webnovel

Hemira 3

~Hemira~

"Mag-iingat ka Hemira sa iyong paglalakbay. Ikaw ang inaasahan namin upang iligtas ang prinsesa," sabi ni Ginoong Sueret sa akin.

Yumuko naman ako sa kaniya. "Makakaasa kayo Ginoo. Hindi ko po kayo bibiguin."

Nasa labas kami ngayon ng palasyo at ang dating berdeng-berde at puno ng mga halamang kalupaang ito ay ngayo'y tila inulan ng dugo at may mga nakakalat ring mga kalasag, espada at iba pang mga sandata sa pakikipaglaban.

Sumakay na ako sa puting kabayong ibinigay sa akin ni Ginoong Sueret upang aking magamit sa paglalakbay.

"Alam na ng kabayong iyan kung saan ka niya dadalhin dahil ginamitan ko siya ng mahika. Maaaring magtagal ng limang araw ang iyong paglalakbay patungong Syierian kaya kailangan mong tiisin ang pagod."

Tinanguan ko siya at napatingala ako sa palasyo. Kahit na isang buwan pa lamang ako sa pagiging heneral dito'y lubos akong naging masaya sa pamamalagi rito.

Tinanaw ko ang itaas na parte ng palasyo kung saan matatagpuan ang silid ng hari. Hindi ko inaasahan na makita roon ang pinakamataas na maharlika. Nakasilip siya sa bintana at nakatingin dito sa akin.

Yinukuan ko siya bilang pagpapaalam ngunit pagtingin kong muli ay wala na siya roon.

Inayos ko na ang malaking telang lalagyanan na nakasakbit sa aking likod. Ang tawag doon ay Lagan. Doon nakalagay ang mga gamit na aking kakailanganin sa paglalakbay at pati na rin ang mga pagkain.

Tumingin muli ako kay Ginoong Sueret na nakangiti sa akin. Nginitian ko rin siya saka ko na hinawakan ang lubid na nakakabit sa leeg ng kabayong aking sinasakyan. "Hiyaaahh!" Sinipa ko ang gilid ng tiyan ng kabayong ito at umungol naman ito saka tumakbo na nang mabilis paalis.

Lilisanin ko na talaga ang Gemuria. Ang kaharian na itinuturing na pinakamataas dito sa lupa. Tinitingala ito ng iba't-ibang nabubuhay mula sa ibang kaharian.

Ang hari nito na si haring Herman ay nagmula sa unang angkan ng mga maheya. Ang Primum. Sila ang pinakamalakas sa tatlong lahi ng puting maheya. Natatangi ang kanilang mahika ngunit kakaiba si haring Herman sapagkat siya ang napasahan na magtaglay noon ng kapangyarihang Regnum.

Ito ang kapangyarihang naipasa sa kaniya ng kaniyang mga ninunong nagtaglay rin niyon noon.

Ang batid ko naman ay ang mahal na reyna ay mula sa kaharian ng mga diwata. Siya'y isang tao ngunit inampon siya ng mga diwata roon kaya roon siya nanahan at lumaki.

Nahulog ang loob ng hari sa kaniya na noon ay prinsipe pa lamang. Marami ang tutol sa kanilang pag-iibigan sa mga panahong iyon sapagkat hindi maaari noon na pakasalan ng magiging hari ang isang inaakala nang marami na diwata dahil mayroon nang nakatakdang ipakasal sa kaniya at iyon ay isang babae na nagmula sa ikalawang angkan. Ang angkan ng Secundo.

Tradisyon na kung sino ang nagtataglay ng kapangyarihang regnum ay kailangang makipag-isang dibdib sa isang taong nasa ikalawang angkan ngunit ipinaglaban ng hari ang kaniyang pag-ibig kay reyna Devora kaya naman siya ang napangasawa ng hari at kasalukuyang reyna ng Gemuria.

Iyon ay ikinuwento lamang sa akin ng aking Nana.

Kami ng aking Nana ay galing sa ikatlong angkan na itinuturing na tagapagsilbi sa una at ikalawang angkan. Pati si Ginoong Sueret at Ginoong Remus ay kabilang din doon.

Sinubukan akong turuan ng aking Nana na gumamit noon ng mahika subalit wala talaga akong natutunan sa mga iyon. Ngunit kahit ganoon ay magaling naman ako sa pakikipaglaban at sa mga sandata. Akin pang nagapi ang dating heneral ng mga mandirigma sa isang kompetisyong pakikipaglaban sa kaharian kaya naman ako ang napili ni Ginoong Sueret na maging bagong heneral kahit na ako'y isang babae.

Isang buwan pa lamang ang aking pagiging heneral at nangyari na agad ang malaunos na pangyayaring ito sa aming kaharian. Nabihag ang aming prinsesa na si prinsesa Ceres. Isa siyang napakabuting dalaga at madalas niya akong kasama dahil ako ang napiling maging tagapagprotekta niya. Naging malapit ako sa kaniya dahil sa taglay niyang kabutihan kaya naman hinding-hindi ko matatanggap na mapaslang siya dahil sa aking kakulangan.

Ngayon, magsisimula na ako sa aking paglalakbay upang hanapin ang unang nabubuhay na kailangan kong isama sa pagliligtas sa kaniya.

