webnovel

Si Gabriel Cruz at ang Lupon ng mga Aswang

Palibhasa'y lumaki sa kalsada bilang isang mandurukot, alam ni Gabriel na hindi siya isang pangkaraniwang bata. Ngunit malalaman niya kung gaano talaga siya ka-espesyal ngayong nahanap na siya ng misteryosong si Bagwis, isang matandang lalaki na laging naka-amerikana. Ngayon, para sa kaligtasan ng ating mundo, kailangan niyang harapin ang ibat' ibang uri ng mga engkanto, lamanlupa, at higit sa lahat, ang malupit na Lupon ng mga Aswang. Sapagkat sa kanyang mga ugat dumadaloy ang Dugo ng mga Datu.

MT_See · Fantasi
Peringkat tidak cukup
24 Chs

Unang Pasubok - Nuno sa Punso Part 2

"Teka, teka. Huwag kang umiyak. Huwag kang mag-alala. Si Gabriel Cruz yata ang kasama mo." Muli niyang kinuha ang kamay ni Diane at mabilis na naglakad pabalik. Wala namang nagawa ang bata kundi ang sumunod.

Hindi pa nakakalayo ay muling napatigil si Gabriel. Ang lagusan ngayon ay nahahati sa dalawa, isa patungong kanan at ang isa ay sa kaliwa.

"S-Saan na tayo?" tanong ni Diane.

"T-Teka... Aahhh..." nauutal na sagot ni Gabriel.

Muling umiyak si Diane.

"H-Hoy, huwag kang umiyak," sabi ni Gabriel sabay hawak sa dalawang balikat ng babae. "Di ba sabi ko ako ang bahala. Wala pa yata akong gusot na hindi nalulusutan."

Muling tinitigan ni Gabriel ang dalawang daan. Parehong-pareho lamang ang hitsura ng mga ito.

Hay naku! Galit niyang nasabi sa sarili. Walang mangyayari kung tatayo lang ako dito. Siguro naman may daan papalabas dito.

"Halika, dito ang daan," turo ni Gabriel sa kanang lagusan.

Mahaba ang daan, na naliliwanagan ng mga lampara na nakadikit sa pader. Nagpaliku-liko rin ito sa kanan at kaliwa. Walang nagawa ang dalawa kundi sundan ang daan at umasang makikita nila ang daan palabas. Makalipas ang ilang minuto, muli silang natigil ng mahati ang daan sa tatlo.

"S-Saan na ang daan?" mahinang tanong ni Diane.

"H-Ha?" Tiningnan ni Gabriel ang mga lagusan. "D-Dito sa kanan. Ay hindi, diretso tayo. Pero, pwede rin naman sa kaliwa."

Napasalampak na lamang sa lupa si Diane. "Hindi! Hindi na tayo makakaalis dito. Tama si Alimahon. Sabi niya kapag naligaw ka sa lugar na ito, para ka na lamang isang dagang nawawala."

"D-Daga?" bulong ni Gabriel. Hindi naman siya pinansin ni Diane na patuloy lang sa pag-iyak.

Mabilis na lumuhod si Gabriel sa harap ng babae at niyugyog ito.

"Daga? Sinabi mo bang dagang nawawala?"

Gulat namang tumango si Diane. Bigla siyang nakadama ng kaba sa inaasal ni Gabriel, na nanlalaki pa ang mga mata.

"Tama!" sigaw ni Gabriel sabay tawa. "Ang galing mo Diane." Hinawakan niya ang dalawang kamay ng batang babae at tinulungang tumayo.

"T-Teka, anong gagawin mo?" tanong ni Diane.

Nakangiting sumagot si Gabriel. "Huwag kang mag-alala. Pinapangako kong makakalabas tayo rito. Pinapangako kong makikita mong muli ang mga magulang mo."

Muling hinarap ni Gabriel ang tatlong lagusan. Wala ng anumang bakas ng takot sa kanyang mukha. Itinaas niya ang kanyang kamay at hinawakan ang kanang pader. Pagkatapos ay nagsimulang maglakad ang dalawa.

Isang boses ang narinig ni Gabriel sa kanyang isipan. Boses ni Kris.

