webnovel

Si Gabriel Cruz at ang Lupon ng mga Aswang

Palibhasa'y lumaki sa kalsada bilang isang mandurukot, alam ni Gabriel na hindi siya isang pangkaraniwang bata. Ngunit malalaman niya kung gaano talaga siya ka-espesyal ngayong nahanap na siya ng misteryosong si Bagwis, isang matandang lalaki na laging naka-amerikana. Ngayon, para sa kaligtasan ng ating mundo, kailangan niyang harapin ang ibat' ibang uri ng mga engkanto, lamanlupa, at higit sa lahat, ang malupit na Lupon ng mga Aswang. Sapagkat sa kanyang mga ugat dumadaloy ang Dugo ng mga Datu.

MT_See · Fantasi
Peringkat tidak cukup
24 Chs

Gabi ng Pag-Aaklas

Kahit madilim at walang ilaw ay alam ni Darius kung saan siya pupunta. Saulado na niya kasi ang pasikot-sikot sa mansyon na iyon dahil doon na siya lumaki. Isa pa, dahil isang aswang, mayroon siyang kakayahang makakita sa dilim.

Kani-kanina lang ay nakatanggap siya ng tawag mula sa kanyang tauhan na si Esteban. Hindi mabuti ang dalang balita nito.

Alam niyang bawal siyang pumasok sa konseho ng hindi iniimbitahan ngunit napakaimportante ng dala niyang balita. Sigurado siya na maiintindihan siya ng mga Matatanda kapag narinig nila ang kanyang sasabihin. Tiyak na mararamdaman nila ang galit na nararamdaman niya ngayon.

At siguradong gagawin na rin nila ang matagal na niyang gustong gawin.

Tumigil siya sa harap ng isang malaking pintuan na gawa sa bakal. Tinitigan niya ito habang iniisip ang sasabihin sa Matatanda. Pagkatapos ay kumatok siya.

Ilang minuto din ang lumipas bago narinig ni Darius ang malakas na tunog ng mga kandado ng pintuan habang ang mga ito'y tinatanggal. Dahan-dahang bumukas ang mabigat na pinto.

Pumasok siya sa loob, nakatungo ang ulo. Kahit isang beses pa lamang siyang nakakapasok sa silid na iyon ay alam na alam na niya kung ano ang makikita doon. Malaki ang silid at hugis bilog. Walang mga bintana sa silid na iyon. Mayroon lamang dalawang pintuan, ang pintong pinasukan niya at ang isa ay nasa kabilang dulo na para lamang sa mga Matatanda. Bagamat hindi nakikita ay alam niya na napapalibutan ang buong silid ng mga guwardiya. Sa dulong bahagi ng silid ay may tatlong malalaking upuan. Ang tatlong trono ng mga Matatanda.

Tumigil si Darius sa gitna ng silid. Pagkatapos ay lumuhod siya at hinintay ang pagpasok ng ng tatlong Matatanda sa Konseho ng mga Aswang.

###

Ang ama ni Darius na si Santiago ay isa sa mga Matatanda noong nabubuhay pa ito. Kilala siya bilang isang malupit at mahigpit na pinuno. Galit siya sa ibang nilalang lalo na sa mga tao. Naniniwala siya na ang mga aswang ay superiyor laban sa ibang mga nilalang. Mariin niyang kinondena ang pagpapailalim ng mga aswang sa mga kasunduan na ipinatutupad ng Datu. Para sa kanya, isang kahihiyan ang pagsunod sa isang tao. At higit sa lahat, naninindigan siya na ang mga aswang ang dapat maghari.

Ngunit lagi siyang sinasalungat ng dalawa pang matanda. Naniniwala sila na dahil si Santiago ang pinakabata sa kanilang tatlo kaya hindi niya lubusang naiintindihan ang posisyon ng mga aswang. Di tulad nila na daang-taon ng nabubuhay, si Santiago ay isang daan at dalawampung taong gulang pa lamang. Tanging ang kanyang lakas at talino lamang ang dahilan kung bakit siya napabilang sa Lupon ng Matatanda.

Mapusok si Santiago at mapanghimagsik. Ilang beses din niyang sinubukang kumbinsihin ang konseho para kumalas sa mga kasunduan. Nais niyang tapusin ang pamumuno ng Datu at ilagay ang sarili bilang hari.

