webnovel

Camino de Regreso a Ti

Si Juliet ay isang mag-aaral ng medisina sa kasulukuyang panahon at magtatapos na sana sa susunod na taon nang madawit siya nang hindi inaasahan sa paglalakbay ng isang misteryosong lalaki. Napunta siya sa mundong malayo sa mundong kaniyang kinagisnan. Makabalik pa kaya siya sa sarili niyang mundo o matututunan na rin niyang mahalin ang bagong mundong kabibilangan niya?

PlayfulEros · Sejarah
Peringkat tidak cukup
98 Chs

Epílogo

Capítulo Especial

¤¤¤

Pagkatapos hirangin bilang pangulo ng republika, ninais ni Manuel Fernandez mapag-isa. Pumunta siya sa puntod ng kaniyang Kuya Fernan at naupo rito. Tumingala siya upang pagmasdan ang kalangitan.

Sabi nila, nakikita raw tayo ng ating mga pumanaw na minamahal mula sa itaas.

"Nakikita mo ba ako, Kuya Fernan?" Kaway ni Manuel sa kalangitan.

"Presidente na ako ng republika." sabi pa niya at humarap na sa puntod ng kuya.

"Tingin mo ba... magiging mabuting pinuno ako?"

Tinanggap ni Manuel ang pagkapanalo bilang pangulo sapagkat alam niya at naniniwala siyang alam niya kung ano ang mga dapat at hindi dapat niyang gawin. Isa pa'y pinagkakatiwalaan siya ni Niño, na siya ang nararapat maluklok sa puwesto.

Napakunot ang noo ni Manuel nang may makita sa puntod ng kuya. Kinuha niya ito at nagulat nang mapagtanto kung ano ito. Ito ang kwintas ni Juliet. Dahil sa kwintas ay naalala ni Manuel ang araw ng pangalawang kasal ni Juliet at Angelito Custodio.

"Wala ka ba talagang gagawin?" tanong ni Manuel kay Fernan na ngayon ay inaayos ang pagkabutones ng kaniyang uniporme.

"Huwag ka nang mag-alala, Manuel." Hawak ni Fernan sa balikat ng kapatid pagkatapos niyang magbutones.

"Babalik si Niño kay Juliet." Ngiti nito sa kaniya, isang malungkot na ngiti.

"A-Anong ibig mong sabihin? W-Wala na si Kuya Niño, paano—"

"Buhay si Niño." putol ni Fernan sa sasabihin ni Manuel at inalis na rin ang pagkakahawak sa balikat nito.

Sandaling napatingin sa lapag si Manuel, hindi makapaniwala sa narinig. Napakaraming katanungan ang biglang nagsulputan sa kaniyang isip. Paanong nangyaring buhay pa ang heneral? Anong nangyari? Bakit nila pinalabas na patay na ito? Kung buhay pa nga ito, nasaan ito ngayon? Pero sa kabila ng mga katanungan sa utak ni Manuel, iba ang katanungang lumabas sa kaniyang labi.

"Paanong babalik si Kuya Niño kay Binibining Juliet? Ikaw ba ang gagawa nito? Ikaw ba ang magdadala kay Kuya Niño kay Binibining Juliet?" Tumangu-tango si Fernan at nanatili nang nakayuko.

"N-Ngunit... mahal mo si Binibining Juliet, Kuya." nasabi ni Manuel. Itinaas na ni Fernan ang kaniyang ulo at tumingin sa kapatid.

"Gano'n naman talaga, hindi ba? Pipiliin natin kung saan liligaya ang taong pinakamamahal natin. Kahit masakit, kahit na mahirap." Ngiti nito pero halata sa mga ngiting iyon ang tinatagong sakit at kalungkutan.

Sandaling nagtitigan ang magkapatid. Ilan sandaling naghari ang katahimikan nang basagin ito ni Fernan.

"Kapag... nawala ako..." Agad na nagsalubong ang kilay ni Manuel sa mga salitang binigkas ni Fernan ngunit hinintay niyang tapusin ng kapatid ang nais nitong sabihin.

"...gabayan mo si Niño ha?" Ngiti ni Fernan sa nakababatang kapatid.

"Alam mo namang masiyadong malambot ang puso ng Kuya Niño mong iyon. Gabayan mo siya sa mga bagay na masiyado siyang malambot at maamo. Tandaan mo na ang lahat ng emosyon ay may tamang oras at pagkakataon."

