webnovel

Queen and the Nine Tailed Fox

Sa mundo ninyong mga mortal, ako ang iyong tagasunod ngunit dito sa aming mundo... ...ikaw ay alipin ko. -Isagani Simeon Sa pagsikat nang sobra ni Queenzie Ruiz na kinilala nang Queen sa pagkanta, kinain na siya ng kasikatang iyon at sumama ang ugali niya. Biktima naman ng pagbabago niyang iyon ang mga P.A. niya na kaunting mali lang ay sinisisante niya na kaagad. Kasabay ng pagdating sa buhay niya ng bago niyang P.A. na isang misteryosong lalaki ay ang pagkasira ng boses niya dahil sa isang sakit at doon nangyari ang pagbagsak ng career niya. Hanggang isang araw, nagising na lang siya sa isang mundo na bago sa kaniya. Doon, magtatagpo ang landas nila ng misteryoso niyang P.A. at ang mas nakapanglito pa sa kaniya sa mga nangyayari ay sinasabi nito na nasa mundo siya ng mga ito na tinatawag na Sargus at... ...siya na ay alipin na nito.

BonVoyage_Ten · Fantasi
Peringkat tidak cukup
26 Chs

Chapter 11

Chapter 11 - Eirin Cygnus

"MGA LAPASTANGAN!" malakas ng sigaw ng isang napakapamilyar na boses kaya napamulat kaagad ako.

Biglang namang naalis ang taong nakaupo sa'kin saka isang malakas na galabog sa gilid kong puno ang narinig ko. Isa pa muling pagdaing ng isang tao na tumama sa puno ang narinig ko pa.

Gusto kong bumangon ng upo para makita kung ano ang nangyayari pero ang sakit-sakit pa rin talaga ng sikmura ko nang hindi ko inaasahan nang may tumulong sa'kin para makaupo ako.

Napadaing naman ako sa sakit ng sikmura ko.

"Ayos ka lamang ba Queen?" Mabilis na tinanggal ni Gani ang busal sa bibig ko at nakayanan kong umupo na hindi niya na inaalalayan.

Napatingin ako sa mukha niya na puno ng pag-aalala para sa'kin. Abalang-abala siya sa pagtatanggal sa mga itinali sa'kin habang ako, nakatitig lang sa kaniya.

"Nahihibang ka na. Tinrato lamang kita nang maganda kumpara sa iba ay espesyal na kaagad ang tingin mo sa iyong sarili sa aking buhay."

Nanlabo na ang paningin ko sa pamumuo muli ng mga luha ro'n.

Nang tapos na niyang kalagan ang mga tali sa'kin, napatingin siya sa mga mata ko na wala nang tigil sa pagluha. Mas lalong nabakas ang galit sa mga mata niya kaya tumayo na siya. Lumabas na naman ang siyam niyang mga buntot at nagliwanag ang dalawa niyang kamay sa mga puting apoy ro'n.

Lumabas ang ugat sa gitna ng noo niya sa galit at nagtatagis din nang sobra ang mga bagang niya habang nakatingin sa dalawang kidnapper ko na mga nagbabalak nang tumakas kahit may marami nang pinsala ang katawan. "HINDI KO KAYO MAPATATAWAD SA PANANAKIT N'YO KAY QUEEN!" Pinagbabato niya ang mga 'yon ng mga apoy niya at gumamit naman ang dalawa ng magic para makalipad na sila palayo habang takot na takot na mga nagsisigawan.

Kahit nakalayo na sila, pilit pa rin silang hinahagisan ni Gani ng mga apoy niya at natakot ako na baka masunog niya 'tong kagubatan na 'to kaya naman kinapitan ko siya sa sleeve niya. "G-gani... T-tama na." Hirap na hirap pa rin akong magsalita at napatingin naman siya sa'kin.

Ilang sandali siyang nakatitig lang nang ganoon sa'kin pero lumambot na rin ang expression niya saka umupo na muli sa harapan ko para mapantayan ako. "Patawarin mo ako Queen dahil hindi kaagad kita nahanap. Kung hindi ako nahuli sa aking pagliligtas sa iyo ay hindi ka sana nila nagawang masaktan." Bakas na bakas ang guilt sa mga mata niya na para namang mga karayom na tumutusok sabay-sabay sa puso ko.

Doon na ako tuluyang napaiyak na parang bata at niyakap siya.

Sobrang sakit ng nararamdaman ko... hindi lang dahil sa pagkakasuntok sa sikmura ko kanina kundi dahil sa lalaking 'to na walang pakundangang ni-reject ang confession ko.

Siya lang ang naisip ko kanina na makakapagligtas sa'kin... at dumating nga siya.

