"Detention for two hours." Tiningnan ni Eyz ang nagsalita. Nakayuko ito at may kung anong sinusulat sa papel na hawak— na hula ni Eyz ay detention slip. Medyo nasilaw siya sa salamin nito nang tumama ito sa sinag nang araw, hindi siya pamilyar kay Eyz at hindi din naman siya si Kevin kaya bakit siya binibigyan nang detention slip nito?
Siguro ay baliw na 'to. Sa isip ni Eyz.
Ang alam niya kasi ay Student Council President lang ang may karapatan na magbigay nang detention slip, dalawa na ba ang President? Or nagpalit na? Bakit hindi siya na-inform? Napaka-outdated niya naman sa nangyayari sa University na pinapasukan niya. Siguro kailangan na niyang maging isang mabait na estudyante para naman hindi siya nahuhuli sa mga balita sa pinapasukan niyang University.
"Violation, fighting outside the Arena'' At inabot nito kay Eyz ang detention slip. Tinanggap naman 'yon ni Eyz at binasa ang nakapirma sa 'Sender' o ang nakahuli sa violator— which is si Eyz.
Walter Israfel Finn
Wow, nahiya pa ang nagpangalan sa kaniya. Dapat tinanggal na ang 'l' para water na lang. Ang talino naman nang magulang nito. Parang magulang lang ni Watch, siguro magkamag-anak ang mga magulang ng dalawang 'to.
At anong arena ang pinagsasabi niya? Baliw na siguro siya.
"Pinagsasabi mo boy?" Adik na siya sa paningin ni Eyz. Dahil sa pinagsasabi nito na wala namang sense. Kung may signal lang talaga ang cellphone niya ay matagal na siyang tumawag sa mental hospital, halos lahat nang mga nakakasalamuha niya ay mga baliw. Sayang naman ang ganda niya kundi mga baliw ang nakapaligid sa kaniya. Ang dapat sa isang magandang tulad niya ay nasa isang lugar kung saan matitino ang tao, hindi mga baliw.
Nagulat si Eyz nang slight nang biglang lumuhod si Aaron at hinawakan ang kamay ni Walter. Nagpro-propose 'ata siya. Tsk. Sayang naman kung gano'n pareho pa namang guwapo. Maraming manghihinayang kapag nagkataon. Issue din 'to. Magiging live audience pa 'ata si Eyz sa proposal nang dalawang lalaking nagmamahalan. Dapat na ba siyang matuwa? O hindi?
"Boss, wala naman akong kasalanan. Siya lang ang nagdala sakin dito. Maniwala ka boss." Nanghinayang naman si Eyz dahil mali pala siya. At the same time ay nainis din dahil sinisi pa siya. Ugali din nitong lalaking 'to e. Hindi naman sila mapupunta dito kung hindi niya ininis si Eyz.
"Gago." Bulong ni Eyz. Narinig 'yon ni Walter kaya napatingin siya kay Eyz. Tumaas ang kilay niya, kababaeng tao ay nagmumura. Sayang maganda pa naman. Sa isip ni Israfel.
Tinaasan din siya nang kilay ni Eyz, hindi siya papatalo. Competitive 'ata si Eyz.
"Hoy, nasa'n na ba ang punyetang detention na 'yan?" Barumbadong tanong ni Eyz. Ayaw man niya na pumunta do'n ay pupuntahan niya na lang. Pangalawang beses na kasi siyang nabibigyan nang detention slip, baka gusto nang magpabisita sa kaniya nang detention. Pagbibigyan na niya.
"Building D, third floor. Last room." Walang emosyon na saad ni Walter. Wow, ang tipid naman nitong magsalita. Parang may bayad ang pumalabas na salita sa bibig. Bigyan kaya niya nang dos? Pero biglang nagbago ang isip ni Eyz, 'wag na pala paubos na din pala ang allowance niya.
Ang layo pala nang pupuntahan ni Eyz. Ayon kasi sa school map ay malayo ang building D sa iba pang mga building. Kumbaga ay ito ang pinakamalayo na para bang sinadya.
"K." 'Yon lang ang sinabi ni Eyz at umalis na siya. Ma-pride at competitive siya kaya gano'n, hindi siya papatalo. Hindi lang naman si Israfel ay may kayang maging masungit.
Habang si Eyz ay naglalakad papunta sa building D kung nasaan ang detention room, si Watch naman ay panay ang silip sa mga madadaanan niyang classroom.
Kanina niya pa hinahanap si Eyz, pero hanggang ngayon ay hindi niya pa rin ito makita. Hindi niya tuloy maiwasan na mapaisip na baka gumagawa na naman ng kalokohan si Eyz. Nagsisisi na siya kung bakit hinayaan niya na mawala sa paningin niya si Eyz.
