[ 1882 - Halos dalawang taong pagkawala ni Pole ]
Nang nakaraang taon pa ipinakilala si Manuela sa kung sino-sinong unico hijo. At marami na itong naging manliligaw, ngunit iilan lang talaga ang tumatagal. Isa na sa mga naging manliligaw nito ay ang kanyang kapatid na si Samaniego. Ngunit, katulad ng mga ibang sumuko ay iisa na rin ang nirereklamo ng kapatid patungkol sa dalaga.
"Hindi ko man lang siya makausap nang hindi lalampas ng tatlong minuto."
"Magalang siya ngunit hindi man lang niya ako matignan."
"Laging parang may sariling mundo."
"Para akong pumunta roon para lang kausapin ang aking sarili."
Ngayon nga'y malapit nang sumuko ang kapatid, nagrereklamo na naman kasi ito sa kanilang Ama na ayaw naman talaga nitong puntahan ang bahay ng mga Guevarra at ligawan si Manuela. Sinabi na rin nitong kaya lang naman nito ginawa iyon ay gusto niya lang magpapansin pa rin kay Socorro. At baka sa pamamagitan ni Manuela ay mapapaselos nito ang dalaga.
Ngunit, dahil hindi naman tumatalab at hindi na kaya ni Samaniego ay ito ngayon, ngumangawa sa Ama. Napapailing lang naman ang nakakatandang Salazar.
"Ako na ang pupunta," walang ekspresyong prisinta ni Isidro sabay kuha ng buslo ng mga kahel mula kay Samaniego.
Mukha namang nagulat ang kapatid at pati na ang kanilang Ama sa ginawa niya. Ang alam nila ay kasalukuyan niyang nililigawan si Senyorita Mirabella, ang anak ng kasosyo ng ama sa tubuhan.
Iyon nga ang ginagawa niya ngunit parehas lang na alam niya at ni Mira na wala talaga siyang interes sa dalaga. Sadyang pumayag lang ito para wala nang ireto rito ang sariling ama. Hindi kasi ito katulad ng matalik na kaibigan nitong si Luciana na palagi na atang nagkakanobyo kada tatlong buwan.
"Hindi ba magagalit si Mirabella kung ikaw ang pupunta, anak? Alam mo namang wala tayong lahing babaero, Isidro," nahimigan niya ang pagbabanta ng kanyang Ama sa tono nito.
Tinitigan lang siya ni Samaniego. Alam niyang kilala siya ng kapatid at alam rin nito ang rason kung bakit siya nagprisinta. Kulang na lang ata ay sumuntok pa ito sa hangin at sabihing tama ito sa hinala. Ngunit, dahil ayaw niyang aminin at alam nito na kung nanahimik siya ay mananahimik rin dapat ito.
Umiling siya. "Ihahatid ko lamang naman po ang buslo para kay Samaniego. Mukha ngang may sakit ho siya kaya kung ano-ano na naman ang sinasabi." Tinignan niya naman nang makahulugan ang kapatid na biglang umaktong hinihigit ng ubo.
"T-Tama po si Kuya. Mukhang lalagnatin po ako ngayon," pagdagdag naman ni Samaniego sa kanyang palusot. Sinapo pa nito ang noo.
Napaamang naman ang bibig ng kanilang Ama at nagpalit-palit ng tingin sa kanilang dalawa. Bago sumusukong itinaas ang mga kamay. "Imelda, bakit ba hindi mo ako binigyan ng anak na babae?" malakas na tanong nito sa Ina nilang kasalukuyang nagbuburda sa kabilang kwarto. Natawa naman ang kanilang Ina sa sinabi ng Senyor.
"Aba'y hindi ko na 'yan kasalanan, Fernando."
Umalis naman ang kanilang Ama at pumunta na lamang sa kinaroroonan ng kanilang Ina. Ang ibig sabihin noon ay wala na itong pakialam sa gusto nilang gawing magkapatid. Nang masigurong hindi na sila maririnig ng Ama ay inabot pa siya ni Samaniego para suklayin ang kanyang buhok.
"Ano ito? Kakagising mo lamang ba, Kuya?"
Kakagising niya nga lang talaga. Nakatulog kasi siya habang sinusubukan niyang tapusin ang pagsasalin ng kanyang takdang-aralin sa Pransya. Plano na siyang papuntahin ng Ama sa naturang bansa sa susunod na linggo. Tutal naman raw ay makapaghihintay naman si Mirabella.
