webnovel

KRISIAN PRINCESS "The Battle of Four Empires"

Ang alitan ng apat na imperyo ng Atlanta, na nanahimik at natulog sa napakahabang panahon ay muling nagising nang patayin ng Imperial Princess na si Kristine ang sarili niyang kapatid. Kilala sa pagiging malupit na emperador ng Kris ang kanyang ama. At maging siya na sariling anak ay hindi nakaligtas sa kaparusahang ipinapataw sa sino mang nagkasala sa batas. Ngunit, ang parusang ipinataw ng emperador sa kanya ay ang pagpapakasal sa isa sa mga prinsipe ng tatlong kalabang imperyo. Hindi lamang ito isang kaparusahan kundi isang napakalaking obligasyon. Sa mga kamay niya nakasalalay ang kapakanan at kinabukasan ng buong imperyo ng Kris. At kapag nagkamali siya sa pagpili ng mapapangasawa ay tiyak itong ikababagsak ng kanilang kaharian. Ngunit, papaano nga ba niya ito mapapagtagumpayan kung ang lahat ng imperyong iyon ay hangad ang kanilang pagbagsak? Ano nga ba ang totoong dahilan at pinatay niya ang sariling kapatid? May magagawa pa kaya ang prinsesa upang maitama ang mga nagawang pagkakamali?

RaraStories · Sejarah
Peringkat tidak cukup
11 Chs

CHAPTER 1

NAALIMPUNGATAN si Prinsesa Kristine mula sa mahimbing na pagtulog nang maramdamang tila may tao sa kanyang harapan. Nakapikit man ang mga mata'y may naaaninag pa rin siyang anino dahil na rin sa manaka-nakang pagkawala ng dampi ng sikat ng araw sa kanyang mukha. At maging ang prisensya nito'y malakas niyang nararamdaman. Gayun pa man, pinili niyang manatiling nakapikit upang mas pag-aralan pa ang kilos ng pangahas na iyon.

Nakatulog pala siya sa lilim ng isang malaking puno sa pag-iisip ng mga bagay-bagay nang hindi na niya namalayan.

'Lapit pa. Sige, lumapit ka pa,' nasabi niya sa sarili. Maingat at dahan-dahan niyang iginalaw ang isang kamay sa ilalim ng kanyang suot na mahabang bestida. Maagap niyang kinapa ang isang maliit na kris na nakasukbit sa kanyang binti.

Nang ganap na mahawakan iyon ay agad na siyang gumawa ng hakbang at sa isang iglap lamang ay napagpalit na niya ang kanilang puwesto. Ang estrangherong lalaki na ngayon ang nakasandal sa puno habang siya nama'y nakasunggab dito.

"Whoa!" Kitang-kita niya ang labis na pagkagulat sa mukha ng lalaki. Halatang hindi nito inasahan ang kanyang pagsalakay.

Hindi na rin niya ito binigyan pa ng pagkakataong makapagdepensa at mahigpit niyang hinawakan ang kuwelyo ng suot nitong puting damit na bahagya nang nangungupas ang kulay dahil sa kalumaan.

Kasing bilis din ng kanyang kilos ang pagdikit ng dulo ng matalim na kris sa leeg ng lalaki. Mabangis ang hitsura ng prinsesa na tila tigreng na-isturbo sa pagtulog.

"Sino ka? Anong ginagawa mo rito? Ano ang binabalak mong gawin sa akin?" sunod-sunod niyang tanong sa lalaki.

"S-sandali... kumalma ka lamang, Binibini." Nakataas ang dalawang kamay nito. At mababakas ang agarang pagkabahala at takot ng lalaki.

"Sagutin mo ang aking tanong!" At lalo pa niyang hinigpitan ang pagkakahawak sa kuwelyo ng damit nito.

"P-papaano ako makakapagsalita ng... m-maayos kung nakatutok iyang patalim mo sa aking leeg?" nauutal na sagot ng lalaki. Nahigit din nito ang paghinga sa takot dahil sa bangis na ipinamamalas ng prinsesa.

Sandali muna siyang hindi nagsalita upang kilatising mabuti ang lalaki. Matapos ang ilang sandali'y dahan-dahan na niyang inalis ang pagkakatutok ng patalim sa leeg nito. Ngunit, kanya namang mabilis na inilipat iyon sa tapat ng pagkalalaki nito.

"Whoa! Diyos ko po!" Lalo pa itong nagulat sa ginawa niya. Maging ang pagkabalisa at takot nito noong una'y naging doble pa ngayon. "Bakit diyan pa?" maktol nito.

"Bakit? Malayo na ito sa iyong leeg! At wala ka ng dahilan pa para hindi makasagot ng maayos sa itinatanong ko sa iyo! Ngayon, sumagot ka!" aniya.