Iyak pa rin ako nang iyak at doon na pumatak ang malalaking butil ng ulan na nagtago sa mga luha ko na walang paawat sa pag-alpas. Yumakap na siya pabalik sa'kin at hinagod ang likod ko nang masuyo.

Lalong naninikip ang dibdib ko dahil umaasa na naman ako ngayon... na baka pwede pa.

Nag-aassume na naman ako na baka mahalaga naman talaga ako para sa'yo.

Pero promise, last na 'to na mag-aassume ako nang ganito.

Last na 'to na kakapalan ko ang mukha kong yakapin ka nang ganito at iparamdam sa'yo na masayang-masaya ako sa sa tuwing nililigtas mo ako.

Huling-huli na talaga 'to na paaapawin ko sa puso ko ang nararamdaman ko para sa'yo... dahil malinaw na malinaw naman ang sagot mo sa'kin kanina.

Na hinding-hindi mo ako magugustuhan.

Kinabukasan ng tanghali...

"Paumanhin Ginooong Gani ngunit wala po rito si binibining Zarione." yukong-yukong sabi ng isang servant sa'min at nandito kami ngayon sa tapat ng bahay nila Rio. Kasama ako ngayon nila Gani at Hilva at hindi ko alam kung bakit nila ako sinama ngayon dito.

Pagkatapos ng nangyari kagabi, walang na akong imik kay Gani no'ng umuwi kami. Pinaliguan ako ng servants dahil sa basang-basa ako at ang dumi ko. Naligo rin si Gani at pagkatapos kong mabihisan ng pangtulog, dumeretso na ako kaagad sa kwarto ko. Kinatok pa ni Gani ang pinto ko para siguro kamustahin ako pero nagkunwari na akong tulog kaya umalis na lang siya.

Iyak ako nang iyak buong gabi dahil kahit niligtas niya na naman ako, tatak na tatak na sa isip ko ang mga sinabi niya sa'kin noong magconfess ako sa kaniya. Hindi ko pa rin kasi matanggap na hindi niya talaga magagawang masuklian ang pagkagusto ko sa kaniya kaya sobra akong nasasaktan.

Tanghali na nga akong nagising dahil hindi talaga ako nakatulog at hindi na ako nagulat na namumugto nang sobra ang mga mata ko paggising ko. Tinulungan lang ako ni Hilva kanina na alisin 'yon gamit ang kung anong cream na napakalamig na nilagay niya sa gilid ng mga mata ko.

"Papapasukin mo kami o kailangan ko pang gumamit nito?" tanong ni Gani kaya napabalik na ako sa kasalukuyan at ipinakita niya ang puting apoy niya sa servant. Napaurong naman 'yon sa takot at nanlaki ang mga mata saka na nagbigay ng daan sa'min papasok.

Naglakad na siya papasok kaya sumunod naman kami ni Hilva sa kaniya. Napatingin ako sa kaniya at seryosong-seryoso ang mukha niya... katulad kagabi na ni-reject niya ang confession ko. May kumurot na naman sa puso ko kaya inalis ko na ang tingin ko sa kaniya at tumingin na lang sa nilalakaran namin.

Pero nacu-curious talaga ako kung bakit nila ako sinama rito. No'ng malaman niya kasi na gising na ako, pinaayusan niya kaagad ako rito kay Hilva para isama rito. Gusto kong magtanong pero ayoko siyang kausapin.

Basta. Ayoko.

Nakapasok na kami sa loob ng bahay nila at ang lawak din nito pero mas malawak 'yung bahay ni Gani. Parehas ding gawa sa kahoy at humahalimuyak dito ang amoy ng mga bulaklak na mga nakadisplay sa vases na nakahalera rito sa hallway. Ang dami ring mga magagandang paintings na nakasabit sa pader pero natigilan ako nang madaanan ang isang kwarto na nakaawang nang kalahati ang bukas ng pinto.

Nakita ko roon ang isang babae na nakahiga at maingat na pinupunasan ng isang servant ang braso niya. Inangat niya nang kaunti ang ulo niya saka tiningnan ako at nagtama ang tingin naming dalawa.

Nangunot ang noo ko dahil nakilala kong si Rio siya na pakay ni Gani rito kaya hinabol ko si Gani dahil nauuna siya sa paglalakad. "Nakita ko si Rio ro'n." Itinuro ko ang kwarto kung saan ko nakita si Rio kanina.

Hindi man lang siya tumingin sa'kin. "Hindi si Zarione iyon." Ang seryoso niya talaga kaya natahimik na lang ako habang nakasunod pa rin sa kaniya. Pati si Hilva, halatang binalewala rin 'yung sinabi ko.

Hindi si Rio? Eh 20/20 pa naman ang vision ko kaya sure ako na si Rio 'yon.