Nagising nga lang siya dahil naririnig niyang nagrereklamo ang kapatid. Hindi niya sana iyon papansinin kung hindi niya narinig ang pangalan na "Manuela".
Huli niyang nakita si Manuela na kasama ni Socorro nang bumisita ang huli sa bahay ni Eustacio. Hindi niya alam kung saan ito namamalagi nang humiwalay ito. Ngunit, parang alam naman niya kung ano man ang nagaganap. Sigurado siyang palihim itong nakikipagkita kay Pole. At ang ginagawa niya na lang ay sinisigurong walang makakita sa kanila.
Nang nakaraang taon ay hindi na niya nakikita ang dalagang humihiwalay kay Socorro at Eustacio kaya ang naiiisip niya ay maaring naghiwalay na ang dalawa. Ngunit, hindi pa rin siya gumawa ng aksyon para makipagkilala sa dalaga. Pakirandam niya kasi ay hindi rin ito handang umibig ulit o mas tamang sabihing hindi nito kayang umibig ng kahit sino bukod sa iniirog. Hindi naman niya kailangang maging matalino para hindi siya umabot sa ganoong konklusyon.
Kaya ang nais niya lamang ngayon ay maibsan kahit kaunti ang lungkot ng dalaga at nag-aalala na rin siya. Kung siya ay sanay na humarap sa kung sino-sinong unico hija na hindi niya mararandamang parang pinipilit siyang lunurin ng mga salita, ay alam niyang hindi nito kaya.
"Pakirandam ko ay napakarami mong sinabi ngunit nakalimutan mong gamitin ang iyong bibig, Kuya. Ni isa sa mga sinabi mo ay hindi ko narinig."
Napapiksi siya sa kinakatayuan at napatikhim. Tama ito, nakatitig lang pala siya sa kapatid. Nag-iwas na lamang siya ng tingin.
"Mag-iingat ka, Kuya."
Kumaway siya sa kapatid bago lumabas at tinawag si Mang Sandoval. Walang kahit isang salita ang lumabas sa kanyang bibig hanggang sa nakarating na sila sa bahay ng mga Guevarra.
Nagpaalam lang siya kay Mang Sandoval at sinabihan itong sunduin na lang siya mamayang hapon. Ngayon lang siya huhugot ng lakas ng loob para subukang kausapin si Manuela, kung sakaling magtagumpay man siya.
Si Montego ang naabutan niya nang pumasok siya sa loob.
"O, ikaw naman ngayon ang susubok? Sumuko na ba si Samaniego? Sayang naman at siya pa naman ang aking manok," napapailing na sabi ni Montego nang makita siya. Ngunit, hindi naman ito mukhang galit. Sa halip, saglit lang na nagbago ang ekspresyon nito bago nakangiting pinalo siya sa balikat. "Huwag kang mag-alala. Hindi ka naman kakagatin ni Manuela. Para sa kanya ba ang mga kahel na iyong dala?"
Hindi na niya itinama ang sinabi nito. Itinaas niya na lang ang buslo. "Oo, para sa kanya ang mga ito. Mga bagong ani ito mula sa aming taniman."
"Sige, dalhin mo sa kanya. Wala siyang pasok ngayon at hindi naman siya sumama kay Socorro, kaya nandyan lang siya sa silid-aklatan." Itinuro nito kung saan ang silid-aklatan at tumango siya. Ngunit, bago pa siya mas makalayo ay nagsalita muli ito.
"Maari bang... kahit samahan mo lang siya?" nag-aalangang tanong nito sa kanya. Bakas sa tono nito ang pagsisi na parang may ginawa itong kasalanan sa kapatid at hanggang ngayon ay hindi pa rin ito pinapatawad. "Binabantayan ko siya sa tuwing may bumibisita sa amin. Lagi siyang pinipilit magsalita ng mga kung sinong manliligaw na pumupunta rito. Ngunit, hindi palasalita si Manuela at mas lalo siyang nanahimik dahil..." Hindi nito tinuloy ang sasabihin at naghintay naman siya. Huminga ito nang malalim. "Wag mo na lamang akong pansinin, sige humayo ka na."
Saglit niya itong sinulyapan at hindi naman ito nag-atubiling mag-iwas ng tingin. Nakangiti ito sa kanya ngunit bakas sa mukha nito ang matinding pagsisi. Dahan-dahan siyang tumango. Alam na niya kung ano ang maaring nangyari.
