webnovel

This Magnetic Attraction

Hindi pa man nakikilala ni Xander si Cassie, sira na ang karakter ng babae. Pinagdudahan ng kanyang ina na kerida ng stepfather ni Xander si Cassie. Kilalang femme fatale at golddigger si Cassie kaya kinasuklaman na ni Xander kahit hindi pa nakikita. At nang magkakilala sila, agad na dumiklap ang ningas ng atraksiyon sa pagitan nila. Pareho silang nasusunog sa apoy ng pagnanasa. Hanggang kailan kaya sila tutupukin...?

ecmendoza · perkotaan
Peringkat tidak cukup
12 Chs
avataravatar

Chapter Eight

NAGLALATANG ang di-maipaliwanag na galit sa kalooban ni Xander matapos mag-eavesdrop sa telephone conversation nina Jose at Cassie.

'Oh, God, I'm jealous!' bulalas niya sa sarili. Nagseselos siya pero walang basehan.

Oo, nagpahayag ng pagmamahal sa isa't isa sina Jose at Cassie. Ngunit wala siyang mabakas na sidhi ng pagnanasa sa mga tinig ng dalawa. Mas higit pa nga ang pag-aalala para sa kapakanan ng bawat isa.

Ano'ng klaseng relasyon ang walang sexual intonations? Ang ibig bang sabihin, mag-soul mates lang ang dalawa?

Damn you, Dad! Bakit ayaw mo pang aminin kung ano ba talaga sa 'yo si Cassie?

Padaskol na umalis sa kama si Xander. Naalimpungatan siya kanina nang kumuriring ang extension telephone sa ibabaw ng lampshade table.

Hindi na siya makakatulog uli ngayong ginugulo na naman ng palaisipan ni Jose Montes.

At ni Cassie. Bakit hindi inamin ng babae kay Jose na may relasyon na sila?

Nagtatapis ng tuwalya si Xander habang naglalakad. Natagpuan niya si Cassie sa kusina.

Nagulat ang babae nang makita siya. Saglit na bumadha ang guilt bago naikubli ng malambing na ngiti.

"Kanina ka pa ba gising?"

"Hindi." Nagsinungaling si Xander habang nakatitig sa mga mata ni Cassie. "Ano'ng niluluto mo?" Kunwa'y mas interesado siya sa amoy na nalalanghap.

"Noodles at kape lang." Parang napahiya ang babae. "Pasensiya ka na. Hindi ako nakapag-grocery ngayon."

"Okey na 'yan para sa midnight snack." Naupo siya sa stool na inokupa kanina.

"Ang akala ko, nagising ka sa ingay ng telepono."

Nasorpresa si Xander nang banggitin ni Cassie ang telepono. Ngunit hindi na niya puwedeng bawiin ang nasabi na.

"May tumawag pa sa 'yo? Gabing-gabi na, a?" Parang siya pa ang na-guilty dahil napilitang panindigan ang kasinungalingan.

"Tumawag si--si Jose," pagtatapat ni Cassie.

Lalong nalito si Xander. A, hindi na niya alam kung ano ang patakaran sa laro ng babaeng ito!

"B-bakit tumawag siya?" Pilit na pilit ang pagmamaang-maangan niya.

"Nangumusta siya. Pinayuhan akong magpakatatag sa 'yo. Nagbabala ring mag-ingat daw ako sa 'yo." Tumingin nang diretso sa kanya si Cassie. "May balak ka bang maghiganti sa akin, Xander?"

Hindi nakasagot si Xander kahit na nakataya pa ang buhay niya.

*****

NANLUMO si Cassie nang manatiling tahimik ang lalaki. Isa lang ang ibig sabihin--ipinaghihiganti nga ni Xander ang ina.

Kaya malamig at malupit ito sa kanya nung unang gabing nagkakilala sila.

Naudlot lang marahil ang planong paghihiganti dahil sa masidhing apoy ng pagnanasang nagliliyab sa pagitan nila.

O baka naman iyon na ang mismong ganti ni Xander sa kataksilan ni Jose? Tiyak na masasaktan ang stepfather kapag nalamang ginawang kerida ng stepson si Cassie.

Hindi niya naubos ang kape at noodles. Biglang naglaho ang kanyang uhaw at gutom.

"Bakit naitanong mo ang tungkol sa paghihiganti, Cassie?"

Nagulat siya nang marinig ang tugon ni Xander sa tanong niya kaninang-kanina pa. Natagalan lang pala ito sa pag-iisip ng isasagot.

"W-wala lang." Iyon lang ang naisagot ni Cassie dahil naglaho na rin ang lakas ng loob niya kanina.

"May dapat ba akong ipaghiganti sa 'yo?" Siya naman ang sinalakab ng lalaki.

"Meron." Minabuti niyang maging matapat hanggang maaari upang hindi magkabuhul-buhol sa mga kasinungalingan.

"Ano ba ang kasalanang nagawa mo sa akin?"

Kumibit ang isang balikat ni Cassie bago nagbaba ng paningin. "Wala pa naman akong nagagawang kasalanan sa 'yo," pag-amin niya.

