PAGBABA NI KARIAH AY NAABUTAN niyang wala na si Tobias sa silid, napatingin naman siya sa gawi ng banyo at doon ay narinig niya an mumunting tunog ng kaluskos, isang malinaw na indikasyong naroon nga ang lalake. At sa puntong ito na wala nang banta pa sa kanila ay naramdaman na rin niya ang pananakit ng buong katawan; kumikirot at nanhahapdi ang kaniyang mga sugat, may iilang pasa rin siya na namamaga, at ramdam pa rin niya ang dumi ng sariling katawan na dinulot ni Patrix na hindi niya alam kung paano lilinisin.
Napaupo siya sa maalikabok niyang higaan at marahang pinagpag ang paligid ito, napatakip din naman siya ng sariling ilong at bibig nang malanghap ito at ramdam niya ang kagustuhang bumahing. Ilang saglit pa ay narinig niyang bumukas ang pinto ng banyo at iniluwa nito si Tobias na basang-basa pa; pumapatak sa sahig ang tubig mula sa buhok nito, at nakapulupot sa bewang nito ang tuwalyang hapit lang sa katawan ng lalake na tumatakip sa pang-ibabang bahagi nito. Saglit siyang napatitig sa basang katawan nito, sa kanilang pagsasama ay ngayon lang niya napansin na hindi gaanong hulma ang laman ng lalake at may kaunting taba lang naman ito, bagay na gusto niya.
"Kanina ka pa ba rito?" tanong ng lalakeng hinahawi paitaas ang mahabang buhok nitong basa na humaharang sa sariling mata.
"Bago lang," sagot niya at napatayo saka nilapitan ang lalake.
Hindi niya alam kung bakit pero napatitig lamang siya sa mukha ng lalake habang kinakalas paalis ang tuwalya nito nang makalapit, sa simula'y umangal ito sa pagkailang pero nang mapatitig din ito pabalik ay hinayaan lang siya nito. Hinubad niya paalis ang namamasa-masang tuwalya at saka sinimulang punasan ang hubad na katawan ng lalake habang hindi pa rin kumikibo at titig na titig din sa lalake. At sa 'di inaasahang pagkakataon ay napagtanto niyang may iba talaga siyang nararamdaman sa tuwing nagkakatinginan sila ng lalake; bigla na lang gumagaan ang kaniyang loob animo'y pinapawi nito ang kaniyang problema, para siyang dinadala nito sa alapaap animo'y lumulutang siya sa himpapawid, at masarap sa pakiramdam na nakakasama niya ito ngayong walang-wala na siya. Kung siya'y tatanungin ay hindi niya talaga maitatangging kay Tobias lang niya ito nararamdaman at malayong-malayo sa pag-aalala niya kay Steve.
"K-Kariah," nauutal nitong saad at pilit tinatakpan ang pang-ibabang bahagi, halatang naiilang sa kaniya.
"Sus, nahiya ka pa. Nakita ko na 'yan." saad niya at biglang namula ang lalake't nanlaki ang mata nito sa gulat, "Hayaan mo na lang ako." aniya at patuloy pa rin sa pagpunas ng balikat nito at dibdib.
"A-Ako na," giit nito.
"Hindi, tumalikod ka." tanggi at utos niya, "Gusto kong gawin ito at hayaan mo muna ako."
Tumalikod naman si Tobias at pinunasan niya rin ang likod nito na medyo maputi kumpara kay Steve, manghang-mangha siya habang hinahaplos ito at saka dinadama ang bakas ng mga napilat na sugat na hindi niya alam kung anong nakaraan.
"Anong nangyari rito?" tanong niya.
"Initiation ng Black Triangle noon, nilalatigo nila kami kalakip ang iba pang nakakagimbal na pinaggagawa nila." saad ng lalake na nag-iba ang tono ng pananalita.
Dahil sa ramdam niyang hindi kumportable ito na pag-usapan ang nangyari ay hindi na siya nagtanong pa, sa halip ay marahan niyang hinawakan ang balikat nito at inikot paharap ang lalake. Muli ay nagtagpo na naman ang kanilang tingin, pero napangiti na lang siya nang mapansing tinatakpan na naman nito ang pang-ibaba na halatang nahihiya talaga ito, parang bata kung umakto ang lalake at hindi niya maiwasang hindi matawa rito.