Lumakad siya papunta sa silid-aklatan at kinatok ang pinto. Walang sumagot sa kanya. Kinatok niya muli iyon. Wala pa ring sumagot sa kanya. "Binibining Guevarra?" tanong niya sa medyo pinalakas na boses.
May narinig naman siyang tunog mula sa loob. May tumayo at lumakad. Hindi naglaon ay binuksan nito ang pinto. Kahit na sa maliit na siwang lamang.
"...Magandang tanghali, Ginoong..." tinitigan siya nito at pilit na kinikilala ngunit wala itong naalala. Ngumiti siya, "Ako ang nakakatandang kapatid ni Samaniego, Binibini. Ang ngalan ko ay Isidro," pagpapakilala niya. "Ako na muna ang bumisita kung hindi mo mamasamain. May sakit kasi ang aking kapatid, ngunit, gusto niyang makuha mo ang mga kahel na ito."
Tinignan nito ang buslong dala-dala niya, nag-isip, bago siya mas pinagbuksan ng pinto. "Iyan lamang ba ang sadya mo ngayon, Ginoong Isidro?" tanong nito, binigyan siya nito ng kontroladong ngiti. Ang ngiting maaring ibinigay na nito sa lahat ng mga manliligaw na dumaan para siya'y bisitahin. Malayong-malayo sa ngiti na nakita niya nang gabing hinarana nito ang iniirog.
Hindi naman siya umaasang makita niya iyon.
"Nais ko rin sanang samahan ka rito, kung ayos lamang sa iyo." Sinundan niya ito sa loob at hindi na siya naghintay na alukin siya nito ng upuan. Siya na mismo ang naghanap ng upuan at inilapit na lang nang kaunti sa direksyon nito. Nang lumingon siya ay nasa librong binabasa na ang atensyon ng dalaga. Hindi niya alam kung itinataboy ba siya nito dahil doon, ngunit ayaw niya rin namang basta umalis.
Kaya ibinaba niya na lang ang buslo at nagsimulang tumingin-tingin sa silid-aklatan. Maraming magagandang librong naroroon at mukhang marami nang nabasa ang dalaga. May libro sa Pilosopiya, Agham, Matematika, at iba pa. Sinulyapan niya ang binabasa ni Manuela: Florante at Laura.
Hindi pa niya nababasa ang naturang libro.
Ibinalik niya ulit ang tingin sa mga libro at kumuha na lamang ng isang libro para sa Pilosopiya bago siya bumalik sa kinauupuan. Alam niyang hindi siya makakapokus doon dahil mas naririnig niya lang ang pagpapalit ng pahina ni Manuela, ang paghinga nito, at ang mumunting tunog na ginagawa ng mga daliri nito kung hinihimas nito ang dulo ng isang pahina.
Napakalapit ni Manuela. Napakalapit na pwede niyang haplusin ang pisngi nito kung maari. Ngunit, hindi niya pwedeng gawin dahil hindi naman siya si Apolinario. Ngayon lang naman nito nalaman ang pangalan niya. Ni hindi nga siya kilala nito.
Ayaw niyang mangarap na maaring mag-iba ang tingin ng dalaga sa kanya. Simula pagkabata ay tinuruan siya ng Ama na panatilihing nasa lupa ang kanyang mga paa. Hindi naman posibleng biglang babaguhin niya ang paniniwalang iyon dahil lang sa dalaga.
Kaya nakuntento na lamang siya. At hindi naglaon ay sumuko na siyang magbasa. Tinignan niya ang orasan, alas tres na ng hapon. Matagal na pala siyang naroroon ngunit wala pa rin siyang nagawa para sa dalaga. Kahit naman naroroon siya ay alam niyang nakalimutan na nito ang kanyang presensya.
Tinitigan niya ang buslo ng kahel na hindi pinansin ng dalaga. Umabot siya ng isa at sinimulan niya iyong balatan. Nang matapos siya ay inilapit niya ang upuan sa dalaga. Narandaman niya ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso habang inaabot niya ito para tapikin.
Nang magtagumpay siya sa pagtapik sa balikat ng dalaga ay halos mahulog na nito ang librong hawak. Nahihiyang napaubo ito sa kamao bago dahan-dahan siyang liningon. Tinakpan nito ang kalahati ng mukha gamit ang libro kaya ang nakikita niya lamang ay ang nagsising mga mata nito.
