webnovel

The Girl From Nowhere book 2 (ANORWA - The Another World)

Anorwa, the another world. Mundo ng mga diwata na akala nati'y sa isang kuwentong pantasya lamang. Doo'y muling magtatagpo ang landas ni Nate at Chelsa. Ngunit sa kasamaang palad, sila'y nasa magkalabang pangkat. Ang pangkat ng kabutihan at pangkat ng kasamaan. A Fight For Love And Forever

xiunoxki · Fantasi
Peringkat tidak cukup
22 Chs

CHAPTER 17: Mira

~ ANG NAKARAAN NI MIRA ~

MAHAL NG KANYANG mga magulang si Mira. Nag-iisang anak lamang siya at lahat nang naisin niya ay ibinibigay sa kanya. Sa kabila ng maamo niyang mukha ay siya namang brusko niyang kumilos, mana siya sa kanyang ina na isa sa pinakamahusay na sundalo ng palasyo ng Ezharta. Ang kanya namang ama ay mahusay na panday ng palasyo, isa sa mga gumagawa ng mga sandatang pandigma. Masaya ang kanilang pamilya. Ngunit isang araw, nagbago ang lahat dahil sa isang trahedya.

"Ama, bakit po kayo umiiyak?" tanong ni Mira.

"Mira, aking anak, wala na ang iyong ina," luhaang sagot ng kanyang ama. Niyakap siya ng kanyang ama, naramdaman niya ang labis nitong kalungkutan at pangungulila. Maging siya ay hindi na rin naitago ang katotohanang wala na ang kanyang pinakamamahal na ina. Labindalawang taon lamang siya noon. Ang kanyang inang labis niyang hinahangaan ay wala na. Ang kanyang ina na siyang rason kung bakit gusto niya rin maging isang tinitingalang sundalo ng kanilang kaharian.

Namatay sa isang labanan ang ina ni Mira. May sumalakay na grupo ng mga habo sa isang kagubatan kung saan may mga naninirahan na diwata. Isa ang kanyang ina sa sumaklolong sundalo, ngunit sa kasawiang palad, napuruhan siya ng patalim sa dibdib na tumagos sa puso nang iligtas niya ang isang batang babaeng diwata. Hindi na kinaya pang pagalingin ang natamo nitong matinding sugat ng mga kasamahan niyang nanggagamot, walang marhay na nakapagligtas dito at hindi na umabot pang buhay sa palasyo para sana magamot ng reyna.

Hindi natanggap ng kanyang ama ang nangyari, nagpasya itong magpakalayo silang mag-ama. Nais ng kanyang ama na muling mabuo silang pamilya. Gamit ang marhay na ipinuslit nito mula sa palasyo, gumawa ito ng mahika na ipinagbabawal. Isang itim na diwata ang sanhi ng pagkawala ng kanyang pinakamamahal na kabiyak, isang itim na diwata rin ang muling makakapagbalik nito.

Nagsumamo sa itim na espirito ang ama ni Mira hanggang may isang habo na nagpakita at itinuro nito ang mahika kung paano buhayin ang namatay na. Pinag-aralan ng kanyang ama ang mahika ng ilang buwan. At sa mga panahong 'yon, nakalimutan na nitong may anak pa siya at may rason pa para mabuhay – at hindi ang muling buhayin ang yumao na.

Naging napakalungkot ni Mira. Nagkaroon din siya ng sama ng loob sa kanyang ama. Ngunit wala siyang magawa kundi intindihin ang labis nitong kalungkutan. Wala siyang alam sa ipinagbabawal na batas ng kanilang mundo na kasalukuyang ginagawa at nais isakatuparan ng kanyang ama.

Isang araw, umuwi ang kanyang ama, kasama ang kanyang ina.

"Ina?" masayang sambit ni Mira at niyakap niya ng mahigpit ang kanyang ina na ilang buwan niyang hindi nakasama. Ngunit walang reaksiyon ang kanyang mahal na ina. Hindi ito gumanti ng yakap sa kanya.

"Pagpasensiyahan mo ang iyong ina, anak," sambit ng kanyang ama, ito ang gumanti nang mahigpit na yakap sa kanya na may luha sa mga mata. "Ang mahalaga ay kasama na natin siyang muli. Pagod lamang siya."

