[ 1887 - Ang paghihiwalay ]
Sa lahat na ata nang pinagdaan ng magkasintahan ay naging saksi si Isidro. Ngayon nga ay alam niyang pupunta na ang dalawa para humingi ng permiso upang ikasal sa mga magulang ni Manuela. Kung kilala sana siya ng mga ito ay siya na mismo ang nagpayong huwag na nilang gawin iyon.
Ngunit, iba nga naman talaga ang matanggap ang pagsasama nila ng mga magulang ng dalaga. Kung siya rin siguro ang mga nasa paa ni Apolinario ay nanaisin niya ring ipaalam ang pagkuha ng kamay ng dalaga kaysa sa patagong ikasal.
Hindi niya maiwasang hindi kabahan. Pakiramdam niya kasi ay maaring hindi magiging maganda ang kalalabasan ng gagawin ng magkasintahan. Dahil sa paulit-ulit na pagbibisita nila noon ni Samaniego kay Socorro ay nagawa niya na ring makilala ang mga magulang ni Manuela pati na ang mga kapatid nito. Strikto ang mga magulang ni Manuela. Masyado ring prinoprotektahan ng mga kapatid ang dalaga sa mga lalaking sa tingin ng mga ito ay hindi karapat-dapat sa kanya.
At mukhang hindi siya nagkakamali, dahil kahit wala siyang narinig mula sa nagaganap sa labas ay sapat na ang makita niyang lumabas sa bahay si Apolinario at nagmamadaling sumunod naman sa nobyo si Manuela. Sinundan niya lamang ng tingin ang dalawa ngunit hindi siya gumalaw mula sa pinagtataguan. Wala siyang karapatang alamin kung anuman ang maari nilang pag-usapan. Wala siyang karapatang makialam.
Kaya, sa halip, ay nanatili siya sa pinagtataguan at naghintay. Malakas ang kabog ng kanyang dibdib at hindi niya maiwasang maisip na baka may hindi magandang mangyari ngayong gabi.
~ ~ ~
Hatinggabi na nang makita ni Isidro sa malayuan ang dalaga. Mabilis niyang pinakaripas ng takbo si Seda at nang makalapit na siya rito ay nanlulumong siyang bumaba. Napaluhod siya sa harap nito at hindi nito napansin ang presensya niya. Mukhang namatay ang dalaga sa hitsura nito. Nakahiga ito sa lansangan at yakap-yakap ang sariling nakatulala sa kawalan. Pinipigilan nitong huminga na kung sakaling ginawa nito iyon ay baka...
Nakarandam siya ng kakaibang sakit sa dibdib. At mas lalong bumigat iyon dahil hindi niya ito mahawakan, hindi niya ito maalo. Hindi siya ang nararapat na sumagip dito sa kinasasadlakan. Kaya, sa halip, na buhatin ito at dalhin ito sa ibang lugar ay umangkas muli siya sa kabayo. Pinakaripas niya ng takbo si Seda patungo sa bahay ng mga Guevarra.
Hindi niya alam ang nangyari ngunit kung sapat na iyon para naisin na ng dalagang mamatay ay maaring huli na ang lahat. Nakakatawa na ang relasyon na prinotektahan niya ng apat na taong pagtatago sa mga anino ay mabubuwag ng isang gabi lang.
Pati siya ay nasasaktan sa naganap. Ang akala niya pa naman ay habang buhay na magkakasama ang dalawa. Sa kanila lang niya nakita ang pag-ibig na kayang mabuhay kahit na malaki ang balakid na pumapagitna roon. Na walang pakialam sa estado, sa hitsura, at sa kahit na ano. Kung tutuusin para na nga silang iisang tao.
Ngunit...
Umiling siya at nang makita na niya ang mga magulang ni Manuela na nagmamadaling puntahan ang kanilang anak, ay iginaya na niya ang kabayo sa ibang direksyon. Kailangan niya ring makita kung ayos lang ba ang kalagayan ni Apolinario.