"N-Naririyan ka pa pala, Ginoong Salazar. Ang alam ko ay umalis ka na. Pasensya na at hindi kita pinapan--" mabilis na litanya ni Manuela na pinutol niya sa pamamagitan nang paglalahad ng kahel. Napatitig naman ang dalaga sa kanya at saglit ay pakiramdam niya, siya lang ang nakikita nito. Bukod nga sa siya lang talaga ang naroroon. Nagsimula siyang kabahan at kung hindi pa kinuha ng dalaga ang kahel mula sa kanya ay baka nahulog na iyon sa kanyang kamay.
Ibinaba naman ng dalaga ang libro sa kandungan nito at bahagyang inilayo. Nagsimula itong kumain ng isang piraso ng kahel. Pinanood niya itong kumain habang mabagal na binabasa ang mga salita sa susunod na pahina. Pati ang pagtitig niya ay hindi na talaga napapansin nito.
Hindi niya alam kung ano nga ba ang sekreto ng dalaga na nagagawa nitong magpalamon sa libro at maging parte noon. At kung papaano nito nagagawang parang mawala sa pisikal na mundo. Naisip niya tuloy na maaring iyon ang dahilan kung bakit nagustuhan ito ni Apolinario.
Kung ikaw nga naman ang titignan ng isang taong laging wala sa pisikal na mundo na parang ikaw lamang ang tao ay siguro maiisip mo ring espesyal ka. Napailing siya sa naisip at nagsimula na lang sa pagbabalat ng isa pang kahel.
Natapos na ng dalaga ang una niyang binigay kaya tinapik niyang muli ito para abutan ito ng panibago. Tahimik na tinaggap naman nito iyon. Habang kumakain ito ay nagbukas na rin siya ng para sa kanya. Sinabayan niya itong kumain. At kahit naumay na siya sa lasa ng kahel dahil palagi nila iyong kinakain ay parang naging bago sa kanyang panlasa iyon.
Kakaiba talaga ang epekto ng dalaga sa kanya.
Sa simpleng pagsasalo lamang nila sa kahel ay nakarandam siya ng kakaibang kapayapaan. Ang klase ng kapayapaan na nararandaman niya lamang sa tuwing nangangabayo siya sa gabi at naririnig niya ang sariling humihinga.
Sa presensya ni Manuela ay hindi niya kailangang magmaskara dahil hindi naman siya tinitigan nito para kastiguhin kung ano ang nararandaman niya. Sa presensya ni Manuela ay parang ang kailangan niya lamang gawin ay manahimik sa tabi at sa simpleng pagpasa rito ng kahel niya ipapaalam na kahit papaano ay naririto siya. Sa presensya ni Manuela ay siya lamang si Isidro. Hindi senyorito o panganay na anak.
Walang mabigat na kahit anong nakalatag sa kanyang mga balikat katulad nang palagi niyang nararandaman sa tuwing nasa labas siya o nasa sariling pamamahay. Magaan. Magaan lang sa pakiramdam.
Mahiwaga pala ang presenya ng taong iyong iniibig.
Kaya, kahit hiram lamang ang oras niyang ito dahil alam niyang iba ang nagmamay-ari sa puso ng dalaga ay nagpapasalamat na rin siyang dumating siya.
At mas lalo na nang tumayo na siya dala-dala ang buslo at tahimik sanang lalabas, ngunit, narinig niya ang boses ng dalaga.
"Ginoong Isidro..."
Napatigil siya sa tahimik na paglalakad at hinarap ito. Hindi na siya nag-abala pang magpaskil ng ngiti ngunit nagawa pa rin ng kanyang mga labing awtomatikong gawin iyon dahil nakangiti sa kanya ang dalaga. Magalang lang naman iyon at hindi makatotohanan. Ngunit, mas magaan na kaysa sa kanina.
"Maraming salamat sa pagbisita."
"Walang anuman, binibini. At sana, umayos na ang iyong pakiramdam."
Tumalikod na siya bago pa niya makita ang pagpalit ng ekspresyon nito, naramdaman na lang niya ang mga mata nito hanggang sa nagsara na ang pinto ng silid-aklatan. Umuwi siyang nakatitig lamang sa paligid, may munting ngiti sa kanyang mga labi.
Alam niyang kahit ganoon kasimple ang kanyang ginawa ay may naitulong pa rin siya sa dalaga. Masaya na rin siya na nakita at nakasama niya ang iniibig bago pa siya pumunta ng Pransya.