Lumipas ang mga araw, walang ni isang salitang narinig si Mira mula sa kanyang ina. Hindi rin niya nakitang kumain ito. Kapansin-pansin din ang pag-iba ng kulay ng balat nito at mga mata. Naging tila mainitin din ang ulo nito at laging padabog ang pagkilos. Batid ni Mira na may kakaiba, nabubuo sa isip niyang hindi na ang inang kasama nila sa tahanan ang kanyang inang minahal niya.

At isang gabi, naganap ang trahedyang hindi makalimutan ni Mira. Nagising siya sa ingay mula sa kuwarto ng kanyang mga magulang, nang buksan niya ang pinto, nasaksihan niya ang pag-atake ng kanyang ina sa kanyang ama gamit ang espada. Pag-ilag lamang ang ginagawa ng kanyang ama at nagmamakaawa ito sa kanyang inang wala sa sarili.

"Ama!" sigaw ni Mira.

Nang mapansin siya ng kanyang ina, siya ang sinugod nito upang patayin. Nakailag si Mira sa pag-atake ng kanyang ina ngunit nadaplisan nito ang kanyang kaliwang braso. Paatras na lumipad si Mira at muli naman siyang sinugod ng espada ng kanyang ina. Bago pa siya masaksak ng nagwawalang ina, nasa likuran na nito ang kanyang ama. Lumipad ang kanyang ama hawak ang isang espada, at sinaksan nito sa likod ang kanyang ina na agad bumagsak sa sahig.

Niyakap si Mira ng kanyang ama habang umiiyak itong humihingi ng tawad sa kasalanang nagawa. At bago pa man makasagot si Mira sa kanyang ama, isang saksak sa likod ng espada na tumagos sa puso nito ang agad bumawi ng buhay nito – paraan kung paano rin namatay noon ang kanyang ina.

Nang siya na ang sunod na gagamitan ng esapada ng kanyang ina, mabilis niyang dinampot ang espada ng kanyang ama at nag-baltas sa likuran ng inang nais siyang kitilin. Gamit ang mismong turo ng kanyang ina sa pag-atake gamit ang espada, sa isang kumpas lamang ng kanyang hawak na espada sa likuran ng kanyang ina, naputol niya ang ulo nito at gumulong sa sahig. Natumba ang katawan nito. Napagmasdan ni Mira ang mga nakahandusay na bangkay ng kanyang pinakamamahal na ama't ina.

"Aaaaaaaaaahhhh!" malakas niyang sigaw na puno ng sakit na sinabayan pa ng pagbuhos ng malakas na ulan.

Dumating ang ilang sundalo sa bahay nina Mira nang gabing iyon, gumamit sila ng mahika upang mawala ang itim na mahika sa katawan ng bangkay ng kanyang ina, at upang hindi na ito muling gumising pa.

Mula noon, kinupkop na si Mira ng matalik na kaibigan ng kanyang ama na isa ring panday ng palasyo. At ipinangako niyang wala nang diwata pang makakaranas ng sakit tulad ng kanyang naranasan na dulot ng mga habo. Kaya pinag-husayan niya ang pagsasanay hanggang makapasok din siya bilang sundalo ng palasyo – isang mandirigmang wawakas sa kasamaan ng mga itim na diwata.

~~~

~ SA LABANAN ~

PINAGMAMASDAN NINA MIRA at Mapo Nhamo sina Nate at kanilang mga kasama na makikipaglaban sa mga bangkay ng diwata. Nasa taas sila ng puno. Hindi mapatid ang luha ni Mira sa mga mata. Naaalala niya ang madilim niyang nakaraan na.

"Mapo Nhamo, pasensiya na kung wala akong maitulong. Hindi ko sila kayang labanan," sambit ni Mira.

"Nauunawaan ko, Mira. Buweno, tulungan mo na lamang akong gumawa ng mahika para alisin sa mga bangkay ang mahikang itim na nagpapagalaw sa kanila." Naglabas ng aklat at lalagyan si Mapo Nhamo mula sa kanyang hood. "Marunong ka naman gumamit ng mahika, hindi ba?"

"Marami po akong alam sa paggamit ng marhay." Hinawakan ni Mira ang lalagyan ng nagliliwanag niyang mga kamay.

"Mainam." Naglabas ng marhay si Mapo Nhamo at inilagay sa kahoy na lalagyan na hawak ni Mira at naghanap sa kanyang libro ng mahikang gagamitin.