webnovel

Queen and the Nine Tailed Fox

Sa mundo ninyong mga mortal, ako ang iyong tagasunod ngunit dito sa aming mundo... ...ikaw ay alipin ko. -Isagani Simeon Sa pagsikat nang sobra ni Queenzie Ruiz na kinilala nang Queen sa pagkanta, kinain na siya ng kasikatang iyon at sumama ang ugali niya. Biktima naman ng pagbabago niyang iyon ang mga P.A. niya na kaunting mali lang ay sinisisante niya na kaagad. Kasabay ng pagdating sa buhay niya ng bago niyang P.A. na isang misteryosong lalaki ay ang pagkasira ng boses niya dahil sa isang sakit at doon nangyari ang pagbagsak ng career niya. Hanggang isang araw, nagising na lang siya sa isang mundo na bago sa kaniya. Doon, magtatagpo ang landas nila ng misteryoso niyang P.A. at ang mas nakapanglito pa sa kaniya sa mga nangyayari ay sinasabi nito na nasa mundo siya ng mga ito na tinatawag na Sargus at... ...siya na ay alipin na nito.

BonVoyage_Ten · Fantasi
Peringkat tidak cukup
26 Chs

Chapter 20

Chapter 20

Title: Serafina

~Tagapagsalaysay~

Nakatulala lang ako habang ramdam na ramdam ko sa loob ng dibdib ko ang malamig na bakal ng palaso ro'n. Dahan-dahan pa akong napatingin doon hanggang sa tumulo na ang dugo mula sa glid ng bibig ko.

"QUEEEEEENNNN!" miserableng tawag ni Gani sa'kin kaya napatingin ako sa kaniya. Napaurong pa ako nang kaunti pero nawalan na ng lakas ang mga binti ko kaya hindi ko na kinayang manatiling nakatayo.

Agad namang may sumalo sa katawan ko at bumungad sa'kin ang sobrang namimilog na mga mata ni Gani na tinakasan na ng mga luha habang hindi pa rin makapaniwalang nakatingin sa'kin.

"G-gani..." hirap na hirap na tawag ko sa kaniya at unti-unti ko nang nararamdaman ang sobrang pagkirot ng tama ng palaso sa'kin sa dibdib ko.

"Q-queen..." Sobra pang nanginginig ang mga labi niya at hindi na maipinta ang mukha niya dahil halatang hindi niya na alam kung ano ang gagawin para iligtas ako pero bigla siyang napadaing nang isang palaso ang biglang tumama rin sa gilid ng braso niya.

"Gani! Queen!" rinig kong hangos na tawag sa'min ni Leigh. "Anong nangyari?!"

"Tsk!" narinig naming pagpalatak ng karwaherong gustong pumatay kay Gani at napatingin naman silang dalawa sa direksyon n'on. Ang maingay na mga paang tumatakbo sa damuhan ng taong 'yon ang narinig ko kaya nalaman ko na tatakas na 'yon.

Doon na nabakas sa mukha ni Gani ang sobrang galit—mali. Poot.

Poot ang tamang salita na makakadescribe sa expression ni Gani ngayon pero nagiging malabo na ang lahat ng nangyayari sa'kin at kusa na ring pumikit ang mga mata ko.

Wala na akong nararamdamang kahit ano at tanging pandinig ko na lang ang gumagana sa'kin.

"MAGBABAYAD KA!" Isang malakas na pagsabog ang bumulabog sa buong lugar na siguradong kagagawan ni Gani.

"Ako nang bahalang humuli sa taong iyon gamit ang aking mahika—"

"Hindi! Ako ang papaslang sa napakasamang isang iyon!"

"Gani! Si Queen ang dapat nating unahin at hindi ang paghihiganti! Isakay mo na siya sa karwahe saka dalhin sa Frayam para ipagamot kay Serafina. Ako ang magpapatakbo niyon! Mahuhuli rin naman natin si Ragel at sisiguraduhin ko iyon."

Hanggang sa tuluyan na akong nawalan ng ulirat.

* * *

Ang sarap naman sa pakiramdam nito. Para akong nakalutang sa hangin at ang gaan-gaan ng pakiramdam ko. May warmth din akong nararamdaman sa buong katawan ko na parang may nakayakap sa'kin at sobrang pamilyar n'on.