"Ano b-bang nais mong ipahiwatig, Kuya?" Lumapit si Fernan kay Manuel at inilapag ang magkabila niyang kamay sa magkabilang balikat ng kapatid.

"Sundalo kami, Manuel. Bawat araw, bawat labanan, ay may panibagong tinik na tumutusok sa aming mga lalamunan. 'Mamamatay na ba ako ngayon? Ito na ba ang huling labanan na kabibilangan ko?' Siguro'y lahat kami'y naisip na 'yan sa tanang buhay namin. Hindi malayong bukas, sa susunod na linggo, sa susunod na buwan, o hindi kaya'y mamaya ay may masawi sa amin. Maaaring si Andong, si Niño, o ako. Hindi natin alam."

"Pero isang bagay ang sigurado ako. Ito ay kung mamatay man kami, namatay kami nang may kadakilaan. Namatay kami para sa katarungan at kalayaan. At iyon ay habang-buhay mong dapat ipaglaban, Manuel."

Tumatak ang mga salitang 'yon kay Manuel kahit pa hindi niya ito lubos na maunawaan noong mga panahong iyon. Isa iyon sa mga pinanghahawakan niya nang tanggapin niya ang pagkapangulo, ang mga salita ng kaniyang kuya na isang sundalong namatay para sa bayan at pag-ibig.

"Huwag kang mag-alala, Kuya. Itatabi ko ito para sa iyo." wika ni Manuel na hawak-hawak ang kwintas na pinulot mula sa puntod ni Fernan.

Pagkatapos ng anim na taon na panunungkulan bilang pangulo, bumaba na rin si Manuel sa kaniyang puwesto at hinayaan ang sumunod na pangulo na ipagpatuloy ang kaniyang mga nasimulan. Nagpatuloy bilang mamamahayag at manunulat si Manuel. Nagsulat siya sa mga diyaryo at iba pang mga pahayagan at nagsulat din siya ng iba't ibang aklat maging mga nobela.

Pagkauwi ay sinalubong si Manuel ng kaniyang mga pamangkin na sina Carlos at Felipe.

"Tiyo Manuel!" tuwang-tuwang bati ng mga ito sa kaniya nang makita siya at niyakap siya. Si Carlos ay ang limang taong gulang na panganay na anak ni Mateo at si Felipe naman ang bunso na tatlong taong gulang pa lamang.

"Basahin mo po ulit ito sa amin, Tiyo." Abot ni Carlos ng librong sinulat mismo ni Manuel.

Natawa si Manuel nang makita kung anong libro ang iniabot sa kaniya ng pamangkin.

"Ngunit kuwento ito ng pag-ibig, umiibig na ba kayo?" tanong ni Manuel sa mga bata na tinawanan ng mga ito at nagkulitan na sila.

Pagkatapos ay sinunod din ni Manuel ang gusto ng mga bata. Binuksan niya ang aklat habang nakahiga silang tatlo sa kama at kinuwento nga niya ang buong aklat sa mga ito. Hindi niya ito binasa sapagkat masyado itong mahaba bagkus ay nililipat-lipat lang niya ang mga pahina habang kinukuwento sa mga bata ang istorya ng sinulat niyang libro habang aliw na aliw naman ang mga itong makinig sa kaniya.

". . . . at bumalik ang heneral sa kaniyang tanging pag-ibig." Sara ni Manuel sa libro. Napatingin siya sa mga pamangkin na nakasandal sa dibdib niya at bahagyang natawa nang makitang mahimbing nang natutulog ang mga ito.

"Magpapabasa tapos tutulugan ako." natatawang pailing-iling na sabi ni Manuel at maingat na gumalaw upang ipatong ang aklat sa katabing mesa atsaka inayos ng higa ang dalawang bata.

Kagaya ng kuwento ng sundalong nagbigay ng kongming sa kaniyang kasintahan, binigyan ni Manuel ng magandang wakas ang istorya ng heneral at dalagang nagmula sa kasalukuyan. Ang nobela niyang ito ay pinamagatan niyang Camino de Regreso a Ti.

Isinalin ito sa Tagalog sa pamagat na Pagbabalik Sa'yo na isinalin din sa wikang Ingles at pinamagatang Way Back To You.

~fin