[ 1885 - Ang pagtatangka ]
Tatlong taon lang ang inilagi ni Isidro sa Pransya. Tatlong taon niyang sinubukang kalimutan si Manuela. Sa panahong iyon ay nagkaroon siya ng nobya. Minahal niya naman ang nobya at mahal rin naman siya nito kahit na magkaiba sila ng lahi at natural na sa mga taga-ibang bansa na maging mababa ang tingin sa kanilang mga Ilustrado.
Minahal niya si Augusta. Ngunit, hindi sapat upang manatili siya. Hindi sapat para maging katulad ng kay Manuela na makakarandam siya ng kakaibang kapayapaan ng dahil lang sa presensya nito. Ang sabi nga ng kapatid niya nang sinubukan nitong ibaling ang atensyon sa iba, hinahanap pa rin nito si Socorro.
Wala itong pakialam kahit na alam nitong parang imposibleng maibigay ni Socorro ang atensyon dito. Wala itong pakialam kung mukha na ba siyang nakikialam, nanghihimasok, nagiging martir. Ang nais lamang ng kapatid niya ay makasama at ibigin si Socorro. Maghihintay kahit na walang kasiguraduhan.
Tatlong taon. Nakakatawang akala niya ay makakalimot siya. Mabait naman si Augusta. Nakakausap niya ito sa lahat ng mga bagay na naiinteresan niya. Tinitignan siya nito na parang siya lang ang pinakagwapo, pinakamabait, at pinakapasensyong lalaki sa balat ng lupa. Matatamis na mga salita na sinabi naman nito sa sinserong boses at 'di naman ito marunong magsinungaling.
Ngunit, mahirap sabihing mahal mo ang isang tao at panindigan iyon gayong kahit na sinusubukan mo ay tumitibok pa rin ang puso mo para sa iba. Para sa talagang nagmamay-ari niyon.
Kaya, hindi nagtagal ay bumalik siya. Sa pagbabalik niya ay wala si Manuela. Nasa Maynila raw ito kasama ni Socorro at nag-aaral na magpinta sa ilalim ng tiyahin ni Eustacio. Ang kapatid niya naman ay sa Maynila rin nag-aaral kaya naabutan niya itong nag-e-empake para sa pagbabalik nito roon nang dumating siya. At kahit kababalik niya ay sinabihan niya ang kapatid na gusto niyang sumama.
"Bakit ka sasama sa akin, Kuya? Sigurado ka bang hindi mo kailangang magpahinga muna?"
"Malayo naman ang paglalakbay natin kaya sa daan na lamang ako mamahinga."
Saglit na nanahimik ito bago pinaningkitan siya ng mata. "Ang akala ko ba'y masaya ka na kay Augusta."
"Nakita mo ba ang ekspresyon ko habang sinusulat ang mga liham na pinadala ko sa'yo?"
"Nagbibiro ka ba, Kuya?"
Baka nga.
"Ikaw ba? Mahal mo pa rin ba si Socorro kaya sa Maynila ka nag-aral?"
Ibinato na lamang niya rito ang tanong. Ayaw niyang sumagot. Kung tutuusin kaya naman siya sumama kahit na kararating lamang niya sa Pransya ay gusto niyang malaman kung si Manuela pa rin ba talaga ang nagmamay-ari ng puso niya. Kung tama ba ang desisyon niyang pakawalan ang isang mabuting babaeng katulad ni Augusta.
Nanahimik naman ang kapatid kaya binalingan niya ito at nakita niyang may malungkot na ngiting nakapaskil sa mga labi nito. "Anong nangyari, Samaniego?" tanong niya dahil alam niyang hindi ito magsasalita kung hindi niya ito tatanungin.
Kumurap-kurap ito at nagpilit na huwag maluha. "Nagkausap kami bago sila tumulak pa-Maynila. Sinabi ko sa kanyang mahal na mahal ko siya at kaya kong maghintay hanggang sa maghiwalay sila ni Eustacio. Ngunit, umiling lang siya at sinabi niyang naawa siya sa akin. Na hindi dapat ako namamalimos ng pag-ibig sa kanya gayong hindi niya kayang ibalik dahil si Eustacio lamang talaga ang iibigin niya."