"Wala pa naman?" ulit ng lalaki. "Ang ibig sabihin ay may balak kang gawing kasalanan?"

Marahang tumango si Cassie. Hindi pa rin nakatingin sa kaharap nang muling magsalita. "Madali ka bang magsawa?"

Natigilan si Xander bago tumugon. "Bakit?"

"Sagutin mo lang, please," hiling niya. Panakaw na sumulyap sa matatag na mukha bago ibinalik sa noodles na hinahalo ng kutsara ang paningin.

"Depende. Tungkol saan ba ang gusto mong malaman?"

"Kailan ka kaya magsasawa sa akin?"

Muling natigilan si Xander. "Hindi ko alam."

Saka lang tumingin nang tuwid si Cassie sa kaharap. "Gusto kong lagyan mo na agad ng taning ang interes mo sa akin," giit niya. "Ano bang dapat kong gawin para magsawa ka agad sa akin?"

*****

NAUMID na naman ang dila ni Xander. Wala bang katapusan ang pagpukol ni Cassie ng mga tanong na mistulang bomba kung sumabog?

Pulos mga simpleng tanong lang naman ngunit bakit napaka-imposibleng sagutin?

May balak ka bang maghiganti sa akin? Kailan ka kaya magsasawa sa akin? Ano bang dapat kong gawin para magsawa ka agad sa akin?

Damn, damn, damn! Ang pakiramdam ni Xander ay iginagapos na siya ni Cassie.

"Tapos ka na bang kumain?"

Binitawan ng babae ang kutsara bilang sagot.

Pinagsabay-sabay na dinampot ni Xander ang mga mugs at noodle bowls, at dinala sa lababo.

"Matulog na uli tayo. May pasok pa tayo sa opisina." Sinadya niyang gawing kaswal ang tono.

Hindi na kumibo si Cassie. Inumpisahan nang hugasan ang mga pinagkanan.

Naunang bumalik si Xander sa kuwarto. Inaasahang susunod si Cassie. Ngunit hanggang sa nakatulog siya, hindi dumating ang bedmate.

Hinanap niya ang babae nang mag-umaga. At natagpuang nakabaluktot ito sa pagkakahiga sa ibabaw ng bamboo bench ngunit himbing na himbing sa pagtulog. Ang ginamit na unan ay ang throw pillow na kuwadrado. Walang kumot kundi ang suot na kulay rosas na towelling robe.

Bumuntonghininga si Xander habang minamasdan ang maamong mukha ni Cassie. Parang napakainosente nito kapag natutulog. Maihahalintulad sa isang sleeping beauty. Para bang wala pang muwang sa kamunduhan.

Samantalang ang hinug na hinog na hugis ng katawan ay punum-puno ng sensuwalismo. Ang bawat matamis na kurba ay may pangakong magdudulot ng maalab na luwalhati sa sinumang lalaki.

Alam niya, dahil ilang ulit na niyang nalasap kung gaano kainit si Cassie sa pakikipagtalik. Tinupad ng babae lahat ng mga pantasya ni Xander. At dinagdagan pa.

Para bang bumabawi sa mga taon na walang sex life. Siguradong kukuha ito ng ibang lover kapag tapos na sila.

Sumulak agad ang panibugho sa kalooban ni Xander, isipin pa lang na may ibang lalaking umaangkin sa mapanuksong katawan ni Cassie. Parang gusto na niyang sumabog agad sa galit.

Nagulat siya sa matinding selos na nagpupumiglas sa kaibuturan. Kumuyom ang mga kamao niya, at padaskol na tumalikod.

Sinusupil rin ni Xander ang pagnanasang angkinin muli si Cassie ngayon mismo at doon mismo. Ngunit tumanggi siyang maging alipin ng laman.

Maliksing lumakad palabas sa front door at sa tarangkahan ng bakuran si Xander. Parang isang kriminal na may tinatakasan. Ano bang nangyayari sa kanya?

Nararamdaman niyang parang nagiging tanikala ang pisikal na atraksiyon kay Cassie. Iginagapos ang kaluluwa niya...

Hindi! tutol ni Xander sa sarili.

Wala pang babaeng nagtagumpay na kontrolin siya. Nasa kanya palagi ang renda ng kontrol. Siya lang ang nagpapasiya kung kailan tatapusin ang relasyon.

Ngunit tinangkang agawin ni Cassie ang naturang renda nang hilingin sa kanyang lagyan na agad ng taning ang atraksiyon niya. At nang itanong pa kung paano madaling magsasawa si Xander!

'Gusto kong lagyan mo na agad ng taning ang interes mo sa akin. Ano bang dapat kong gawin para magsawa ka agad sa akin?' Umalingawngaw sa lahat ng sulok ng utak ang mga sinabi ni Cassie.

"Damn you, witch! I'll show you how!" Nagmura na sa galit si Xander bago pinaharurot palayo ang minamanehong kotse.

*****

NAPAPITLAG si Cassie ngunit hindi alam kung saan nagulat. Nang makitang maliwanag na ang langit sa labas ng bintana ng sala, bumalikwas agad ng bangon.