*"Queen lumaban ka! Huwag mo akong iiwan pakiusap Queen... Queen!"

Nandito ako ngayon sa gilid ng daanan habang inaayos ang gitara ko sa pagkakasabit sa katawan ko. Sobra-sobra akong kinakabahan dahil ito ang pinakaunang pagkakataon na ipaparinig ko sa marami ang boses ko.

Sobrang laking lakas ng loob ang nagamit ko para lang magsimula na sa pagkanta pero walang pumapansin sa'kin. Walang gustong makinig... kaya pumikit na lang ako para hindi ko na makita ang hindi pagpansin sa'kin ng mga tao dahil unti-unti na akong nawawalan ng kumpiyansa sa sarili ko.

Pero may bumulong sa isip ko na imulat ko na ang mga mata ko kaya ginawa ko at isang lalaki ang nakatayo malapit sa'kin habang matiim na nakikinig sa pagkanta ko. Bakas na bakas sa mga mata niya na gustong-gusto niya ang naririnig niya kaya unti-unti nang bumalik ang kumpyansa ko sa sarili at nawala na ang lahat ng kaba sa dibdib ko.

*"Nasaan ang manggagamot na si Serafina?! Tawagin n'yo siya at kailangan namin ang kaniyang tulong! Pakiusap!"

Ang taong 'yon ang dahilan kung bakit narating ko ang tagumpay sa pagiging singer... at matagal ko ring hinihiling na makita ko siya ulit para makapagpasalamat sa kaniya pero hindi ko na maalala ang mukha niya.

Ang tangi ko na lang naaalala... ay ang mga mata niya na puno ng paghanga sa'kin.

*"Nagpatulong ako sa mga kawal na hanapin ang Ragel na iyon at nagawa naman siyang mahuli ng mga ito. Inamin niya na hindi niya talaga pinagtangkaan ang buhay ninyo. Ang nais niya lamang ay pahinain ka Gani upang mahuli ka niya at maipagbili bilang alaga o alipin si Notos ngunit iniligtas ka ni Queen kaya ito ang napuruhan."

Nagising na ang diwa ko dahil sa naririnig kong pag-uusap nila Gani at Leigh malapit sa'kin. Ramdam ko rin na may nakahawak sa isang kamay ko.

"Sinasabi ko na nga ba. Napapansin ko na iyon sa tiim ng mga titig niya sa akin."

"Huwag kang mag-alala. Daldalhin na siya sa pinakamalapit na piitan dito sa Zephyrus upang maparusahan kaya may hustisya na ang nangyari sa inyo."

"Bakit hindi mo muna dinala ang nakasusuklam na taong iyon sa akin nang malagutan ko sana siya ng hininga sa kaniyang ginawa? Kung talagang may nangyari kay Queen na hindi maganda, hinding-hindi niya lubusang maaatim ang kaya kong gawin sa kaniya."

"Kahit ako rin naman ay gustong gantihan siya ngunit nararapat na ang may mga katungkulan na ang magbigay parusa sa kaniya. Dudungisan lamang natin ang ating mga kamay sa isang mababang uring katulad niya."

Ang bigat ng mga talukap ng mga mata ko kaya hindi ko kaagad iyon magawang maimulat.

"Binibining manggagamot, ayos na ba talaga si Queen? Bakit hindi pa siya nagigising?" rinig kong nag-aalalang tanong ni Gani sa sinasabi niyang manggagamot.

"Huwag kang mabahala ginoong Isagani. Ngayong araw rin ay magkakaulirat na siyang muli dahil hindi naman nadaplisan ng palaso ang kaniyang puso kaya madali ko siyang nagamot. Kapag nagising na siya ay kailangan niya munang kumain at pagkatapos niyon ay maaari na ninyong ipagpatuloy ang inyong paglalakbay," paliwanag ng isang babae na ang hinhin at halata na agad na napakaganda sa boses pa lang.

"Mabuti na lamang." nakahingang maluwag naman si Gani. "Maraming maraming salamat sa pagliligtas sa buhay niya binibini. Tatanawin ko itong isang napakalaking utang na loob."

"Walang anuman iyon. Tungkulin ko ang manggamot ng mga nabubuhay kaya huwag mo nang isipin pa iyon."

