"Nasaan ako?" Nakakaramdam siya nang bahagyang pangingirot ng ulo't matinding panghihina. Habol din niya ang paghinga na tila matagal siyang nakalubog sa tubig.
Sa una'y malabo ang pagrehistro ng mga bagay sa kanyang paligid kaya nahirapan siyang kumilos. Ngunit, hindi nagtagal ay naging malinaw na rin iyon.
Hindi pamilyar sa kanya ang lugar na kinaroroonan. Ang magagarang kristal na ilaw, makikinis at pantay na mga bato ay kamangha-mangha. Tila isang panaginip ang kanyang natutunghayan mula sa pantasyang mundo.
Hindi pa man lubos na pumapasok sa kanyang isipan ang mga bagay-bagay kung dapat ba niya itong paniwalaan? O hintayin na lamang na siya ay magising. Nang bigla siyang makarinig ng malalakas na sigaw. Sigaw ng isang babae na sa tingin niya'y nangangailangan ng tulong. Kaya kaagad niyang hinanap ang daan palabas upang saklolohan ito.
Sa katabi lamang na pintuan niya malakas na naririnig ang mga sigaw. Sinubukan niyang pihitin ang hawakan ng pinto. Ngunit, hindi niya iyon mabuksan. Kaya naman, ginamit niya ang lahat ng puwersa sa katawan upang sirain ang pinto.
At nabungaran nga niya ang kawawang babaeng nakagapos sa higaan. Dali-dali siyang dumulog dito upang kalagan ito.
Sa kabilang banda'y napansin na niya noong una pa lang na labis ang pagtataka sa mukha ng babae nang makita siya. Inisip niyang marahil ay hindi siya kilala kaya ganoon na lamang ang naging reaksyon nito. Ngunit, nang tuluyan na itong lumisan at nakita niya ang sarili sa salamin... noon lamang niya napagtantong hindi pala ito ang kanyang katawan.
At ayun din sa mga kasama niya sa bahay, ang babaeng kanyang iniligtas ay sarili niyang kabiyak.
Nang sandaling iyon ay hindi na inisip pa ni Adonis na muli itong babalik sa kanyang piling dahil sa galit na nakita niya sa mga mata nito. Sa kung paano niya nakita ang kagustuhan nitong makalayo sa kanya'y alam na niyang may nagawang kasalanan ang taong nagmamay-ari ng katawang ito.
MALALIM na ang gabi nang umuwi si Celina sa rest house. Namumugto ang kanyang mga mata tanda nang ginawang pag-iyak. Wala naman siyang ibang magawa kundi ang ubusin sa pag-iyak ang lahat ng sama ng loob dahil iyon na lang naman ang tangi niyang magagawa.
Buong akala niya'y tulog na ang asawa nang magbalik siya pero matiyaga pa rin pala itong naghihintay sa kanya sa sala. Nakaupo ito roon at tila nagdadalawang isip na lapitan siya.
Madilim man sa paligid dahil hindi na nito nagawang pailawan sa loob, kita pa rin niya ang lungkot at pagsisisi sa mga mata nito nang magtama ang kanilang mga tingin. Nakatulong ang manaka-nakang pagkidlat sa kalangitan upang mabasa niya ang eksprisyon sa mukha nito. At isa iyon sa kinaiinisan niya! Hindi niya maintindihan kung bakit. Pero, para siyang nakukunsensya sa nakikitang ka-inosentehan nito.
Gusto niya itong sugurin at awayin. Itanong kung bakit ba siya nito paulit-ulit na niloloko at pinahihirapan. Ngunit, hindi niya magawang ihakbang ang mga paa palapit dito. Tila umurong din ang kanyang dila. Kaya naman, pinili na lamang niyang talikuran ito't magkulong sa kuwarto nang walang binibitawang salita.
"Celina!"
Narinig pa niya ang pagtawag nito bago niya tuluyang maisara ang pinto ng silid pero hindi niya ito pinansin.