Awtomatikong tinugpa ng mga paa ang landas patungo sa kuwarto. Napapatda siya nang makitang bakante na ang gulu-gulong kama.

Ano'ng oras umalis si Xander? Bakit hindi man lang siya ginising?

Napailing si Cassie dahil walang maisip na sagot. Isang enigma ang karakter ni Xander. Mahirap hulaan ang laman ng isipan. O ng kalooban. Ang tanging madaling mabasa ay ang mga senyales ng pagnanasa nito.

Parang may nagsisinding mga munting ningas ng apoy sa likod ng mga mata. Lalong nagiging sensuwal ang hubog ng bibig. Nagiging mapanghalina ang ekspresyon ng matatag na mukha.

"Ano bang gagawin ko para lumayo ka na agad sa akin, Xander Kyrios? Ayokong mapaibig sa 'yo," sambit ni Cassie habang niyayakap ang unan na ginamit ng lalaki. "Katulad ka rin ni Ric. Malupit. Tiyak na kayang-kaya mo akong saktan..."

Malungkot na umiling si Cassie. Kinitil agad ang isang masayang pangarap na magkakasama sila ni Xander nang matagal na matagal. Walang siguradong future ang isang mistress.

Ngunit magiging lubos na maligaya lang siya kapag mayroon nang yakap-yakap na sanggol...

'My baby,' bulong niya sa sarili habang hinahaplos ng mga kamay ang tapat ng tiyan at puson. Pipis na pipis pa, pero balewala sa kanya kahit lumobo na nang husto.

Bahagyang napangiti si Cassie nang maisip na magsasawa na siguro si Xander sa kanya kapag nawala na ang perpektong hubog ng katawan niya.

Kaya lang, baka kunin nito ang anak niya kaya hindi dapat malaman nitong nabuntis siya.

Aalis ako kapag siguradong magkakaanak na ako--pero hihintayin ko munang bumalik si Jose, pangako niya sa sarili.

Muling sumigla at tumatag ang pakiramdam ni Cassie sa naisip na iyon. Dala-dala pa niya hanggang sa pagpasok sa opisina.

"Good morning, Miss Torres." Katulad nang dati, matamis ang ngiti ng security guard na nakatayo sa tabi ng pintuan. Lantaran ang admirasyon para kay Cassie.

"Good morning din." Ni hindi sumagi sa isip ni Cassie na isnabin ang guwardiya. Wala naman kasing ipinakikitang kabastusan.

Nakangiti pa rin siya hanggang sa pagpasok sa elevator.

"Nasa basement garage na ang kotse mo," wika ng baritonong boses ni Xander.

Muntik nang mapasigaw si Cassie sa sobrang pagkagitla. "S-saan ka nanggaling?" bulalas niya. Nanlalaki ang mga mata.

"Kasunod mo lang ako sa pagpasok," tugon ng lalaki. Blangko ang anyo. Matigas ang tono.

Napakurap si Cassie. "Uhm, parang may ikinagagalit ka...?" ang hesitanteng tanong niya.

"Meron." Pinindot ni Xander ang button kaya sumarado ang mga pinto at nagsimulang umandar ang elevator.

Nabitin si Cassie dahil hindi na nagsalita si Xander hanggang sa makarating sila sa opisina ng general manager.

Pagpasok na pagpasok sa loob, bigla siyang sinambitla ng matitigas na bisig. Kinuyumos ng halik ang kanyang mga labi.

"You're mine," angil ng lalaki. Parang galit na galit. "Akin ka na, Cassie. Hindi ka na puwedeng makipag-flirt sa ibang lalaki!"

Napasinghap si Cassie sa ipinamalas na poot ni Xander. Poot na may kahalong selos.

"H-hindi tutoo 'yan," sambit niya. Nanginginig na agad ang tinig. Biglang lumutang sa ibabaw ng utak ang mga alaala ni Ric.

"B-bitiwan mo ako." Biglang namatay ang apoy ng pagnanasa. Ang nangibabaw ay ang lumang takot at phobia sa sakit.

"Bitiwan mo ako!" Tumili na si Cassie, sabay tulak pasalya sa malapad na dibdib ni Xander. Ganito ang nais niyang gawin kay Ric noon.

Ngunit ngayon lang siya nagkalakas ng loob na lumaban. Dahil sa encouragement ni Jose.

"Cassie." Napalitan ng pagkabigla ang panibugho sa ekspresyon ni Xander. "Oh, God, I'm sorry! I was jealous."

Seloso rin si Ric. Nung una, inakala ni Cassie na simbolo ng pagmamahal ang selos. Ngunit nang nasasaktan na siya kahit aksidente lang na napasulyap sa ibang lalaki, kinasuklaman na niya ang emosyong selos.

"Y-you have no right to be jealous, Mr. Kyrios," ang matigas na pahayag niya. "Kerida mo lang ako--hindi asawa. Kaya hindi legal ang pagmamay-ari mo sa akin!"

Your gift is the motivation for my creation. Give me more motivation!

ecmendozacreators' thoughts