webnovel

Just Hold Onto Destiny's Grasp

Damien Cadenza is a Landscape Photographer while, Caelian Joy Pangilinan is a Tragic Author. Two people who have the same passion to achieve their dreams. Two people who mourns to their painful past. When love arrives, when problem strikes, and when hurt is at the corner. Can they take the chance to hold onto destiny's grasp? (All rights reserved by Shay C.)

SHECULAR · perkotaan
Peringkat tidak cukup
60 Chs

Game

"GUSTO ko sa wakas ng kuwento nating dalawa, gusto ko mapasaya kita".

Napaikot ang mata ko at mahinang bumuntong-hininga.

Kailan ba ako titigilan ng salitang binitiwan niya na 'yon?

Napasadahan ko ang buhok ko gamit ang isang kamay ko at muling tumipa sa laptop ko ng mga salita. Inuumpisahan ko na kasi ang bagong nobela ko.

Nandito ako ngayon sa isang Café. Nasa pinaka dulong parte ako ng lugar dahil ayaw kong napapalibutan ako ng tao at para rin maka-concentrate ako sa sinusulat kong manuscript.

Kinuha ko ang inumin ko nang hindi lumilingon, saka humigop no'n subalit wala na akong nahigop dahil ubos na pala. Ibanaba ko ang inumin ko sa lamesa at nagpatuloy na lamang sa pagsusulat, patapos na rin naman ako sa chapter kaya aalis na ako mayamaya.

Mula sa gilid ng mata ko ay nakita kong may naglagay ng Macchiato sa harap ko kaya napaangat ang tingin ko sa taong 'yon.

Napakurap ang mga mata ko at napaawang ang labi.

"Nicko," bangit ko sa pangalan niya. Nakasuot siya ng light gray knitwear at white pants habang ako naman ay nakasuot ng casual jacket na kita ang pangloob kong dark brown shirt at maong pants.

Ngumiti siya sa akin ngunit hindi abot sa mata.

"Hello, Caelian. How are you?" untag niya sa akin at inurong ang upuan sa harap ko saka umupo doon. Inilagay sa lamesa ang Cappuccino niya.

"I'm fine, and you?" pilit na pinapanormal ang boses na sagot ko.

"Ayos rin naman ako, ganon pa rin katulad ng dati" nakangising sambit ni Nicko.

Natatawang napailing naman ako at pasimpleng tumingin sa bandang likod niya.

"Hinahanap mo ba siya? Alam mo naman na wala na rito ang kaibigan ko, Caelian," malungkot na usal niya. Napalingon ako sa kanya at dahan dahan na napayuko.

Bakit ko ba kasi hinihiling pa na makikita ko siya? Bakit umaasa pa rin ako na kapag na nandiyan si Nicko, siguradong nandiyan siya? Bakit pinapaniwala ko pa rin ang sarili ko na nandito siya malapit sa akin kahit malayo na siya?

Naramdaman ko ang pagkirot sa bandang dibdib ko. Sobrang hapdi, isang sakit na ayaw mong maranasan dahil inuunti-unti ka sa sakit at hapdi.

"Hindi mo pa rin ba matanggap?" tanong ni Nicko sa akin pagkalipas ng nakakabinging katahimikan.

Nakagat ko ang labi ko dahil sa pinipigilang emosyon ko. Naramdaman ko ang pag-init ng gilid ng mga mata ko at unting-unti pagbabara ng lalamunan ko.

Iniangat ko ang ulo ko sa kanya at sumalubong sa akin ang naaawang tingin ni Nicko sa akin.

"Paunti unti natatanggap ko na, Nicko," nagpapakatotoong sambit ko sa kanya at sa susunod na salita ko ay hindi ko na napigilang mabasag ang boses ko. "Pero, K-Kapag napapag-usapan na siya at naaalala ko siya, doon ko napapagtanto na h-hindi ko pa rin tanggap. At hinding hindi ko talaga matatanggap. Dahil sa bawat pagkakataon na tinatanggap ko ang nangyari sa amin, nilalamon ako ng sakit dito, Nicko," sambit ko na tinuro ang dibdib ko at naramdaman ko ang pagtulo ng luha sa mga mata ko.

