webnovel

Isang Pang Maninila

Isang araw ng linggo ay tahimik na nakatanaw si Ana sa bintana ng kanilang bahay. Sa di kalayuan ay natatanaw niya ang kanyang ama at ang iba pang mga kaibigan nito habang naghahanda sa pagbibitaw ng mga panabong na manok. Kitang- kita niya ang abalang paglalagay ng glabs sa paanan ng manok ng kanyang ama. Pinatuka ang isang manok sa bandang ulunan ng kalabang manok saka inilapag na sa lupa. Maya- maya pa'y nagsalpukan na ang mga manok kasabay ng kantiyawan at hiyawan ng mga sabungerong nakapaligid dito.

" 'tang ina, ka!,…." imik ng isa habang nagkikisihan sa bawat paglipad ang magkalabang manok. " Buwa ka ng ina ka,.. buhay ka pa!,.."

" Sige! Tirahin mo!!" palahaw naman ng isa na tila gigil na gigil at may pagsuntok pa ng kamao sa hangin.

Habang ang iba nama'y panay din ang sigaw at kantiyaw sa tabi. Bagaman walang pustahan, ay daig pa ang mga nasa loob ng isang totoong sabungan sa ingay tuwing mayroong nagbibitaw ng manok sa kanilang bakuran.

Nang biglang mas lumakas ang pagkakaingay ng mga manonood.

"Owww, wala na,… tumakbo na iyong kay Pareng Manoy! Hahahaha!" may panunuksong imik ng kanyang ama.

"Hahaha,…!!!" sabay- sabay na tawanan ng iba.

Yamot na dinampot ni Mang Manoy ang kanyang manok. "Tarantado 'tong manok na 'to, duwag!"

"Naghahanap ata ng kawali!" sambit naman ng isa na sinabayan pa ng malulutong na tawanan ng mga nakarinig.

"Aadobohin ko talaga itong manok na ito, 'pag nainis ako, eh!" turan naman ng lalaki.

Bumaling siya sa ina habang abalang nagtutupi ng kanilang mga damit.

"Namumulaklak naman sa mura ang mga bunganga ng mga iyan!" singhal ng kanyang ina.

Ayaw na ayaw kasi nitong nakakarinig ng may nagmumura. Ni minsan hindi niya narinig ang ina na magtungayaw. Isa ito sa magandang ipinamulat sa kaniya ng ina. Ang hindi magmura o magsalita ng masakit sa kapwa. Dangan nga lamang at talagang di maiwasang makarinig siya ng mga pagmumura mula sa ibang tao. Lalo na sa mga pagkakataong tulad nito, na nagkakagulo ang mga kaibigan ng ama sa pagbibitaw ng manok. Namumutakti talaga sa mura ang mga salitain ng mga ito.

Muli siyang lumingon sa mga taong nasa kanilang bakuran. Biglang nahagip ng kanyang paningin ang mukha ni Tonying. Kanina'y hindi niya napansin ang lalaki na kasama pala sa mga nanonood ng mga naglalabang manok. Nakasulyap ito sa kaniya na para bang naramdamang nakatingin siya rito. Ngumiti ito sa kanya. Binawi niya ang tingin saka humarap sa ina.

"Nay, 'wag ka na umalis, dito ka na lang sa bahay,.." walang anu- ano ay biglang naimik niya sa ina. Tila may nagtulak sa kaniyang magsumamo sa pananatili nito.

Napatigil ang ina sa ginagawa. Halata ang pagkalumbay sa mukha nito. "Kung ako lang 'nak, alam mo gusto ko nga sa bahay na lang, para naaalagaan ko kayo ng tatay mo kaya lang hindi naman 'yun posible.."

Dama ng kanyang ina ang kanyang paghahangad na makasama ito ng mas mahabang oras .Alam nito na kulang talaga ang panahon na kanyang inilalagi sa sariling tahanan kumpara sa oras na nagugugol niya sa paghahanap-buhay. Ngunit sadyang ganoon ang takbo ng buhay, kailangan niyang magtiis para na rin sa kapakanan ng kanyang pamilya.

Inilapat nito ang likod sa sandalan ng upuan at saka napabuntong- hininga.

" Minsan nga naiisip ko talagang tumigil na sa pamamasukan. Nakakapagod din, kaya lang pa'no kayo..?" dagdag pa nito.

Tama naman ang kanyang ina, naisip ni Ana. Wala naman silang maituturing na ibang pinagkakakitaan maliban sa pamamasukan nito. Kung hindi ito magtratrabaho, hindi nito matutugunan ang mga pangangailangan nila. Ang pag-aaral niya higit sa lahat. Hindi lingid sa kanya na ang ina ay elementarya lang ang natapos habang ang ama naman ay nagawang makapagtapos sa high school. Na ngayon naman ay walang hanap- buhay bungsod ng pagkakasakit. Kung ano ang nagtutulak sa ina na manilbihan sa iba, iyon ay upang maitaguyod siya sa kanyang pag-aaral.