Matagal bago niya ito nakita at nang nakita niya na ito ay iginagaya naman ito ng isang matanda sa loob ng isang bahay. Katulad ni Manuela ay patay rin ang mga mata ng binata. Mas lalo siyang nanlumo sa nakita. Hindi niya alam na kaya pala ng ibang taong patayin ang magkasintahan. Ang akala niya ay walang kahit na sinong makakaparandam sa dalawa ng mga ganoong bagay. Ngunit, mali pala siya.
Napapahid siya sa pisngi dahil doon niya lang napansin na nag-uunahan na naman ang mga luha mula sa kanyang mata.
Malungkot. Napakalungkot.
Ang iba siguro ay magiging masaya kung naroroon sila sa mga paa niya. Ngunit, iba siya. Ang hangad niya lamang ay siguraduhing maging masaya at manatili sa piling ng isa't isa ang magkasintahan. Ngunit, mukhang nabigo siya.
Pati siya ay nasasaktan. Napakabigat sa kanyang damdaming panoorin ang dalawang pinilit lang sigurong maghiwalay dahil wala nang ibang nagbigay sa kanila ng iba pang paraan.
[ 1887 - tatlong buwan matapos nang paghihiwalay ]
Tatlong buwang dinistansyahan ni Isidro si Manuela kahit na nag-aalala siya sa lagay nito. Sinundan niya kasi sa panahong iyon si Apolinario para masigurong hindi rin nito sinaktan ang sarili. Sa apat na taon niyang pagmamanman sa dalawa ay para na rin niyang naging matalik na kaibigan ang mga ito. Kahit hindi nila alam.
At ngayon, basta-basta na lamang siya makakasagap ng balitang nais na raw ikasal ng dalaga na siya namang ikinagulat niya. Kaya mabilis pa sa alas-kwatrong sumakay siya sa kabayo para lang makarating sa bahay ng mga Guevarra. Mabilisan niya lang binati ang naabutan niyang mga kapatid nito at tinanong niya kaagad kung asaan ang dalaga.
Nasa silid-aklatan raw ito kaya mabilis niyang tinungo iyon at nakita niya namang papalabas ang dalaga.
"Maari ba tayong mag-usap, Binibini?" mabilis na tanong niya kay Manuela nang humarap na ito. Nakakunot noong tinignan naman siya ng dalaga, inaalala kung sino siya. Pansin niya naman ang pamamayat nito at ang pangingitim sa baba ng mga mugtong mata nito.
"G-Ginoo, paumanhin, ngunit ayoko sanang--"
"Pakiusap, Binibini. Kailangan kitang makausap." Hindi niya alam kung saan ba nanggagaling ang kanyang lakas ng loob. Ito ang pangalawang beses na nakaharap niya ang dalaga ngunit ito ang unang beses na nagawa niya itong basta kausapin nang hindi kinakabahan.
Kumurap-kurap naman ito at dahil mukhang hindi siya papalag ay bagsak ang mga balikat na tumango na lamang. "Saan mo gustong mag-usap, Ginoo?"
"Sumama ka sa akin, Binibini. May alam akong lugar kung saan walang gagambala sa atin."
Hindi niya hinintay itong sumagot. Sa halip, basta niya itong binuhat at nagmamadaling inilabas ng bahay. Hindi na niya pinansin ang mga tingin na ipinukol sa kanya ng mga kapatid nito o ang takot na nakita niya sa mga mata ng dalaga.
Ibinaba niya lamang si Manuela nang makarating na sila sa harap ng kanyang kabayo at ipinatong niya ang mga kamay sa magkabilang balikat nito. "Wala akong balak na pagtangkaan ka, Binibini. Ang nais ko lamang talaga ay makausap ka nang masinsinan. Dadalhin kita sa batis nila Eustacio, alam mo kung saan iyon, hindi ba?"
Hindi nawala ang takot sa mga mata ng dalaga, nadagdagan lamang iyon ng pagtataka.
"Maari mo ba akong pagkatiwalaan, Binibini? Kahit ngayon lamang?"
Tumingin ang dalaga pabalik sa bahay nila at sinundan niya rin ang tingin nito. Nasa mga baitang na ang dalawang Kuya ni Manuela, handang ibalik ito sa bahay. Gwardiyado ang mga ekspresyon nila. Sa may bintana naman ay nakatanaw ang mga magulang nito. Mukhang gulat si Senyor Guevarra, samantalang ang Senyora naman ay nakahawak lang sa asawa at mukhang namromroblema.
