webnovel

Wrong Jowa

"Wrong Jowa"

"YES! KAMI NA! OFFICIAL NA KAMI NI DONITA!"

Halos hindi pa rin nakakalimutan ni Donita ang napakasayang reaksyon ni Lucas noong araw na sinagot niya ito. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin siya makapaniwala dahil sa dami-daming babaeng nagkakagusto rito ay sa kanya pa talaga ito nagkagusto. Dati nga iniisip niya kung malabo lang ba ang mga mata nito.  Dahil sabi nga ng bestfriend niyang si Sally, parang siya daw ang new version ni Betty La Fea. Hindi naman kasi siya ganoong kaganda, at katalino. Twenty years old na siya, at si Lucas palang ang kauna-unahang boyfriend niya.

"Ipangako mo sa akin, Donita. Kahit anong mangyari, walang iwanan!"

"Promise!" ngumiti siya rito, "Sa totoo lang, napakasaya ko kapag kasama kita! Parang gusto ko habambuhay na tayong magkasama."

"Talaga?" Parang nangislap naman ang mga mata ni Lucas habang nakatitig sa kanya.

"Pero kailangan ko munang makapagtapos ng pag-aaral," bawi niya, "Gusto ko munang masuklian ang pagsasakripisyo ni Mama? Sampung taon palang ako noong iwan kami ni Papa."

"Pareho lang tayo," segunda nito saka napakuyom ang kamao, "Sampung taon din ako noong sumama sa ibang lalaki ang Mama ko."

Gulat siyang napatingin sa kanyang nobyo. Ito kasi ang unang pagkakataon na nagbanggit ito tungkol sa mga magulang nito. Halos hindi pala nagkakalayo ang kwento ng kanilang buhay. At dahil doon, nagkaroon siya ng rason para lalo itong mahalin.

"Promise mo sa akin, Donita.  Kahit ano'ng mangyari hindi mo ako iiwan, ah?" parang batang hiling nito.

Napangiti naman siya, "Promise!"

Kay sarap pala sa pakiramdam ang magkaroon ng jowa. Parang siya na yata ang pinakamaswerteng babae sa buong mundo. Hindi man siya biniyayaan ng masaya at kompletong pamilya, biniyayaan naman siya lalaking magmamahal sa kanya ng lubos. Pero sabi nga, hindi nawawala sa isang relasyon ang magkaroon ng mga pagsubok. Sa paglalim ng relasyon nilang dalawa ni Lucas ay saka nila unti-unting nakikilala ang isa't isa. Doon na rin niya natuklasan na sadyang may pagkaseloso ito. Noong una ay natutuwa pa siya dahil talagang pinaparamdam nito sa kanya kung gaano siya nito kamahal. Pero habang tumatagal, parang nawawala na ito sa lugar.

Dumating na rin sa punto na pati ang boyfriend ng kaibigan niyang si Sally ay pinagselosan nito, samantalang nag-uusap lang naman silang dalawa ni Johan noong panahong iyon.

"Ayokong nang makita na nakikipag-usap ka sa lalaking iyon!" diin na utos sa kanya ni Lucas na talagang hindi niya nagustuhan.

"We're just a friend! Saka boyfriend siya ng bestfriend ko! Pati pa naman ba si Johan pinagseselosan mo?" hindi na rin niya maitago ang inis, "Jusko naman, Lucas! Halos lahat ng lalaking nakikipag-usap sa akin, pinagseselosan mo!"

"Dahil nakikita ko sa mga mata nila na may iba silang gustong makuha sa'yo!" katwiran nito.

"What?!" gulat niya, "Alam mo, paulit-ulit na lang ito at nakakasawa na! We need space! Mabuti pa, magcool-off muna tayo!"

"What?!" gulat na rin nito, "Hindi ako papayag! Sinasabi mo lang 'yan, pero ang totoo balak mo na akong iwan!"

"Lucas naman!" napapagod na niyang paliwanag rito. Sa totoo lang dahil sa inaasal nito, parang gusto na rin niyang makipag-break. Pakiramdam na kasi niya ay nasasakal na siya. "Aray!" anas niya nang bigla siya nitong hinawakan sa kanyang braso, "N-nasasaktan ako, Lucas!"

"Ipinangako mo sa akin na kahit anong mangyari hindi mo ako iiwan!"

Nanlaki ang mga mata niya.  Ilang segundo ring nagtalo ang mga tingin nila sa isa't isa pero ito rin ang unang bumawi. Marahas siya nitong binitawan, at galit na siyang tinalikuran.

Naiwan siyang natulala habang hinihimas-himas niya ang nananakit niyang braso. Pilit niyang inaalis sa kanyang kalooban ang takot para sa kanyang nobyo. Sa totoo lang, ito ang unang pagkakataon na makita niyang ganoon ito. Parang…parang…kayang-kaya siya nitong saktan anumang oras.