Napatanaw na lamang sa kawalan si Ana. Hirap ang kalooban sa bigat na kanyang nararamdaman. Ang presensya ni Tonying ay nagpapaiba ng kanyang emosyon. Tila napupuno siya ng pagkamuhi na may kasamang takot at pangamba. Gusto niyang sabihin sa ina lahat ng mga pagbabagong nagaganap sa kanya nitong mga huling araw na kanyang nararanasan. Gusto niyang malaman kung normal lamang ba sa kanyang edad na mas nagiging protektibo siya sa kanyang ligtas na distansya sa mga kalalakihan. Na mas pinangangalagaan niya ngayon ang sarili kumpara noon. Na maaaring ang mga pagbabagong ito'y may kaugnayan sa ginawa sa kanya ni Tonying. Subalit sa kabilang banda, ayaw niyang magkaroon pa ang ina ng dagdag na alalahanin kayat ipinasya na lamang niyang itikom ang bibig.

Palihim siyang sumulyap sa kinaroronan ni Tonying. Wala na ito sa kinaroroonan nito kanina. Pakiramdam niya'y kumulimlim ang paligid ng makita niya ito. Ngayon na nakaalis na ito ay tila umaaliwalas muli ang kapaligiran. Nahagip ng kanyang paningin ang ama habang ibinabalik sa kulungan ng manok ang mga alagang ibinitaw. May kausap itong isang lalaking hindi pamilyar sa kaniya. Tila ngayon niya lamang nakita ito. Sunog ang balat nito na ang kulay ay hindi nalalayo sa kulay ng kahoy na kamagong. Ang buhok nitong itim ay may kakapalan at medyo mahaba na lumalampas sa kanyang tainga. Katamtaman ang pangangatawan, katamtaman din ang taas at sa kanyang tantiya ay nasa kuwarentahan na ang edad nito.

" Nay, sino ang kausap ni tatay?" tanong niya sa ina.

Napalingon ang kanyang ina sa gawi kung saan naroon ang kanyang ama. Sinipat nito ang kausap ng tatay niya.

" Ahh, iyan ba, asawa yata iyan ng bagong tindera nila Aling Belen. Kinuha na rin ng matanda yang asawa para maging boy sa tindahan. Taga- buhat ba ng bigas,…"

Tumayo siya upang iligpit ang mga hanger na pinagsampayan ng mga damit na itinupi ng kanyang ina. Saka tinulungan niya ang ina sa paglalagay ng mga naituping damit sa kani- kaniyang kabinet. Sa kanyang paglabas ay natanaw niya ang pagpasok na ama kasama ang lalaking natanawan niya kaninang kausap nito.

"Pasok muna,.." yaya ng ama sa lalaki. " umupo ka muna at kukuhain ko sa loob ang malatayong,.."

Ang tinutuko ng kayang ama ay iyong kemikal na ginagamit sa pagpapaligo ng manok upang mawala ang mga hanip o pesteng nakadikit sa balahibo't balat nito.

Tila nahihiya namang tumuloy ang lalaki kung kayat nanatili ito sa may gilid ng pinto.

"Tuloy ka,.." segunda naman ng kanyang ina. "Ano ngang pangalan mo?" tanong nito.

"Pandoy.,," matipid na sagot ng lalaki.

Nakatingin ang lalaki sa sahig. Para itong walang balak na makipagkuwentuhan ng matagal sa kanila kayat maya't- maya ay may pagtanaw sa bakuran. Marahil ay hindi ito komportable na makipag-usap sa mga taong bago pa lamang nitong kakilala.

"Bisaya ka ba?" usisa ng kanyang ina na para bang naringgan nito na may puntong bisaya ang tugon ng kausap.

Lumingon ang lalaki sa kanila. " Waray. Taga- Samar ako, sa Calbayog." sagot nito.

Sakto namang labas ng kanyang ama galing sa kusina na may dalang maliit na botelya. Iniabot ito sa lalaki.

"Ahh,..." tila pagsang-ayon ng kaniyang ina. "Mag-asawa pala kayong tauhan ni Aling Belen sa bigasan. Ay ang mga anak nyo, naiwan sa probinsya?" tanong ulit ng ina niya na para bang nag- iimbistiga.