Mabilis kong pinunasan ang luha ko at sinarado ang laptop ko saka ako tumayo sa kinauupuan ko. Tumayo rin si Nicko at hinarang ako sa dinadaanan ko.

"Caelian, Huwag mo ng pahirapan ang sarili mo. Tanggapin mo na ang nangyari sa inyong dalawa. Sigurado ako na kung nandito man siya, hindi siya matutuwa sa kalagayan mo. Huwag kang masyadong masama sa sarili mo, tandaan mo na ayan na lang ang meron ka" sambit niya sa akin sa malungkot na tono at mapait na napangiti naman ako.

Ginusto ko ba maging ganito? Syempre hindi. Kung sanang madali makalimot at makatanggap, edi sana masayang masaya na ako ngayon pero hindi e, mahirap. Sobrang hirap.

Hindi ako sumagot sa kanya at dinaanan lang siya ngunit napabalik muli ako sa kinatatayuan ko kanina nang may humila sa buhok ko. Hindi pa napoproseso ng utak ko ang nangyayari ay isang malakas na sampal mula sa kanang pisngi ang natanggap ko.

"Hon!" narinig kong gulat na sabi ni Nicko.

Napabaling sa kaliwa ang mukha ko dahil sa lakas ng sampal niya sa akin. Gumuhit ang hilaw na ngisi sa labi ko.

"Hindi ka pa ba nakuntento kay kuya, ha?! Kaya pati boyfriend ko, gusto mo ng patusin?! Bakit pa nga ba ako magugulat? E, sa malalanding katulad mo, kahit sino basta may tumatayo sa baba ay siguradong papatusin mo na! Hala sige, nandito ka sa mall kaya marami kang pagpipilian na magiging lalaki mo! Pero, huwag na huwag lang ang boyfriend ko!" tila isang patalim ang bawat lumalabas sa bibig ni Milena na dumiretso sa dibdib ko. Lahat asintado at walang patawad.

"Hon! Anong pinagsasabi mo?! Wala kaming ginagawang masama ni Caelian!" sagot ni Nicko sa girlfriend niya.

Napahawak ako sa mukha ko at dahan dahan na napalingon sa kanya. Napadapo ang tingin ko sa likod niya at kita ko ang tao sa loob ng Café ay nakalingon na sa amin at pinapanood na kami. Nakuha ko pang alamin ang suot niya, nakasuot siya ngayon ng hapit na hapit na yellow dress na pinapakita ang makinis niyang likod at maliit na bewang.

"Alam kong wala kang ginagawang masama, hon. Pero itong kasama mo ngayon, siguradong may masamang binabalak sayo! Dapat hindi ka dumidikit dikit sa babaeng 'to!" sambit ni Milena na nanggigil na nakatingin sa akin.

Huminga ako ng malalim at pinakalma ang sarili ko.

"Wala akong planong agawin si Nicko sayo, Milena. Magkaibigan kami at tinuturing na namin na parang kapatid ang isa't isa," mahinahon na sabi ko sa kanya at napagtuloy sa pagsasalita. "Ngunit, may isa akong gustong gawin mo..." usal ko sa kanya at napataas ang kilay niya. "Nais kong mas patibayin mo ang helmet na nilagay mo sa ulo ng boyfriend mo dahil sa oras na mauntog ang ulo niya, baka isang araw iwan ka na lang niya," nakangising sambit ko at tumalim naman ang tingin niya sa akin. Sumeryoso ang mukha ko saka ako nagpasyang maglakad.

"Kagaya ba ng pag-iwan mo kay kuya?" mahinang sambit ni Milena at natigilan ako sa paglalakad.

Napakuyom ang kamao ko at nag-ipon muli ng lakas para maglakad paalis.

"Manong, pabili po," sambit ko sa hindi katandaang lalaki ngunit halata ang pagod sa mukha.

"Anong flavor gusto mo? Ube, tsokolate o vanilla?" tanong niya sa tinuro pa ang bawat lalagyanan ng flavor.

Umiling ako bilang sagot at napakunot ang noo niya.

