang car stereo.
Pumikit siya nang binabagtas na nila ang kahabaan ng Roxas Boulevard.
"Gusto n'yo ba ng aliw, bosing?"
Idinilat niya ang isang mata para tumingin sa nagsalita. "Bakit?"
"Marami daw bago sa Quezon-Av. ngayon."
"Bugaw ka ba?"
Nagkamot ng ulo ang tinanong. May edad na ang loko pero batang-isip pa rin yata.
"Hindi naman, bosing. May kaunting porsiyento lang."
"Gan'on na rin 'yon," pakli ni Bullet. He grimaced with distaste. "Sorry, hindi ako mahilig sa babae."
Tila hindi makapaniwala ang taxi driver. "Paano ang pangangailangan mo, bosing?"
"Marami akong mapupuntahan. Libre pa," wika niya, sabay ngisi. Pumikit uli siya upang ipagpatuloy ang pagpapahinga ng mga mata.
Pareho silang natahimik. Tanging ang musikang nanggagaling sa radyo ang namamayani sa loob ng sasakyang de-aircon.
"And now, for the hourly news," anang boses ng announcer. "The only daughter of businessman Ramon Tiangco had disappeared without a trace earlier today. There was a presumption that it was a kidnap for ransom case, but police investigators were still looking out for clues. We shall have a follow-up report later. The music continues."
"Tsk! Mabuti na lang pala, naging mahirap ako, bosing. Hindi ako kinakabahan na baka ma-kidnap ang anak ko kapag nasa hanapbuhay ako."
Umiling si Bullet. "Hindi kinidnap ang babaeng iyon," pahayag niya. "Baka nagtanan lang 'yon."
Humagalpak ng tawa ang tsuper. "Oo nga, ano? Baka mahigpit ang mga magulang kaya napilitang sumama sa lalaking napupusuan." Humabi na agad ng sariling istorya ang matabil na drayber.
"Itigil mo nga diyan sa drive-thru restaurant," utos niya. "Ano'ng gusto mong kainin? Coke and hamburger?" tanong niya rito.
Napamulagat ang tsuper. "Pati ako, papakainin mo?"
"Bakit naman hindi? Ang pagkain ay para sa lahat," wika niya.
Ilang sandali pa, nakaparada na sila sa isang panig ng maluwang na gasolinahan.
Kuwento nang kuwento ang drayber na nagpakilalang si Ka Piryong.
Matiyaga namang nakikinig si Bullet. Sanay siyang makinig sa mga kuwentong walang patutunguhan.
Sa mga ganitong sitwasyon siya nakakasagap ng mahahalagang impormasyon.
"O, saan naman tayo ngayon, bosing?"
"Sige, ibalik mo na sa pinanggalingan natin."
"Sa Rizal Park?"
"Oo."
Malayu-layo na ang tinatakbo nila nang muling masundan ang balita tungkol sa nawawalang anak ni Ramon Tiangco.
Naririnig na ni Bullet ang pangalang 'Tiangco' noon pa. Palaging bida sa business news ang naturang negosyante dahil nga nananatiling matibay kahit na pulos krisis ang ekonomiya.
Interesado siyang nakinig sa follow-up report.
"Tama ba ang suspetsa mo, bosing?" usisa ng tsuper nang matapos ang maikling balita.
Tumango si Bullet. "Kapag wala pa raw dumating na ransom call o letter, balik sa mga dating puwesto ang lahat ng mga awtoridad." Hinaplos niya ang gilid ng baba habang nakatingin sa malayo.
"May kutob akong naglayas ang babaeng 'yon," sambit niya, halos wala sa loob.
"Harinawang gayon nga ang talagang nangyari," salo ng katabi. "Aba'y mga salbahe ang karamihan sa mga kidnappers ngayon!"
Sumang-ayon si Bullet, pero sa sarili lang.
Kapag tama ang hinuha niya, perang maliwanag na naman ang babagsak sa mga kamay niya!
Lumampas siya sa Rizal Park kaya nagpahatid na lang sa lodge.
Bumaba siya sa España. Sa isa sa mga nakahilerang lodge ang tinutuluyan niyang pansamantala.
"Dito na lang ako. Meron na pala dito."