"Celina... Hayaan mo akong makapagpaliwanag! Makinig ka sa akin... Mag-usap muna tayo." Marahan din itong kumakatok sa pinto't nagbabaka-sakaling pagbubuksan niya ito.
"Hindi ko naman ninais na linlangin ka! Natakot lamang ako kaya inilihim ko ang totoo... Celina!" muli nitong paliwanag. Ngunit, nagpasya siyang huwag nang sumagot pa at panindigan ang pagbibingibingihan.
Masyado nang maraming nangyari sa araw na ito't hindi na niya kayang tumanggap ng iba pang mga paliwanag. Hindi na rin naman siya sigurado kung alin sa mga ito ang totoo.
"Sige... Hindi na muna kita pipiliting makinig sa akin. Magpahinga ka na..." Mayamaya'y sumuko rin ito't nanghihinang napasalampak ng upo sa tapat ng pinto. Nagtagal ito sa ganoong posisyon na nakatulala lamang sa kawalan.
RIIING! RIIING! RIIING!
Halos malaglag si Celina sa kama nang maalimpungatan sa pagtunog ng kanyang cellphone.
Pupungas-pungas niyang sinipat kung sino ang tumatawag. Si Aljohn. Masyado pang maaga kaya inisip na niyang mahalaga ang anumang sasabihin nito.
"H-hello, Kuya Al! Buti't napatawag ka."
["Bakit? Nandyan na ba sila Daddy?"] Bakas ang pag-aalala sa boses nito.
"H-ha? Si Chairman? What do you mean?"
["Celina, makinig ka... Nakauwi na si Dad from abroad. At papunta siya ngayon d'yan sa isla!"]
"Ano?! P-pero bakit? Anong gagawin niya rito?" Bigla siyang nakaramdam ng matinding kaba. Agad siyang napabangon sa higaan at dali-daling inayos ang sarili.
["Hindi ko rin alam! Pero, ito na ang tamang pagkakataong hinihintay ko para maisagawa ang plano. Papunta na rin ako d'yan ngayon. Nakumbinse mo na ba si Ashton na ibigay sa'kin ang full authority ng kompanya?"]
"Iyon na nga, Kuya Al, e! May sasabihin ako sa 'yo kaya buti na lang at napatawag ka..."
["Huwag mong sabihing... problema na naman 'yan, Celina?!"]
"E, Kuya Al, paano ko pa siya makukumbinse? Kagabe lang... sinabi niya sa'king hindi totoong nawala ang memorya niya. He lied to me. He lied to us! Nagpanggap lang siyang walang maalala. Inamin niya sa'kin ang lahat kagabe!" Naghihisterya na naman siya.
["What the— sigurado ka ba?"]
"Kuya Al, anong gagawin ko? Pinipilit din niyang ipaniwala sa'kin na siya raw si Adonis at hindi si Ashton! Gulong-gulo na ako!"
["What do you mean to say?"]
"H-hindi ko rin maintindihan, Kuya Al! Pero hindi na siya ang Ashton na kilala ko. Sa tingin ko habang tumatagal ay lalo siyang nagiging weird!"
["Celina, look... Wala akong pakialam sa mga sinasabi ng asawa mo. Okay? May amnesia man si Ashton o nasisiraan na ng ulo, wala akong pakialam! What's important now is my company! Wala rin akong pakialam kung paano mo pa siya makukumbinse ngayon. Wala na tayong oras! Ang gusto ko, maging okay ang lahat pagdating ko d'yan. It's now or never, Celina! Baka mamaya niyan mabagok ulit ang ulo ng asawa mo at tuluyan na talagang makaalala. Kapag nangyari 'yon, ikaw ang magiging kawawa dito, Celina. Ikaw at ang pamilya mo. Hindi ako! Kaya 'wag mong ibigay sa akin ang parte mo sa usapan natin. Fix this mess yourself kung gusto mong makinabang! Understand?"]