Mahahanap mo ang daan papalabas sa mga maze basta't susundan mo lamang ang isa sa mga pader. Kung napili mo ang kanang pader, ang kailangan mo lang gawin ay sundan ito at siguradong mararating mo ang exit.

Ganoon na nga ang ginawa ni Gabriel. Hindi niya inalis ang kanyang kanang kamay sa pader at sinundan lamang kung saan man siya dalhin nito.

###

Bagamat hindi makikita sa kanyang mukha, lubos ang pag-aalalang nadarama ni Bagwis. Sinubukan niyang hanapin si Gabriel ngunit hindi na niya ito nakita. Hindi na rin niya nakita ang batang babae.

"Alimahon, ilabas mo sila," galit na sabi ni Bagwis ng bumalik sa bulwagan.

Ngumiti lamang ang matandang nuno. "Bagwis, alam kong alam mo na hindi ko magagawa iyon. Ang tanging paraan lamang ay ang mahanap nila sa kanilang sarili ang tamang daan.|

Walang nagawa si Bagwis kundi ang maghintay. Si Alimahon naman ay nakangiti lamang, ang tingin ay nasa malayo. Para bang may nalalaman itong hindi alam ni Bagwis.

Ito na siguro ang tinutukoy ng hula ni Berta, naisip ni Bagwis. Tiningnan niya ang relos sa kanyang kaliwang kamay at napangiwi sa nakita. Mag-iisang oras na sila sa loob ng punso. Hindi niya binalak na magtatagal sila sa lugar na iyon. Kakaiba ang takbo ng oras sa teritoryo ng mga duwende. Maaaring paglabas nila rito ay...

Isang malakas na dagundong ang narinig ni Bagwis. Bigla siyang napalingon at nakitang bumubukas ang isa sa mga bakal na pintuan sa bulwagan. Mula rito ay lumabas si Gabriel at ang batang babae na kapwa nakangiti.

"G-Gabriel..." ang tanging nasabi ni Bagwis.

"Whooh! Sumakit ang paa ko dun ah!" bulalas ni Gabriel sabay harap kay Diane. "Anong sabi ko sa'yo? Nakalabas din tayo! Wala ka kasing bilib sa'kin eh."

"Oo nga. Ang galing mo Kuya Gabriel," masayang sagot ni Diane.

"Gab na lang. Gab for short."

"Gabriel," muling tawag ni Bagwis.

Nilingon ni Gabriel ang matanda at lalong humaba ang ngiti.

"Bagwis," mabilis na naglakad si Gabriel patungo sa matanda. Hawak pa rin niya sa kamay si Diane na masayang nakasunod sa kanya. "Bagwis, kanina ka pa ba naghihintay?"

Kumunot ang noo ni Bagwis. "Bakit ang tagal mo?"

"Bakit ka galit? Hindi ka ba man lang natutuwa na nandito na ako, at kasama ko si Diane?"

"Isang oras kang nawala! Saan ka ba nagliwaliw? Hindi mo ba alam na hindi tayo dapat magtagal dito?"

Napailing lang si Gabriel. "Ang KJ mo naman. Matapos kong maglakad ng pakahaba-haba para lang kami makalabas, tapos pagagalitan mo pa ako."

Biglang lumapit si Diane kay Bagwis. "Huwag niyo na pong pagalitan si Kuya Gab. Kung di po dahil sa kanya, hindi po kami makakalabas doon."

"Kita mo na, kita mo na!" sabi ni Gabriel na halos tumatalon pa sa tuwa. "Dapa matuwa ka at nailigtas ko si Diane. Buti na lang at naalala ko yung sinabi ni Kris at sinundan namin yung pader. Mission accomplished!"

"S-Sinundan mo yung pader?" pagtataka ni Bagwis.

"Oo," may pagmamalaking tugon ni Gabriel. "Hindi mo ba alam yun? Para makalabas sa maze, kailangan mo lang sundan ang isa sa mga pader. Ano, may natutunan ka din sa akin ano!" Malakas na tumawa ang batang lalaki.

Napabuntong-hininga lamang si Bagwis. "Talagang wala ka talagang natutunan sa mga itinuro namin sa iyo ni Kris."