Hanggang sa binuo niya ang isang grupo ng mga aswang na sumusuporta sa kanya. Isang gabi ay sinalakay nila ang Datu upang patayin.

Nagtagumpay sila ngunit buhay nila ang naging kapalit. Ngunit, sa halip na matuwa, ay ikinagalit pa ito ng mga Matatanda at itinakwil siya sa konseho.

Naalala pa ni Darius ang gabing iyon bago ang pagsalakay. Binisita siya ng kanyang ama sa kanyang kuwarto. Isang pangako ang binitiwan nito sa kanya.

Lumipas na ang mga taon ngunit buhay na buhay pa rin sa isip ni Darius ang pangakong iyon.

"Anak, matatapos na rin ang panahon ng mga Datu. Tayo naman ang mamamanginoon," nakangiting sabi ni Santiago.

"At ikaw anak, ay magiging hari din ng mga aswang."

###

Dahan-dahang bumukas ang malaki at mabigat na pintong bakal sa likod ng Trono ng mga Matatanda. Mula sa kadiliman ay pumasok ang apat na lalaking nakaitim, ang kanilang mukha ay natatakpan ng itim na maskara. Sila ang mga Maskarado, ang tagapagbantay ng mga Matatanda. Wala silang dalang anumang armas. Tanging ang kanilang lakas at bilis lamang ang kanilang sandata. Tumayo sila sa magkabilang gilid ng trono.

Pagkatapos ay tatlong matatandang lalaki ang mabagal na pumasok sa silid. Halos hindi na matukoy ang kanilang mga edad dahil sa sobrang katandaan. Kulu-kulubot ang kanilang naninilaw na balat sa mukha at buong katawan. Ang kanilang mga mata ay halos kulay puti na. Nagsipaglagas na rin ang kanilang buhok sa ulo.

Tumigil ang tatlong matanda, na nakasuot ng mahahabang itim na damit, sa harap ng kani-kanilang upuan at dahan-dahang naupo. Lahat sila ay nakatitig sa lalaking nakaluhod sa harap nila.

"Anong karapatan mo para ipatawag ang Konseho?" tanong ng matanda na nakaupo sa gitna. Magaspang ang kanyang mahinang boses na para bang galing sa ilalim ng lupa.

Itinaas ni Darius ang kanyang ulo mula sa pagkakayuko at tiningnan ang matandang nagtanong.

"Panginoong Mago," bati ni Darius. Pagkatapos ay tiningnan niya ang matandang nakaupo sa kanan.

"Panginoong Gare," sabi ni Darius sabay tango. Ibinaling naman niya ang kanyang tingin sa matandang nakaupo sa kaliwa.

"Panginoong Ato."

Hindi sinagot ng tatlong matanda ang kanyang pagbati. Huminga ng malalim si Darius, pilit na pinipigil ang galit na namumuo sa dibdib.

"Nakatanggap po ako ng masamang balita. Ang grupo nina Jaime ay walang-awang pinatay ni Bagwis." Tinitigan ni Darius ang tatlo, pilit na binabasa ang kanilang mga mukhang walang anumang emosyon. "Ganun din po ang sinapit ng dalawa pa nating kasama. Pinatay sila ng tinatawag nilang Killer Priest."

Tahimik lamang ang mga Matatanda. Nagpalipat-lipat ang tingin ni Darius sa kanilang tatlo, naghihintay ng sagot.

"Hindi mo sinagot ang tanong ko," sabi ni Mago. "Bakit mo ipinatawag ang Konseho?"

Biglang napakunot ang noo ni Darius. Nanlisik ang kanyang mga mata at isang mahinang ungol ang lumabas sa kanyang bibig.

"Bakit?" sigaw ni Darius. "Hindi niyo ba nakikita ang ginagawa nila sa atin? Unti-unti na nila tayong inuubos! Kailangang kumilos na tayo ngayon!"

"Mag-ingat ka sa pananalita mo, Darius. Tandaan mo kung sino ang kaharap mo," pananaway ni Gare.

Pinikit ni Darius ang kanyang mga mata at binagalan ang paghinga. Nang makalma ay muli niyang hinarap ang Matatanda.

"Ang sinasabi ko lang po ay hindi po ba panahon na para kumawala tayo sa kasunduan? Matagal ng patay ang Datu. Malaya na tayong gawin ang gusto natin."