Ngunit kahit ganoon ay mukhang ayaw nilang sapilitang ibalik ang dalaga sa bahay. Na parang alam nila na sa apat na taon na pagkawala ni Manuela ay hindi na tahanan ang turing nito sa bahay na iyon at hindi na pamilya ang tingin nito sa mga taong naroroon.
Hinawakan ni Manuela ang dulo ng suot niyang damit at nakita niya ang paniningkit ng mga mata nito. Kinuha niya naman iyon bilang pagtanggap ng dalaga sa alok niya, kaya tumango na lamang siya. Tumango na rin siya sa pamilya nito bilang paghingi ng permiso. Ibinalik naman ng ama ng dalaga ang pagtango niya bago naunang tumalikod kasunod ng asawa.
Hindi na niya inisip kung ano man ang nararandaman ng pamilya nito. Basta hinarap na lamang niya ang dalaga at maingat niya itong iniangkas sa kabayo. Sumunod siya at marahang sinipa si Seda upang magsimula na itong gumalaw. Ilang minuto ang nakalipas bago niya narandaman ang pagpulupot ng mga braso ng dalaga sa kanyang bewang. "Ayos lang na patakbuhin mo nang mabilis, Ginoo. Maraming makakakita sa atin kung tayo ay magbabagal," halos pabulong na wika ni Manuela.
Narandaman niya ang pagsikdo ng traydor niyang puso kaya mabilis siyang napailing. Binigyan niya ng malakas na sipa ang kabayo at nagsimula itong tumakbo nang mabilis. Wala na siyang ibang makita kundi ang daanan nila at wala na rin siyang ibang marinig kundi ang pagpintig ng sariling puso at ang kanyang paghinga.
Palayo. Palayo sila nang palayo.
Wala pang mahigit walong minuto ay nakarating sila sa batis. Nauna siyang bumaba bago niya inalalayan si Manuela. Hindi naman siya hinintay nito. Sa halip, naglakad ito patungo sa batis at naupo sa batuhan. Patay ang mga matang nakatingin ito sa repleksyon sa tubig.
"Matagal na akong hindi nakabalik rito. Hindi man lang ito nagbago," sa walang emosyong boses ay wika ng dalaga. Pinaningkitan nito ng mata ang repleksyon sa tubig.
Alanganing tinabihan niya ito. Doon lang siya mas kinabahan at unti-unting nawala ang lakas ng loob na nagtutulak sa kanya kanina. "Patawarin mo ako, Binibini. Ngunit, wala na akong alam na mas pribado pa bukod sa lugar na ito."
"Naalala ko na kung sino ka. Ikaw si Ginoong Isidro, hindi ba?" pag-iiba nito sa usapan. Itinaas nito ang ulo upang matamang tignan siya. Mabilis na tumango siya at nang ibinalik na nito ang tingin sa tubig ay bigla siyang napalunok.
Nakalimutan na ata niya kung ano nga ba ang dahilan kung bakit siya sumugod sa bahay ng mga Guevarra. Ngunit, ang mas nagpakaba sa kanya ay ang katotohanang wala ng buhay ang mga mata nito. Parehas sila ni Apolinario nang huli niya itong makita nang nakaraang linggo.
"Bakit gusto mo akong kausapin, Ginoo?"
Ibinuka niya ang bibig ngunit walang lumabas na mga salita mula roon. Parang pisikal siyang pinipigilan ng katawang magsalita. Tumikhim siya at pumikit bago muling nagsalita. "Narinig kong may balak ka na raw magpakasal. Ikaw ba ay talagang handa nang magpakasal?"