Ayon sa papel ng sikreto, sa kailaliman pa ng karagatan ng Syierian ko matatagpuan ang nabubuhay na iyon at isa itong librong nakapagsasalita. Ito raw ang makapagtuturo sa akin ng daan patungo sa mga lugar ng iba pa naming magiging mga kasamahan at pati na rin ang aming pagpunta sa Abellon kung saan dinala si prinsesa Ceres.

Sinipa kong muli ang gilid ng tiyan ng kabayo upang tumakbo na ito nang mas mabilis.

Nasasabik na akong makilala ang isang maalamat na kalahating bagay at kalahating tao. Tatlong buwan lamang ang panahon na mayroon ako kaya kailangan kong magmadali dahil kapag mahuli ako sa pagsagip sa prinsesa, sasakupin na ng kasamaan ang aming kaharian at ang mundo.

~~Tagapagsalaysay~~

Pumunta si Sueret sa silid ng hari dahil siya'y may nais itanong rito.

Siya ang tagapag-alaga ng hari simula paslit pa lamang ito kaya naman malapit sila sa isa't isa at nagagawa niyang kausapin at tanungin ito nang walang pag-aalinlangan.

Kumatok siya sa pinto at agad namang bumukas iyon.

Ang hari ay nakatingin lamang sa labas ng bintana.

Yumuko siya rito kahit na nakatalikod ito sa kaniya. "Mahal na hari, ipagpaumanhin n'yo ang aking pagpunta sa inyong silid nang walang pagpapasabi ngunit may nais lamang akong itanong sa inyo na kanina pa bumabagabag sa aking isipan."

"Ayos lamang, Sueret. Nahulaan ko na, na ika'y magpupunta rito. Iwika mo na ang iyong nais itanong sa akin." Umalis na ito sa may bintana at humarap sa kaniya.

Iniangat na niya ang kaniyang mukha at tiningnan ito nang deretso. "Bakit si Hemira ang napili ninyong magligtas kay Prinsesa Ceres? Hindi ba't lubhang napakadelikado ng misyong iyon na buhay pa ng prinsesa ang nakataya? At isa pa haring Herman, hindi marunong gumamit ng mahika si Hemira. Paano niya matatalo si Abellona kung ang tanging alam niya lamang ay ang pagwasiwas ng kaniyang bakal na espada?" sunod-sunod niyang tanong dito sa lubos na pagkalito sa naging desisyon nito.

Ngumiti naman ito. "Batid kong naguguluhan ka rin sa aking naging desisyon na ang heneral nating iyon ang aking isinabak sa pagpunta sa Abellon ngunit noong bata pa lamang si Ceres at ako'y nasa isang paglalakbay upang bisitahin ang ibang kaharian ay isang matandang babae noon ang aming nasalubong sa aming paglalakbay."

Nangunot naman ang kaniyang noo. "Matandang babae?"

"Ganoon na nga. Sugatan siya at mawawalan na ng buhay kaya naman bumaba ako mula sa aking kabayo upang siya ay saklolohan ngunit sumambit siya sa aking tainga ng ilang mga salita na kagabi ay aking napanaginipan."

Puminta ang pagkausisa sa kaniyang mga mata. "Ano iyon, mahal na hari?"

Napa-isip naman ito na halatang inaalala ang isang bagay na napakamahalaga. "Isugo... pinuno na babae... prinsesang api... ililigtas sa pula... pinag-alayan ng katapatan... panibagong yugto ang mabubuksan... ikadalawangpu... Mababago na ang lahat-lahat. Iyon ang kaniyang binulong sa akin at doon ay nawalan na siya ng buhay."

Mas lalong nangunot ang kaniyang noo dahil hindi niya masyadong naintindihan ang mga sinabi nito.

Naglakad-lakad naman ito habang nasa likod ang parehong kamay. "Ang aking pagkakaintindi sa ilan niyang mga sinambit ay ang 'isugo... pinuno na babae' ay si Hemira sapagkat siya ang heneral at pinuno ng ating mga mandirigma. Ang 'prinsesang api' ay si Ceres. Ang 'iligtas sa pula' naman ay ililigtas ni Hemira si Ceres kay Abellona na isang pulang mangkukulam ngunit ang mga susunod pa roon ay hindi ko pa maisip ang tunay na nilalaman."

Napa-isip siya sa mga pinaliwanag nito sa kaniya. "Sa tingin ko, kamahalan ay isa siyang manghuhula at nahulaan niya ang mangyayaring ito sa ating kaharian."

"Tama ka. Iwinaksi ko lamang noon ang kaniyang mga sinabi na isang napakalaking pagkakamali kaya naman nangyari ito ngayon. Ang kaawa-awa kong Ceres. Sigurado akong takot na takot na siya ngayon at nag-iisa." Puno ng pagsisisi at pag-aalala ang mga mata nito.

"Kung gayon na si Hemira talaga ang tinutukoy ng matandang manghuhulang iyon na pinunong babae na magliligtas kay Prinsesa Ceres, kailangan ay magtiwala na lamang tayo sa kaniya haring Herman."

Napatango naman ang hari sa pagsang-ayon.

"Nang makita ko ang batang iyon, nakita ko sa kaniyang mga mata ang determinasyon na mailigtas si Ceres kaya naibigay ko na ng buo ang aking tiwala sa kaniya."