ika-unang araw ng Hunyo, 1887
Hindi naglaon ay hindi ka na tumitingala pa sa akin, Ginoong Mabini. Sa susunod na mga araw, tanging ngiti na lang ang iginagawad mo bago ka mag-di-dire-diretso sa iyong pupuntahan. Naiintindihan ko naman iyon sapagkat alam kong ayaw mong may makapansin.
Sinabi mo na minsan sa akin na may tenga ang kahit anong parte ng plaza, may mga nagmamasid, at may mga nakikinig.
Ayaw mong isipin nilang may ugnayan tayo sapagkat hindi iyon magiging maganda para sa akin. Lagi mo na lamang iniisip kung ano ang magiging epekto ng mga bagay sa akin kaya nakakatuwa ka, Ginoo.
[ - ]
MAG-ISA si Manuela sa may batis, nakaupo siya sa batuhan habang inuusisa ang ginagawa niyang koronang bulaklak. Sabado noon kaya sumama na naman siya kay Socorro. Matagal na rin niyang sinukuan ang pagsubok na huwag patulan ang pinsan sa tuwing gusto nitong makita ang nobyo.
Hindi sa lihim niyang gustong makita si Pole kundi dahil maganda naman ang mga lugar na pwede nilang puntahan sa mansyon. At dahil hindi niya naman gugustuhing panoorin ang magkasintahan ay umiikot na lamang siya sa kabuuan ng mansyon.
Doon niya nahanap ang batis. Tahimik sa batis dahil sakop iyon ng lupa ng pamilya ni Eustacio kaya para na rin iyong pribadong tanawin. Walang naroroon kundi mga bulaklak at mga isdang panaka-nakang nagpaparoo't parito.
Ito ang mga lugar na gustong-gusto ni Manuela. Tahimik. Walang tao. Walang mga matang nakatingin. Walang mga nagbubulungan sa tabi.
"Iyon ba ang nag-iisang anak na babae ni Senyor Guevarra? Aba, ang tahimik naman niya."
"Oo siya nga. May nakapagsabi sa akin na masungit raw ang dalagang iyan. Kinawayan siya ng isang kaklase niya ng isang araw ngunit hindi niya pinansin."
"Ay, sumosobra ang dilag na 'yan, hindi porket isa siyang Guevarra ay hindi na siya mamansin ng ibang tao."
"Pabayaan mo na. Wala ka namang mapapala sa kanya. Pansinin mo na lang ang kanyang pinsan. Si Socorro? Aba ang dalagang iyon ay nagbigay pa sa akin ng mamahaling gwantes minsan na kinausap ko siya!"
Dito sa batis, maari siyang maging si Manuela at hindi si Senyorita Guevarra.
Ang nais lang naman niya ay ang matrato na parang hindi prinsesa sa kanyang tahanan o kahit saan man. At minsan nais niya lamang huminga nang malalim.
"Mukhang malalim ang iyong iniisip, Binibini?" Halos mapatalon na siya sa narinig at nabitawan niya pa ang koronang kanyang ginagawa. Hindi niya pinansin ang boses. Sa halip, bumaba siya sa batis at kinuha ang korona bago pa man ito mas lumayo. Inilapat niya ang korona sa kanyang dibdib at hinarap ang nagmamay-ari ng boses. "Pole."
"Magandang hapon sa iyo, Manuela," bati nito. May hawak-hawak na libro ang binata at mukhang kanina pa ito roon sapagkat ang ganda ng pagkakaupo nito sa may batuhan. Ang akala niya ay walang tao. Ni hindi niya nga ito narinig na gumagalaw. Nakakahiya!
Nag-iwas siya ng tingin at napaubo sa kanyang kamao. "M-Magandang hapon rin sa iyo... B-Bakit ka pala naririto?"
Narinig niya ang simpleng pagtawa ng binata sa ginawa niya at namula agad ang kanyang mga pisngi. Lagi na lamang ba siya mahahanap ni Pole kung kailan siya nakakagawa ng mga nakakahiyang bagay?
