webnovel

Si Gabriel Cruz at ang Lupon ng mga Aswang

Palibhasa'y lumaki sa kalsada bilang isang mandurukot, alam ni Gabriel na hindi siya isang pangkaraniwang bata. Ngunit malalaman niya kung gaano talaga siya ka-espesyal ngayong nahanap na siya ng misteryosong si Bagwis, isang matandang lalaki na laging naka-amerikana. Ngayon, para sa kaligtasan ng ating mundo, kailangan niyang harapin ang ibat' ibang uri ng mga engkanto, lamanlupa, at higit sa lahat, ang malupit na Lupon ng mga Aswang. Sapagkat sa kanyang mga ugat dumadaloy ang Dugo ng mga Datu.

MT_See · Fantasi
Peringkat tidak cukup
24 Chs

Sa Ilalim ng Abito

Handang-handa na siyang pumatay.

Tahimik na pinagmamasdan ni Joaquin ang dalawang .45mm na baril na nasa ibabaw ng lamesa. Sa tabi ng mga ito ay nakalatag ang ilang piraso ng magazine ng baril at iba't ibang uri ng patalim.

Pumikit si Joaquin at nagdasal. Pagkatapos magkrus ay isa-isa niyang isinuksok at ibinulsa ang mga sandatang nakalatag sa lamesa. Isinuot din niya ang isang itim na jacket na nakasabit sa sandalan ng isang upuan.

Mabilis siyang lumabas mula sa kanyang maliit na apartment. Madilim at tahimik ang makitid na kalsada dahil dis-oras na ng gabi. Wala ng tao sa kalsada. Dire-diretso lamang siya sa paglakad, halatang mayroon siyang mahalagang pupuntahan.

Natigilan lamang si Joaquin ng marinig niya ang balita mula sa telebisyon sa isa sa mga bahay. Tahimik siyang tumabi at nakinig.

"At sa ibang balita, patuloy pa ring pinaghahanap ang tinaguriang "Killer Priest" na si Father Joaquin Pineda. Wala pa ring kasing lead ang mga pulis tungkol sa kinaroroonan ng pari. Nitong Miyerkules nga ay naglabas na ang NBI ng reward money na nagkakahalagang P100,000 para sa kung sinuman ang makakapagturo sa Killer Priest."

Napailing lang si Joaquin sa narinig.

"Kung matatandaan niyo, tatlong buwan na ang nakakalipas ng matagpuan ang buong pamilya Pineda na pawang mga malalamig na bangkay sa kanilang sariling bahay. May isang saksi na nagsabing nakita si Father Joaquin na tumatakbo papalabas ng kanilang bahay, duguan. At nitong nakaraang buwan lamang ay isang grupo ng limang lalaki ang walang-awang pinagbabaril sa Tondo. Nakuhanan po ang insidente ng CCTV at dito ay positibong nakilala na si Father Joaquin ang salarin.

"At para sa showbiz news, narito si..."

Hindi na pinakinggan ni Joaquin ang sumunod. Muli niyang tinahak ang madilim na kalsada.

Killer Priest pala ha, naisip niya. Sige, linisin niyo na lang ang mga bangkay na iiwan ko.

###

Malayo pa lang ay nakita na niya ang kanyang target.

Ilang araw na rin niyang sinusundan ang dalawang lalaki na gabi-gabing tumatambay sa labas ng Josie's Bar, isang beerhouse sa Imus. Alam na niya ang tungkol sa kanilang totoong katauhan. Naghihintay na lamang siya ng tamang pagkakataon para patayin sila.

Halos mag-iisang oras na siyang nagmamasid sa dilim ng may lumabas na isang babae mula sa beerhouse. Nakasuot ito ng spaghetti strap shirt, mini-skirt, at high heels. Naglakad ito papalayo, malamang ay papauwi na sa kanyang bahay.

Natigil ang kuwentuhan ng dalawang lalaki. Pinagmasdan nila ang babae pagdaan nito sa harapan nila. Hindi naman sila pinansin ng babae. Nginitian ng isang lalaki, na nakasuot ng pulang T-shirt, ang kanyang kasama na naka-puting sando lang.

Nang makalayo ng kaunti ang babae ay mabilis na sumunod ang dalawang lalaki.

Dito ay kumilos na si Joaquin. Ito na ang pagkakataong hinihintay niya.

###

Bakas ang takot sa mukha ng babae ng mapansin ang dalawang lalaking sumusunod sa kanya. Binilisan niya ang kanyang paglalakad ngunit bumilis din ang lakad ng mga lalaki. Luminga-linga siya sa paligid, naghahanap ng mahihingan ng tulong ngunit walang katao-tao sa kalsada.

"Miss, sandali lang," tawag ng lalaking nakasando.

Dito ay tumakbo na ang babae.

"Habulin mo, bilis!"

Tumakbo nang tumakbo ang babae, puno ng takot. Halos hindi na niya alam kung saan pupunta. Basta't ang alam lang niya ay kailangan siyang makalayo.

Bigla siyang natigilan ng naramdaman niyang may humaltak sa kanyang buhok. Napasigaw siya sa sakit ngunit naputol din ito kaagad dahil isang malaking kamay ang tumakip sa kanyang bibig.

"Huwag kang sisigaw! Kundi, siguradong masasaktan ka!" marahas na bulong ng lalaking nakasando sa kanyang tainga. Sinubukan niyang manlaban ngunit isang suntok sa sikmura ang natanggap niya mula sa lalaking nakapulang t-shirt. Biglang nagdilim ang kanyang paningin hanggang sa mawalan siya ng malay.