Mula sa likuran ng matanda ay isang malakas na halakhak ang kanilang narinig. Nang tumalikod ay nakita nila ang isang lalaking ubod ng tanda. Kuba na ito at tanging ang hawak na basting kahoy ang sumusuporta sa kanya. Wala na itong buhok sa ulo ngunit ang kanyang puting balbas ay mahaba at abot hanggang lupa.

"Ingkong Tulak," bati ni Alimahon sabay yuko bilang pagbibigay pugay.

"Ikaw pala Tulak," sabi ni Bagwis na ngayo'y wala nang anumang bakas ng galit sa kanyang boses.

"Sino itong munting batang kasama mo, Bagwis?" wika ng bagong dating. Mahina lamang ang boses nito ngunit maririnig ang kapangyarihan at lakas mula rito.

"Anong munting bata!" biglan sigaw ni Gabriel. Napatingin sa kanya ang lahat ng naroroon, bakas sa kanilang mga mukha ang pagkagulat sa inasal ni Gabriel.

"B-Bakit?"

"Gabriel," mahinang sabi ni Bagwis sabay lapit sa batang lalaki, "ito si Tulak, ang isa sa mga matatandang pinuno ng mga duwende."

"Talaga? Astig ka pala Lolo!"

"Gabriel!" saway ni Bagwis. "Magpakita ka ng respeto."

"Ayos lang, Bagwis," biglang sabi ni Tulak. "Ganyan talaga ang mga bata. Puro at dalisay ang kanilang mga puso." Muli ay humalakhak ang matandang nuno.

Nagtinginan lamang si Gabriel at Bagwis sa sinabi ni Tulak.

"Bata, ano bang pangalan mo?"

Lumapit ng kaunti si Gabriel sa nuno. "Gabriel. Gabriel Cruz. Pero Gab na lang ang itawag niyo sa'kin. Gab for short." Nakangiting inalok ng batang lalaki ang kanyang kamay, na masaya namang tinanggap ni Tulak.

"Aahhh... ang anak ni Leon."

"Paano niyo nalaman?" tanong ni Gabriel.

Ngiti lamang ang isinagot ng Nuno at pagkatapos ay binitiwan ang kamay ni Gabriel.

"Mukhang paalis na kayo." Ibinaling ni Tulak ang kanyang pansin kay Bagwis. "Bueno, hindi ko na kayo aabalahin pa. Bagwis, alam mo na ang daan palabas."

Tumango ang matanda. "Halina kayo. Oras na para umuwi." Agad siyang tumalikod at tinungo ang isa sa mga pintuan. Mabilis namang sumunod si Gabriel at si Diane.

"Sandali lang," tawag ni Tulak.

Muling nilingon ng tatlo ang nuno.

"Gabriel, may ibibigay sana ako sa'yo bago ka umalis." Itinaas ni Tulak ang kanyang kaliwang kamay, nakasara ito at may hawak na kung ano.

"Tanggapin mo ito." Binuksan ng nuno ang kanyang kamay at sa ibabaw ng palad nito ay mayroong isang maliit at hugis bilog na bato na kulay berde.

"T-Tulak!" bulalas ni Bagwis.

"Para sa iyo iyan, Gabriel."

Lumapit si Gabriel at dahan-dahang kinuha ang berdeng bato. Tinitigan niya ito at inamoy-amoy.

"Ano ba 'to?"

"Matangpusa," si Bagwis ang sumagot. Lumapit din siya at tiningnan ang batong hawak ni Gabriel. "Isang agimat na magbibigay sa gumagamit nito ng kakayahang makita ang hindi nakikita, mga lihim, at mga bagay na natatago.

"Ha? Talaga?"

"Tulak," hinarap ni Gabwis ang nuno, "sigurado ka bang ibibigay mo kay Gabriel iyan."

Tumawa ang nuno. "Bagwis, alam mong hindi ko ibibigay ang Matangpusa sa kung kani-kanino lamang."

Ibinuka ni Gabriel ang kanyang bibig upang magtanong ngunit biglang nagsalita ang matandang nuno.

"Bueno, mabuti pa ay lumakad na kayo. Siguradong maraming oras na ang nawala sa inyo." Pagkatapos ay tumalikod na si Tulak.

"Halika na, Gabriel. Mabuti pa ay itago mo iyang mabuti."

Bagamat naguguluhan pa rin ay agad ibinulsa ni Gabriel ang hawak na bato at sumunod kay Bagwis.