Saglit na huminga ito nang malalim. "Sabi niya, itigil ko na ang paghahabol sa kanya. Na maghanap na ako ng taong mas nararapat sa aking nararandaman. Sukuan ko na raw siya. Syempre, ako'y tumanggi. Mag-a-apat na taon ko na siyang sinusubukang ligawan. Hindi naman dahil nauna si Eustacio ay hindi na ako maaring gumawa ng paraan para maging kami. Ngunit..."
Napahilamos ito ng mukha at natawa sa sarili. "Tama naman siya, Kuya. Ako na ri'y nasasaktan. Ang hirap humabol sa taong alam mong hindi titigil para sa iyo. Hindi naman ako manhid. Hindi naman ako tanga."
Tahimik niyang tinitigan ang kapatid at inabot ang likod nito para marahang paluin. Nagpapasalamat lang na ngumiti ito sa kanya. Parehas lang pala sila nang pinagdadaanan. Ngunit, mukhang mas malala ang epekto rito. Ito kasi ang mas tahasang humahabol. Siya ang patagong sumusuporta lamang at alam na hindi niya naman talaga makakamit ang pag-ibig nang minamahal.
Iba talaga na hindi sila parehas ng pagpapalaki. Parang ang sobrang pagkokontrol sa kanya ng Ama nang siya ay bata pa ay ganoon naman ang pagkaluwag nito kay Samaniego. Mas sensitibo at mas handa tuloy itong basta-bastang sumuong sa kahit na ano. Samantalang siya ay kontrolado, nakadikit lagi ang mga paa sa lupa, at ni minsan parang hindi pinayagang magkaroon ng emosyon o masaktan.
Hindi niya naman masasabing ayos lang na sumuko ito. Hindi naman ganoon kadali at pati naman siya ay iyon ang sinubukang gawin. Ngunit, hindi niya naman maaring diktahan ang sariling puso. Ang sabi nga ng Ama nila ay kung bata ka pa, mas mapusok ang iyong puso.
Mas bulag kang tumatawid kahit alam mong may kalesa na maaring basta-bastang bubundol sa'yo. Tatawid ka dahil naniniwala kang aayon rin ang lahat sa gusto mo. Ngunit, kapag lumaki ka na, malalaman mong hindi pala ganoon kadali ang lahat.
Bakit pa siya nito palalakihin na hindi magiging bulag sa kahit anong sitwasyon?
Kaya tahimik na lamang niyang inalo ang kapatid at hindi na ito nagsalita. Tahimik lamang itong lumuluha at hindi na rin nito pinahid. Napaisip tuloy siya kung hanggang kailan ito itinago ng kapatid. Sigurado kasi siyang malilintikan ito kung nakita man iyon ng kanilang Ama. Wala raw umiiyak na Salazar.
Kinuha niya ang sombrerong inilagay niya sa kanyang bagahe at isinuot iyon sa kapatid. Hindi naman ito nagtanong, basta mas isinuot lang nito ang sombrero sa ulo. Gusto niya ring umiyak. Ngunit, hindi niya alam kung ano nga ba ang iiyakan niya.
Bago siya umalis ng Pransya ay nakipaghiwalay siya kay Augusta. Umiiyak ito at niyakap niya na lang ito para aluin. Paulit-ulit siyang tinatanong nito, bakit?
Pourquoi, Isidro? Est-ce que j'ai fait quelque chose de mal?
"Bakit Isidro? May ginawa ba akong mali?"
Wala. Wala itong kasalanan.
Siya ang mali. Siya ang may mali.
Kaya hindi niya kayang lumuha dahil siya naman ang may kasalanan.
"Saan ka pupunta, Kuya?" tanong sa kanya ni Samaniego nang pababa na sila mula sa kalesa. Kinusot niya ang inaantok pang mga mata. Tanghali sila nakarating sa Maynila at hindi pa matino ang tulog niya. Hindi niya alam kung dapat bang magpatuloy siya at baka mawalan siya ng kontol sa sarili.
"...Asaan si Manuela?" ibinalik niya ang tanong sa kapatid, wala na siyang pakialam kung ano man ang nais isipin nito.
Nakita niya naman itong umiling. "Ika'y yumuko nga."
Yumuko siya at sinuklay nito ang buhok niya. Sa tatlong taon kasing lumipas ay mas matangkad na siya rito. Kung dati ay maabot lang nito ang ulo niya, ngayon ay may tatlong talampakan na ang itinaas niya.