Marahang natawa ito at sa mapait na boses ay sumagot, "Sino bang may pakialam kung ako'y handa? Kung nais ko ba? Wala, Ginoo." Tinignan siya nito at kahit nakangiti ay hindi iyon umaabot sa mga mata ng dalaga. "Hindi na siguro basehan ang damdamin sa pagpapakasal sa ating mga mayayaman, ano, Ginoo? Basta magkasundo ang ibang tao ay basta na lang ikakasal ang mga--"
"Kung hindi mo naman pala gusto ay bakit hindi ka tumanggi? Bakit hindi mo hanapin si Apolinario at--"
Pinandilatan siya nito at napatigil siya sa pagsasalita dahil narandaman niya ang mahigpit na paghawak nito sa kanyang mga braso. May bahid ng pag-a-alala sa ekspresyon nito. "A-Ayos lang ba si Pole? Saan mo siya nakita?"
"Ayos lang siya, Manuela. Ngunit, tulad mo ay--"
Binitawan siya nito at nag-iwas ng tingin. "Siya ang tumapos sa relasyon namin, Ginoong Isidro. Siya ang umalis. At alam mo ba ang ibig sabihin noon? Hindi na siya babalik..." Nabasag ang boses nito sa huling binitawang mga salita at mukhang nais na naman nitong umiyak. "Alam kong ayaw niyang umalis... ngunit, hindi man lamang siya nangakong siya'y babalik."
Gusto niya itong yakapin at aluin, ngunit pinigil niya ang sarili. Ang magagawa niya lang ngayon ay subukan itong kumbinsihing puntahan muli sa Maynila si Apolinario at kausapin. Naniniwala siyang maari pa ring masalba ang relasyon ng dalawa. Gayong mukhang mahal na mahal pa rin naman nila ang isa't isa.
"Binibini, maaring sinabi niya lang iyon dahil nadala siya sa emosyon. Ngunit, naniniwala akong kapag kinausap mo siya muli ay maayos niyo rin ang lahat."
Matalim na tinignan siya ng dalaga at sa matalim na boses ay nagsalita ito. "Anong alam mo patungkol sa amin, Isidro? Nagsasalita ka na parang alam mo ang lahat nang naganap. Isa ka rin ba sa huhusga sa amin?"
Napaamang naman ang bibig niya sa sinabi ng dalaga. May punto nga naman ito. Hindi niya nga naman alam kung bakit naghiwalay ang dalawa. Ni hindi niya nga alam ang ibang parte ng kwento. Naroroon lang naman siya upang...
Kailangan niyang sabihin dito ang rason kung bakit alam niya.
"...Manuela."
"Sagutin mo ako, Isidro."
Huminga siya nang malalim. "Dahil matagal ko nang alam na kasintahan mo si Apolinario, Binibini. Simula pa ng mga araw na nagtitigan lamang kayo sa iyong bintana. Alam ko rin na nung una tayong nagkakilala ay iniwan ka noon ni Apolinario. Alam ko rin na dalawang taon kayong asa Maynila, dalawang taon kayong nasa Lipa, at bumalik lamang kayo rito para sana humingi ng permisong magpakasal."
Hindi siya nag-iwas ng tingin sa dalaga habang sinasabi niya ang mga katagang iyon. "At hindi ko kayo hinuhusgahan. Kung maari akong makatulong para maayos ninyo ang problema ninyo ngayon ay gagawin ko."
Lumamlam naman ang mga mata ni Manuela at hindi nito napigilang umiyak. Hindi niya kayang panoorin lang itong lumuha sa harap niya kaya inabot niya ito at niyakap. Mas napahagulgol naman ito sa ginawa niya. Tama siyang hindi nga talaga nito gustong ikasal. Ang alam niya rin naman ay mas pipiliin nitong tumandang dalaga kaysa makipag-asawa sa lalaking hindi naman nito mahal.
~ ~ ~
Marahang itinataas ni Manuela ang paa mula sa tubigan. Matapos nitong umiyak ay umiiling na humiwalay ito at nanahimik. Hindi niya ito pinilit magsalita. Hinayaan niya lang itong mag-isip at siya'y naghintay na pagkatiwalaan siya nito sa parte ng istorya na hindi niya alam.
Ang rason kung bakit mukhang ayaw nitong sundin ang plano niyang dalhin ito sa Maynila.
Mga ilang minuto ang lumipas bago nagsalita ang dalaga. "Sinubukan ko naman siyang pigilan. Ngunit, alam mo ang pakiramdam na parang iisang tao na kayong dalawa o ang pakiramdam na tahanan mo siya? Gano'n si Pole para sa akin, Ginoo.