"P-pero, Kuya Al—" Hindi na niya naituloy pa ang sinasabi dahil bigla na nitong pinutol ang linya. "Bwisit!" palatak niya. At padabog na itinapon ang hawak na cellphone sa naroong kama.
'Bahala na! Kailangan kong makausap si Ashton. Wala na akong oras!' Ito lamang ang tumatakbo sa kanyang isipan nang lumabas siya sa kuwarto para hanapin ang asawa.
NGUNIT, ganoon na lamang ang pagkatigagal niya sa kinatatayuan nang makita ang father in-law sa sala na kaharap si Ashton.
"Sinasabi mo ba sa'king wala kang amnesia pero hindi ikaw ang anak ko?!" Halos dumagundong ang boses ng matandang Gamara sa buong kabahayan sa labis na galit.
"Ganoon na nga ho... Ang pangalan ko ay Adonis—" Isang malakas na suntok ang kaagad na natamo nito mula sa ama, hindi pa man natatapos sa pagsasalita.
"Ashton!" Mabilis siyang dumulog sa asawa upang tulungan itong tumayo. Hindi niya gustong makialam o pumagitna sa mag-ama pero hindi niya kayang makitang magkasakitan ang mga ito.
"Am I so stupid to believe that?! Hindi ako tumanda ng ganito para utuin mo ng ganyan, Ashton!" Nagngingitngit pa rin sa galit ang matanda. "You framed up someone's life! Kaya ko nga pinilit na ipakasal sa 'yo si Celina para makabawi ka sa mga kasalanan mo sa ama niya! And one more thing... you almost killed a person kaya ngayon nagtatago ka! Ako at ang kuya mo ang taga-ayos ng lahat ng kagaguhan mo, Ashton! Is this how you pay for us? Ito ba ang naiisip mong paraan para takasan ang lahat ng kasalanan mo? Paano kami matutulungan nito, ha? Paano nito matutulungan ang sarili mo?!"
"Sinabi ko na sa inyong hindi ako ang tinatawag niyong Ashton!" mariing turan ni Adonis matapos tumayo. Sa tono ng pananalita nito'y tila nakahanda itong panindigan ang mga sinasabi.
"Ashton! 'Wag mong sinasagot ng ganyan ang daddy mo! Siya ang iyong ama!" pagalit niya. Pagkuwa'y nahihiya siyang humarap sa biyanan. "Sorry po, Chairman... Ako na po ang humihingi ng pasensya. Dahil po kasi sa kanyang amnesia kaya siya nagkakaganyan. B-bakit po pala kayo napadalaw dito?"
Kailanma'y hindi niya nakasanayan ang tawagin itong daddy o ano pa mang maaaring itawag sa ama.
"Nagpunta ako dahil hindi ko gustong nagtatago kayo rito! Are you two guilty?"
"Ah... kasi po..." Walang maapuhap na sasabihin si Celina. Paano ba niya sasabihin sa biyanan na nangyari ang lahat ng ito dahil sa ginawa niyang pagsama kay Jess?
"I suggested the idea..." malakas na sabat ni Aljohn pagbungad nito sa pinto. "Dad."
Lahat ng atensyon ay nabaling dito.
"I told you to fix your brother's case, Aljohn! But, how could you prove that they're innocent kung pinagtatago mo sila dito na parang mga pugante?!" Dito naman nabaling ang galit ng matandang Gamara.
"Dad, can we just sit down first before we talk?" kalmado nitong saad. At mabilis na iginiya ang ama sa naroong sofa.
Kahit nakaupo na si Alfred ay hindi pa rin nito magawang kumalma. Kasosyo nito sa negosyo at isa rin sa mga major stockholders ng kompanya ang mga Reynolds kaya ganito na lang ang galit na nararamdaman ng matanda.