"Pabili po ako ng yelo, kahit isa o dalawa lang po. Kailangan ko po." Nahihiya ngunit lakas loob na sabi ko.

Napakamot sa noo ang lalaki. Kumuha siya ng dalawang yelo at pinalagay ko iyon sa panyo ko.

"Ito po ang bayad manong, maraming salmat po" nakangiting sabi ko at iniwan ang bayad sa palad niya.

"Hija, huwag mo na ako bayaran," umiling lamang ako at umalis na sa lugar na iyon.

Naglakad-lakad ako habang nakalagay ang panyo sa pisngi kong sinampal ni Milena.

Nakakita ako ng isang bench kaya umupo muna ako pagkatapos ay inilagay ko muna sa binti ko ang panyo saka ko inilagay ang laptop ko sa backpack ko.

Kinuha ko ang cellphone ko at tinawagan si Kyrine pagkalipas ng dalawang ring ay sinagot niya na ito.

"Oh, Caelian napatawag ka?" bungad na tanong niya sa akin.

"Pwede ka ba ngayon?" tanong ko sa kanya at umaasa na sumagot siya ng 'Oo'.

"Hmm, hindi, e. May pupuntahan kami ni mama, sasamahan ko kasi siyang mag-grocery. Bakit nasa mall ka ba?" untag niya sa akin.

"Oo, actually nasa labas na ako ngayon," sagot ko sa kanya at pilit na pinanormal ang boses, ayaw kong mag-isip siya ng kung ano sa kalagayan ko ngayon.

"Ah sige, mag-enjoy ka riyan. Babawi nalang ako next time. Tinatawag na ako ni mama, alis na raw kami. Ba-bye, Caelian. I love you. Ingat ka sa pag-uwi." Nagmamadaling sabi niya at pinatay na ang tawag.

Malakas na napabuntong-hininga ako at hindi ko maiwasan na ipakita ang lungkot na nararamdaman ko. Tinago ko na ang cellphone sa bag ko at tumayo na ako para maglakad muli.

Tinapon ko na ang yelo sa panyo ko nang maramdaman ko na ayos na ang pisngi ko at hindi na sumasakit. Nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang dalhin ako ng mga paa ko sa isang park na malapit sa mall. May naghahabulan, may nagkukuwentuhan, may naglalaro at may kumakain.

Ang tanging pinagkaiba lang namin ay…may kasama sila habang ako ay wala. Sarili ko lang.

Nakakatawa lang, kung kailan natin gusto mapag-isa doon may susulpot na tao para samahan tayo subalit kapag gusto naman natin na may kasama, lahat sila ay may pinagkakaabalahan kaya sa huli ay ikaw lang mag-isa.

Siguro kaya gano'n dahil para matuto tayong maging matatag sa sarili nating mga paa. Kahit ikaw lang mag-isa malalagpasan mo kung ano man ang pinagdaanan mo na walang tulong ng iba. Pero, mas masarap pa rin sana kung kahit hindi ka tulungan, basta nandiyan siya sa tabi mo ay sapat na. Para sa akin kasi, hindi ko naman talaga kailangan ng tulong, gusto ko lang ng taong magpapalakas ng loob ko. 'Yong nandiyan sa tabi ko at sasabihin sa akin na kaya kong lagpasan ang pagsubok na nasa harap ko.

"Ngumiti ka na. Alam kong kaya mo 'yan," napakurap ako at natigilan sa kinatatayuan ko. May nakaharang na isang dibdib ng lalaki sa harap ko kaya hindi ko na nakikita ang mga tao kanina. Iniangat ko ang ulo at sumalubong sa akin ang napakatamis na ngiti ni Damien.

"Ang lungkot ng mga mata mo at konting galaw na lang ay lalabas na ang mga luha," sambit niya na nakatingin sa mga mata ko at hinawakan iyon. "Kahit naman kasi gusto kitang tulungan sa kung ano man ang pinagdadaanan mo, hindi ko iyon magagawa dahil laban mo iyon. Pero, tandaan mo na sa bawat laban mo, nandito lang ako at handang sumuporta sayo," seryoso at madamdamin na sabi niya sa akin.