"Ika'y maghilamos rin, Kuya. Huwag kang magpakita kay Manuela na ika'y parang lumaklak ng isang dosenang alak," payo naman ng kapatid nang matapos ito, hindi niya pa rin itinaas ang ulo.
Sa maliit na boses ay nagtanong siya, "Hindi mo ba ako pipigilan?"
"Bakit, may gagawin ka bang masama? Hindi naman ilegal ang umibig, Kuya. Nasa sa iyo na 'yan kung susuko ka o hindi. Kung kailangan mo ng suporta ay tutulungan kita gaya ng pagtulong mo sa akin kay Socorro noon."
Itinaas na niya ang ulo at ngumiti. Nginitian rin naman siya ng kapatid at ipinasa sa kanya ang isang sisidlan ng tubig.
"Ayan, aba ang ganda mo kayang lalaki. Sige na, asikasuhin mo na ang iyong mukha at sumakay ka na lang ulit sa kalesa, ako na ang bahala sa iyong mga gamit," binalingan nito ng tingin si Mang Sandoval na nakatitig sa kanilang dalawa, bago siya nginitian. "Alam na ni Mang Sandoval kung saan ka dadalhin."
Sinunod niya ang kapatid at hindi nagtagal ay bumabagtas na naman sila sa lansangan ng Maynila. Nakarandam siya ng kakaibang kaba sa dibdib. Hindi niya alam kung ano ang gagawin niya kung sakaling nakita na niya ang dalaga. Ano nga ba ang sasabihin niya?
Ang kaalaman pa lamang na naririto silang pareho sa Maynila ay nablablanko na ang utak niya. Nakakatawa. Dapat ay matalino siya, marami siyang natutunan sa Pransya, ngunit naririto siya ngayon sa kalesa at hindi niya alam kung ano ang dapat lumabas sa kanyang bibig.
Napatingin na lamang siya sa ibang direksyon na naging dahilan para ipatigil niya ang kalesa. Dali-dali siyang bumaba at wala sa sariling pinigilan ang lalaking nakita niyang mabilis na umaalis sa eksena. Madilim na ang kanyang mukha nang basta-basta niyang pinatid ito. At dahil hindi nakatingin sa dinadaanan ay bumagsak ang lalaki sa konkreto.
Hindi niya ito hinayaang tumayo dahil hinugot niya lang ito paharap at walang pagdadalawang-isip na sinuntok. Mas masakit pa iyon dahil suot-suot niya ang singsing na ibinigay sa kanya ng Ina nang pumunta siya ng Pransya. Wala siyang makita kundi ang dugong dulot ng pananakit niya sa lalaki at kung hindi pa siya hinila palayo ng kung sino ay hindi pa siya tumigil.
Umungol ang napuruhang lalaki nang sinubukan nitong tumayo ngunit nagawa niya pang tapakan ang dibdib nito.
"Isidro, tama na!" sigaw ni Eustacio na ngayon lang niya nabosesan, ito pala ang humila sa kanya. Hinugot ulit siya ng binata pabalik. "Makakapatay ka na sa ginagawa mo, kaibigan. Kumalma ka."
Doon lang siguro siya bumalik sa huswisyo at nawala ang pagdidilim ng kanyang paningin. Kaya sa halip, humarap siya kay Eustacio at mahigpit na hinawakan ang mga braso nito. "S-Si Manuela, ayos lang ba si Manuela? May nangyari bang masama sa kanya?"
Pinuri na siya noon sa talas ng kanyang mga mata dahil kung tutuusin halos liblib na talaga ang pinangyarihan ng pagtatangka ng lalaki sa dalaga. Sinadya niyang abangan ang lalaki nang nakita niya itong tumatakas.
At kung tutuusin, ngayon lang talaga siya nakapanakit. Nadiin na ng kanyang Ama sa kanya na kung may gagamitin man siya sa itinuro nito sa pakikipaglaban ay kung kailangan niya lamang pisikal na depensahan ang sarili. Kilala rin siya bilang isa sa mga pinaka-kalmadong taong makikilala ng kahit na sino. Ngunit...
"Kumalma ka, Isidro," sa matigas na tono ay wika ni Eustacio, ito na rin ang nagtanggal ng mga kamay niya sa mga braso nito. "Ayos lang si Manuela. Nakita namin ang pangyayari ni Socorro kaya natitiyak kong idinala na siya ng pinsan sa bahay ng aking Tiya."