"Wala man kaming anak,.." anito. Mabilis na kinuha ang inabot ng ama. Ayaw na nito marahil mapahaba pa ang pagtatanong ng kanyang ina kaya tinapik na nito sa balikat ang tatay niya. " salamat 'pre. Ibalik ko na lang pagkatapos ko gamit."

Bahagya nitong iniangat ang kamay na para bang nagpapaalam sa kanilang mag-ina.

Tumango ang kaniyang ina.

Mula sa pagkakatayo ay lumakad na nga ang lalaki. Lumapit naman ang kanyang ama sa kanyang ina.

" Ipagtimpla mo nga ako ng kape, Martha" biglang imik ng kanyang ama habang iginigiya ang kamay ng ina papuntang kusina.

"Aba, galing!" sagot naman ng kaniyang ina."napagod ata sa pagbibitaw ng manok ang tatay mo at hindi na makapagtimpla ng kape."

"Sige na, ikaw naman oh, alam mo namang paborito ko ang timpla mo eh,.." may panunuksong bigkas nito.

Wala na ring nagawa ang ina kundi ang sumunod sa paglalambing ng ama. Naiwan siyang mag-isa sa kanilang sala habang pinagmamasdan ang mga magulang. Natutuwa siyang makitang magkasundong maigi ang mga ito. Kung sana'y araw- araw lamang niyang kapiling ang kaniyang ina ay palaging may magsisilbi sa kanilang mga pakikisuyo. Maasikaso ang kaniyang ina at talagang damang- dama niya ang pagmamahal nito kahit pa dalawang araw lamang sa isang linggo nila ito nakakapiling.

Sa kaniyang pagmumuni- muni ay may kung anong magnetong nagtutulak sa kaniya na ibaling ang paningin sa labas ng bintana. Mula sa pagkakaupo ay tumayo siya saka pumihit sa tapat ng kanilang bintana. Nakita niya si Mang Pandoy na matamang nakatanaw sa kanilang bahay mula sa bukana ng kanilang bakod. Tuwid na tuwid ang pagkakatayo nito at tila hindi natitinag bagaman nakatingin na siya dito. Walang reaksyon ang mukha nito. Kanina pa dapat ito nakaalis naisip ni Ana. Matagal na ba itong nakatanaw sa kanilang bahay? Kung may kailangan pa ito sa ama, bakit hindi ito bumalik sa bahay nila at kausapin ang tatay niya?

Maya- maya pa'y tila napansin siya nito. Parang naasiwa ito sa kaniya kayat walang pag-aatubiling agad tumalilis ang lalaki. Nakaramdam marahil ng ngalay sa pagkakatayo. O maaaring napahiya sa pagkakatagpo niya rito sa ganoong pagkakataon. Napamaang na bumalik si Ana sa pagkakaupo. Parang nahihiwagaan siya sa lalaki. Kung bakit parang nagmamanman ito sa kanilang bahay. Kitang- kita niya ang pagmamasid nitong sa buo nilang kabahayan. Nakakapagtaka na hindi man lamang ito tumuloy sa loob ng kanilang bahay kanina na tila ba nagmamadali para lamang matagpuan niyang nakatindig sa may bakod na waring ayaw pang umalis. Hindi niya maiwasang isipin na parang may kakaiba sa ikinilos ng taong iyon. Kanina napansin niya na tila hindi ito nakatingin kapag kinakausap. Matipid kung sumagot. Ni hindi man lamang ngumingiti.

Hindi niya maiwasang mag-isip ng kahina- hinala sa lalaki. Bago pa lamang ito sa lugar nila. Wala pang masyadong nakakakilala. Hindi niya alam ang ugali o pagkatao nito. Naisip niyang kailangan niyang suriin ang pakikitungo nito sa kanyang ama. Maaaring nagbabalat- kayo lamang itong tulad ni Mang Tonying. Na akala mo ay ubod ng bait pero salbahe pala. Na noong una'y tila mapagkakatiwalaan ngunit ngayon ay isa ng traydor na kaibigan ng kanyang ama. Paanong hindi niya masasabi, samantalang sa likod ng kanyang ama ay kung anong kahayupan na lamang ang pinakita nito sa kaniya. Si Mang Pandoy, hindi rin siya nalalayo kay Tonying, naisip ni Ana. Hindi man lamang nito pinaunlakan ang ina ng yayaing pumasok ng bahay at pagkatapos ay mananatili sa kanilang bakod upang titigan ang buo nilang kabahayan? Sa panahon ngayon, sadya yatang ang mga tao ay mapagkunwari, bigla niyang napagmuni- muni. Kung kayat napagpasiyahan niyang oobserbahan ang mga kilos ng lalaki sapagkat maaaring gamitin nito ang kanyang ama, tulad din ni Tonying, pero iba naman pala ang motibo.