Bahala sila na maghanap d'yan. Napahalukipkip na lang ako at napansin ko na napatingin si Gani sa'kin pero hindi ko siya pinansin.

Kaunting lakad pa at tumigil na sila sa tapat ng isang pinto kaya napatigil na rin ako.

"Zarione! Batid kong nagtatago ka r'yan sa iyong silid!" galit na sigaw niya at may napasinghap naman sa loob.

Binuksan na niya ang pinto at doon, nakita namin ang isang tao na pilit nagtatago sa ilalim ng kumot kahit naman kitang-kitang na nakalabas ang mahaba niyang puting buhok.

"Batid mo naman siguro kung bakit kami naririto." seryosong-seryosong sabi ni Gani sa taong 'yon.

* * *

"Ginoong Gani, ipinaghanda ko kayo ng makakain ni binibining Queen upang mapag-usapan at maayos ang suliraning ibinigay sa inyo ng aking apong si Rio." magalang na sabi sa'min ni Inang Sreimi at nanlaki naman ang mga mata ko.

Apo niya si Rio?!

Napatingin ako kay Rio na nakaupo sa lapag katulad namin at nakasimangot lang siya habang nakatingin sa gilid niya. Nakahalukipkip din siya at halatang naiinis dahil sa nangyayari ngayon.

Nandito kami sa silid ni Inang Sreimi at kakaunti lang ang mga gamit niya rito. May nakahain din sa'ming maraming masasarap na pagkain at si Hilva ang nagsasalin ng tsaa sa mga baso namin.

"Ano ba ang kaniyang ginawa?" tanong ni Inang Sreimi.

Napahinga naman nang malalim si Gani. "Pumasok siya sa aking silid kagabi at tumabi sa akin ng higa. Nasaksihan iyon ng aking mapapangasawang si Queen kaya iyon ang naging dahilan kung bakit siya lumabas ng Leibnis at muntik nang nanganib nang lubos sa mga masasamang maheya roon."

Namilog ang mga mata kong napatingin sa kaniya habang siya, seryosong-seryoso pa rin. Kahit ganoon na ang itsura niya, gusto ko pa ring itanong kung seryoso ba siya?

Wala ngang pakundangan niya akong ni-reject kagabi tapos 'yung bagay na 'yon pala ang ipinunta namin dito.

"Ngayong nabatid ko na ang ginawa ng aking apo sa inyo ay lubos akong humihingi ng tawad. Tradisyon na sa ating mga Gisune na hindi nararapat matabihan ng ibang babae ang lalaking may nakatakda nang mapangasawa kaya isang napakalaking pagsuway ang ginawa ng aking apo na ito."

Doon na unti-unting nagfade ang pag-aassume ko na naman.

"Kapag ikaw naman ay nakabalik na sa inyong mundo ay roon na matatapos ang bagay na iyon sa atin."

Para na namang may humihiwa sa puso ko.

Oo nga pala. Umaakto lang siya nang ganito dahil sa tradisyon nila. Muntik ka na namang magpakatanga Queen! Kapag nakauwi ka na rin naman, maaalis na ang label n'yo na engaged kaya madala ka naman sa pag-asa sa kaniya.

Napatungo ako sa lungkot sa mga naisip ko at nagkutkot na lang ng kuko.

"Ako ang may kasalanan sa ginawa ng aking apo." pagpapatuloy ni Inang Sreimi. "Nagkulang ako sa pagdidisiplina sa kaniya simula nang mamatay ang kaniyang ina sa karamdamang naipapasa sa aming henerasyon at kaniyang ama naman sa pakikipaglaban kasama ng iyong ama sa mga umatake sa ating mga itim na maheya noon. Simula niyon ay ako na ang nangalaga sa kaniya at mukhang napakalaki ng aking pagkukulang dahil sa kaniyang mga naging kilos kaya kung may nararapat mang maparusahan ay ako iyon." Yumuko siya nang sobra sa'min ni Gani at naguilty naman ako.

Matanda na siya para yumuko pa nang ganoon.

"Inang!" Hindi naman malaman ni Rio ang gagawin dahil sa sobrang pagyuko niyang 'yon.

"Hindi n'yo kasalanan ang ginawa ni Rio," sabi ni Gani. "Siya ang nagdesisyong gawin iyon kaya ang paghingi ng kapatawaran kay Queen mula sa kaniya ang itinungo namin dito." maawtoridad na dagdag pa nito.

Napatingin naman si Rio sa kaniya. "Inaamin ko na ako'y tumabi sa iyo Gani ngunit hindi ko naman kasalanan na ipahamak niya ang kaniyang sarili sa paglabas sa Leibnis!" reklamo niya habang nakaduro sa'kin. "Hindi na dapat kasali pa iyon sa aking kasalanan!"