"Ang akala ko kung mananatili lamang ako sa kanyang tabi o kung hindi ako magiging pabigat, ay tama na ang ginagawa ko para sa kanya. Ngunit, parehas kaming ganoon kaya parehas lamang pala naming nasasaktan ang isa't isa...
"Tama ka na maari nga namin itong ayusin. Marami kaming pwedeng gawin... Subalit, mas kilala ko si Pole kaysa sa iyo, Ginoo. Kung sinabi niyang hindi na niya kaya at kailangan niya nang lumayo, kung nagpaalam na siya sa huling pagkakataon, ibig sabihin noon ay wala na talagang maayos pa.
"Hinding hindi na siya babalik... at hindi siya nangakong babalik siya."
Ibinuka niya ang bibig para sana magsalita at kontradiktahin ang sinabi nito. Kung parehas mag-isip ang dalawa ay siya na ang magiging tulay. Wala na sa kanya iyon. Hindi niya kayang panoorin ang dalawang nasasaktan. Mas lalo na ang babaeng kanyang patuloy na iniibig.
"Nangako siya bago siya umalis, Ginoo. Ang sabi niya kung sakaling ipinanganak man kami muli ay hindi na niya ako papakawalan. Kaya... Kaya gusto kong magpakasal. Para may maipapanganak na bersyon ko sa hinaharap... Mas mabuting sa akin magmula kaysa sa aking mga kapatid..."
Natawa ito sa sarili. "Napaka-desperada ko na siguro sa ibang tao, Ginoo. Baka pati na rin sa iyo. Ang nais ko lamang naman ay makasama si Pole habang ako'y buhay. At hindi naman ako sigurado kung maari nga bang maipanganak kami muli sa hinaharap. Ngunit..."
Umiling ito at napatakip na lamang sa mukha. Huminga ito nang malalim. Isa. Dalawa. Tatlo. Nagpipigil. Marahil ay gusto nitong sumigaw, magtanong kung bakit wala na siyang ibang pwedeng gawin bukod sa piliing maghanap ng mapapangasawa.
Wala naman siyang maitulong.
Lumunok siya at wala sa sariling nagkomento. "Ako na lang ang pakasalan mo, Manuela. Huwag ka nang maghanap pa ng iba. Hindi kita pipiliting mahalin ako. Alam kong hinding-hindi mo magagawa iyon at naiintindihan kita. Wala rin akong pakialam kung nais mong pangalan ng Apolinario ang magiging anak natin." Seryoso at sinsero ang ekspresyon sa kanyang mukha. Sa unang pagkakataon ay hindi niya kinailangang magsuot ng maskara.
Ibinaba ng dalaga ang mga kamay sa mukha at nalulungkot na tinignan siya. "Ginoo. Bakit mo naman gagawin iyon para sa akin? Magiging malaking pasakit lang iyon para sa iyo."
Ngumiti siya kahit maliit. "Mahal kita, Manuela. Mahal kita simula pa noong una kitang nakita. Mahal kita kahit pitong taon na ang nakakalipas. Mahal kita kahit alam kong hindi mo ako mamahalin. Kung ito lang ang magagawa ko para sa'yo ay wala na sa akin."
"Ginoo, h-hindi ko..." Lumamlam na naman ang mga mata nito at nahihirapang napaluha. Dahan-dahan siya lumapit rito at sabay ng mga nanginginig na mga kamay ay hinawakan niya ang magkabilang pisngi nito. "Sabihin mo lang sa akin kung handa ka na, Manuela. Hindi kita pipilitin. Iyon ay suhestiyon ko lamang." Tinitigan niya ang mga mata nitong nahihirapang tignan siya. "Kung iba pa rin ang nais mong pakasalan ay naririto lamang ako para maging iyong kaibigan. Kahit anong plano ang gusto mo, sasamahan kita."
Martir. Isa kang martir, bulong ng isang parte ng kanyang utak. At isa ka ring malaking tanga.
Wala na akong pakialam. Matagal na akong walang pakialam.
