webnovel

Rowan's Odyssey

May tatlong dahilan kung bakit hindi makatawid si Rowan sa kabilang-buhay: Una, nawalan siya ng alaala. Pangalawa, may isang bagay pa siya na kailangang gawin sa lupa. At pangatlo, kailangan niyang malaman kung paano siya "namatay" Sa tulong ng misteryosong lalaki na nagpakilalang si "Jack", magagawa kaya ni Rowan na makatawid sa kabilang-buhay sa tamang oras? O tuluyan na bang magiging huli ang lahat para sa kaniya?

Rosencruetz · Seram
Peringkat tidak cukup
19 Chs

Ang Pagsisimula ng Isang Kuwento

Sabi nila, may dalawang pinakamahalaga na araw sa buhay ng isang tao. Una, ang araw na ipinanganak siya sa mundo. At pangalawa, ang araw na nalaman niya ang dahilan kung bakit siya ipinanganak.'Yon nga lang, dumating ang mahalagang araw na iyon sa buhay ko sa mismong araw na ako ay namatay.

At kung paano 'yon nangyari?

Ako lang ang nakakaalam.

Medyo kakatuwang isipin na magtatapos ang kuwentong ito sa simula, sa lugar kung saan nag-umpisang maganap ang lahat...

Sa isang lugar...

...na napapalibutan ng mga puting bulaklak.

Mga liryo.

Subalit bago 'yon ay may nauna pa munang kaganapan na siyang magtatakda sa katapusan ng aking kakaiba at mahabang paglalakbay...

Sa isang dagat kung saan nila ako natagpuan.

------

"T—teka, anong nangyari?"

Katatapos lang noon ng isang 'di pangkaraniwang unos sa gitna ng dagat. Saksi sina Fiann at Allan na nakatayo malapit sa dalampasigan kung paano ipinakita ng unos sa dagat ang kaniyang bagsik at kung paano ito humupa sa isang iglap. Mayamaya pa, isang malaking alon mula sa dagat ang humampas papunta sa dalampasigan. Tangay nito ang maliliit na butil ng buhangin mula sa ilalim ng dagat, maging ang mga damong-dagat at kung anu-ano pa.

Ngunit may isa na naiiba sa mga nabanggit ang itinulak ng alon papunta sa dalampasigan.

Isang tao.

Isang walang malay na binata.

"T—teka, tao ba 'yon?"

Mula sa puwesto ni Allan ay natanaw niya ang tila isang tao na inanod ng mga alon na papunta sa dalampasigan. Agad niyang tinawag ang pansin ng kasama niyang si Fiann at itinuro ang lugar kung saan may nakita siyang tao na inanod mula sa dagat.

"Fiann! Tingnan mo ang isang 'yon!"

Bumilis ang tibok ng puso ni Fiann pagkakita niya sa tila tao na nakahandusay sa buhanginan at hinahampas ng mahihinang mga alon mula sa dagat. Dahan-dahan na umusad ang mga paa niya hanggang sa tuluyan na siyang napatakbo at pinuntahan ang tao na kanilang nakita. Doon na siya tuluyang napaluhod at pagdaka'y niyakap niya ng buong galak ang tao na napadpad sa dakong iyon ng dalampasigan.

Ang kaniyang nawawalang kapatid...

Si Rowan.

"T—tulong! Tatawag ako ng tulong, ngayun din!"

Ang totoo, walang kamalay-malay si Rowan na iniluwa siya ng dagat at dinala sa may dalampasigan. Ni hindi niya alam na ang nakakita sa kaniya ay ang kaniya mismong nakababatang kapatid at malapit na kaibigan. Ang alam lang niya'y mabilis siyang bumubulusok sa ere pababa at anumang oras ay tatama ang katawan niya sa lupa.

Hanggang sa...

"Ah!"

Isang malakas na pagkabog mula sa dibdib niya ang kaniyang naramdaman, dahilan para bigla niyang imulat ang kaniyang mga mata kasabay ng sunud-sunod na mabibigat at malalalim na mga paghinga. Lumabas ang malamig na pawis na nagbutil sa kaniyang noo at naramdaman niya ang pamamanhid ng kaniyang mga kamay at paa na para bang napakatagal na panahong hindi niya naigalaw ang mga ito.

"K—kuya?!"

At isang batang lalaki ang nakita ni Rowan na nakatayo sa kaniyang tabi. Umiiyak ito sa labis na tuwa habang hawak ng mahigpit ang kaniyang mga kamay.

"Salamat sa Diyos, gising ka na, Kuya Rowan!"

Ang buong akala talaga ni Rowan noong una'y nasa langit na siya. Purong puti kasi ang kulay ng paligid niya at maging siya ay nakasuot din ng puting damit at nakahiga sa isang malambot na puting kama. Subalit nagbago ang pananaw niyang iyon nang mapagtanto niya sa kaniyang sarili na hindi pala iyon ang langit na kaniyang inaasahan, na isa pala iyong ospital at siya'y pasyente roon na nakahiga sa isang malambot na puting kama at nakasuot ng purong puting hospital gown.