Matapos ang pagtatalo nila ni Lucas nang hapon iyon ay nagpasya na siyang umuwi sa kanilang bahay. Ang bahay na minana ng kanyang Mama sa mga pumanaw nitong magulang. At tulad ng kanyang kinalakihan, hindi na naman niya naabutan ang kanyang Mama dahil night-shift lagi ito sa pinagtatrabahuan nitong Call Center Agency. Pero nakaugalian na nito ang mag-iwan ng note, at maghanda na ng hapunan niya.

Nagpadala siya ng text message sa kanyang Mama para ipaalam sa rito na nakauwi na siya. Pero habang hinihintay niya ang reply nito nakatanggap naman siya ng tawag mula sa bestfriend niyang si Sally. At tulad ng kanyang inaasahan, nakarating na sa dalaga ang nangyaring engkwentrong sa pagitan ng boyfriend nitong si Johan at ni Lucas.

"Noong una, naiintidihan ko pa siya Donny! Pero habang tumatagal sumusobra na ang jowa mo! O.A. na ang pagiging seloso niya! May ginawa ka bang malaking kasalanan sa kanya kaya parang nawawalan siya ng tiwala sa'yo?" naiinis na tanong sa kanya ni Sally sa kabilang linya.

"W-wala… Wala akong ginagawang masama!" medyo na ooffend na niyang tugon. Kahit papaano kasi ay nasasaktan pa rin siya sa tuwing makakarinig siya ng hindi magandang komento sa kanyang boyfriend. Alam niyang totoo naman ang ibang sinabi nito, masyado nang nagiging possessive sa kanya si Lucas. Pero hindi pa rin nagbabago ang tingin niya rito, para sa kanya ito pa rin ang Lucas na nakilala niya.

"Two months palang kayo pero parang over-protective na siya na wala na sa lugar!" dagdag na komento nito, "Alam mo kung hindi lang kita bestfriend, iisipin kong ginayuma mo 'yung tao. Mukhang obsessed na siya sa'yo, eh!"

Hindi na siya kumibo pa. Ayaw na lang niyang patulan pa ang kaibigan dahil baka bandang huli ay sila pa ang mag-away. Nagpasya na lang siyang tapusin ang kanilang pag-uusap. Pakiramdam niya ay pagod na pagod siya dahil sa mga nangyayari. 

Nang matapos siyang kumain ng hapunan ay nagpasya muna siyang manuod ng mga Kdrama Series. Ganito ang ginagawa niya para makalimutan saglit ang mga hindi magandang nangyari sa kanya ngayong araw. Sa ganda ng kanyang pinapanuod, hindi na niya namalayan na nakailang episode na siya. Kung hindi pa siya nakarinig ng kalabog na nagmula sa itaas ng kanilang bahay ay hindi niya malalaman na halos maghahating-gabi na rin pala.

Naisipan na niyang umakyat sa ikalawang palapag ng kanilang bahay para tignan kung anong ingay ang kanyang narinig. Ilang minuto rin niyang pinakiramdaman ang buong paligid hanggang sa siya mismo ang sumuko. Bumalik na lamang siya sa sala para patayin ang telebisyon. Hating-gabi na rin naman kaya nagpasya na rin siyang pumasok sa kanyang kuwarto.

Kasalukuyan na siyang nakaupo sa gilid ng kanyang kama nang maisipan niyang tignan ang kanyang cellphone. Tulad ng kanyang inaasahan, may missed call at text message galing kay Lucas.

"Call me please…"

Nabuntong-hininga siya. Hindi niya alam kung gaano na niya katagal na tinititigan ang text ni Lucas sa kanya hanggang sa nagpasya na siyang tawagan ito. Nadinig niyang nag-ring ito. Pero natigilan siya nang makarinig siya ng pamilyar na tunog ng vibration ng cellphone sa ilalim ng kanyang kama.

Pinakinggan niyang mabuti ang pag-ring sa kabilang linya. Ilang saglit pa ay naging busy tune na kanyang naririnig, at siya naman ang paghinto ng tunog sa ilalim ng kanyang kama.  Doon na gumapang ang takot sa kanyang kalooban dahil sa kanyang natuklasan. Samu't samong katanungan ang mabilis na nagrumble sa kanyang utak.

Kahit makailang beses nang pumupunta si Lucas sa kanilang bahay, never pa niya ito pinapasok sa kanyang kuwarto. Kaya papaanong nasa ilalim ng kanyang kama ang cellphone ni Lucas?

Iisa lang ang natitiyak niya ngayon, hindi siya nag-iisa sa kanyang kuwarto!

Nagsimulang mangatog ang kanyang paa. Pilit niyang iniisip kung papaano siya makakaalis sa kuwartong iyon. Kung ano ba ang susunod niyang gagawin? Kung papaano niya poprotektahan ang sarili.