"S-subalit..." Magdadahilan pa sana ang lalaki. Ngunit, agad nitong kinalimutan ang dapat sanang sasabihin nang maramdamang bahagya pang diniinan ng prinsesa ang pagkakatutok sa kanyang pagkalalaki. "S-sige na nga! S-sasagutin ko na ang tanong mo."

"Sagot!" sigaw niya rito na may halong iritasyon at pagka-inip.

"Ang pangalan ko ay Marco. Isa lamang akong m-mangangaso na napadpad sa kapatagang ito."

Nakita nito ang nakataas niyang kilay na tila hindi naniniwala sa paliwanag nito.

"T-totoo ang sinasabi ko," muli nitong depensa sa sarili. Bahagyang napadako ang tingin ng lalaki sa ibaba niya kung saan nakatutok ang maliit na kris. "Ngayon, maaari mo na bang tanggalin iyang patalim diyan sa k-kuwan ko?"

"Bakit mo ako pinapanood matulog? Hindi mo ba alam na kapangahasan ang ginawa mo?" Hindi niya pinansin ang sinabi ng lalaki at hindi pa rin inaalis ang kris sa kung saan ito nakatutok.

"Pasensya na. Ang akala ko kasi... nawalan ka ng malay o kung may nangyari ng masama sa iyo. Ngayon lamang kasi ako nakakita ng isang binibining mag-isa rito sa kapatagan," paliwanag ng lalaki. "Lubhang mapanganib ang ganitong lugar para sa kagaya mo, Binibini. Lalo pa't nag-iisa ka at..." Sandaling napahinto ang lalaki sa pagsasalita. Tila pinag-iisipan pa nito kung sasabihin ba ang nasa isip o huwag na lamang.

"At ano?" muli niyang tanong sa lalaki.

"A-at... napakaganda mo pa," tila nahihiyang sagot ng lalaki. "Malakas ang aking hinuha na isa kang anak ng maharlikang may mataas na katungkulan sa palasyo o 'di kaya nama'y nabibilang sa pinakamayayamang angkan sa lugar na ito."

"Kilala mo ba kung sino ako?" Sa sinabi ng lalaki'y bigla siyang nakaramdam ng kaba. Pakiramdam niya'y may ideya ito tungkol sa kanyang totoong katauhan kaya kailangan niya ng ibayo pang pag-iingat.

"Hindi," walang pag-aalinlangang sagot ng lalaki. Sandali pa niyang pinag-aralan ang mga mata ng lalaki. Ngunit, tila totoo ang mensahing nakikita niya mula roon.

"Isa kang Krisian?" Tinitigan niya ito ng mabuti't may pagsisiyasat. Kupas ang suot nitong puting damit na may mahabang mangas. Maging ang suot nitong pantalon na kulay lupa ay mukhang nasobrahan na sa gamit at nangangailangan na ng kapalit. May makisig itong pangangatawan, magandang mukha, matangos at perpektong ilong, mapupulang mga labi, at napakagandang pares ng kulay abuhing mga mata. May malalalim din itong biloy sa magkabilang pisngi na lumalabas sa tuwing magsasalita ito.

Kung tama ang kanyang pagkakakilatis ay masasabi niyang isa nga itong Krisian. Ngunit, may bahagi sa hitsura nito ang hindi maitatangging kuha sa ibang lahi. Mas malinaw ang kaputian ng balat nito na parang isang Briton. Ngunit, hindi kasi siya magaling pagdating sa pagkilatis ng mga lahi dahil pawang mga aklat lamang ang madalas niyang pag-aralan. Hindi rin siya nagkakaroon ng pagkakataong mas makahalubilo pa ang mga banyagang bumibisita sa palasyo dahil sa pagbabawal ng kanyang ama.

"O-oo," na-uutal na sagot nito.

Sa ilang sandaling pananahimik, sa wakas ay niluwagan na rin niya ang pagkakahawak sa lalaki at inalis na rin ang nakatutok na kris sa pagkalalaki nito.

Malambot ang puso niya sa kanilang mga tao. Mahal niya ang mga mamamayan ng Kris kahit salungat doon ang pagtrato ng kanyang malupit na ama.

"Hooo!" Sa wakas ay nakahinga rin ng maluwag ang lalaki. Agad itong tumayo at gumawa ng sapat na distansya sa pagitan nilang dalawa. "Ngayon na lamang ulit ako kinabahan at natakot ng ganoon matapos akong tuliin noon!"

Tumayo na rin si Kristine at inayos ang ilang hibla ng buhok na nagulo. Hinanap ng paningin niya ang kanyang kabayo sa halip na pansinin ang lalaki. Nang makita niya si Godwin na abala sa pagkain ng mga damo sa 'di kalayuan ay agad niya itong nilapitan.

...itutuloy