Nakatingin lamang ako sa kanya at pinakinggan ang bawat salitang lumalabas sa bibig niya.

Lumapit ako sa kanya at dahan dahan na isinandal ang pisngi ko sa dibdib niya kasabay no'n ay pagtulo ng mga luha ko.

Mga luha na pinaghalong kasiyahan at sakit.

Maraming salamat, Damien. Kung hindi ka dumating, hindi ko alam kung paano haharapin ang sakit na nararamdaman ko.

Hinawakan ni Damien ang magkabilang braso ko at pinaharap sa kanya. Bumungad sa akin ang malaking ngiti niya na pati ang mga mata niya ay kumikinang sa sobrang kasiyahan. Tinaas niya ang kamay niya at siya mismo ang nagpunas ng luha ko.

Tiningnan niya ang paligid bago muling binaling ang tingin sa akin.

"Masyadong maganda ang panahon para umiyak lang. Gusto mo maglaro tayo?" Ngiting ngiti na tanong niya sa akin.

***

NAKITA ko si Caelian sa isang park, pauwi na dapat ako ngunit napatigil ako nang makita ko siya. Nakatulala kasi siya at kahit malayo ako sa kanya ramdam ko ang lungkot na bumabalot sa kanya. Tumunog ang cellphone ko at si Kyrine ang tumatawag, sinabi niya sa akin kung puwede ko ba raw samahan si Caelian ngayon dahil hindi raw siya pwede.

At ito ako ngayon.

"Anong klaseng laro?" untag niya sa akin at ngumiti ako saka ko siya hinila sa sementadong daan. Ito ang daan kung saan nag jo-jogging ang mga tao.

"Mag bato bato pik tayo," mas lumawak ang mga ngiti ko.

Nakaka-miss maglaro!

Kumunot ang noo niya at ngumuwi sa akin.

"Bato bato pik? Ano tayo bata?" sambit niya na hindi mapigilan na mapangiwi. Sigurado kung ano-ano na pumapasok sa isip nito na salita.

"Oo nga! Maglalaro tayo ng bato bato pik!" usal ko na halata ang excitement sa boses.

"Okay sige. Last mo na 'to ah. Ang baduy mo mag isip ng laro," sabi niya na nakangiwi at ang talim na ng tingin niya sa akin.

Napangiti ako sa inaasal niya, atleast kahit paano ay nalimutan niya ang problema niya kahit saglit lang. Mas ayos na 'yong mabwiset siya sa akin kesa sa makita ko siyang umiiyak.

"Hindi 'to baduy, no. Ang larong pinoy ang pinaka masaya sa lahat ng laro! Saka hindi lang tayo maglalaro ng bato bato pick, may twist 'to!" mayabang at natutuwang sabi ko sa kanya.

"Sige, ano naman ang twist mo?" diniinan niya pa talaga ang sinabi niya at nanghahamon ang tono ng boses niya. Napataas ang kilay ko at tumaas ang sulok ng labi.

"Maglalaro tayo ng bato bato pik tapos kung sino ang nanalo ay hahakbang ng isang beses," marahan at nagpapaintinding sambit ko.

"Ah...Oh tapos?" untag niya.

"Nakikita mo iyon?" turo ko sa isang poste na may taong naka-blue ang nakasandal.

Sinundan niya ang tingin ko at tumango.

"Oo," sagot niya.

"Oh, diba nakita mo? Ibig sabihin may mata ka," sabi ko sa kanya na nagpipigil ng tawa ngunit hindi ko nakayanan kaya tumawa na ako ng malakas.

Sumeryoso ang mukha niya kaya humina ang tawa ko at tumikhim.

"Okay, seryoso na. Ang posteng tinuro ko sayo, ayon ang magsisilbing finish line natin at kung sino man sa ating dalawa ang maunang makarating do'n siya ang tatanghaling panalo," seryoso kong sambit.

"Ano naman ang premyo ng mananalo?" tanong niya sa akin at napangisi naman ako.

"Ito ang twist ng laro. Walang specific na premyo dahil kung sino ang mananalo siya ang magsasabi ng gusto niyang premyo at ang natalo naman kailangan niya iyon ibigay kahit ano pa 'yon," nakangising usal ko sa kanya at napatango tango naman siya.