At sa tabi niya'y nakatayo ang kaniyang nakababatang kapatid na inakala niyang isang ilusyon lang. Umiiyak ito sa labis na tuwa at walang humpay sa pagpisil at paghalik sa kaniyang kamay.

"Kuya Rowan!"

Unti-unting nagnginit ang dibdib ni Rowan. Sinabayan ito ng pag-ahon ng mainit-init na luha sa kaniyang mga mata habang hawak niya ng mahigpit ang kamay ng nakababata niyang kapatid na si Fiann.

"I—ikaw ba 'yan, Fiann?"

"Oo, Kuya. Ako 'to, si Fiann."

Higit pa sa pakiramdam na nakalutang sa alapaap ang pakiramdam ni Rowan nang niyakap siya ng mahigpit ng kaniyang nakababatang kapatid na si Fiann. Lahat ng pangungulila, maging ang mga masasamang karanasan na dinanas niya'y agad na napawi sa isang iglap.

"Huwag ka nang aalis, Kuya." Ang sabi ng batang si Fiann sa kaniyang Kuya habang tuluy-tuloy parin ang pag-agos ng luha nito sa kaniyang mga mata. "Ipangako mong hindi ka na aalis..."

"Hindi na." Sagot ni Rowan kasabay ng pagganti niya ng isang mahigpit na yakap sa kaniyang pinakamamahal na kapatid. "Hindi na ako aalis, pangako ko 'yan sa iyo."

Hindi naglaon ay nakisalo na sa masayang tagpo na iyon ang malapit na kaibigan ni Rowan na si Allan na siyang pinagkakautangan ngayon ng malaking utang na loob ng binata dahil sa ginawa nitong pagbabantay sa kaniyang kapatid noong mga panahon na siya'y nawawala.

"Masaya ako na maayos ka na." Nakangiti si Allan nang bumati siya kay Rowan, ngunit halata ang pangingilid ng luha nito sa mga mata dahil sa pinaghalong galak at pag-aalala sa sinapit ng kaibigan. "Tinakot mo kami ng husto, alam mo ba 'yon?"

"Patawad." Paumanhin ng binata sa kaniyang kaibigan. "Pero salamat dahil binantayan mo si Fiann para sa akin."

"Hehe, wala 'yon." Sagot niya sa kaibigan.

Malutong na mga tawanan at kuwentuhan ang sumunod na naging laman ng silid ni Rowan. Ngunit ni isa sa kanila'y walang nagbanggit o 'di kaya'y nagtanong tungkol sa kung ano ba talaga ang totoong nangyari kay Rowan, kung bakit siya nasa dagat at kung ano ang eksaktong dahilan ng kakaibang kaganapan na parehong naramdaman nina Fian at Allan sa dalampasigan ng Fintra. Hindi rin nagkuwento si Rowan tungkol sa mga naging karanasan niya sa lugar kung saan naglalakbay ang mga kaluluwang yumao na sa mundong ibabaw. Ni isa ay wala siyang binanggit. Lahat ng iyon ay kaniya lang na sinarili. Hindi niya iyon sinabi dahil takot siya na baka hindi siya paniwalaan ng kaniyang kapatid at kaibigan. Para kay Rowan, isa iyong bagay na kailangang manatili na isang lihim. Isang espesyal na sikreto sa pagitan niya at ng buhay pagkatapos ng kamatayan. Sapagka't naniniwala siya na may tamang panahon para sa lahat ng nilalang na makita ang mga bagay na nakita niya. At kung kailan iyon magaganap? Walang nakakaalam.

Ang isang bagay lang na malinaw para kay Rowan sa mga oras na iyon ay nabigyan siya ng pangalawang pagkakataon na mabuhay, at isang pagkakataon upang gawing mas mabuti ang pamumuhay niya sa lupa.

At lahat ng iyon...

...ay utang niya sa isang nilalang.

Aminado si Rowan na hindi naging maganda ang naging pagtatagpo nila ng taong iyon. Hindi maganda ang naging nakaraan nila at nagdulot pa iyon ng malaking lamat sa kanilang samahan. Subalit napagtanto ni Rowan sa kaniyang sarili na may dahilan ang tadhana kung bakit sila pinagtagpo at kung bakit itinuturing niyang isang malaking aral ang buhay ng taong iyon para gawing mas mabuti ang pangalawang buhay niya sa mundo.

At ngayon...

"Kuya, tingnan mo ang isang 'to."

Sa mga libro't mga kuwento na lamang niya nababasa't naririnig ang talambuhay ng taong iyon.

"Ito 'yong libro na paboritong basahin sa atin ni Mama noong maliliit pa lang tayo. Akalain mo? Nandito pa pala ang librong 'yan sa mga lumang gamit natin?"