Tuloy-tuloy siyang napatango sa sinabi ng kaibigan, bago nawawalan ng lakas na napaluhod. "Baliw na ata ako, Eustacio."
"Pag-usapan natin mamaya. Kailangan muna nating idala sa pagamutan ang kulugong iyan at pagbantaang huwag na niyang ulitin ang ginawa niya."
~ ~ ~
"Kaparehas mo rin ba ang kapatid mo na umiibig ng babaeng alam niyong may kasintahan na?" sa pagalit na tono'y tanong ni Eustacio. Nakisakay ito sa kanya kaya kasalukuyang kasama niya ito sa kalesa. Naihatid na nila sa isang manggamot ang sinaktan niyang binata at si Eustacio mismo ang nagbanta rito.
At hanggang ngayon ay walang ekspresyong makita sa mukha ng binata. Mukhang pati sa kanya'y naiinis ito. Yumuko siya at tinitigan ang benendahang kamay. Nasugatan rin kasi siya sa ginawa niyang pambububugbog. Ngayong mas gising na siya kaysa kanina ay nagsisi siya sa ginawa. At mula sa tono nito ay isa lang ang ibig sabihin niyon, naririto si Manuela sa Maynila dahil kay Apolinario.
"...Sinubukan ko siyang kalimutan, ngunit, hindi ko kaya," sa mahinang boses ay paliwanag niya. "Huwag kang mag-alala, Eustacio. Matagal ko nang alam na silang dalawa ngunit hindi ako gumawa ng kahit anong bagay para sirain ang kanilang relasyon. Hindi ko maatim na saktan si Manuela."
Saglit na nagtaas ito ng kilay at magsasalita pa sana ngunit pinigil niya ito.
"Marami akong tsansang magparamdam at ipakilala ang aking sarili. Dalawang taong nawala si Apolinario, hindi ba? Ngunit wala akong ginawa, Eustacio."
"Paano ako makakasigurong hindi ka talaga makikialam? Marami nang kailangan kalabanin ang dalawa para lamang manatili sa piling ng isa't isa. Alam kong hindi naman bawal ang umibig ngunit... Naiintindihan mo naman siguro kung bakit mas proprotektahan ko sila?" Walang emosyong tugon nito. Hindi na niya kailangang magtaas ng ulo upang malaman kung ano nga ba ang iniisip nito. Sa madaling salita, wala siyang karapatang gumitna.
Wala naman siyang balak gumitna.
Tanggap na niya na kung hindi niya kayang ibaling sa iba ang atensyon ay tatandang binata na lamang siya. Ang importante sa kanya ay ang makitang nakangiti at masaya ang minamahal.
"Naiintindihan ko, Eustacio. Tutulungan kita kung iyong nais. Bubugawin ko ang mga lalaking katulad ng nagtangka kay Manuela kanina. Ngunit, sana'y..."
Hayaan mo pa ring makita ko siya... kahit hindi araw-araw. Kahit saglit lang. Kahit...
Narandaman niya ang kamay nito sa kanyang balikat. "May tiwala ako sa'yo, Isidro. Nawa'y hindi mo ako tratraydurin, dahil kung marunong kang manakit ay marunong rin ako. Halatang mas hindi ka sanay kaysa sa akin," bago siya makasagot ay nagsalita muli ito. "Marami akong binugaw na manliligaw ni Socorro. Hindi porket mukha akong mabait ay hahayaan ko lang silang isantabi ako gayong ako ang kanyang kasintahan. Ang kapatid mo lang ata ang hindi ko pa nalalatayan ng kamao dahil marunong naman siyang rumespeto."
Hindi ito kumurap nang sinabi nito iyon at napatango na lamang siya.
"Maraming salamat sa tiwala, Eustacio."
"Walang anuman."
Pati sa kaibigan ay si Apolinario pa rin ang unang nakilala. Mapait siyang napangiti sa sarili. Ganito pala ang pakiramdam na pumangalawa sa ibang bagay. Napailing siya sa naisip.
Kinabukasan tulad nga nang sinabi niya rito ay naghanap na siya nang maaring magbantay sa dalaga sa tuwing hindi nito kasama ang nobyo. Ilang araw rin na ang naatasan niya ang gumagawa noon at sa ibang linggo siya na minsan ang tumutoka kay Manuela.
Tahimik siya at kaagapay ng mga aninong ni minsan ay hindi makikita nito.
Tanggap na niya iyon.