Tatlong araw ang nakalipas mula noon bago opisyal na tinaggap ni Manuela ang pag-aalok niya ng kasal. Ngumiti ito sa kanya at hinawakan ang kanyang kamay ngunit hindi lingid sa kanya ang kalungkutang nakatago sa mga mata nito.
Isinara ni Isidro ang pinto ng magiging kwarto nila. Naroroon na sila sa bahay kung saan sila titira ni Manuela. Kakatapos ng kanilang kasal at tama lamang siguro na hayaan niya ang asawang magluksa. Ilang oras din itong nagsuot ng maskara ng isang masaya at butihing magiging asawa. Tinulungan niya ito kung papaano panatilihin iyon dahil siya ang magaling sa pagsusuot ng maskara.
Nanatili siya sa tabi nito sa buong kasal kaya randam niya rin ang nararandaman nito na parang mali ang ginawa nila. Mas lalo na nung pinayagan na siyang halikan ito.
Noong bata pa siya, ang alam niya ay kung hahalikan niya ang magiging asawa ay siya ang magiging pinakamasayang lalaki sa mundo. Ngunit, labag pa sa kalooban niyang halikan si Manuela. Pinatagal niya lang nang konti ngunit hindi niya idiniin. Parang naglapat nga lang ang mga labi nila at hindi niya pa alam kung ano nga ba ang pakiramdam noon.
At ngayong nakauwi na sila sa magiging tahanan ay hinayaan niya itong dumiretso sa kwarto nila. Sumandal siya sa pinto at naririnig niya ang hindi napigilang paghikbi nito, narinig niya rin ang paghihingi nito ng paumanhin kay Apolinario. Na hindi ito naghintay. Na hindi ito umasa na maaring baka bumalik pa rin ito. Na hinayaan niyang halikan ito ng ibang lalaki. Na hinayaan nitong makasal.
Naiintindihan niya ang sakit na nararandaman nito dahil pati siya ay nakakarandaman na parang may ginawa siyang masama. Na parang may ninakaw siya. Na parang nang-angkin siya ng hindi para sa kanya. Pakiramdam niya ay trinaydor niya rin ang sarili na matagal na nangakong hindi gigitna. Ngunit, andito siya. Suot niya ang singsing na simbolong asawa na niya sa batas at sa simbahan si Manuela.
Kahit bumalik man si Pole o hindi, hindi na nila magagawang maputol ang isang bagay na permanente na sa lahat.
Kinatok niya ito at sa marahang boses, "Manuela, asa sala lamang ako kung ako'y iyong kailangan. Doon na rin ako matutulog."
Hindi ito sumagot at hindi niya alam kung narinig ba siya nito. Ngunit, hindi na siya nanatili roon. Sa halip, umalis siya at pumunta sa sala. Humiga siya sa ratan at tumingala sa kisame. Hindi niya alam kung magagawa niya bang gawing tahanan ito para kay Manuela. Sa ngayon, isa lamang iyong bahay na may apat na haligi. Magarbo dahil isa siyang Senyor at tagapagmana. Ngunit, walang kaluluwa. Walang kahit na ano bukod sa dalawang taong pinilit maging mag-asawa.
Parang mabilis ang mga nangyari at ang boses na lagi niyang isinasantabi dahil ang alam niya'y tama ang iniisip niya ay nagsimula ng mas lumakas ngayon.
Siya ang sinisi.
Siya ang nagmamadali.
Siya ay naging makasarili.
Napakasaya sigurong tanggalin muna ang utak, kahit saglit lang, para hindi nito isinisisi o pinapalala ang mga bagay-bagay.
[ ika-siyam na araw ng Abril, 1903 ]
"Isang taon kaming nasanay sa presensya ng isa't isa. Hindi naging madali iyon dahil pakiramdam talaga namin ay nagtaksil kami sa iyo, Pole. Ngunit, sa isang taon ring iyon... doon nagbunga ang pagsubok naming maging mag-asawa, dahil sa susunod na taon ay ipinanganak si Lela..." Saglit siyang tinignan ni Isidro, nais siguro nitong kastiguhin ang magiging ekspresyon niya.