"Jackpot tayo dito!" masayang sabi ng lalaking may hawak sa babae. "Sigurado, busog tayo dito!"

"Huwag kang masyadong maglaway" nakangiting sabi ng kanyang kasama.

Pinagtulungan nilang buhatin ang babae patungo sa isang madilim na eskinita. Inihiga nila ito sa tabi ng basurahan.

"Uumpisahan ko na," may pananabik na sabi ng lalaking nakasando.

"Huwag kayong gagalaw."

Sabay napalingon ang dalawang lalaki. Isang lalaking naka-itim na jacket ang nakatayo sa likuran nila.

"Aba't... Hoy! Huwag kang makialam dito!" gulat na sabi ng lalaking nakasando. "Mabuti pa umalis ka na kung ayaw mong masaktan."

Hindi sumagot si Joaquin. Sa halip ay dahan-dahang niyang ipinasok ang kanyang kamay sa loob ng kanyang jacket at inilabas ang isa niyang baril. Itinutok niya ito sa dalawang lalaki, na nakaluhod pa rin sa harap ng babaeng walang malay.

Nagkatinginan ang dalawang lalaki. Pagkatapos ay nagtawanan sila.

"Hay naku! Bayani pala isang ito, eh! Eh, ano bang ginagawa sa mga bayani?" tanong ng lalaking nakapulang t-shirt.

"Eh di, pinapatay!" malakas sa sagot ng kasama nito.

Muling nagtawanan ng malakas ang dalawang lalaki. Pagkatapos, dahan-dahan silang tumayo at hinarap si Joaquin.

"Hoy ikaw, hindi mo alam kung ano ang pinapasok mo!"

Hindi umimik si Joaquin, na lalong ikinainis ng dalawa.

"Matapang ka ha! Sige, tingnan natin kung hanggang saan ang tapang mo." Sa pagkakataong iyon ay nagbago ang itsura ng dalawang lalaki. Parang lumaki at lumapad ang mga buto nila sa mukha. Kumapal ang kanilang mga kilay at tinubuan ng buhok sa kanilang pisngi. Ang kanilang mga mata'y naging kulay pula, nanlilisik. At ang kanilang bibig ay napuno ng matatalas na ngipin.

"Ngayon, kakainin ka din namin!" sabi ng lalaking nakapulang t-shirt.

Napangiti lang si Joaquin. Natigilan ang dalawang lalaki at nagkatinginan.

"Mukhang kayo ang hindi nakakaalam kung ano ang pinapasok niyo." Biglang kinalabit ni Joaquin ang gatilyo ng hawak na baril. Isang malakas na putok ang umalingawngaw sa buong eskinita.

Bumagsak ang lalaking nakapulang t-shirt. Isang sigaw na puno ng sakit at pagkagulat ang kumawala mula sa kanyang bibig. Napatingin lang ang lalaking nakasando sa kasama, halatang nagulat.

"H-Hoy! Ayos ka lang ba?" tanong niya.

Dahan-dahang tumayo ang lalaking binaril ni Joaquin. Hawak nito ang kanyang kaliwang balikat na nagdurugo.

"Anak ng..." mahinang sabi niya.

"Sa susunod, sa ulo ka na tatamaan," panunuyang sabi ng nakangiting si Joaquin.

Galit na napaungol ang lalaki. Lumakad ito patungo kay Joaquin. "Humanda ka! Papahirapan kita ng husto!"

Susugod na sana ang lalaki ng bigla siyang pigilan ng kanyang kasama.

"S-Sandali," mahinang sabi ng lalaking nakasando, "parang namumukaan ko ang isang ito, ah"

"Ano bang pinagsasabi mo diyan?"

"P-Parang siya yung pinapakita sa balita." Biglang napuno ng takot ang mukha ng lalaki. "Tama! Siya nga! Siya yung Killer Priest!"

Magkahalong gulat at takot ang mababasa sa mukha ng lalaking may tama sa balikat. Ngunit napalitan din kaagad ito ng galit.

"Killer priest? Kung gayon, siya pala ang tumumba sa grupo nila Romeo." Tinitigan nito ng masama si Joaquin. "Mas lalong dapat natin siyang patayin!"

Mabilis na sumugod ang dalawa ngunit hindi natinag si Joaquin. Kalmado niyang binunot ang isa pang baril at pagkatapos ay pinaulanan ng bala ang dalawang lalaki. Sunod-sunod na putok ang pumuno sa madilim na eskinita.

Bulagta ang dalawang lalaki, wala ng mga buhay. Dahan-dahang nilapitan ni Joaquin ang dalawang bangkay. Nakita niya na bumalik na sila sa itsurang tao. Nagkrus siya at bumulong ng isang panalangin.

"Ano yung putok na iyon?"

"Parang putok ng baril iyon, ah."

"Dun ata galing sa eskinita."

"Tumawag kayo ng pulis."

Sunud-sunod at palakas ng palakas ang boses ng mga taong nakarinig sa putukan. Napalingon si Joaquin at nakita ang mahahabang anino ng mga taong parating. Pinagmasdan niya muna ang babaeng wala pa ring malay. Pagkatapos ay mabilis niyang itinago ang hawak na baril at tumakbo papalayo hanggang sa maglaho siya sa kadiliman.