Doon ay pinilit ko nang iminulat ang mga mata ko nang dahan-dahan at iginalaw ko rin ang kamay ko kaya napatingin na sa'kin si Gani na siyang may hawak n'on.

"Queen!" Punong-puno ng tuwa ang mga mata niya nang makitang gising na ako.

*Ang tangi ko na lang naaalala... ay ang mga mata niya na puno ng paghanga sa'kin.

Nakatulala lang ako sa kaniya dahil napapamilyaran ko na ang mga mata niya... at alam kong hindi ako nagkakamali. Siya 'yon.

Ang tanga ko. Bakit ngayon ko lang narealize na siya pala 'yon?

"Queen! Mabuti at gising ka na." Dumungaw na rin sa'kin si Leigh na tuwang-tuwa rin sa paggising ko.

Nginitian ko sila at inalalayan naman ako nila ako pareho na makaupo mula sa pagkakahiga ko rito sa isang papag. Lumapit sa'kin ang isang napakagandang babae na hanggang balikat ang golden na buhok. Sobrang ganda niya na para siyang living doll at ang nakaagaw ng pansin ko ay 'yung dalawang magandang puting pakpak na nakamarka sa noo niya. Medyo maliit lang naman 'yon.

Ngumiti siya sa'kin. "Mabuti at gising ka na binibining Queen. Kukuha lamang ako ng mga pagkain upang makapagbigay enerhiya sa inyong paglalakbay." mabait na sabi niya sa'kin at umalis na.

Napatingin naman ako sa paligid at nasa loob kami ng isang bungalow na bahay. Simple lang ang mga kagamitan dito sa loob. "Nasaan tayo?" tanong ko kina Gani.

"Nandito tayo ngayon sa tinitigilan pansamantala ng pinakamagaling na manggagamot sa buong kontinente ng Zephyrus at siya ang gumamot sa iyong sugat. Ang kaniyang pangalan ay Serafina." sagot naman kaagad ni Gani.

Hinawakan ko naman kaagad ang dibdib ko at wala na akong nararamdamang kirot doon o 'yung bakal ng palaso sa loob. Pagtingin ko ro'n, wala na 'yung palaso ro'n at bago na rin 'tong suot ko na puting traditional robe. Walang bakas ng dugo 'to o sira dahil sa palasong tumama sa'kin.

Sobra naman akong hindi makapaniwala. "T-teka... Paanong..."

Ngiting-ngiti naman sa'kin si Leigh. "`Yan ang kakayahan ng mga doctor dito Queen. Ni walang peklat kang nakuha sa nangyari sa'yo."

Nakatulala pa rin ako sa pagkamangha ro'n sa manggagamot na 'yon pero bigla akong niyakap ni Gani kaya nanlaki ang mga mata ko at napasinghap pa ako.

"Hangal ka. Bakit mo ako iniligtas? Mas mahina ang iyong katawan kumpara sa akin at kung hindi ka kaagad namin nadala rito kay binibining Serafina ay maaaring nawalan ka na ng buhay." mahinang sabi niya at bakas sa boses niya na naiiyak na siya.

Tiningnan ko ang braso niya kung saan din siya tinamaan ng palaso at may benda 'yon na may mga dahon sa loob. "Hindi ko maaatim na hayaang tamaan ka na lang ng palasong 'yon na nakita ko namang itinutok sa'yo dahil lang alam ko na mabilis gumaling ang mga sugat mo. Hindi ko kayang ibalewala 'yon para lang iligtas ang sarili kong buhay. Maraming beses mo na akong iniligtas Gani... at sa paraang 'yon ko naisip na bumawi." Yumakap na ako pabalik sa kaniya at kumapit ako nang mahigpit sa damit niya sa likod.

Hinaplos niya ang likod ng ulo ko nang masuyo. "Hindi mo naman kailangang bumawi Queen. Sapat na sa akin na lagi kang ligtas at masaya kaya h'wag na h'wag mo nang uulitin iyon. Mas magiging miserable ako kung ikaw ang malalagay sa panganib kaysa sarili kong buhay kaya pakiusap... huwag mo na muli akong susubukang iligtas sa paraang iyon."