Napatingin siya sa pintuan. At aktong tatakbo na sana siya patungo roon nang biglang may humawak sa kanyang kanang paa dahilan para madapa siya at mapasubsob sa sahig. Sinubukan niyang bumangon pero laking-gulat niya nang makita niya ang mukha ni Lucas.

"Lucas?!" halos hindi siya makapaniwala sa kanyang natuklasan, "P-paanong…"

"Diba, nangako ka sa akin na hindi mo ako iiwan?!" tanong nito at saka siya mahigpit na hinawakan sa kanyang braso.

Nanlaki ang mga mata niya sa gulat. Ibang-ibang Lucas ang nakikita niya ngayon sa lalaking kaharap niya. Parang sinaniban ito ng masamang espiritu, At damang-dama niya ang galit at poot na nasa kalooban nito.

"A-ano'ng nangyayari sa'yo?" aniya nang sinusubukan nitong igapos siya, "B-bakit ka nagkakaganyan?" tanong pa rin niya habang nanlalaban siya.

"Naniningil lang ako ng utang!" tugon nito saka siya nito hinawakan sa kanyang mukha, "At ikaw ang kabayaran sa lahat ng bagay na inagaw ng Tatay mo."

"Ano?!"

"Ang Tatay mo lang naman ang kabit ng Mama ko!" singhal nito na parang mababaliw habang nanlalaki ang mga mata, "At nang iwan kami ni Mama, nagpakamatay ang Papa ko! Napakawerte mo dahil nand'yan pa rin ang Mama mo! Samantalang ako, lumalaki akong nag-iisa!"

Natahimik siya. Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksyon niya sa mga sinabi nito. Ilang segundo rin siyang natulala pero nagulantang siya nang sinusubukan na ni Lucas na itali ang kanyang mga kamay.

"Ano'ng balak mo? Patayin ako para makaganti ka?"

"Hindi," tugon nito, "Titiyakin ko lang na hindi mo ako iiwan! Akin ka lang, Donita! Akin ka lang!"

"Nababaliw ka na!" singhal niya, at nagsimula siyang pumalag. Hindi siya makakapayag sa gusto nitong mangyari. Kaya naman mabilis niyang inabot ang picture frame nila ng kanyang Mama sa ibabaw ng sidetable, at buong lakas niyang hinampas iyon sa mukha ni Lucas.

Napasigaw ito ng malakas. Mabilis ding tumulo ang kulay pulang likido sa kaliwang pisngi nito dahil sa salamin ng picture frame.

Iyon naman ang naging pagkakataon niya para makatakas. Pero sadyang maliksi ang binata, at nagawa nitong hablutin ang kanyang buhok. Buong lakas siya nitong naihagis sa isang sulok kung saan naroroon ang kanyang study table.

Lumikha ng malakas na kalabog ang pagkakatilapon niya. Pagkaraan ay pumatog si Lucas sa kanya at saka siya sinubukan ulit na itali.

"Baliw ka na!" singhal niya sa kabila ng kanyang pagpapalag, "Una sa lahat hindi ko na kasalanan kung naging mahina man ang Papa mo! Pareho lang tayong iniwan! Pero never akong nanisi ng ibang tao!"

"Tumahimik ka!" singhal din nito sabay ang pagsakal sa kanya. Kitang-kita niya kung papaano manlisik ang mga mata nito, "H-hindi mo alam kung ano ang mga pinagdaanan ko! Naging miserable ang buhay ko! Hindi katulad mo na kasama mo pa rin ang Mama mo!"

Hindi na niya nagawa pang sagutin ang mga salitang binitawan ni Lucas dahil habang tumatagal ay humihigpit nang humigpit ang pagkakasakal nito sa kanya. Halos hindi na rin siya makahinga. Pero sa kabila ng kanyang paghihirap ay tila may sariling pag-iisip ang kanyang kamay para makahanap ng bagay na ipangdedepensa niya. At lihim na nangislap ang kanyang mga mata nang makakapa siyang gunting sa lapag.

Nang madampot niya ito, buong lakas niya itong isinaksak sa mismong bunbunan ni Lucas.

Saglit na huminto ang oras sa pagitan nilang dalawa. Maya-maya pa'y dumaloy ang sariwang dugo sa mukha ni Lucas.

"D-donnnnii--"

Dilat ang mga mata nitong bumagsak na nakapatong sa kanya.

Halos maligo na rin siya sa sariwang dugong dumaloy sa ulo nito.

Natulala siyang napatitig sa kisame. Hindi na niya alam kung ano ba ang dapat niyang maramdaman sa mga sandaling iyon pero kusang tumulo ang luha sa kanyang mga mata at mahigpit niyang niyakap ang wala nang buhay niyang jowa. 

The End