Para namang napahiya ako sa sinabi niyang 'yon. Ipinaintindi na kasi ni Gani sa'kin na 'wag na 'wag akong aakto na parang totoo talaga na may relasyon kami pero ang lumalabas sa usapan na 'to ay nakarating ako sa labas ng Leibnis at nakidnap dahil sa pagseselos ko sa kanilang dalawa.

Nakuyom ko ang mga kamao ko at kinagat ang ilalim ng labi ko habang napupuno ang isip ko na sana, makaalis na ako rito. Para na kasi akong lulubog sa kahihiyan.

"RIO!" Biglang bumukas ang pinto ng silid na 'to kaya sabay-sabay kaming napatingin kung sino 'yung nagbukas na 'yon at galit na tumawag kay Rio.

Nangunot nang sobra ang noo ko dahil nakita ko roon ang isa pang Rio na alalay ng dalawang tagapagsilbi.

"U-umbo(Ate) Eirin!"

Napabalik naman ang tingin ko sa Rio na kausap namin kanina sa pagtawag niya nang ganoon sa kamukha niya. Napatayo pa siya at sobrang namimilog ang mga mata na parang hindi makapaniwala. Kahit si Inang Sreimi at Hilva, napatayo rin dahil biglang-bigla rin sa pagsulpot ng kambal na 'yon ni Rio.

Napabalik ulit ang tingin ko ro'n sa isa pang Rio at naglakad na siya palapit sa'min habang maingat na alalay ng dalawang servant. Para bang ang hina-hina niyang tingnan kumpara sa bully na Rio na una kong nakilala.

Mukhang siya 'yung nakita ko kanina sa isang kwarto na inaalagaan ng isang servant.

"Kambal sila?" mahinang bulong ko kay Gani pero katulad nila Inang Sreimi, biglang-bigla rin siya sa pagdating ng babaeng 'yon at hindi nagawang sagutin ang tanong ko. Nang mauntag ko siya, tumayo na rin kaagad siya at siya na ang nag-alalay rito hanggang makarating sila sa gilid ko.

"Umbo Eirin! Bakit ka lumabas ng iyong silid?!" alalang-alalang tanong ng kausap namin na Rio kanina sa kakambal niya—kung tama nga ako.                        

"Nabalitaan ko ang iyong ginawang kapilyahan na lumagpas sa nararapat mong iakto Zarione. Nabatid ko rin na dahil sa iyong ginawa ay muntik nang mabihag ang binibining mapapangasawa ni Ginoong Gani." mahinhin na pagkakasabi ng tinatawag nilang Eirin na 'to pero kahit ang hinhin-hinhin niya, may nababakas sa boses niya na hindi niya talaga nagustuhan ang ginawa ni Rio.

Nakatingala rin ako sa kaniya dahil ako lang naman ang nakaupo sa'min dito ngayon.

"Humingi ka ng kapatawaan sa kaniya ngayon din." may authority niyang sabi at lumabas sa likuran niya ang maraming buntot doon na marahang sumasayaw sa ere. Dahil nadamihan ako sa mga 'yon, binilang ko 'yon kahit nasa ganitong sitwasyon kami ngayon.

Walo 'yon kaya nanlaki ang mga mata ko at napatingala ulit sa kaniya. Walang pinagkaiba ang mukha nila ni Rio pwera lang ang aura nila. Para bang ang elega-elegante ng aura niya na kulang na lang, may tumubong mga bulaklak sa paligid niya at ang hinhin niya rin talaga.

Napabalik ang tingin ko kay Rio nang mapansin ko na parang may nagbabago sa kaniya at napasinghap naman ako dahil tama ako. Nabawasan ang tangkad niya hanggang sa kasingtangkad na lang siya ng isang batang 11 or 12 years old. Kulay puti pa rin ang buhok niya na lagpas paanan niya kaya nakakalat sa sahig ang dulo at magkahawig silang dalawa nitong Eirin.

Nanlalaki pa rin ang mga mata ko dahil hindi ko na talaga masundan kung ano ang nangyayari.

Napansin naman 'yon n'ong Eirin at ngumiti siya sa'kin. "Binibining Queen. Iyan ang tunay na anyo ng aking nakababatang kapatid na si Zarione. Mayroon siyang kakayahan na kumopya ng anyo ng iba at ang palagi mong nakikita sa kaniyang anyo ay sa akin."

Napabuka ang bibig ko dahil sa sinabi niya at napatulala ako kay Rio pero nakatungo lang siya.

Bumilis din ang tibok ng puso ko at naghahalo-halo na ang mga emosyon doon.

Hindi ko alam pero isang tanong kaagad ang umalingawngaw sa isipan ko.

Hindi kaya...

Hindi kaya... siya 'yung Gani na nakipagkita sa'kin kagabi?

Ipagpapatuloy...