"Ayaw kong masira ang relasyon natin sa mga Reynolds nang dahil lang sa pangyayaring ito! Malaking kawalan ito para sa kompanya!" panimula ni Alfred. "At ano naman ang pumasok sa utak mo Aljohn para itago silang mag-asawa rito? Lalo mo silang pinagmumukhang guilty! Nag-iisip ka ba, ha?"
"I have my own reasons, Dad. Besides, ako naman ang nag-aayos ng problema," mapaklang turan nito.
Mahigpit na naikuyom ni Alfred ang mga kamay sa naging tugon ng panganay na anak. Ngunit, kahit anong galit nito'y pinilit pa rin nitong kuntrolin iyon. "What are your reasons then? Tell me."
"May amnesia si Ashton, Dad! And they have issued an arrest warrant for them. So, what do you want me to do? Hindi niya madidepensahan ang sarili kung hinayaan ko siyang hulihin ng mga pulis! Gusto niyo po ba silang makita sa loob ng bilangguan? Mas lalong masisira ang pangalan natin kung hinayaan ko 'yong mangyari! Biglaan ang mga pangyayari, Dad. Kaya hindi mo 'ko masisisi kung ito ang naisip kong paraan. Besides, mas masisira ang reputasyon ni Ashton bilang CEO ng sister company kung malalaman ng iba pa nating mga kasosyo na nakakulong siya. Magkakaroon ng total chaos sa kompanyang pinamamahalan niya! Iyon po ba ang gusto niyong mangyari?" mahabang paliwanag ni Aljohn. He's playing safe this time. The best step para makuha niya ang kompanya nang hindi nasisira ang kanyang iniingatang pangalan sa mata ng kanyang ama.
Sandaling natahimik ang matandang Gamara. Napagtanto nitong may punto rin naman ang anak sa naging pasya nito. Base na rin sa kung papaano nito nakausap si Ashton kanina ay siguradong iisipin ng mga pulis na guilty ang anak at gumagawa lang ng alibi sa pagkakaroon ng amnesia. Idagdag pa ang magulo nitong mga pahayag at sinasabing hindi siya si Ashton.
"So, ano ang nangyari sa imbestigasyon mo?"
Sandaling napayuko si Aljohn at malakas na napabuntong-hininga bago nagsalita. "Ashton could be guilty..."
"What?!" Halos atakehin si Alfred sa narinig. Kaya nagkukumahog na nagtungo si Celina sa kusina para kumuha ng tubig.
"Chairman, okay na po ba kayo?" Sinipat ni Celina ang mga kamay ng biyanan. Bahagya nang nawawala ang panginginig nito.
"I'm sorry to tell this, Dad... Pero, kahit saang angulo natin tingnan, and based on the CCTV footages, it's clear that Ashton was chasing after Jess's car until it crashed! It's an assault resulting for homicide if... if Jess will never be awake!" paliwanag ni Aljohn matapos kalmahin ang ama.
"Chairman... Ako po ang dapat na sisihin sa mga nangyari. K-kung hindi lang ako—"
Ngunit, sandaling napahinto si Celina nang biglang sumingit ang secretary ni Aljohn sa usapan.
"Pasensya na po." Sandali itong yumukod bilang paggalang bago nagpatuloy. "Nagkamalay na raw po si Mr. Jessie Reynolds ayon sa source ko."
Everyone heaved a sigh of relief after hearing the news, except Aljohn. Pero, hindi nito pinahalata ang pagkadisgusto sa kabila nang pagkasira ng ilan sa kanyang mga plano.
Si Ashton nama'y tahimik lang na nakaupo sa isang single sofa sa tapat ng kanilang ama. Wala siyang balak na magsalita o sumali sa usapan. Dahil bukod sa hindi niya maintindihan ang mga bagay-bagay, ayaw din niyang magpanggap na anak nito. Buo na ang kanyang loob na magpakatotoo sa pagkakataong ito. Ayaw na niyang magpanggap pang muli dahil baka hindi na siya tuluyang pagkatiwalaan ni Celina.
...to be continued