Hindi hinayaan ni Apolinario na makakuha ito ng kahit na anong sagot mula sa kanyang mukha kaya pinanatili niya lamang iyong patag. Ayaw niya ring isipin ang sinabi nito. At ngayon pa lang na naririnig niya ang rason kung bakit naging mag-asawa ang dalawa at ang malungkot na simula noon ay palihim niya ring sinisi ang sarili. Ngunit, pinatatag niya na lamang ang ekspresyon dahil huli naman na ang lahat.
"Ako ang nagpangalan sa kanya, Pole. Ginawa ko ang pinangako ko kay Manuela. Tumanggi man siyang gawin iyon ay ipinilit ko. Kwinestiyon na ako ni Samaniego, ni Eustacio, ni Manolo, at ni Montego. Ngunit, wala akong pakialam. Bagay naman sa aming panganay ang pangalang iyon."
Dito naman siya hindi nakatiis. Imposibleng may taong kayang magpaka-martir nang ganito. Alam niyang maaring may rason ito o maaring hindi ito nagpapakatotoo sa kanya. Kung marunong lang talaga siyang basahin ang ekspresyon ng senyor.
Mataman niyang tinitigan si Isidro. "...Sa mga sinasabi mo ay parang naniniwala kang ni minsan ay hindi ka talaga minahal ni Manuela. Hindi ako naniniwalang gagawin niya iyon sa'yo, Isidro. Gayong andami mo nang isinuko sa kanya.
"Alam kong minahal ka niya. Ikaw ang nagsilbi niyang lakas nang panahong wala ako sa kanyang tabi. Pati ako ay humahanga sa iyong tatag at sigurado akong ganoon rin siya."
Pagbaliktarin man nila ang mundo ay alam niyang malaki ang puso ni Manuela. Hindi man nito pinapasok ng ganoon kadali sa puso nito ang naging asawa ay alam niyang may pagmamahal rin itong inilaan para rito. Kaya alam niyang nasuklian rin ang pagmamahal ni Isidro para kay Manuela.
Tipid na ngiti ang binigay sa kanya ni Sidro. "Ang akala ko ay totoo iyan, Ginoo. Ang akala ko ay dahil anim na taon na kaming magkasama ay maaring naibaling niya nga sa akin ang kanyang atensyon kahit katiting lamang. Ang akala ko ay hindi ako sakim. Ngunit..."
Huminga ito nang malalim at nakita niya ang saglit na pagtigas ng ekspresyon nito. "Malapit na palang matapos ang parte ko sa istoryang ito. May ikwekwento pa ako sa iyo, Pole. Ngunit, bago iyon, ang talagang rason kung bakit ako naparito ay dahil gusto kitang dalhin sa puntod ni Manuela. Isa iyon sa mga huling hiling niya sa akin," ginawaran siya nito ng isang mapait na ngiti, "Patawarin mo sana ako kung ngayon lamang ako nagkaroon ng lakas ng loob na ayain ka."
Gulat na napatingin siya rito. Ni minsan ay hindi niya naisip na may makakaisip ngang dalhin siya sa puntod ng iniirog. Ilang beses na niyang pinadalhan si Socorro ng sulat para sabihin nito kung asaan inilibing si Manuela. Hindi pa ito sumasagot kaya pasensyoso na lamang siyang naghihintay ng liham mula rito
"M-Maraming salamat, Isidro," wika niya sa nabasag na boses. Lumalamlam na rin ang kanyang mata at nais niya sanang lumuha ngunit pinigilan niya ang sarili.
Umiling lang ito. "Mas ikaw ang dapat kong pasalamatan dahil hindi ka nagreklamo ni minsan kahit na pakiramdam ko ay kailangan mo akong suntukin dahil sa mga ginawa ko. At utang ko ito sa'yo, Pole. Utang ko ito sa inyong dalawa ni Manuela."
Kung sinisi na niya ang sarili sa naganap ay may mas malala pa pala sa kanya. Tumango na lamang siya at tumayo naman si Isidro, ito na ang tumulong sa kanyang madala sa kalesa. Ito na rin ang naglagay ng kanyang upuan sa likuran.
At nang magsimula nang gumalaw ang kalesa ay doon lamang ito nagpatuloy.