Nang mapagod ay umupo siya sa ilalim ng puno, at inis na napakamot sa ulo. Hindi niya na alam kung saan niya pa hahanapin si Eyz. Bakit kasi masyadong pasaway si Eyz? At hindi na lang matahimik sa isang lugar?
Napatayo si Watch nang makita a ng isa sa mga kaklase ni Eyz, napakunot ang nuo ni Watch nang makitang may dugo ito sa labi at may kasama itong isang lalaki na seryoso at diretso lang ang tingin sa daan.
"Aaron!" Malakas na sigaw ni Watch at kumaway kay Aaron.
Gulat na napatingin si Aaron kay Watch na kumakaway sa kaniya na para bang matagal na silang magkakilala.
"Bakit?" Nagtataka niyang tanong. Ngumiti naman si Watch at saglit na tiningnan ang kasama ni Aaron, bago ibinalik ang tingin kay Aaron.
"Alam mo ba kung nasa'n si Eyz?"
Nag-iwas ng tingin si Aaron kay Watch. "E-ewan ko, hindi naman ako hanapan ng nawawalang tao." Pagdadahilan niya.
Napakamot naman si Watch sa ulo, bahagya siyang nainis sa sagot ni Aaron. Maayos naman ang pagkakatanong niya, pero bakit kailangang pabalang ang sagot nito? Wala ba itong manners?
"Nagtatanong lang naman, napaka-pilosopo mo hindi ka naman matalino." Inis na saad ni Watch.
"Ha?" Hindi maintindihan ni Aaron ang sinabi ni Watch.
Ngumisi naman si Watch, "'Di ba? Hindi ka matalino dahil hindi mo na-gets ang sinabi ko, kaya 'wag kang pilosopo." Umalis na si Watch at hindi na pinansin pa si Aaron.
Si Eyz naman ay inabot nang thirty minutes bago makarating sa building D, at mga nine minutes din sa pag-akyat sa third floor dahil as usual ay sira ang elevator kaya kailangan niyang maghagdan. Medyo nag-alangan pa nga si Eyz sa pag-akyat dahil ang creepy nang lugar. Patay sindi ang ilaw at walang mga tao.
Ang sarap ireklamo sa DepEd ang may-ari nang school na pinapasukan niya. Una kinakalawang ang mga gate at bakal, pangalawa marumi ang paligid, pangatlo ay sira ang mga elevator, at ang pang-apat ay sira ang mga ilaw.
Nagpatayo pa nang school hindi naman kayang panindigan at alagaan. Nang makarating sa pinakadulo ay nakita ni Eyz ang dalawang lalaki na nakabantay sa isang kulay itim na pinto. Ibinigay niya ang detention slip at pinapasok siya sa loob.
Pagpasok pa lang ni Eyz ay napatakip na siya sa ilong, ginamit niya ang blazzer na medyo madumi na. Amoy kalawang at malansa na ewan, dito ba sila naglilinis nang isda? Grabe wala silang proper hygiene. Wala pang ilaw kaya nahihirapan si Eyz na makakita. Kaya siguro takot na takot si Jollibee kanina dahil alam niya na kung anong meron sa loob nang detention slip, hindi man lang siya sinabihan.
Speaking of Jollibee, nakalusot 'ata 'yon dahil hindi man lang sumunod kay Eyz. Unfair 'yung tubig na 'yon ah. Reklamo ni Eyz sa isip. Porke't lumuhod sa kaniya si Jollibee ay hindi na pinapunta sa detention room.
May discrimination na nagaganap.
Dahan-dahan na naglalakad si Eyz, hindi naman kasi pwedeng tumakbo siya dahil baka madapa siya. Hindi siya tanga para gawin 'yon.
Sa sobrang ingat niya maglakad ay… nadapa pa rin siya. Natalisod siya nang isang matigas na bagay. Umayos siya nang upo at hinimas ang nananakit na tuhod, kahit hindi niya nakikita ang tuhod niya ay alam niya na namamaga ito, at ang masama ay baka nagdudugo pa dahil may nahawakan siyang likido.
Ah… Napaka-malas niya ngayong araw. Sana bukas ay hindi na.
Kinapa-kapa niya ang nakatalisod sa kaniya. Isang pahabang bagay, magaspang at parang buto. Naibato ito ni Eyz nang ma-realize na buto nga ito. Ilang beses pa siyang napamura. Nagdadasal na sana ay hindi ito buto nang tao at buto lang nang hayop.
Mom, ano ba 'tong school na pinasukan ko? Bakit sa dami nang pwedeng pag-enrollan ay dito pa siya ini-enroll nang nanay niya? Ayos na siya sa Christian School o kaya naman ay all girl's school, basta 'wag lang dito.
Napaka-malas niya talaga ngayong araw. At isa lang ang na-realize ni Eyz, nasa huli ang pagsisisi dahil 'yon na ang nangyayari sa kaniya ngayon. Nagsisisi na siya.
****