"Ako ay nag-aaral sa may batis, Binibini. Malapit lamang ito sa aking tinutuluyan at tahimik dito. Hindi naman ako pinipigilan ni Eustacio na mamalagi sa batis tuwing Sabado," simpleng sagot ni Pole. "Siya rin ang nagpapahiram sa akin ng mga libro sapagkat mas babasahin ko raw ito kaysa sa kanya. Marami siyang libro, Binibini."
Tumango siya. Alam niyang basang-basa na ang kanyang palda dahil sa pagsuong niya sa tubig at kahit gusto niyang ayusin ang sarili ay hindi niya magagawa. Malayo kasi ang masyon sa batis.
"Paumanhin kung nakaabala man ako sa iyo, Pole. Aaalis na lamang ako," sabi niya habang nagsisimulang bumalik sa batuhan. Tinalikuran niya ito at hindi niya nakita kung anumang ekspresyon ang lumapat sa mukha ng binata. Tanging ang sinabi lang nito ang nagpalingon muli sa kanya.
"Hindi ka nakakaabala sa'kin, Manuela," may ngiti sa boses ng binata. Hindi niya alam na posible palang makarinig ng ngiti sa boses ng isang tao. "Diyan ka lamang. Ako nga itong nakaabala sa'yo at mukhang nagambala ko ang payapa mong pag-iisip."
"H-Hindi naman," sabi niya at nilingon niya ang binata. Nakangiti sa kanya si Pole. Umaaliwalas ang mukha nito kung ito'y nakangiti at idagdag pa ang mumunting sinag ng araw kaya nagmukhang may nakadikit na diyamante sa manipis nitong buhok. "Hindi naman malalim ang aking iniisip. Sadyang sanay lamang akong hindi ngumingiti nang mag-isa."
"Ganoon ba?"
"Aba, Pole. Kung ako'y ngumiti sa aking sarili at ako'y nag-iisa, hindi niyo ba iisipin na ako'y nawawalan na ng ulirat?"
Natawa naman ito. Buhay na buhay rin ang tawa ni Pole, nakakahawa nga at napangiti na rin siya. "Buti naman at nagagawa kong patawanin ka, Pole," aniya at bumalik na sa kinauupuan. "Kahit hindi naman nakakatawa ang aking hitsura."
"Hindi naman ang hitsura mo ang tinatawanan ko, Binibini," anito at napatigil na rin sa pagtawa. "Natutuwa lamang ako at ako'y iyong sinasagot ng pabalang. Hindi mo ako pinagtatarayan."
"Bakit naman kita pagtatarayan?"
Hindi sumagot si Pole. Sa halip, umiling lang ito at ibinaba nito ulit ang paningin sa binabasa. May ngiti pa rin sa mga labi ng binata ngunit hindi na ito muling nagsalita.
Hindi naman siya manhid para subukang kausapin ito muli. Ibinaba na lang niya ang ginagawa niyang korona at nagsimula na namang pumitas ng panibagong mga bulaklak. Gumawa ulit siya ng isa pang korona at habang ginagawa niya iyon ay nakalimutan niya na naroroon lang si Pole. Tahimik lang ang binata at dahil na rin sa batis, pati paghinga nito ay hindi niya marinig pati na ang pagpalit nito ng pahina sa librong binabasa.
Mas naging payapa na ang kanyang pakiramdam dahil sa binata. Nawala na rin sa kanyang isipan ang kanyang mga iniisip. Mas binigyan niya na lang ng pansin ang ginagawang korona.
Hindi naglaon ay natapos niya rin iyon at itinaas niya pa upang tignan nang mabuti. Isa iyong korona na gawa sa malalaking dilaw at puting bulaklak. Tinignan niya ang mga iyon at pilit inaalala kung ano ang pangalan ng mga naturang bulaklak. Ang alam niya ay nabasa niya na ang tungkol doon sa isa sa kanyang mga libro.