Kinuha ni Rowan mula sa kaniyang kapatid ang lumang aklat na balot ng makapal na alikabok at sapot ng gagamba. Makikita sa pabalat ng aklat ang larawan ng isang lalaki na ang ulo'y tulad ng sa isang kalabasa at may hawak itong lampara na nagsisilbing tanglaw sa madilim nitong daan. Mas tanyag ang nasabing karakter sa tuwing sasapit ang Araw ng mga Patay, kung saan madalas itong ipanakot ng mga nakatatanda sa mga kabataan at kalauna'y naging simbulo pa ng katatakutan.

At gaya nga ng sabi ni Fiann kanina, ang librong iyon ang madalas basahin ng kanilang ina sa kanila noong ito'y nabubuhay pa.

The Tale of Stingy Jack...

"Isasama mo ba 'yan sa mga dadalhin natin sa paglipat, Kuya?" tanong ni Fiann sa kaniyang Kuya Rowan. Abala sila noon sa pagliligpit ng kanilang mga personal na gamit na dadalhin nila sa kanilang magiging bagong tahanan sa Dublin kung saan permanente na silang maninirahan malapit sa tinitirahan nina Lola Elma at Lorcan. "Kasi kung oo, isasama ko na 'yan dito sa maleta."

"Ah, hindi na. Ako nang bahala nito."

"Sigurado ka?"

"Oo. Iuna mo na lang ang mga 'yan sa labas. Susunod ako sa iyo."

"O sige, ikaw ang bahala."

Pagkatapos ayusin ni Fiann ang kaniyang mga gamit ay binitbit na niya ang kaniyang maleta at lumabas na ng silid. Naiwan si Rowan sa kuwarto habang nakatitig sa lumang aklat na nakita ng kaniyang kapatid. Umupo siya sa kama at sinariwa ang mga masasayang alaala niya tungkol sa aklat na iyon maging sa bidang karakter na nasa kuwento.

"Jack..."

Napangiti si Rowan nang hindi niya namamalayan habang nakatingin sa larawan na makikita sa pabalat ng hawak niyang aklat.

"Nakakatawa naman ang ulo ni Jack dito. Kalabasa..."

Ngunit sandaling napatid ang pagmumini-muni ni Rowan nang mapansin niya ang nakaumbok na bahagi sa gitna ng aklat na hawak niya. Binuklat niya ito at nakita na may nakaipit pala roon na tatlong bagay; isang pakpak na panulat, isang pananda sa aklat at isang larawan ng laruang parasyut.

Hindi nakakurap ng mga ilang segundo si Rowan pagkakita niya sa mga bagay na nakaipit sa aklat. Mayamaya pa'y ngumiti siya, ngunit ang ngiti niya'y iba sa karaniwang masayang ngiti. Tulad iyon ng ngiti ng isang batang determinadong hindi umiyak sa kabila ng mahapding sugat na kaniyang nakuha mula sa masayang pakikipaglaro sa kaniyang mga kaibigan. Nagpasiya siyang humiga sa kama upang mabawasan ang lungkot na nararamdaman niya't sariwain ng tahimik ang masasayang alaala ng kaniyang kabataan. Hindi nagtagal ay naramdaman niya ang pagbigat ng kaniyang mga mata hanggang sa hindi na niya napigilan ang mga ito sa pagsara. Mabilis na naglakbay ang kaniyang diwa sa madilim na kawalan hanggang sa may nakita siyang isang pamilyar na liwanag, isang nakakasilaw na lagusan kung saan matatagpuan ang isang maganda't malawak na lugar na siyang pinagsimulan ng lahat.

"A—ang lugar na ito..."

Parang malalaking mga alon sa dagat kung umindayog sa saliw ng mahinang kumpas ng hangin ang mga puting liryo na nakapaligid sa kaniya. Nakatayo siya sa gitna ng mga ito, sa eksaktong lugar kung saan nagsimula noon ang kaniyang makasaysayan at kakaibang paglalakbay sa mundo ng mga namatay.

Hanggang sa...

"Kumusta?"

Labis na nanlaki ang mga mata ni Rowan ng mabosesan niya ang tinig ng nagsalita. Nakaramdam siya ng kakaibang pananabik na siyang nagtulak sa kaniya na lumingon upang makita ang taong bumati sa kaniya. Sa paglingon niya'y sinalubong siya ng malakas na bugso ng hangin, tangay ang mabango nitong samyo mula sa mga bulaklak ng puting liryo sa paligid. At mula sa pinanggalingan ng hangi'y nakita niyang nakatayo roon ang isang lalaki. Kasing itim ng gabi ang kaniyang suot, ganoon din ang kulay ng maalon niyang buhok na tugma sa matingkad niyang asul ngunit patay na mga mata.

At dahan-dahan na lumapit ang lalaking ito kay Rowan at nagwika...

"Masaya akong makita kang muli, Rowan."