"Ano ba, hindi ko naman 'yan titignan." natatawang pahayag niya na hindi inaalis ang tingin sa lalake habang pinupunasan pa rin ang katawan nito kahit na bahagya na itong natuyo.
"S-Salamat 'Riah,"
"Para saan?" tanong niya at nalipat na naman siya sa buhok nito.
"Niligtas mo 'ko kanina…"
"Ikaw ang nagligtas sa 'tin kanina." giit niya at natigil na rin sa pagpunas ng lalake, "Maliligo muna ako Tobias." aniya at isinampay sa sariling balikat ang tuwalya.
"S-Sige,"
"Gusto mo bang sumabay at maligo ulit?" aya niya rito at inabangan ang reaksyon ng lalake.
Agad na namang nanlaki ang mata nito at biglang namula ang magkabilang tainga, "H-Hindi, o-okay na ako Kariah. Malamig din at gusto ko nang magpahinga."
"Sige," tanging nasabi niya at saka tinungo ang banyo na natatawa, "May mga damit si Papa riyan sa kabinet, mamili ka lang."
▪▪▪
ALA UNA NA NG HAPON at tanging mga de latang pagkain lang ang kinain nilang dalawa bilang agahan at pananghalian na rin, kahit kaunti lang ito ay sapat naman ang tatlong lata upang pawiin ang kanilang gutom. Tahimik lamang silang dalawa habang kumakain, halatang pagod na pagod at kulang pa rin ang pitong oras nilang pahinga. Maya't maya naman ay 'di talaga maiwasan ni Kariah na 'di sulyapan ang lalake, dahil sa suot nito ay ramdam niyang parang nasa paligid lang ang kaniyang ama; pamilyar ang amoy, at minsan ay nakakaligtaan niya na ito na para bang nakikita niya ang sariling ama sa kabilang bahagi ng mesa.Ilang saglit pa, nang matapos silang kumain ay si Tobias na ang nagligpit ng kanilang pinagkainan, habang si Kariah naman ay piniling uminom ng pain killers at modafinil para sa kaniyang binabalak o pinaplano.
"Tob' may nabanggit yung mga lalake kanina patungkol sa backup na mula sa kusina, kataka-taka yun para sa 'kin. May-alam ka ba rito?" tanong niya nang makabalik ito.
"Isa 'yang lugar kung saan pinoproseso ang droga; tinitimbang, binabalot, saka kinukuha ito ng mga miyembro ng grupo at inaatasang ihatid sa nakaatas na buyers."
"Alam mo ba kung nasaan ito?"
"Oo,"
"Ituro mo sa 'kin,"
"Ano bang pinaplano mo?"
"Pundasyon ng Black Triangle ang pera. Kung susunugin ko yun at ilalantad sa publiko, makukompromiso at manghihina ang buong grupo."
"Delikado 'yan Kariah, lalo na't tadtad yun ng mga armadong kalalakihang. At saka hindi lang sila ang naghahanap sa 'yo, buong syudad na dahil sa malaki na rin ang nakapatong na presyo sa ulo mo." nag-aalalang saad ng lalake na hindi talaga sang-ayon sa pinaplano niya, "Hindi ka puwedeng sumugod do'n."
"At kailan pa ako kikilos Tob'? 'Pag nahuli na naman nila ako? Hangga't maaga pa ay gaganti na agad ako."
"Pero 'Riah---."
"Pero kung 'di ako kikilos tuloy-tuloy pa rin ang paghahasik ng lagim nila rito sa bayan, hindi magtatagal ay matutunton din nila tayo. At gagawin ko ito ng mag-isa, kaya ko na ito Tobias."
"Hindi puwede 'yan. Sasamahan kita.
"Nakita mo naman ang kalagayan mo 'di ba? Magiging pabigat ka lang kung sasama ka pa." saad niya upang 'di na ito mamimilit pa.
"Paano kung---."
"Mamamatay ako? Tobias, hindi na yun problema pa dahil handa na ak---."
"At paano na ako? Iiwanan mo na ako?"
"May pamilya ka pa…"
"Pero ikaw ang gusto kong makasama."
Sa pinahayag ng lalake ay hindi siya nakapagsalita at mistulang napipi, naubusan siya ng sasabihin at wala siyang ibang nagawa kung hindi ang titigan ang mga mata nitong nangungusap. Agad siyang napalunok sa pagkailang at mabilis na napaiwas ng tingin dahil sa kakaibang nadarama.
"B-Babalik ako Tob', pero ayokong umasa ka."