"Mga bulaklak 'yan ng orkidyas at may mga gumamela," narinig niya muli ang boses ni Pole at napalingon siya. Nakatingin ito sa kanya at naroroon na naman ang ngiti sa mga labi nito. Mukha ring nagniningning ang mga mata ng binata.
Pinigilan niya ang sariling umubo muli sa kamao at tumango na lamang. "A-Ang akala ko ay umalis ka na, Pole," nasambit niya. "Nandyan ka pa pala."
"Hindi naman ako umalis," wika nito. "Hindi mo naman ako itinataboy. At kung ako'y aalis man, hindi naman magalang na hindi ako magpaalam sa iyo."
Natahimik siya sa sinabi ng binata at napaiwas na lamang ng tingin. Hindi naman ito nagsalita ulit, ngunit dahil kinausap siya nito ay mas naging buhay ang presensya ni Pole. Naririnig na niya ang paglipat nito ng pahina sa libro. Pati na ang kaluskos ng pluma nito habang nagsusulat ito sa papel at ang paghinga nito.
"P-Pole," simula niya. Hindi niya pa rin ito tinitignan ngunit naramdaman naman niya ang pagtingin nito sa kanya.
"Ano iyon, Binibini?"
"G-Gusto mo bang kunin ang koronang ito?"
Hindi niya alam kung bakit niya iyon sinabi. Ngunit, matapos noon ay gusto na niyang magpalunod sa batis. Hindi siya ganoon magsalita kung normal man ang pag-uusapan. Nag-aaral siya at sinasanay siya ng mga magulang kung paano sumagot sa ibang tao. Ngunit, sa harap lamang ni Pole ay kung ano-ano na ang pinagsasabi niya.
"Maging mahinhin ka sa harap ng mga kalalakihan, Manuela. Hindi mo alam kung sino ang maaring magkagusto sa'yo. Umayos ka," iyon ang laging paalala ng kanyang Ina.
Kaya bakit iba ang pakikitungo niya sa binata?
"Akin na, Manuela." Biglang nagsitaasan ang mga balahibo sa kanyang katawan nang marinig niya ang boses ni Pole sa malapit. Lumingon siya sa binata at nakaupo na pala ito sa tabi niya. Nakalahad naman ang kamay nito. Mahaba ang mga daliri ni Pole ngunit mukha na itong buto sa sobrang payat.
Agad naman niyang inilayo ang koronang bulaklak. "A-Ah... Sigurado ka? Ano naman ang gagawin mo sa isang koronang bulaklak?"
"Isusuot ko? Ngayon lamang ako kokoronahan ng kahit na sino," masayang wika ng binata. "Koronahan mo na lamang ako bilang Hari ng Batis."
Napapailing siya sa sinabi ni Pole ngunit hindi naman siya tumanggi. "Ibaba mo ang iyong ulo, Pole."
Sinunod siya ni Pole at inilagay niya ang koronang bulaklak sa ulo nito. Ngunit, dahil sa kapayatan at kaliitan ng ulo ng binata ay umabot pa ang korona hanggang sa leeg nito. Nagmistulang kwintas tuloy ang koronang bulaklak.
Nakaramdam agad ng awa si Manuela kaya nang itinaas ni Pole ang mukha ay napahawak siya sa mga pisngi ng binata. Nakita niya ang pagtataka sa mga mata nito kahit pa nakangiti ito sa kanya. Ibinuka niya ang bibig ngunit walang lumabas na mga kataga mula roon.
Ano nga ba ang maari niyang gawin para kay Pole?
"Pole..." Nasambit na lamang niya at hindi niya napigilang yakapin ito. Halos nayakap na niya ang kabuuan ng binata sa sobra nitong kapayatan.
Ngayon lang siya nakaramdam ng labis na kalungkutan para sa ibang tao. Parang sumisikip ang kanyang dibdib at hindi na siya makahinga. Hindi niya rin napansin na tumutulo na pala ang mainit na likido sa kanyang mga mata.