Napatango-tango na lang ako para mabigyan na siya ng assurance at humigpit naman ang yakap niya sa'kin na parang ayaw niya na akong mawala sa kaniya.

"Ehem ehem!" sadyang pagtikhim nang malakas ni Leigh kaya natauhan kami pareho na hindi lang pala kami ang tao rito sa loob. Napahiwalay kaagad kami sa isa't isa at siguradong ang pula-pula ko na ngayon dahil sa pagbablush ko.

"Sorry guys ha. Ayoko mang abalahin ang moment ninyo pareho pero anumang oras mula ngayon ay magbubukas na ang lagusan ng Sphnyx. Alam n'yo naman. Anim na buwan ulit ang hihintayin natin kapag hindi natin naabutan 'yon." paalala sa'min ni Leigh kaya naaligaga naman kami pareho ni Gani.

"Muntik ko nang makalimutan ang bagay na iyon!" Inalalayan na ako ni Gani na bumaba ng papag at tumayo.

"Kaya mo na ba Queen?" nag-aalalang tanong ni Leigh.

Ngumiti naman ako sa kaniya at tumango.

"Kakain pala muna tayo bago umalis. Hindi pa naman masyadong sinag ang araw sa labas kaya may oras pa tayo kahit papaano para kumain." Ngiting-ngiting sabi niya at tumango naman kami pareho ni Gani.

Pumasok na ulit dito si Serafina at may dala siyang mga prutas. Inilapag niya 'yon sa isang kahoy na lamesa malapit sa'min. "Huwag kayong mabahala sa oras ng inyong pagkain dahil ako na ang bahala upang hindi kayo matagalan at makapunta kaagad sa lagusan." Nakangiti niyang sabi sa'min at doon, may binanggit siyang spell saka nagliwanag 'yung mga prutas.

Naging maliliit na particles 'yon na umiilaw saka bumalot sa katawan namin. Doon ko na naramdaman na nagkasigla ang katawan ko at hindi na rin ako nagugutom. Manghang-mangha kaming tatlo sa gaan ng pakiramdam namin ngayon.

"Ngayon ay maaari na kayong maggayak sa inyong paglalakbay." mabait na sabi ni Serafina.

"Nakamamangha talaga ang iyong kakayahan binibining Serafina." amaze na amaze na puri sa kaniya ni Leigh. 'Yon din ang gusto naming sabihin sa kaniya ni Gani.

Ngumiti naman ito nang mahinhin. "Salamat ginoong Leighnus... ngunit bago ko makalimutan. Ito na pala ang iyong hiniling sa akin." Lumapit ito sa kaniya at inabot ang isang maliit na bote na may lamang kulay green na liquid. "Kung anuman ang karamdaman ng taong pagbibigyan mo nito ay hinihiling ko ang kaniyang mabilis na paggaling."

Nakatulala lang siya sa boteng ibinibigay nito sa kaniya at hindi naman namin inaasahan nang maglandas ang mga luha sa magkabila niyang pisngi. Nagkatinginan naman kami ni Gani sa pagtataka sa pagiging emosyonal niya ngayon. Sobrang cheerful niya kasi at ngayon lang namin siya nakitang ganito.

Nanginginig pa ang parehong kamay niya na tinanggap 'yon. "M-maraming maraming salamat binibini. Maraming maraming salamat talaga. Hindi mo batid kung gaano kalaking tulong nito para sa akin."

Hindi ko alam kung bakit pero naluluha rin ako. Sobrang sincere kasi ng pasasalamat niya. Saan niya kaya gagamitin 'yon?

Nacucurious man ako tungkol doon pero hindi ko naman makakalimutan ang pagpapasalamat din kay Serafina. "Ako rin Serafina. Sobrang salamat sa panggagamot mo sa'min ni Gani. Hinding-hindi ko makakalimutan ang tulong mong 'to sa'min." sincere na pasasalamat ko.

Nakangiting tumango siya sa'kin. "Ang kaligtasan n'yo lamang ang maaari kong hingiing kapalit para sa aking panggagamot kaya sige na at kayo'y magtungo na sa lagusan ng Sphynx. Baka hindi na ninyo maabutan iyon kung magtatagal pa kayo rito. Ihahatid ko na rin kayo sa labas ng Frayam upang hindi kayo maligaw."