"Bosing, baka naghahanap ka ng mauupahang kuwarto, kontakin n'yo lang ako sa telepono ng operator ko," alok ng drayber na gumiliw na sa kanya.
"Oo, gagawin ko 'yan," pangako niya.
Parang hindi nga kumportable ang kalagayan niya sa mga nakukuhang kuwarto na ubod nang liit.
Naririnig niya ang mga langitngitan ng mga kama sa mga katabing silid.
Kahit na hindi niya gamitan ng imahinasyon, nahuhulaan na niya kung ano ang mga nagaganap.
Napupuyat tuloy siya.
Kinabukasan, ang inatupag niya agad ay ang paghahanap sa telephone number ni Ramon Tiangco.
"Hello, good morning. Puwedeng makausap si Mr. Ramon Tiangco?" hiling niya sa nakausap na sekretarya sa opisina.
"Wala po siya dito sa opisina, sir," ang magalang na tugon naman ng nasa kabilang linya. "Kung gusto n'yo, tawagan n'yo na lang po siya sa bahay niya. Ibibigay ko ang numero niya doon."
"Oo, sige." Dali-dali siyang kumuha ng lapis at papel. "Pakibigay mo na rin ang home address niya, miss."
Agad niyang kinontak ang negosyante sa bahay nito.
"Ito nga si Don Ramon Tiangco," wika ng nag-aalalang tinig ng isang matandang lalaki. "Ikaw ba ang kidnapper?"
"Hindi ako, Mr. Tiangco," he denied calmly. "Tumawag ako para ialok ang serbisyo ko. Hindi kinidnap ang anak n'yo. Nagtanan siya o di kaya'y naglayas."
"N-naglayas?" ulit ng kausap. Napakalinaw ng linya. Para bang kaharap lang niya ang negosyante.
"Puwedeng tama ka sa suspetsa mong 'yan, iho. Este, sino ka ba?"
"Bullet. Bullet Sanchez."
"Buweno, Bullet Sanchez, magpunta ka agad dito sa mansiyon. Nais kitang makausap."
Walang inaksayang sandali si Bullet. Sumakay agad siya ng taksi at nagpahatid sa Tiangco Mansion.
Sinipat niya ang paligid. Puno ng mga guwardiya. Matataas ang mga bakod at electronic ang gate.
Naghihintay ang matandang don at ang anak na lalaki nito, nang dumating siya. Malugod ang pag-i-estima ng mga ito sa kanya.
"Ito ang aking anak na panganay, si Richie Tiangco," pagpapakilala ni Don Ramon matapos siyang kamayan.
Nagkamay sila ng mas nakababatang lalaki.
Mestisuhin ang dalawa. Parehong alun-alon ang buhok na maikli.
"May letrato ba kayo ng inyong anak na nawawala?" untag niya nang mapunang walang larawan ang dalaga sa palibot ng salang ubod nang luwang at rangya.
Tumango ang don. "Meron, iho. Sandali't kukunin ko." Tumalikod ito at humakbang patungo sa isang pribadong silid.
"Brandy or Scotch?" tanong naman ni Richie Tiangco sa kanya.
"Scotch na lang."
Ginagad niya ang paraan ng pag-inom ng lalaking mayaman sa alak nito. Inamoy muna ang laman ng basong kristal bago lumagok ng isa at dahan-dahang nilunok.
"Mmm, masarap, a?" wika ni Bullet habang napapangiti. Connoisseur siya ng alak.
"Isa pa?"
Umiling siya. "Mas masarap mas madaling makalasing. Tama na sa akin ang isa. Hindi ako nagpunta rito para makipag-inuman."
Tila nagustuhan naman ni Richie ang tinuran niyang iyon. Tumangu-tango ito at inalok siyang maupo.
"P'ano mo natiyak na may maitutulong ka sa amin?"
"Trabaho ko ang maghanap ng mga wanted criminals," pagtatapat niya.
"At ano'ng palagay mo sa kapatid ko--isa ring wanted?"
"Well, wala naman silang ipagkakaiba sa ngayon dahil pareho silang takas at tiyak na nagtatago."
Huminahon uli si Richie. "Sorry, brod. Nag-aalala kasi ako nang husto kay Rebel. Inosenteng-inosente 'yon. Laking-kumbento. Hindi siya sanay sa mga pasikut-sikot sa mundong ito," paliwanag nito.