"Manuela, bakit ka umiiyak?" nagtatakang tanong ng binata. Hindi siya nakaimik, mas hinigpitan niya lang ang pagyakap dito. Ibinaon niya rin ang ulo sa balikat nito.
Alam niyang hindi tama ang inaasta niya ngayon ngunit hindi niya mapigilan ang sarili. Matagal nang ganito si Pole. Matagal na itong mukhang patpatin. Hindi niya naman alam na ganito pala ito kapayat. Maisip niya lang kung gaano kadami ang ipinapakain sa kanya ay nalulungkot na siya.
Ano pa ba ang kulang sa binata? May maayos ba itong natutulugan? Mabait ba ang nagpapatuloy sa kanya?
"Manuela?" Naramdaman niya ang kamay nito sa kanyang mga braso at sinubukan nitong tanggalin iyon. Hindi naman siya lumaban. Hinayaan niya lang na tanggalin nito ang mga braso niya. Nanatili siyang nakapikit at lumuluha.
"Bakit ka umiiyak, Binibini? May nasabi ba akong masama?" Nag-aalalang tanong ng binata at ito naman ang humawak sa kanyang mukha. Pinunasan nito ang mga luhang bumaba sa kanyang pisngi. Malamig ang mga kamay ni Pole.
Iminulat niya ang kanyang mga mata. "Pole," mahina niyang usal.
"Ano iyon, Manuela? Sabihin mo sa akin para ika'y tumahan na. Baka isipin nilang nagpapaiyak ako ng babae."
Mahina siyang natawa sa sinabi nito. "Walang ibang naririto."
"Kahit na."
Napailing siya at siya na mismo ang nagpahid ng kanyang mga luha. "Kumakain ka ba, Pole? Bakit sobra ang iyong kapayatan?"
Agad na natahimik ito at parang naintindihan na nito ang biglang pag-iyak niya. Saglit na nagbigay ito ng kaunting distansya at hinawakan ang isang bulaklak mula sa korona. Mukhang lumalim ang iniisip nito at nakatulala lang ito sa tubigan.
Pati siya ay natahimik at kinabahan. Gusto niyang bawiin ang sinabi ngunit hindi niya alam kung paano niya iyon gagawin. Nasabi na niya ang sinabi niya, pinagisipan niya man iyon o hindi.
Matagal na nabalot sila ng katahimikan. Alam niyang may gustong sabihin ang binata ngunit ayaw nitong marinig niya. Marami rin siyang gustong sabihin subalit hindi niya alam kung paano niya sasabihin.
"Ah... Aalis na ako, Binibini. Baka hinahanap na ako," pagbasag ni Pole sa katahimikan. Nauna na rin itong tumayo. Pinanood niya ito at pakiramdam niya parang sumikip muli ang kanyang dibdib. Ayaw sabihin ni Pole sa kanya ang estado nang pamumuhay nito. Ayaw nitong maawa siya rito.
Gusto niya muling umiyak.
"Huwag kang umiyak, Manuela," narinig niyang usal nito. "Hindi pa naman ako patay upang iyakan mo."
"Pole naman."
Humarap saglit ang binata sa kanya at ngumiti. Itinaas nito ng kaunti ang koronang bulaklak. "Sa akin na ito, ah."
[ - ]
Hindi ko alam kung bakit kinuha mo ang pipitsuging koronang iyon. Bakit sa dinami-dami ng nais kong ibigay sa iyo ay ang koronang iyon pa ang kinuha mo? Hindi ko pa rin alam kung anong sagot doon. Ngunit, alam kong pinangalagaan mo ang mga bulaklak hanggang sa iyon ay malanta.
Nakita ko iyon, Pole. Itinago mo man sa akin ngunit nakita ko. Inipit mo ang mga bulaklak sa librong dala dala mo ng araw na iyon.
Ginoo... Bakit ba ganito? Umiiyak na naman ako. Ang hirap dagdagan ang mga salitang nasa papel na ito at halos hindi ko na sila makita. Kaya, dito ko na muna tatapusin.
Nagmamahal,
Manuela