Kahit nahihiya na kami sa dami ng naitulong niya sa'min, pumayag na rin kaming abalahin ulit siya dahil nga baka maligaw pa nga kami.

Waaah... Grabe. Napakabait talaga nito ni Serafina. Kung sa mortal world siya nakatira, paniguradong pila ang mga manliligaw at may gusto sa kaniya.

* * *

Natatanaw na namin ang arko ng Frayam kaya malapit na kaming makalabas ng bayan na 'to pero isang lalaking may bitbit na 'di gaanong malaking gong ang nagpatunog n'on doon nang may pagkahangos.

"Mga tagaFrayam! Magmadali na kayo at kayo ay lumikas sa isang ligtas na lugar! May pagsalakay na magaganap sa kontinente ng Senta sa kaharian ng Gemuria at ang marami sa mga Mostro na naninirahan dito sa kontinente ng Zephyrus ay madadaanan ang bayan na ito upang magtungo roon!" malakas na sigaw ng lalaking 'yon na puno ng pagkatakot at pagmamadali.

Napatingin naman ako kina Gani at pare-parehas silang tatlo na may nababakas na pag-aalala sa mga mukha. Nagsilabasan na rin ang mga tao mula sa mga bahay nila dahil sa balitang 'yon.

"Binibining Serafina, bago kami magtungo sa lagusan ay ihahatid muna namin kayo sa isang ligtas na lugar pati ang mga naninirahan sa bayang ito." alok na tulong kaagad ni Leigh kay Serafina na may pagmamadali. Tumango-tango naman si Gani bilang pagsang-ayon.

Umiling naman kaagad si Serafina. "Huwag na kayong mag-alala ginoong Leighnus. Sasama ako sa mga naninirahan dito na lumikas sa malapit na kaharian dito at kayong tatlo naman ay magmadali na sa inyong paglalakbay bago kayo maabutan ng mga dadaan na mga mostro."

"Ngunit—"

"Magiging ayos lamang talaga kami. Pangako iyon kaya sige na ipagpatuloy na ninyo ang inyong paglalakbay bago pa bumukas ang lagusan. Mag-iingat din kayo." determinadong sabi ni Serafina kaya hindi na siya napilit pa ni Leigh.

Nagmamadaling bumalik na siya sa loob ng bayan upang tumulong sa pagpapalikas ng mga tao.

*"Excieo Barahas." narinig kong sabi ni Leigh kaya napabalik ang atensyon ko sa kaniya. May mga baraha nang nakalutang sa harapan niya kaya nanlaki ang mga mata ko. *"Misceo." Naghalo-halo ang mga 'yon at mabilis na kinuha niya kaagad ang isa na nakita kong may picture ng karwaheng ginagamit naming sasakyan. Pinindot niya lang 'yung picture n'on saka dinrag sa isang lugar at doon, bigla nang lumitaw 'yung karwahe.

Hindi pa ako nakakabawi sa pagkamangha ko pero hinawakan kaagad ako ni Gani sa braso ko. "Tara na." Nagmamadali na niya akong isinama papunta ng karwahe at nakasunod sa'min si Leigh. Para talagang isang hindi magandang bagay ang mangyayari sa lugar na 'to sa sobrang pagkahangos nila.

Dumeretso si Leigh sa unahan at pinakawalan niya 'yung dalawang kabayo sa karwahe. "Mas mabilis kung sa kabayo na tayo mismo sasakay."

Tumango naman si Gani sa kaniya.

Sumakay na si Leigh sa isang kabayo at sa isa naman, ako muna ang pinauna ni Gani na sumakay. Nahirapan man ako pero hindi na ako nag-inarte lalo na at mukhang emergency talaga ang nangyayari. Sumakay naman sa bandang likuran ko si Gani at walang anu-ano, pinatakbo na nila paalis ang mga kabayo.

Napatili pa nga ako sa gulat at mahigpit na napakapit sa collar na nasa leeg ng kabayo. Si Gani naman ang nakahawak sa tali na kumokontrol dito sa sinasakyan namin habang halos yakap niya na ako.

Kung anuman ang nangyayari, sana... walang mapahamak na kahit na sino sa mundong 'to.

Ipagpapatuloy...