Ano kaya ang gusto kong premyo? Alam ko na! Dalawang karton na supply ng Delmonte four seasons!

Gustong gusto ko iyon kaya sana talaga manalo ako.

Pero paano kung siya ang manalo? Ano ang ipapabili o kaya ipapagawa niya sa akin? Parang mali yata naisip ko, ah.

"Hey!" may pumitik na kamay sa harap ko kaya nagbalik ako sa katinuan. "Ang lalim ng iniisip mo, ha? Kanina pa ako nagsasabi na maglaro na tayo," bakas ang inis sa boses niya.

"Nagbago na ang isip ko. Gusto kong sabihin na natin ang mga gusto natin. Hindi ba mas maganda 'yon?" napakamot ako sa ulo ko.

Kumunot ang noo niya at napaisip. "Hindi na. Mas gusto ko yong unang sinabi mo. Tara mag-start na tayo"

"Ah ganon ba. O sige." matinding napalunok ako at unting-unti akong nakaramdam ng kaba.

Kailangan ko manalo. Dapat akong manalo.

"Game!" sigaw niya at hinanda na ang kamay sa harap ko kaya ginaya ko na rin siya.

"Bato bato pik!" sabay na sabi namin.

Siya naggunting habang ako ay nagbato.

Napangisi ako. Panalo ako! Whoo!

Humakbang ako at humarap sa kanya.

"Bato bato pik!" parehong sambit namin.

Nagpapel ako at siya naggunting.

Panalo siya kaya mayabang siyang ngumisi sa akin at humakbang.

Akala niya hahayaan ko siya manalo? No way! Sayang ang dalawang karton ng Delmonte four seasons ko!

Nagpatuloy kami sa paglalaro at sobrang dikit lang ng laban namin dahil kapag nanalo ang isa ay bumabawi naman ang isa.

At ito na kami ngayon, isang hakbang na lang ay may tatanghaling ng panalo.

Mas kinabahan ako.

"Isa na lang may mananalo na sa atin, sa tingin mo sinong mananalo sa atin?" nakangising sambit ko. Nararamdaman ko na malaki ang chance na ako ang mananalo.

"Let's see. Game na!" seryosong sambit niya.

Matindi ang talim ng tingin namin sa isa't isa habang nakahanda ang mga kamay namin. Halata na pareho kaming desidong manalo, pero ang tanong, ano ba ang dahilan niya kung bakit niya gusto manalo?

"Bato bato pik!" malakas na sabi namin na nakatingin sa isa't isa pagkatapos ay dahan-dahan na lumipat ang tingin namin sa kamay namin.

Nanghina ang mga tuhod ko.

Panalo siya!

Nagpapel ako habang siya naggunting.

Paanong nangyari ito? Bakit ngayon pa ako minalas sa paglalaro nito? Bakit?!

Bumagsak bigla ang pag-asa ko. Nawalan ako ng lakas.

Nanghihina na iniangat ko ang tingin ko sa kanya.

"Anong gusto mong premyo?" tanong ko sa kanya at sa isip ko ay binibilang ko na kung ilang pera ang laman ng wallet ko. Sana sakto ang pera ko sa gustong pabili niya sa akin.

"Diba, sabi mo kahit ano gagawin ng natalo sa laro?" seryosong tanong niya sa akin.

"Oo, A-Ano ba ang gusto mo?" napapalunok na tanong ko sa kanya.

"Gusto kong tuparin mo ang sinabi mo sa akin. Gusto kong pasayahin mo ako pagkatapos ng kuwento nating dalawa. Kahit ano man ang mangyari o kahit ano man ang humadlang, kailangan mo iyon tuparin," seryosong sambit niya na hindi inaalis ang tingin sa mga mata ko.

Hindi ako nakagalaw sa sinabi niya dahil hindi iyon ang inaasahan kong lalabas sa bibig niya.

Tumigil sa pagtibok ang puso ko ngunit ilang saglit lang ay tumibok ulit ito, mahina lamang sa una subalit habang tumagal ay mas lumalakas at kumakabog.