Napailing lang si Mago sa sinabi ng lalaki.

"Hindi mo naiintindihan ang mga pangyayari, Darius. Huwag mo sanang kakalimutan, hindi tayo mga halimaw. Hindi tayo mananakop. Tayo'y mga aswang! Bigyan mo naman ng dangal ang ating lahi," madiing sabi ni Mago.

"Kaya nga mas lalong dapat nating ipakita ang ating lakas," bulalas ni Darius. "Di hamak na mas makapangyarihan tayo kaysa sa mga tao."

"Pero hindi natin ito mundo," putol ni Ato. "Tayo'y dayo lamang dito. Wala tayong awtoridad para gawin ang gusto mong mangyari."

"Awtoridad?" pagtataka ni Darius. "Hindi ko maintindihan ang sinasabi niyo. Hindi ba't kaya tayo naririto para alipinin ang mga tao?"

Muling napailing si Mago. "Tulad ka ng iyong ama. Malakas. Matalino. Ngunit mapusok."

Hindi umimik si Darius, naghihintay sa susunod na sasabihin ng matanda.

"Alam mo," pagpapatuloy ni Mago, "ang kapangyarihan ng mga Datu ay kaloob ng langit. Ito ay isang sagradong tungkulin. Kaya't hindi natin masasakop ang mundong ito kahit gustuhin man natin."

Hindi napigilan ni Darius ang mapatawa.

"Kaloob ng langit? Nababaliw na ba kayo? Isang kathang-isip lamang iyan na gawa-gawa ng mga Datu para maging sunud-sunuran tayo sa kanila!" nanginginig na sabi ni Darius.

"Hindi mo naiintidihan dahil wala kang alam sa nakalipas. Marami na ang nagtangkang gawin ang gusto mo ngunit lahat sila ay nabigo."

"Pero iba na ngayon!" Halos mapatayo si Darius sa galit. "Wala na ang Datu. Putol na ang kanyang angkan! Ano pa ba ang kinatatakutan niyo? Si Bagwis? Ang matandang iyon?"

Napatayo si Mago sa sinabi ni Darius, ang mga mata'y puno ng galit.

"Tumigil ka! Wala kang nalalaman. Hindi mo ba alam na ang dugo ng mga kapatid natin ang dadanak dahil lamang sa kagustuhan mong iyan? Tulad ka nga ng iyong ama. Gahaman at sakim. Walang iniisip kundi ang sarili."

Natigilan si Darius, para siyang sinampal ng mga salita ng matanda.

"At higit sa lahat," nakangiting sabi ni Mago, "mahina."

Parang nawala sa sarili si Darius sa sinabi ni Mago. Tumayo siya at sumigaw sa galit. Napaatras naman si Mago at bumagsak sa kanyang upuan.

Sing bilis ng kidlat ay sinugod ni Darius si Mago. Walang nagawa ang matanda para depensahan ang sarili. Tinitigan lamang niya ang mga mata ng binata na punung-puno ng galit. Napapikit lang siya ng maramdaman ang matinding sakit ng ibaon ng lalaki ang kamay nito sa kanyang dibdib at dukutin ang kanyang puso. Mabilis na nagdilim ang paningin ni Mago.

Gulantang sina Gare at Ato sa nangyari. Biglang namutla ang kanilang patay na mukha.

"P-Pigilan niyo siya!" takot na sigaw ni Ato.

Hindi sumunod ang apat na bantay. Sa halip ay dahan-dahan silang naglakad papalayo sa trono at tumayo sa likuran ni Darius.

"Mga taksil," mahinang sabi ni Ato.

Napangiti si Darius. Tiningnan niya isa-isa ang mga lalaking naka-maskara. Pagkatapos ay muli niyang hinarap ang dalawang matanda.

"Mukhang hanggang dito na lang ang mahabang buhay niyo," masayang sabi ni Darius.

###

Halos mag-uumaga na ng matapos nilang sunugin ang bangkay ng tatlong matanda. Inalis na rin nila ang dalawa sa tatlong trono. Isa lamang ang kanilang itinira, ang trono ng bagong hari.

Nakaupo si Darius sa tronong iyon habang ang apat na lalaking naka-maskara ay nakaluhod sa harap niya.

"Natupad na ang sinabi mo, ama," mahinang sabi ni Darius. "Ako na ang hari ng mga aswang."